Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Gusaling Binuksan sa Publiko na Nakaantig sa mga Puso

Isang Gusaling Binuksan sa Publiko na Nakaantig sa mga Puso

Isang Gusaling Binuksan sa Publiko na Nakaantig sa mga Puso

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ALEMANYA

“NAPAKAGANDA! Ang galing!” “Salamat sa pagkamapagpatuloy ninyo at sa magagandang eksibit. Talagang komportable kami.” Ano ang umantig sa napakaraming bisita para magpahayag ng ganitong pasasalamat? Ang pagbubukas ng gusali noong dulo ng sanlinggo na ginanap sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Sa loob ng tatlong araw, mula Biyernes, Mayo 24, hanggang Linggo, Mayo 26, 2002, ang mga pasilidad sa Selters-Taunus ay binuksan sa publiko para pasyalan ng mga bista at nang makahalubilo ang mahigit na 1,000 boluntaryo sa sangay na gumugunita sa ikasandaang taóng anibersaryo ng tanggapang pansangay sa Alemanya.

Sabik na sabik na nakibahagi sa pantanging kampanya sa pag-aanyaya ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na nasa paligid ng tanggapang pansangay. Dalawang linggo bago ang pantanging okasyong ito, mahigit na 100,000 imbitasyon ang ipinamahagi sa mga tao o iniwan sa kanilang mga tahanan. Sinuportahan ang kampanyang ito ng mga anunsiyo at mahahabang artikulo sa mga pahayagan at ng mga pagsasahimpapawid sa radyo. Binigyan ng personal na imbitasyon ang mga tagasuplay ng mga gamit sa sangay at ang mga opisyal. May kabuuang mahigit na 7,000 ang tumanggap sa paanyaya​—marami-raming di-Saksi ang pumunta.

Naglibot ang mga bisita sa buong palimbagan, bookbindery, departamento ng shipping, mga pagawaan, at laundry, gayundin sa mga bahagi ng gusali ng administrasyon. Ipinabatid ng mga eksibit sa mga tao ang tungkol sa matatag na paninindigan sa mga simulain ng Bibliya na ipinakita ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya sa ilalim ng mga pamamahala ng Nazi at ng Komunista. At pinagtuunan ng pansin ng isang eksibit sa Bibliya na may 700 displey ang paggamit sa pangalan ng Diyos na Jehova. Imposibleng ulitin ang lahat ng narinig na mga komento ng pasasalamat, subalit ipinakita namin dito ang pilíng mga kapahayagan ng pasasalamat.

“Napakapalakaibigan ng lahat dito. Napakalinis at napakasinop ng mga bagay-bagay. Tugmang-tugma ang lahat ng bagay​—ang mga taong nakatira rito at ang kapaligiran. Sana’y mahawa kami sa inyong pagiging palakaibigan.”​—Isang may-edad nang mag-asawa.

“Salamat sa masarap na pagkain at sa pag-aasikaso sa amin sa napakabait at palakaibigang paraan. Talagang nasiyahan kami, at gusto naming bumalik muli. Ang mga tao rito ay talagang napakababait!”​—Isinulat sa libro para sa mga panauhin (guest book) ng isang grupo mula sa kolehiyo para sa teknolohiya ng paggawa ng salamin.

“Maraming salamat sa mainit na pagtanggap ninyo sa amin sa inyong mga pasilidad. Talagang kawili-wili iyon para sa [amin]. Hangang-hanga kami sa mga taong nangangasiwa sa mga departamento ng laundry at dry cleaning, dahil wala pa kaming nakitang gayon kalinis at kasinop na mga pasilidad.”​—Isang E-mail mula sa kinatawan ng kompanya ng sabon at kagamitan sa laundry.

Ganito ang ikinuwento ni Eva, na nagsilbing tour guide: “Sa tuwing may inililibot akong mga bisita, laging may nagsasabi ng ganito tungkol sa mga silid-tulugan: ‘Teka kukunin namin ang aming mga maleta. Dito na kami titira!’”

Habang sinusuri ng isang babae na nasa de-motor na silyang de-gulong ang krokis ng mga pasilidad, nagtanong ang isang boluntaryo kung ano ang maitutulong niya sa babae. “Wala naman!” ang sagot ng babae. Sinabi ng babae na limang oras na siyang nasa loob ng pasilidad at ang totoo ay hindi na siya makaupo nang tuwid. Karaniwan nang nakaratay siya sa banig ng karamdaman, at namimilipit siya sa sakit noon. Gayunman, sinabi niya: “Puwede naman akong mahiga na lamang sa bahay, pero minsan lang mangyaring buksan ang gusaling ito sa publiko!” Sinabi pa niya: “Totoong kawili-wili ang lahat ng bagay kaya gusto kong matiyak na nakita ko ang lahat!”

Tinanong ang batang si Georg, mga limang taóng gulang, kung ano ang nagustuhan niya sa lahat. Dahil sa tuwang-tuwa sa mga makina para sa mga rotary printing press, ganito ang sabi niya: “Ang rolyo ng mga papel! Ilalagay nila sa isang dulo ang mga ito at pagkatapos ay lalabas ang mga iyon na mga diyaryo na sa kabilang dulo. Ang galing-galing!”

