Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Mga Music Video—Paano Ako Magiging Mapamili?

Mga Music Video—Paano Ako Magiging Mapamili?

“Kapag nakita ko na ang pangalan ng isang kaduda-dudang grupo o awit na ipinalalabas, inililipat ko na agad sa ibang ‘channel.’”​—Casey.

MGA music video​—itinuturing ito ng maraming kabataan na lubhang nakaaaliw. Subalit gaya ng ipinakita ng isang artikulo sa seryeng ito, maraming music video ang naglalaman ng nakagigitlang paglalarawan ng seksuwal na imoralidad at karahasan. * Sabihin pa, kapag ang anumang uri ng palabas ay nagtataguyod ng mga bagay na hinahatulan ng Diyos, hindi ito dapat panoorin ng isang Kristiyano. Gayunman, hindi lahat ng music video ay tahasang imoral. Ang ilan ay masasabing malinis naman. Maaaring ang iba ay waring hindi naman ganoon kasamâ. Subalit, maaaring ihatid ng gayong mga video ang tusong mga mensahe na salungat sa Salita ng Diyos.

Kung sang-ayon ang iyong mga magulang na manood ka ng mga music video, dapat kang maging mapamili at gamitin mo ang iyong sinanay-sa-Bibliyang “kakayahan sa pang-unawa” upang makilala mo kung ano ang angkop o di-angkop na panoorin. (Hebreo 5:14) Anong mga simulain sa Bibliya ang makatutulong sa iyo sa bagay na ito? Ang mga sumusunod ay ilang teksto at mga komento sa Bibliya na maaaring makatulong sa iyo.

Kawikaan 4:23: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” Mayroon ka bang gamit na pang-isport o instrumento sa musika na mahalaga sa iyo? Walang alinlangang pagsisikapan mong mapanatili ito sa maayos na kondisyon at nasa isang ligtas na lugar. Tiyak na hindi mo ito ilalagay sa kalye nang walang nagbabantay, kahit saglit lamang, sa pangamba na baka ito masira o manakaw. Oo, iniingatan mo ito. Sa katulad na paraan, kailangan mong magpasiya na ingatan ang iyong puso, anupat hindi ito ilalagay sa panganib kahit saglit lamang sa pamamagitan ng paglalantad dito sa maruruming palabas.

Efeso 2:1, 2: “Kayo ang binuhay ng Diyos bagaman kayo ay patay sa kaniya sa inyong mga pagkakamali at mga kasalanan, na siyang nilakaran ninyo noong una ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa tagapamahala ng awtoridad ng hangin, ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” Ang hangin ay ang espiritu ng sanlibutan, ang paraan ng pag-iisip at mga saloobin na dahilan ng di-makadiyos na paggawi. Ang espiritung ito ay makikita sa maraming music video at lubusang sumasalansang sa espiritu ng Diyos, na nagbubunga ng mga katangiang gaya ng kagalakan, kapayapaan, at pagpipigil sa sarili.​—Galacia 5:22, 23.

2 Timoteo 2:22: “Tumakas ka mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” Ang panonood ng seksuwal na mga eksena​—bagaman maikli lamang ang mga ito​—ay magpapasidhi lamang ng pagnanasa. Inaamin ng maraming kabataan na ang gayong mga eksena ay mahirap malimutan; maaari pa nga nilang laruin ang mga ito sa kanilang isip nang paulit-ulit. Inamin ng isang kabataang lalaki na nagngangalang Dave, na nakapanood ng isang video na may masagwang ipinahihiwatig: “Pagkatapos nito, sa tuwing maririnig ko ang awit na iyon, naiisip ko ang hinggil sa video.” Samakatuwid, ang panonood ng gayong mga video ay magpapasidhi lamang sa pagnanasa sa imoral na pagtatalik.​—1 Corinto 6:18; Colosas 3:5.

Kawikaan 13:20: “Siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” Tanungin ang iyong sarili, ‘Aanyayahan ko ba ang mga taong marahas, espiritista, lasenggo, o imoral sa aking bahay?’ Ang pakikisama sa gayong mga tao sa pamamagitan ng telebisyon ay para na ring pag-aanyaya sa kanila sa inyong tahanan. Ang paggawa ba nito ay magpapangyari sa iyo na ‘mapariwara’? Ganito ang komento ni Kimberly: “Nakakita na ako ng mga situwasyon na sa isang pagtitipon, ginagaya ng mga babae ang pananamit o mga kilos ng sayaw na may masagwang ipinahihiwatig na kapapanood lamang nila sa isang video.” Marahil nakakita ka na rin ng ganito. Sa pagtulad sa mga walang galang sa mga pamantayan ng Diyos, nakikita sa mga kabataang ito na sila’y nagsisimula nang ‘mapariwara.’ Kung gayon, pakaiwasan ang anumang uri ng “masasamang kasama.”​—1 Corinto 15:33.

Awit 11:5: “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot, at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.” Kung nanonood tayo ng mga video na nagtataguyod ng walang-katuturan at nakasasamang karahasan, hindi kaya ito nagbibigay ng impresyon na tayo ay ‘mangingibig ng karahasan’?

