Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isa sa Pinakakapaki-pakinabang na Nuwes sa Lupa

Isa sa Pinakakapaki-pakinabang na Nuwes sa Lupa

Isa sa Pinakakapaki-pakinabang na Nuwes sa Lupa

MAY pambihirang “nuwes” na nakapaglakbay na sa buong daigdig. Naglalaan ito kapuwa ng pagkain at inumin. At tatak ng mga isla sa tropiko ang walang-katulad na anino ng puno ng nuwes na ito. Aling nuwes ang pinag-uusapan natin? Ang niyog​—ang isa sa pinakakapaki-pakinabang na nuwes sa lupa. *

Para sa mga taong hindi naninirahan sa Tropiko, ang puno ng niyog ay maaaring sagisag lamang ng bakasyon sa isang tropikal na lugar. Subalit para sa mga nakatira sa Tropiko, hindi lamang iyan ang naibibigay ng puno. Sinasabi ng mga taga-Indonesia na ang bunga nito ay “maraming gamit na kasindami ng mga araw sa isang taon.” Sa Pilipinas ay sinasabing: “Siya na nagtatanim ng puno ng niyog ay nagtatanim ng kagamitan at pananamit, pagkain at inumin, tirahan para sa kaniyang sarili, at isang pamana para sa kaniyang mga anak.”

Hindi kalabisan ang kasabihang ito. Ayon sa aklat na Coconut​—Tree of Life, ang puno ng niyog “ay nagtutustos hindi lamang ng pagkain, tubig at langis para sa pagluluto, kundi ang mga dahon din naman nito ay nagagamit para sa mga atip na pawid, ang mga hibla ay para sa mga lubid at banig, ang mga bao na magagamit bilang mga kagamitan at palamuti, at ang matamis na katas ng kumpol ng bulaklak nito ay ginagawang asukal at alkohol.” Sinabi pa ng aklat: “Kahit na ang kahoy, kung pinutol sa tamang paraan, ay magagamit.” Sa katunayan, gumawa ng mga bangka mula sa produkto ng niyog ang mga tumatahan sa Maldive Islands sa Indian Ocean, at sinasabing ginamit nila ito sa paglalayag sa Arabia at sa Pilipinas. Subalit ang mga niyog, sa halip na ang mga nagtanim nito, ang pinakamagaling na mandaragat.

Isang Binhing Naglalayag sa Dagat

Ang niyog ay tumutubo sa karamihan ng mga tabing-dagat sa tropiko, basta sagana sa ulan ang lugar. Bagaman maaaring itanim ng lokal na mga tao ang puno ng niyog na maraming gamit, ang niyog mismo ay nakapaglakbay na sa ilang pinakaliblib na dako sa planeta. Ang mga binhi ay kumakalat sa maraming paraan, subalit ginagamit ng niyog ang mga karagatan. At diyan nakasalalay ang tagumpay nito bilang isang manlalakbay sa daigdig.

Kapag magulang na ang niyog, nahuhulog ito sa lupa. May mga pagkakataong ang magulang na niyog ay gumugulong sa dalampasigan patungo sa tubig. Pagkatapos ay tinatangay sa dagat ang niyog kapag malaki ang tubig. Dahil sa maraming hangin ang loob ng mahiblang bunot nito, madaling lumutang sa tubig ang niyog. Kapag ang niyog ay nasa isang mabahurang isla sa Pasipiko, inaanod lamang ito sa kabilang panig ng lawa. Subalit kapag nakarating ito sa laot, ang niyog ay makapaglalakbay nang malayo.

Matagal pasukin ng tubig-alat, na sumisira sa karamihan ng ibang mga binhi, ang matibay at matigas na bunot ng niyog. Nakatatagal ang mga niyog sa loob ng tatlong buwan sa dagat​—kung minsan ay tinatangay nang libu-libong kilometro ang layo​—​at tumutubo pa rin ito pagdating nito sa angkop na tabing-dagat. Marahil ito ang paraan kung paano nasakop ng niyog ang maraming tropikal na baybayin sa daigdig.

Ang Lasa na Karaniwan sa mga Pagkain sa Tropiko

Sa mga lugar na hindi Tropiko, maaaring iniisip ng mga tao na pampalasa lamang sa mga kendi o biskuwit ang niyog. Subalit kapag nagpunta ka sa Timog-silangang Asia, matutuklasan mong ang niyog ay tunay na kapaki-pakinabang na nuwes. Ayon sa aklat na Pacific and Southeast Asian Cooking, “isang mahalagang sangkap sa pagluluto ang niyog sa lahat ng bansa at mga rehiyon at mga isla mula sa Hawaii hanggang sa Bangkok.” Sinasabi rin ng aklat na kung para sa mga nakatira sa mga lugar na iyon, “ang niyog ay napakahalaga sa buhay na pinagkukunan nila ng pagkain . . . na iba’t iba ang uri at halos di-mabilang na pagkakasari-sari ng ulam at lasa.”