Isang Saksi ang labis na nasorpresa. Ang kaniyang asawang lalaki, isang di-Saksi na minsan lamang nakadalo sa Kristiyanong pagpupulong, ay pumayag na sumama sa pagdalaw sa gusaling binuksan sa publiko noong Sabado. Noong Linggo nang umuwi ang kaniyang maybahay galing sa pulong ng kongregasyon, bihis na bihis siya at handa nang umalis. “May lakad ka yata, ah?” ang tanong ng kaniyang asawang babae. “E, hindi ko masyadong nakita ang lahat kahapon,” ang sagot niya. “Kaya kapag handa ka na, pupunta tayo sa Selters. Gusto kong makitang mabuti iyon.”

Sa eksibit ng mga Bibliya, isang may-edad nang ginang na bihis na bihis ang nahihiyang nagtanong kung may magagamit siyang telepono sapagkat may mahalaga siyang tatawagan. Ang totoo, ang kaniyang asawa ay nagbu-bookbind, na nagsasanay mabuti sa pag-aayos ng lumang mga aklat. Silang mag-asawa ay laging may kahalubilong mga taong mahilig sa aklat, ang isa sa mga ito ay isang pastor na Protestante, na napakahilig mangolekta ng Bibliya. Isa siya sa gustung-gusto niyang tawagan. Yamang wala sa bahay ang pastor, nag-iwan siya ng mensahe sa kaniyang answering machine: “Siguraduhin mong pumunta rito ngayong araw hangga’t maaari. Alam kong wala ka pang nakitang gaya nito. Huwag mong palampasin!”

Isang mag-asawa kasama ang kanilang anak ang bumisita mula sa kalapit na bayan ng Limburg. Wala silang kaalam-alam tungkol sa mga Saksi ni Jehova hanggang sa tumanggap sila ng isang imbitasyon sa kanilang tahanan. Ipinasiya ng mag-asawa na pumunta at tingnan ang malalaking pasilidad na ito sa Selters. Nakilala sila nina Marlon at Leila, mga boluntaryo sa sangay ng Alemanya, at ipinaliwanag sa kanila nang higit ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova at ang buhay sa tanggapang pansangay. Hangang-hanga ang pamilya anupat hiniling ng mga magulang na may dumalaw sa kanila upang magdaos ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.

“Talagang kasiya-siya iyon at nakatutuwa. Ang palimbagan lamang ang nakita ko, pero napakaganda talaga niyaon. Ang husay talaga ninyo, palakaibigang mga tao, at iyan ang gusto ko.”​—Stefanie (12 taóng gulang), isinulat sa libro para sa mga panauhin.

Ganito ang sabi ng isang babae sa kalapit na nayon: “May sasabihin ako sa inyo. Ako’y isang Muslim, pero gustung-gusto kong makita kung ano talaga ang mayroon dito. Napakapalakaibigan ninyong lahat at masasaya. Ipinadama ninyo sa amin [na mga banyaga] ang mainit na pagtanggap sa Alemanya. Interesado kayo sa mga tao. Kahanga-hanga iyan! Babalik ako muli bukas kasama ang asawa ko.” Sa libro para sa mga panauhin, isinulat niya: “Napakahusay talaga! Pakiramdam ko’y nasa Paraiso ako.”

Naulinigan ng drayber ng isa sa mga naghahatid na bus na paroo’t parito sa paradahan at mga pasukan ang isang pasahero na nagsabi sa kausap niya: “Totoong napakapalakaibigan nila! Akalain mo, wala man lang akong kaalam-alam kung ano ang ginagawa rito. Dito ko na lang nalaman kung ano ginagawa ng mga taong ito. Tingnan mo kung paano sila gumawi. May kaugnayan iyan sa kanilang pagsasanay sa relihiyon at edukasyon.”

Dalawang oras pagkatapos na magsara ang gusali, paroo’t paritong naglalakad ang isang lalaki sa bakuran sa harap ng gusali ng administrasyon. Nag-iisip siya nang malalim at umiiling-iling at saka titingin sa gusali. Pagkatapos ay nilapitan niya ang isang boluntaryo sa sangay, na ang sabi: “Makikita mo na ang lahat ng bagay rito ay ginawa dahil sa pag-ibig. Hindi ako Saksi ni Jehova, pero hinahangad kong pagpalain kayo ni Jehova.”

At isang Saksi ang sumulat: “Sa maikling liham na ito, ibig kong ipaabot sa inyo ang aking taos-pusong pasasalamat. Pinagbuhusan talaga ninyo ng pagod upang maging kasiya-siya hangga’t maaari ang mga araw na bukás ang gusali sa publiko. . . . Sa kabuuan, isa itong patikim sa panahon kapag ang buong sangkatauhan ay mamumuhay nang sama-sama sa pagkakaisa! . . . Tunay na nagbigay ng kaluwalhatian sa ating Diyos na Jehova ang mga araw na ito na bukás ang gusali sa publiko.”​—Sandra.

[Larawan sa pahina 23]

Serbisyo ng sasakyang tagahatid-sundo para sa mga may-edad na, may kapansanan, o pagod lamang

[Larawan sa pahina 23]

Isang displey ng mga paraang ginamit noon sa pangangaral

[Larawan sa pahina 23]

Maligayang pagdating sa aming gusali

[Larawan sa pahina 24]

Ipinaliwanag ng isang boluntaryo ang teknolohiya sa simpleng mga pananalita

[Larawan sa pahina 24]

Eksibit ng mga Bibliya