Mga Salawikain ng Akan—Isang Larawan ng mga Pamantayan sa Lipunan
Mga Salawikain ng Akan—Isang Larawan ng mga Pamantayan sa Lipunan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA GHANA
ANO ba ang salawikain? Binibigyan-kahulugan ng isang diksyunaryo ang salawikain bilang “isang maikling pangungusap na madalas sipiin ng mga tao, na nagpapayo o nagsasabi sa iyo ng isang bagay hinggil sa buhay.” Mas makulay naman ang pagpapakahulugan sa salitang salawikain sa Yoruba ng Nigeria, anupat tinutukoy ito na “isang kabayong mabilis na naitatakbo ang isa tungo sa pagtuklas ng mga ideya.”
Ang kahalagahan ng mga salawikain, o kasabihan, ay ipinahahayag sa kawikaang ito, na alam na alam ng mga mamamayang Akan sa Ghana: “Ang isang taong marunong ay kinakausap sa pamamagitan ng salawikain, hindi ng ordinaryong wika.” Ang punto ay na hindi kailangang laging sermunan ang isang taong marunong upang makumbinsi siyang gawin ang nararapat. Ang isang angkop na salawikain ay nagpapasigla ng pag-iisip, tumutulong sa isa na maunawaan ang mga bagay, at nagpapakilos sa isa na gawin kung ano ang tama.
Sa Ghana, ang mga salawikain ay napakadalas gamitin sa mga seremonya ng kasal at libing at itinatampok sa mga tugtuging-bayan. Hindi rin ito nawawala sa diplomatikong mga talakayan. Ang isang tagapagsalita o sugo ay madalas gumamit ng mga salawikain taglay ang kahusayan.
Sa lipunan ng Akan, ang kahusayan sa paggamit ng mga salawikain ay tanda ng karunungan. Kapansin-pansin na sa Bibliya, si Haring Solomon—isang taong bantog dahil sa kaniyang karunungan, kaalaman, at diplomasya—ay sinasabing nakaaalam ng 3,000 salawikain. Sabihin pa, ang mga kawikaan sa Bibliya ay kinasihan ng Diyos at palaging totoo, hindi tulad ng mga salawikaing nakasalig sa karanasan at kaunawaan ng tao. Ang mga salawikain ng tao, gaano man ito kagaling, ay hindi dapat itulad sa kahalagahan ng Bibliya. Subalit suriin natin ang ilan sa mga salawikain ng Akan.
Ang Ideya Tungkol sa Diyos
Sa Ghana, malimit na kinikilala ang pag-iral ng Diyos sa mga kasabihan nito, at nakikita ito sa maraming salawikain ng Akan. Walang ateistikong mga ideya sa pilosopiyang Akan. Halimbawa, sinasabi ng isang salawikain: “Walang nagpapakita ng Diyos sa isang bata.” Ang pag-iral ng Diyos ay totoong-totoo kahit sa isang bata. Ang salawikaing ito ay kadalasang sinasabi para tumukoy sa isang bagay na matututuhan agad ng isang bata sa kaunting instruksiyon.
Isa pang salawikain ng Akan ang nagsasabi: “Lumayo ka man sa Diyos, nasa ilalim ka pa rin niya.” Kaya naman, dinadaya lamang ng isang tao ang kaniyang sarili kung tatangkain niyang ipagwalang-bahala ang Diyos. Matagal nang binanggit ng Bibliya ang gayunding bagay, na nagsasabing ang mga mata ng Diyos “ay nasa lahat ng dako, nagbabantay sa masasama at sa mabubuti.” (Kawikaan 15:3) Tayong lahat ay magsusulit sa Makapangyarihan-sa-lahat.
Pagpapahayag ng mga Pamantayan at Simulain sa Lipunan
Katulad ng mga salawikain ng ibang mga kultura, ang mga salawikain ng Akan ay imbakan ng mga pamantayan at simulain sa lipunan. Halimbawa, ang matinding epekto ng mga sinasabi ay kitang-kita sa halimbawang ito: “Mas masamang madulas ang dila kaysa madulas ang paa.” Ang walang-kontrol na dila ay talagang nagdudulot ng malaking pinsala at nakamamatay pa nga.—Kawikaan 18:21.
Gayunman, kapag kontrolado, ang dila ay maaaring maging isang tunay na tagapamayapa, gaya ng pinatutunayan ng kasabihang, “Kapag naroroon ang dila, hindi nag-aaway ang mga ngipin.” Ang punto rito ay na maaaring maayos ang mga bagay-bagay sa pagitan ng dalawang nag-aaway—halimbawa, ang mag-asawa—sa pamamagitan ng mahinahong pag-uusap. At kung hindi man ito maging mabisa, ang mahusay na paggamit ng dila habang namamagitan ay maaaring magpatigil sa pagtatalo.
