Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nanganganib ang mga Oso sa Polo
“Ang buhay ng oso sa polo ay lubhang nanganganib dahil sa pag-init ng klima,” ang sabi ng Nassauische Neue Presse ng Alemanya, na iniuulat ang pagsusuri ng World Wildlife Fund (WWF). Ayon sa WWF, lumiliit ang dagat ng yelo sa Artiko, o pack ice—ang pangunahing tirahan at pinagkukunan ng pagkain ng mga oso sa polo—bunga ng mas mainit na panahon. Sinasabi ng mga dalubhasa na ang karaniwang temperatura ng hangin sa Artiko ay “tumaas nang 5 digri [Celsius] [9 na digri Fahrenheit] sa nakalipas na 100 taon.” Bukod pa riyan, “ang pack ice ay nabawasan nang 6 na porsiyento sa nakalipas na 20 taon,” at “inaasahang mababawasan nang 60 porsiyento ang dagat ng yelo sa tag-init sa taóng 2050.” Dahil sa lumiliit ang dagat ng yelo at mas mahahabang yugto ng panahon na walang yelo, nababawasan ang pagkakataon ng oso sa polo na makapaghanap ng pagkain kung kaya hindi ito makapagtipon ng kinakailangang reserbang taba. Ang pinakaapektado ay ang mga buntis na oso at mga batang oso. Sa ilang lugar ay “hindi natagalan ng kahit kalahati man lamang ng mga batang oso ang napakahabang yugto ng panahon na walang yelo,” ang ulat ng pahayagan. Ang iba pang kinakaharap na mga problema ng mga oso ay ang “pangangaso, nakalalasong mga kemikal, at polusyon sa langis.”
Nakahahadlang ang mga Eukalipto sa mga Cell Phone
“Sa maraming bahagi ng [estado ng New South Wales], malimit na mas mahinang gumana ang mga tore ng transmisyon ng mga cell phone doon kaysa sa mga tore ng transmisyon sa Europa at Estados Unidos,” ang sabi ng pahayagang Sydney Morning Herald ng Australia. Pinakakapansin-pansin ang problema sa kahabaan ng Ilog Murray sa gawing timog ng estado. Bagaman patag naman ang rehiyon, “kilalang-kilala ito dahil sa napuputol ang mga komunikasyon dito, o hindi kailanman nagkaroon ng signal dito.” Ang may kagagawan nito, ayon sa ulat, ay waring ang “mayayabong na red gum [mga eukalipto] na nakahanay sa ilog ng Murray.” Si Roger Bamber, isang direktor ng kompanya ng telekomunikasyon, ay “naniniwala na may kinalaman ito sa hugis, laki at halumigmig na taglay ng mga dahon ng eukalipto na mas mahusay na nakasasagap ng inilalabas na radio frequency ng cell phone kaysa sa iba pang mga puno,” ang sabi ng Herald.
Nakapipinsala sa Bagà ang Pagpapasalin ng Dugo
“Ang mga taong sinasalinan ng mga produkto ng dugo, lalo na ng mga produktong nagtataglay ng plasma, ay nanganganib na magkaroon ng transfusion-related acute lung injury (TRALI) [o talamak na pinsala sa bagà may kaugnayan sa pagsasalin ng dugo],” ang sabi ng FDA Consumer, isang babasahin ng U.S. Food and Drug Administration. Ang kalagayang ito ay maaaring humantong sa kamatayan kapag hindi nasuri at nagamot nang wasto. “Ang TRALI ay nagaganap kapag nagkaroon ng reaksiyon ang mga antibody ng puting selula ng dugo ng nagkaloob sa puting mga selula ng dugo ng sinasalinan, anupat nagiging sanhi ng pagbabago sa himaymay ng bagà kaya pinapasok ito ng likido. Ang karamihan sa mga nagkaroon ng reaksiyon ng TRALI na nagmula sa nagkaloob ng dugo ay mga babae na mahigit sa dalawa ang anak o mga nagkaloob na paulit-ulit nang nasalinan ng dugo. Kasali [sa mga sintomas] ang lagnat, pangangapos ng hininga, at pagbaba ng presyon ng dugo. Malimit na ipinakikita ng mga x-ray na puting-puti na ang mga bagà ng sinalinan ng dugo.”
