Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagsusugal Kababasa ko lamang ng seryeng “Pagsusugal—Isang Di-nakapipinsalang Katuwaan Lamang ba Ito?” (Hulyo 22, 2002) Nagpapasalamat ako kay Jehova sa paggamit sa inyo upang ilathala ang napapanahong impormasyong ito. Hindi ako makapaniwala nang makita ko ang mga paggawi na itinala para sa mga may problema sa pagsusugal. Para bang inilalarawan ninyo ang mister ko! Nakalulungkot, ang makasalanang gawaing ito ay humantong sa iba pang grabeng mga kasalanan. Ang pagsusugal ay isang salot. Talagang inaasahan ko na tatandaan ng lahat na ito’y nakapipinsalang katuwaan.
M. G., Estados Unidos
Paruparo Ako po’y sampung taong gulang, at tuwang-tuwa po akong mabasa ang artikulong “Pag-aani ng Produktong May mga Pakpak.” (Hulyo 22, 2002) May proyekto kami hinggil sa paruparo sa aming paaralan noong nakaraang taon. Ang bawat bata ay tumanggap ng isang higad na aalagaan. Kailangan naming pakanin ang higad araw-araw at panatilihing malinis ang kinalalagyan nito. Nakita ko pa ngang naghuhunos ang apat sa mga higad. Nang ang mga ito’y maging pupa, ibinalik namin ang mga ito sa biology station. Pagkatapos ay dinalaw namin noong sumunod na tagsibol ang lumabas na mga paruparo. Pakisuyong patuloy po kayong sumulat ng gayong kawili-wiling artikulo.
B. P., Alemanya
Lumaki ako sa isang bahay na malapit sa parang, at karaniwan nang makakita ng maraming paruparo sa aming bakuran. Lagi kong hinahangaan ang kanilang kagandahan. Ngayong ako’y adulto na, ipinauunawa sa akin ng mahihinang nilalang na ito ang mga katangian ni Jehova. (Roma 1:20) Maguguniguni ninyo ang aking kagalakan nang makita ko ang mga larawan ng maraming kulay na mga paruparo sa Gumising! Salamat sa inyong ekselenteng artikulo.
D. G., Slovakia
Postpartum Depression Nasumpungan ko na ang impormasyong nasa artikulong “Napaglabanan Ko ang Postpartum Depression” (Hulyo 22, 2002) ay may kinalaman sa anumang uri ng panlulumo. Palagi kong pinaglalabanan ang panlulumo. Lubhang nakapagpapatibay-loob na malaman na hindi ako nag-iisa at na ang panlulumo, katulad ng lahat ng iba pang mga karamdaman, ay magwawakas sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.
C. H., Estados Unidos
Makalipas ang sampung buwan pagkasilang ko ng isang sanggol na babae, nagsimula akong makaranas ng postpartum psychosis. Ayaw na ayaw ko sa aking sanggol. Malaking tulong sa akin ang pagpapagamot at ang maibiging suporta ng aking pamilya at ng kongregasyon. Inaasahan kong ang artikulong ito’y tutulong sa iba pang mga babae at sa kani-kanilang pamilya na maunawaan ang karamdamang ito. Binabalak kong bigyan ng isang kopya nito ang aking doktor.
S. Z., Timog Aprika
Pagkapanganak ko sa aking ikalawang anak, dumanas ako ng matinding panlulumo. Kumilos ang aking mga kaibigan at pamilya upang himukin akong magpagamot. Nagpapasalamat ako na ang organisasyon ni Jehova ay naglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon sa pamamagitan ng mga publikasyong gaya ng Gumising!
C. O., Estados Unidos
Buhok Nais kong ipaabot sa inyo ang aking taos-pusong pasasalamat sa artikulong “Nababahala Ka ba sa Iyong Buhok?” (Agosto 8, 2002) Ako’y 36 na taóng gulang, at nag-aalala ako sa loob ng ilang panahon hinggil sa bahagyang pagkalagas at pagnipis ng aking buhok. Tinulungan ako ng artikulo na maunawaang natural lamang na malagas ang ilang buhok araw-araw. Mas relaks na ako ngayon. Huwag sana kayong huminto sa paglalathala ng mga artikulong gaya nito!
V. G., Slovakia
Tinanggap ko ang artikulong ito sa tamang panahon. Alalang-alalá ako sapagkat nalalagas ang buhok ko. Pinakalma ako ng artikulo, lalo na ng pananalitang “ang iba ay karaniwang hindi gaanong nababahala tungkol sa inyong buhok na gaya mo.” Nakatulong din sa akin na malaman na kahit walang problema sa buhok ang isa, mga 70 hanggang 100 buhok ang nalalagas araw-araw!
E. L., Estados Unidos