Iniligtas ng Kaniyang Tiyan!
Iniligtas ng Kaniyang Tiyan!
HINDI ito kumikilos. Sa maraming tao, hindi ito maganda. Subalit, pambihira ang tiyan nito! Ano ba ang pinag-uusapan natin? Ang buteteng-laot na punô ng tibo. Kapag nalagay sa panganib, “lubusang nagbabago ang hitsura” ng nilalang na ito, ang sabi ng magasing Natural History. Ang katawan nito, na humahaba nang mga 50 sentimetro, ay namimintog “hanggang ang isda ay maging tatlong ulit sa karaniwang laki nito at nagiging matigas, halos bilog na bilog na punô ng tibo—hindi nga magandang disenyo sa paglangoy subalit mabisang pantaboy naman sa mga sumasalakay.”
Pinabibilog ng isda ang sarili nito sa pamamagitan ng pagbomba ng tubig sa tiyan nito, anupat lumalaki nang halos hanggang sandaang ulit sa normal na laki nito! Nagagawa ng buteteng-laot ang kagila-gilalas na bagay na ito dahil sa simple at magandang ideya—ang mga pileges.
Sa katunayan, ang tiyan ng buteteng-laot ay binubuo ng mga pileges sa loob ng mga pileges, ang paliwanag ng Natural History. Ang pinakamalalaking pileges ay mga tatlong milimetro ang lapad na “may maliliit pang tupi sa loob ng bawat pileges, at sa mga kasunod pa nito, hanggang sa pagkaliit-liit na mga pileges na makikita lamang sa pamamagitan ng isang mikroskopyo,” ang sabi ng artikulo.
Sabihin pa, ang balat ng buteteng-laot ay dapat ding lumaki kasabay ng tiyan nito. Upang magawa ito, ang balat, na binubuo ng dalawang suson, ay lumalaki sa dalawang magkaibang paraan. Katulad ng tiyan, ang panloob na suson ay may pileges, subalit ang panlabas na suson ay elastiko. Hinahadlangan ng elastikong suson na ito na kumulubot ang balat, na makasisira sa sigla at bilis ng buteteng-laot, kapag ang buteteng-laot ay lumiit.
Subalit upang itaboy ang potensiyal na mga maninila nito, hindi lamang basta namimintog ang buteteng-laot. Nababanat ang balat nito at agad na tumatayo ang tibo nito. Kaya kung makakita ka ng isang buteteng-laot habang ikaw ay nag-iisnorkling, huwag mo itong hihipuin! At mag-ingat ka rin sa bibig nito; ang kagat nito ay tagós hanggang sa buto!
Nang tanungin ng Diyos si Job tungkol sa Kaniyang mga nilalang, si Job ay sumagot: “Napag-alaman ko na kaya mong gawin ang lahat ng bagay, at walang kaisipan ang hindi mo magagawa.” (Job 42:2) Oo, kahit ang mabilog na munting buteteng-laot na punô ng tibo, na malayong manalo sa isang karera o sa paligsahan sa kagandahan, ay saganang nagpapatunay sa kapangyarihan at karunungan ng paglalang ng Diyos.—Roma 1:20.
[Picture Credit Lines sa pahina 31]
Itaas: Photo by John E. Randall; ibaba: © Jeff Rotman