Praktikal na Karunungan
Ang kahalagahan ng kaunawaan at patiunang pag-iisip ay napakalinaw na ipinahahayag sa
maraming kasabihan na nagdiriin sa praktikal na karunungan. Ang isang taong padalus-dalos at walang-hunusdili na hindi nag-iisip kung ano ang kahihinatnan ng kaniyang mga ginagawa ay dapat makinig sa payo ng kasabihang ito, “Maghanap ka muna ng matatakasan bago mo galitin ang kobra.”Dapat pakinggan ng isang magulang na nakapapansin sa ilang di-mabuting ugali ng isang bata ang salawikaing ito, “Kapag napansin mong makatutusok sa iyong mata ang isang lumalaking halaman, bunutin mo ito, sa halip na patulisin pa.” Oo, dapat bunutin—o sugpuin—ang anumang di-mabuting pag-uugali bago ito lumala.
Nagpapahiwatig ng mga Kaugalian at Gawaing Pangkultura
Kung minsan kailangan munang maunawaan ang isang kultura upang makita ang diwa ng salawikain nito. Halimbawa, para sa mga Akan, itinuturing na kawalang-galang na ikumpas ang kaliwang kamay sa harap ng iba, lalo na sa harap ng matatanda. Ang tuntuning ito ng kabutihang-asal ay ipinahihiwatig sa salawikaing, “Huwag mong gamitin ang kaliwang kamay sa pagtuturo sa iyong lupang tinubuan.” Sa ibang pananalita, dapat pahalagahan ng isa ang anumang taglay niya, kalakip na ang kaniyang pinagmulan.
Ganito ang sabi ng isang salawikain na nagpapahiwatig ng kaugalian sa pagkain sa isang karaniwang tahanan ng Akan: “Ang isang batang marunong maghugas ng kaniyang kamay ay kumakaing kasabay ng mga nakatatanda sa kaniya.” Sa panahon ng pagkain, ang mga miyembro ng sambahayan ay grupu-grupo ayon sa kanilang edad. Gayunman, ang isang batang may mahusay na paggawi, lalo na sa kalinisan sa pisikal at kabutihang-asal, ay maaaring sumabay sa kaniyang ama at sa iba pang adulto sa kanilang hapag-kainan. Idiniriin ng salawikain ang punto na ang paggalang sa isa ay higit na nakasalig sa kaniyang paggawi kaysa sa kaniyang edad.
Nagbabalak ka bang mag-asawa? Kung gayon ay isaalang-alang ang salawikaing ito ng Akan, “Ang pag-aasawa ay hindi parang tubâ na tinitikman muna.” Karaniwan nang pinatitikim muna ng mga nagtitinda ng tubâ, isang inuming pinakasím at pinatulo mula sa puno ng palma, ang mga mamimili bago sila magpasiya kung gaano karami ang bibilhin o kung bibili nga ba sila. Gayunman, ang pag-aasawa ay hindi maaaring tikman. Itinatampok ng salawikaing ito na permanente ang pagsasama ng mag-asawa at na di-katanggap-tanggap na magsama para lamang subukan muna ito.
Masusing Pagmamasid sa mga Bagay-bagay
Pinatutunayan ng maraming kasabihan ang masusing pagmamasid na ginawa ng mga ninuno ng Akan sa mga tao at hayop. Halimbawa, dahil sa maingat na pagsusuri sa inahing manok at sa mga sisiw nito, nabuo ang salawikaing ito, “Ang sisiw na nasa tabi ng inahin ang nakakakuha ng hita ng tipaklong.” Ano ang ibig sabihin? Kung ibinubukod ng isang tao ang kaniyang sarili, madali siyang makalimutan pagdating sa hatian ng mga biyaya.
Sinumang nagmamasid sa isang patay na palaka ay lubos na makauunawa sa katotohanan ng kasabihang, “Nakikita ang tunay na haba ng palaka kapag ito’y patay na.” Madalas banggitin ang salawikaing ito kapag ang isang tao ay hindi pinahahalagahan. Sa mga kalagayang tulad nito, naaaliw ang isang taong hindi pinahahalagahan sa bagay na ang kaniyang pagkawala ay baka magbigay ng pagkakataong makita nang lubos ng mga tao ang kaniyang mabubuting katangian.