Simple lamang ang dahilan kung bakit ipinagmamalaki ang niyog sa mga kusina sa tropiko: Ito ang nagsusuplay ng tubig, gata, at langis sa pagluluto. Ang malinaw at matamis na sabaw ng di-magulang at berdeng nuwes ay kilala bilang tubig ng buko o sabaw ng buko. Masarap at nakarerepreskong inumin ito na karaniwang ipinagbibili sa mga tindahan sa tabing-daan sa Tropiko. Sa kabilang dako naman, ang gata ng niyog ay nakukuha kapag hinaluan ng tubig ang kinudkod na laman ng niyog at pagkatapos ay pinipiga ang likido nito. Nakadaragdag ng lasa at lapot ang gata ng niyog sa mga sopas, sarsa, at masa ng harina.

Upang makakuha ng langis na gamit sa pagluluto mula sa mga niyog, binibiyak ng magsasaka ang magulang na nuwes at pinatutuyo ito sa araw. Kapag natuyo na, ang laman ng niyog, o ang kopra, ay maihihiwalay sa bao, at pagkatapos ay maaari nang kunin ang langis. Sa Tropiko, ang langis ng niyog ang pangunahing ginagamit sa pagluluto, samantalang sa mga bansa sa Kanluran ay karaniwang ginagamit ito sa margarina, sorbetes, at biskuwit.

Hindi madaling trabaho ang pag-aani ng mga niyog. Madalas, aakyatin ng mang-aani ang puno at puputulin ang mga nuwes. Ang ibang mang-aani ay gumagamit ng isang mahabang kahoy na may nakakabit na kutsilyo. Sa Indonesia, ang mga unggoy ay sinanay upang manguha ng mga niyog. Ang pinakasimpleng paraan​—na mas gusto ng mga nais makatiyak na magulang ang nuwes na kanilang inaani​—​ay maghintay hanggang kusang mahulog ang nuwes sa lupa.

Sa anumang paraan inaani ito, napakadaling pagkakitaan ng pera at mahalagang napagkukunan din ng pagkain para sa marami ang niyog dahil sa maraming gamit nito. Kaya sa susunod na pagkakataong makakita ka ng isang puno ng niyog​—sa litrato man o sa totoong buhay​—tandaan na higit pa ito kaysa sa isang pampalamuting punungkahoy na nagpapaganda sa tropikal na mga dalampasigan. Ang nakikita mo ay isang puno na namumunga ng isa sa pinakakapaki-pakinabang na “nuwes” sa lupa.

[Talababa]

^ par. 2 Bagaman hindi itinuturing na isang nuwes ang niyog sa ilang lupain, tinutukoy ng ilang mapagkukunan ng impormasyon ang binhi ng prutas bilang isang nuwes.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]

KAWILI-WILI AT NATATANGING MGA ASPEKTO NG NIYOG

ALIMANGONG NIYOG Hindi lamang ang mga tao ang nasisiyahan sa ani ng niyog. Ang alimangong niyog ay nakatira sa isang butas sa ilalim ng lupa kung araw, subalit nagpipista sa mga niyog kung gabi. Samantalang kakailanganin ng mga tao ang isang itak upang buksan ang niyog, binubuksan ng mapamaraang alimangong ito ang niyog sa pamamagitan ng pagpukpok nito sa isang bato hanggang sa ito ay mabiyak. Ang pagkain na may kasamang mga niyog ay waring nakasasapat sa pangangailangan ng nilalang na ito​—anupat maaari itong mabuhay nang mahigit na 30 taon!

NIYOG SA KOSMETIK Yamang ang langis ng niyog ay maganda sa balat, ginagamit ito ng mga manggagawa ng lipstik at suntan lotion. At kung gumagamit ka ng biodegradable na sabon o shampoo na mabula, malamang na isa sa mahahalagang sangkap nito ang langis ng niyog.

[Mga larawan]

Nakaliligtas sa mga paglalakbay sa dagat ang niyog

Alimangong niyog

Puno ng niyog

[Credit Line]

Godo-Foto

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Top right inset: Godo-Foto