Ang Hamon ng Pagiging Mapamili

Dahil “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” lalong nagiging mahirap makasumpong ng palabas na hindi nababahiran ng kaisipan at saloobin ng sanlibutan. (1 Juan 5:19) Ang ilang music-video channel ay maaaring magpalabas ng maraming di-kanais-nais na materyal. Bagaman ang mga programa ay hindi naman tahasang imoral o marahas, kadalasan pa rin itong nagtataguyod ng espiritu ng sanlibutan. Isang propesyonal na musikero ang nagsabi na isang popular na music-video channel “ang nabago mula sa pagiging channel sa musika tungo sa pagiging ‘channel sa istilo ng pamumuhay.’”

Parang simple lamang ang solusyon: Kung ang isang video ay di-kanais-nais, ilipat ang channel. Ang problema ay, kailangan mo talagang magbantay kapag nanonood sa ibang channel sa TV. Marami ang nagpapalabas ng mga programang detalyado ang karahasan o kahalayan o nagpapakita ng mga taong nasa kahiya-hiyang mga situwasyon. Talagang nakayayamot​—marahil nakaaabala pa nga​—​na sikaping masiyahan sa isang palabas samantalang kasabay nito ay palagi ka namang nakahandang ilipat ang channel. At kung minsan, bago pa man mailipat ang channel, nangyari na ang pinsala. Ang imoral na mga larawan ay naiguhit na sa isipan. Gayunpaman, makatitiyak ka na gagantimpalaan ng Diyos na Jehova ang anumang taimtim na mga pagsisikap na ginagawa mo upang maingatan ang iyong puso.​—2 Samuel 22:21.

May iba pang praktikal na mga hakbang na maaaring makatulong. Ipinaliwanag ni Casey na binanggit kanina, kung ano ang nakatulong sa kaniya: “Ang pangalan ng grupo at pamagat ng awit ay kadalasang ipinakikita sa simula ng video. Ang mga banda ay may kani-kaniyang reputasyon, kaya alam mo na halos kung anong grupo at kung anong awit ang malamang na magiging di-kanais-nais. Kaya kapag nakita ko na ang pangalan ng isang kaduda-dudang grupo o awit na ipinalalabas, inililipat ko na agad sa ibang channel. Mismong sa simula pa lamang.”

‘Pagsasalita ng Katotohanan sa Iyong Puso’

Kahit na ikaw ay nasasangkapan ng kaalaman sa mga pamantayan ng Bibliya, posible pa ring magpabaya ukol sa masama. Paano? Sa pamamagitan ng pangangatuwiran. (Santiago 1:22) Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang kaibigan ni Jehova ay yaong “nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.” (Awit 15:2) Kaya tapatin mo ang iyong sarili. Huwag mong dayain ang iyong sarili. Kung binibigyan mo ng katuwiran ang iyong panonood ng isang kaduda-dudang palabas, itanong mo ito sa iyong sarili, ‘Talaga kayang sasang-ayon si Jehova sa panonood ko nito?’ Tandaan, madalas na ang hamon ay hindi lamang sa pag-alam kung ano ang tama o mali kundi sa pagpapasiyang gagawin mo kung ano ang tama! Dapat mong malasin na higit na mahalaga ang iyong kaugnayan kay Jehova kaysa sa isang uri ng palabas.​—2 Corinto 6:17, 18.

Kadalasan nang hindi sapat ang isang mabuway at walang-katiyakang determinasyon upang maging lalong mapamili. Ang iyong determinasyon ay maaaring maglaho agad kung hindi ito matatag. Sinasabi sa atin ng Bibliya kung paanong ang tao ng Diyos na nagngangalang Job ay naging determinado na manatiling tapat sa kaniyang asawa. Sinabi niya: “Nakipagtipan ako sa aking mga mata. Kaya paano ako makapagbibigay-pansin sa isang dalaga?” (Job 31:1) Isip-isipin mo iyon! Gumawa si Job ng isang pakikipagtipan, o pormal na kontrata, sa kaniyang sarili na limitahan ang kaniyang mga mata sa dapat nitong makita. Sa katunayan, maaari mo ring gawin ang gayong bagay. Gumawa ng isang matatag na determinasyon​—isang taimtim na pangako sa iyong sarili​—na hindi ka titingin sa mga bagay na di-kanais-nais. Magtakda ng espesipikong mga limitasyon. Ipanalangin ang bagay na ito. Saka maging tapat sa iyong pakikipagtipan, na isinusulat pa nga ang mga ito kung makatutulong. Kung kailangan mo ng karagdagang alalay, bakit hindi mo ipakipag-usap ang bagay na ito sa isang nakatatanda na iyong pinagkakatiwalaan​—halimbawa sa iyong mga magulang?

Dahil sa mga panganib, ang ilang kabataang Kristiyano ay nagpasiya na huwag na lamang manood ng mga music video. Anuman ang iyong pasiya hinggil sa bagay na ito, gamitin ang iyong kakayahan sa pang-unawa. Panatilihin ang isang malinis na budhi. Kung lilimitahan mo ang iyong sarili sa mga palabas na malinis at kasiya-siya, maiingatan mo ang iyong sarili at mapananatili mo rin ang iyong pakikipagkaibigan kay Jehova.

[Talababa]

^ par. 4 Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Manood ng mga Music Video?” na lumabas sa ating isyu ng Pebrero 22, 2003.

[Larawan sa pahina 12]

Ang ilang video na hindi tahasang imoral ay nagtataguyod din ng nakapipinsalang mga ideya

[Larawan sa pahina 13]

Maging determinado na huwag manood ng mga bagay na di-sinasang-ayunan ng Diyos