“Pinaikling” mga Salawikain
Bagaman ang mga salawikain ng Akan ay naipamana sa sali’t salinlahi sa pamamagitan ng bibig, maraming salawikain ang naingatan sa simbolikong sining. Makikita ang gayong sining sa inukit na mga kahoy, baston, mga gintong ginagamit na panimbang, at mga telang tradisyonal at gayundin sa makabagong disenyo ng mga tela. Makikita ng mga bumibisita sa galerya ng sining sa Ghana ang mga larawan ng isang lalaking umaakyat sa puno habang tinutulungan ng isa pang lalaki. Iyan ang katumbas na larawan ng salawikaing ito, “Kung aakyat ka sa mayabong na puno, posibleng may magtulak sa iyo
pataas.” Maliwanag ang ipinahihiwatig na mensahe—kung itataguyod mo ang kapaki-pakinabang na mga tunguhin, posibleng may sumuporta sa iyo.Ang mga libing ay lalo nang magandang pagkakataon sa tinatawag ng isang manunulat na “retorika sa tela.” Ang malungkot na kapaligiran ng okasyong iyon ay aktuwal na nag-uudyok para bulay-bulayin ang buhay ng tao. Dahil dito, ang mga disenyong makikita sa mga telang isinusuot sa libing ay naghahatid ng mga mensahe hinggil sa mas malalim na kahulugan ng buhay. Halimbawa, ang isang telang may larawan ng isang hagdan ay nagpapagunita sa salawikaing, “Hindi lamang iisang tao ang umaakyat sa hagdan ng kamatayan.” * Nagbababala ito sa lahat na maging mapagpakumbaba at huwag mamuhay na para bang hindi na sila mamamatay.—Eclesiastes 7:2.
Sa lipunan ng Akan, bihasang-bihasa sa madulas na paggamit ng salawikain ang mga sugo o mga tagapagsalita ng tradisyonal na mga tagapamahala, at may tangan din silang baston ng kapangyarihan na may mga disenyo ng ilang pinahahalagahang prinsipyo ng mga tao. Halimbawa, ang isang ibong may daklot na ulo ng ahas ay “pinaikling” kasabihan na, “Kapag nadaklot mo ang ulo ng ahas, ang katawan nito ay parang lubid na lamang.” Ang kahulugan ng mensahe? Buong-katatagang harapin ang mga suliranin—huwag takasan.
Etika sa Paggamit ng mga Salawikain
Gaya ng anumang ilustrasyon, nakadepende kapuwa sa argumento at sa mga tagapakinig kung kailan at paano dapat gamitin ang isang salawikain. Maaaring mabawasan ang ganda ng isang argumento dahil sa di-wastong paggamit ng mga salawikain. At yamang sa ilang kultura ang paggamit ng mga salawikain ay may mahalagang ginagampanan sa etika ng pakikipag-usap, anumang pagkakamali sa paggamit nito ay makasisira sa tingin ng mga tao sa nagsasalita.
Sa Ghana, ang matatanda sa lipunan ay itinuturing na mga awtor at tagapag-ingat ng mga salawikain. Kung kaya, ang mga kasabihan ay kadalasang sinisimulan sa pariralang, “Ayon sa matatanda . . .” At kung ang nagsasalita ay nakikipag-usap sa mas nakatatandang mga tagapakinig, isang paggalang na pasimulan ang salawikain sa pagsasabing, “Kayo pong matatanda ang may sabi . . .” Bilang paggalang, hindi gugustuhin ng isang nakababatang tagapagsalita na para bang tinuturuan niya ang matatanda ng mga salita ng karunungang nakapaloob sa salawikain.
Ilang Mahahalagang Obserbasyon
Ang mga salawikain ay maaaring nasa unahan ng argumento o kasunod nito. Gayundin, maaaring buong-husay na ilakip ang mga ito sa argumento anupat kakailanganin ng isa ang matalas na unawa upang mahalata na may tinutukoy itong salawikain. Halimbawa, may kinalaman sa isang taong mapagpakumbaba at maibigin sa kapayapaan, maaaring sabihin ng isang Akan: “Kung si Ganito-at-ganoon lamang ang nasunod, wala sanang barilan sa nayong ito.” Tinutukoy nito ang salawikaing, “Kung ipinaubaya lang sana ito sa susô at pagong, wala sanang putukan sa gubat.” Ang dalawang kinapal na ito ay itinuturing na maamo at tahimik at hindi palaaway. Pinagmumulan ng kapayapaan ang mga taong may ganitong mga katangian.
Gayunman, kung hihilingan mong bumigkas ng sunud-sunod na salawikain ang isang Akan, baka ito lamang ang isagot niya sa iyo, “Walang mananaginip kung walang matutulog.” Sa ibang pananalita, hindi makabibigkas ng mga salawikain ang isa kung wala sa tamang kalagayan, kung paanong hindi puwedeng managinip ang isa kung siya’y gising. Ang mga kalagayan ang magpapasiya sa paggamit ng mga ito.
[Talababa]
^ par. 25 Mahalagang banggitin na ang disenyong ito ay makikita sa mga telang may iba’t ibang kulay at hindi lamang limitado sa madidilim na kulay na karaniwang ginagamit sa pagluluksa.