Nalasong mga Bubuyog
“Makakakain pa kaya tayo ng pulot-pukyutan mula sa Pransiya sampung taon mula ngayon?” ang tanong ng magasing pambalita na Marianne sa Pransiya. Milyun-milyong bubuyog ang namamatay dahil sa pagkalason tuwing tagsibol, na sanhi ng pagbaba ng pambansang produksiyon ng pulot-pukyutan mula sa 45,000 tonelada noong 1989 tungo sa 16,000 tonelada noong 2000. Sa loob ng isang linggo, napinsala ang 450 bahay-pukyutan ng isang nag-aalaga ng bubuyog—22 milyong bubuyog ang namatay! Sinisisi ng maraming gumagawa ng pulot-pukyutan ang pang-agrikulturang mga kemikal gaya ng mga pestisidyo, lalo na ang mumurahin at mas matatapang na produkto na ilegal na inaangkat. Dinaragdagan pa nga ng ilang magsasaka ng nagamit nang langis ng makina o mga sangkap na pampaputi ang kanilang mga kemikal upang lalo itong maging mabisa! Kung walang hakbang na gagawin dito, “nanganganib na maging isang alamat na lamang ang pulot-pukyutan sa Pransiya,” ang sabi ng Marianne.
Hindi Tiyak ng mga Bata ang Tungkol sa Kamatayan
“Kapag namatay ang isang tao, sa palagay mo ba’y mabubuhay muli ang taong iyon?” Iyan ang itinanong ni Propesor Hiroshi Nakamura ng Japan Women’s University, sa 372 estudyante na nasa ikaanim na baitang sa elementarya. Sangkatlo ang sumagot ng oo, at ang iba pa na sangkatlo rin ang dami ay hindi nakatitiyak, ang ulat ng pahayagang Sankei Shimbun ng Tokyo. “Ang kaisipang ito ay maaaring nagmula sa mga laro sa computer, kahit na mamatay ang bida, ang kailangan lamang gawin ng isa ay pindutin ang buton ng reset at maaari nang magsimulang muli,” ang sabi ng pahayagan. Ayon sa propesor, “ipinakikita [ng surbey] na maraming estudyante sa ikaanim na baitang sa elementarya ang walang tumpak na kaunawaan sa kung ano talaga ang kahulugan ng kamatayan.” Iminungkahi niya na ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak ang tungkol sa kamatayan sa pamamagitan ng paghahantad sa kanila sa pagkamatay ng mga alagang hayop at pagdalaw sa kanilang malapit nang mamatay na mga kamag-anak.
Ipinahayag na Ligtas sa Polio ang Europa
Para sa 870 milyon katao sa European Region, ang pagpapatunay noong Hunyo 2002 na ligtas ang rehiyon sa polio “ang pinakamahalagang pangyayari sa larangan ng kalusugan ng bayan sa bagong milenyo,” ang sabi ng World Health Organization. Ang European Region, na binubuo ng 51 miyembrong mga estado, “ay ligtas sa lokal na poliomyelitis sa loob ng tatlong taon.” Ang resultang ito ang pinakamalaking tagumpay ng 14 na taóng proyekto ng pagsugpo sa polio na isinagawa sa pamamagitan ng magkakaugnay na pambansang mga kampanya ng pagbabakuna. Ang sakit ay nasugpo na sa mga lupain ng Amerika at Kanlurang Pasipiko. Palibhasa’y sanhi ng isang virus na pumipinsala sa sistema ng nerbiyos, ang polio ay labis na nakahahawa at maaaring maging sanhi ng lubusang pagkaparalisa at maging ng kamatayan pa nga. Sa kasalukuyan, ito ay maiiwasan ngunit hindi malulunasan.
