Isang Pagdalaw sa Taniman ng Saging
Isang Pagdalaw sa Taniman ng Saging
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA
MAHILIG akong kumain ng saging. Sa palagay ko’y ganoon din ang maraming tao. Hindi lamang masarap ang saging kundi mayaman din ito sa mga bitamina, mineral, at hibla. Nais mo bang malaman ang higit pa hinggil sa masustansiyang prutas na ito? Kamakailan, ipinakita sa akin ng isang magsasaka at ng kaniyang asawa ang kahanga-hangang paraan ng saging na magparami.
Sina Tony at Marie (ipinakikita sa itaas) ay nagsasaka sa Probinsiya ng Limpopo sa Timog Aprika sa isang lugar na tinatawag na Levubu. May tanim silang iba’t ibang pananim sa kanilang 55-ektaryang bukid. Gayunman, ang kanilang pangunahing pananim ay ang saging. Marami pang sasabihin sa atin ni Tony tungkol sa paboritong prutas na ito.
Ang Pagpapatubo at ang Kalagayan ng Klima
“Ang pinakamainam na uri ng lupa,” ang sabi ni Tony, “ay malagkit-lagkit at hindi mabuhangin o mabato. Dapat ding ito’y malalim at may mahusay na paagusan ng tubig. Lumalago ang mga saging sa mga lugar na hindi nagyeyelo. Sa katunayan, gusto nito ang mainit na temperatura. Ang taunang temperatura sa Levubu ay karaniwan nang mula 12 hanggang 35 digri Celsius.” Nang itanong ko ang tungkol sa ulan, sumagot si Tony: “Kailangan ng saging ang alinman sa regular na ulan o lingguhang patubig.”
Maaaring magtinging isang puno ang halamang saging, subalit ang pinakapuno nito ay binubuo, hindi ng kahoy, kundi ng magkakadikit na tangkay ng mga dahon. Ang saging
ay talagang pagkalaki-laking halamang damo, hindi isang puno. Ang talagang katawan nito ay nakabaon sa lupa at tinatawag itong rhizome. Ang mga ugat ay umuusbong mula sa rhizome, at ang mga dahon at pagkaraan ang malaki at kulay-lilang puso ay tumutubo mula rito. Sumisibol din mula sa rhizome ang mga supang na nagiging bagong mga halaman.May tatlong mahahalagang yugto ng paglago ang halamang saging, na tinutukoy ng lokal na mga magsasaka bilang “ang lola, ang anak na babae, at ang apong babae.” (Tingnan ang larawan.) Ang “lola” ay mamumunga sa taóng ito, ang “anak na babae” sa susunod na taon, at ang “apong babae” sa ikatlong taon. Ang maraming “apong babae” ay nagsusulputan sa tabi ng kanilang “ina.” Kapag halos hanggang tuhod na ang mga “sanggol” na ito, puputulin itong lahat, maliban sa supang na inaasahang magbubunga.
Ang malaki at kulay-lilang puso, na sa bandang huli ay nagiging isang buwig ng saging, ay tumutubong pataas sa gitna ng halaman mula sa nakabaong rhizome. Sa wakas ay lilitaw ito sa pagitan ng dalawang pinakamataas na dahon at bibitin. Habang nalalagas ang talulot ng puso,
lumilitaw naman ang 10 hanggang 15 maliliit pang pilíng na siyang bumubuo ng buwig—anupat lumalaking pabaligtad sa tingin ng isang wala pang karanasan! Ang isang pilíng ay maaaring buuin ng 20 o higit pang lumalaking indibiduwal na saging, na tinutukoy bilang mga daliri.Panahon ng Pag-aani
Ang panahon mula sa pag-usbong ng lilang puso hanggang sa pag-aani ng saging ay maaaring tumagal nang tatlo hanggang anim na buwan, depende sa panahon ng taon. Ang prutas ay inaani nang hilaw, subalit pagkatapos lamang na bumilog na ang mga daliri. Ang katamtamang timbang ng isang panindang buwig ay halos 35 kilo. Sa panahon ng pag-aani, babalutan ng isang plastik ang buwig upang maiwasang magkapasâ habang inihahatid ng bagon patungo sa lugar ng pag-iimpake. Sa lugar na ito, ang mga pilíng ay pinuputol sa maliliit na grupo na may tatlo at anim na saging at saka ilulublob sa tinimplang fungicide.
Sa Timog Aprika, ang prutas ay inilalagay sa mga karton na pinahiran ng pagkit at nahahanginan at inililipat ito sa isang pahinugang silid. Dito ginagawa ang pagpapahinog sa pamamagitan ng gas na ethylene. * Ang mga karton ay nakatago sa pahinugang silid na kontrolado ang temperatura sa loob ng isa o dalawang araw at saka dadalhin sa mga mamimili.
“Marahil ako’y nagtatangi,” ang sabi ni Tony, na halatang nagbibiro, “subalit sa tingin ko ang saging na Levubu ay may natatanging lasa, malamang na dahil sa aming lupa. Nakalulungkot, dahil sa napakalayo namin sa anumang lunsod na pagluluwasan, dito lamang sa aming bayan natitikman ang mga iyon.”
Mabuti Para sa Iyong Kalusugan
Ang saging ay mayaman sa potasiyum. “Ipinahihiwatig ng maraming pag-aaral na ang sustansiya nito ay makatutulong sa pagpapalakas ng iyong buto at magpapababa sa panganib na tumaas ang iyong presyon ng dugo at maistrok,” ang sabi ng magasing Health sa isang artikulo hinggil sa saging. “Ang saging,” dagdag pa ng magasin, “ay nagtataglay ng folate na tumutulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng depekto sa pagsilang pa lamang, ang bitamina B na napakahalaga sa sinumang nagdadalang-tao o nasa edad na para magkaanak.” Ang saging ay may iba pang mahahalagang mineral, gaya ng magnesium, na tumutulong sa mga buto na sumipsip ng kalsiyum at sa gayon ay manatiling malakas.
Ang protina sa isang saging ay binubuo ng 18 amino acid, lakip na ang lahat ng mahahalagang bagay na hindi kayang sapatan ng ating katawan o ni hindi magawa ng ating katawan. Ang prutas na ito ay nagtataglay ng 22 porsiyentong carbohydrate, na nagbibigay kaagad ng lakas dahil ang saging ay madaling tunawin. Natutuwang idinagdag pa ni Marie: “Ang saging ay isang mainam na pinagmumulan ng mga bitamina A, B, at C. Gayundin naman, tila napipigilan nito ang gana sa pagkain, yamang walang sinuman ang nakakakain ng napakarami nang minsanan.” Bakit hindi ka kumain ng isa—makabubuti ito para sa iyo at talagang napakasarap!
[Talababa]
^ par. 12 Kapag likas na nahihinog ang saging, inilalabas nito ang gayunding gas, na nagpapabilis sa pagpapahinog. Kaya, ang isang paraan upang mahinog ang mga hilaw na saging ay ang haluan ito ng ilang hinog na.
[Dayagram/Larawan sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dahon
Puso/mga saging
Sahà
Kapantayan ng lupa
Rhizome
Ugat
[Credit Line]
Krokis: Salig sa drowing mula sa The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck
[Dayagram/Larawan sa pahina 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Lola
Anak na babae
Apong babae
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang malaking kulay-lilang puso na sa bandang huli ay nagiging isang buwig ng mga saging
[Credit Line]
Photo by Kazuo Yamasaki
[Mga larawan sa pahina 18]
Panahon ng pag-aani (sa kaliwa); mga bagong pananim na malapit nang mamunga (sa itaas)