Mapanganib na Pagkaubos ng Tubig
“Mahigit sa kalahati ng populasyon sa daigdig ay maaapektuhan ng pagkaubos ng tubig sa 2032, na magiging sanhi ng malulubhang sakit, malibang may gawin agad na hakbang,” ang sabi ng BMJ (dating British Medical Journal). Natuklasan ng ulat ng United Nations na bagaman ang maraming taong nagtatamasa ng mas malinis at ligtas na tubig “ay dumami mula 4.1 bilyon noong 1990 tungo sa 4.9 bilyon noong 2000, 1.1 bilyon katao sa papaunlad na mga bansa ang wala pa ring makuhang ligtas na maiinom na tubig. Ang kabuuang bilang na 2.4 bilyon katao sa kasalukuyan ay wala pa ring sapat na pasilidad para sa sanitasyon.” Nagbunga ito ng “apat na bilyong kaso ng pagtatae at 2.2 milyong pagkamatay taun-taon,” huwag nang banggitin pa ang pagdurusa na sanhi ng mga bulati sa bituka, schistosomiasis, at trachoma.
Kahalili ng Balat
Ang balat ang pinakamalaking sangkap sa katawan at ito ang nakaumang na pandepensa laban sa mga organismong nagdadala ng sakit, kakulangan ng tubig sa katawan, at hypothermia. Kaya naman ang mga biktima ng pagkasunog at mga taong may diyabetis na may nakabukang sugat ay labis na nanganganib. Karaniwang ginagamit ang balat ng bangkay bilang pamalit na balat, subalit kinakapos na ang suplay nito. Ang iba pang disbentaha ay na ang paglilipat ng balat ay makapagdadala ng sakit at maaaring tanggihan ng katawan. Iniuulat ng The News ng Mexico City na ang biyolohikal na sangkap mula sa maliliit na bituka ng mga baboy ay matagumpay na nailipat sa mga pasyenteng may mga sugat na mahirap gumaling. Nakatutuwa naman, ang ginamit na bahagi ng bituka ng baboy, na tinatawag na submucosa ng maliliit na bituka, ay katulad na katulad ng balat ng tao at napakarami nito. Ang siruhano ng reconstructive surgery na si Jorge Olivares, na nangagasiwa sa mga eksperimento sa pagpapalit ng balat, ay nagsabi: “Halos walang pilat ang mga pasyenteng ginamot ko, at mas naghihilom ang mga sugat sa loob ng ilang linggo. Ang pinakamalaking bentaha ay natatamasa ng mga pasyente ang halos agad na kaginhawahan mula sa kirot at pamumula at pamamaga.”
Apat na Buwang Nagpalutang-lutang
Si Tauaea Raioaoa, isang 56-na-taóng-gulang na mangingisda, ay nakaligtas sa pamamagitan ng pagpapalutang-lutang sa Karagatan ng Timog Pasipiko sa loob ng apat na buwan, ang sabi ng ulat ng pahayagang Les Nouvelles de Tahiti ng Tahiti. Umalis siya sa Tahiti noong Marso 15, 2002, “sakay ng kaniyang maliit na berdeng bangka na walong metro ang haba, na pinangalanan niyang ‘Tehapiti,’ gayunman, nasira ang kaniyang motor sa laot ng Tahiti.” Pagkatapos na magpalutang-lutang sa layong halos 1,200 kilometro, natagpuan siya malapit sa Aitutaki, isa sa mga isla sa Cook Islands, noong Hulyo 10, mahigit na 20 kilo ang nabawas sa kaniyang timbang simula nang maglayag siya. Palibhasa’y bihasa at mapamaraang mangingisda, nakaligtas si Raioaoa sa pamamagitan ng “pagkain ng hilaw o dinaing na isda at pagsahod ng tubig-ulan sa isang timba at isang icebox.”