Pagtulog—Luho o Pangangailangan?
Pagtulog—Luho o Pangangailangan?
PARA SA ILANG TAO, pagsasayang lamang ng panahon ang pagtulog. Palibhasa’y mas gusto ng ilan na maging labis na abala sa araw-araw na iskedyul ng pagtatrabaho at pagkakatuwaan, sumusuko lamang sila para matulog kapag halos patay na sila sa pagod. Sa kabaligtaran, gagawin naman ng iba ang lahat para makatulog nang mahimbing sa gabi yamang nahihirapan silang matulog na pabiling-biling gabi-gabi sa kama hanggang sa mag-uumaga.
Bakit ang ilan ay nahihirapang matulog, samantalang gustung-gusto naman ng iba na manatiling gising? Dapat ba nating malasin ang pagtulog bilang isang luho o isang pangangailangan? Upang masagot ang mga tanong na ito, kailangan nating maunawaan kung ano ang nangyayari kapag tayo ay natutulog.
Ang mga Hiwaga ng Pagtulog
Nananatiling isang hiwaga kung paano nawawalan ng ulirat at nakakatulog ang isang tao. Gayunman, natuklasan ng mga mananaliksik na ang masalimuot na proseso ng pagtulog ay kinokontrol ng utak at sinusunod nito ang biyolohikal na orasan sa loob ng 24 na oras.
Habang tayo ay nagkakaedad, nagbabago ang ating kaugalian sa pagtulog. Mas madalas subalit maikli ang tulog ng isang bagong-silang na may kabuuang halos 18 oras sa isang araw. Ayon sa mga
eksperto sa pag-aaral ng pagtulog, bagaman ang ilang nasa hustong gulang ay nangangailangan lamang matulog nang tatlong oras sa isang araw, ang iba naman ay kailangang matulog nang hanggang sampung oras.Ipinakita ng pananaliksik kamakailan na ang pagkakaiba-iba ng ating biyolohikal na orasan ang dahilan din kung bakit ang ilang kabataan ay hirap na hirap gumising sa umaga. Waring patuloy na nagbabago ang biyolohikal na orasan sa panahon ng pagdadalaga at pagbibinata, kaya mas gusto ng mga kabataan na matulog nang mas gabi at bumangon nang mas tanghali. Ang atrasadong pagtulog na ito ay pangkaraniwan at lumilipas kapag sumapit na sa edad na 15 hanggang 19.
Ang biyolohikal na orasan natin ay kinokontrol ng mga kemikal na substansiya, na marami sa mga ito ay nakilala na. Ang isa sa mga ito ay ang melatonin, isang hormon na inaakalang sanhi ng pag-aantok. Ang melatonin ay ginagawa sa utak, at naniniwala ang ilang siyentipiko na ito ang sanhi ng pagbagal ng metabolismo ng katawan na nangyayari bago makatulog ang isa. Habang lumalabas ang melatonin, bumababa ang temperatura ng katawan at humihina ang daloy ng dugo sa utak, at unti-unting lumalambot ang ating mga kalamnan. Ano ang kasunod na nangyayari kapag ang isang tao ay nasa kalagayang tulog?
‘Pangunahing Tagasustini ng Kalikasan’
Humigit-kumulang dalawang oras pagkatapos nating makatulog, ang ating mga mata ay mabilis na kumikibot nang pabalik-balik. Ang pambihirang pangyayaring ito ang umakay sa mga siyentipiko na hatiin sa dalawang pangunahing yugto ang pagtulog: REM na pagtulog (rapid eye movement) at non-REM na pagtulog. Ang non-REM na pagtulog ay maaaring hatiin sa apat na yugto ng pagtulog na palalim nang palalim. Sa panahon ng mahimbing na pagtulog sa gabi, ilang ulit na nangyayari ang REM, na sinasalitan ng non-REM na pagtulog.
Ang karamihan sa pananaginip ay nagaganap sa REM na pagtulog. Narerelaks din nang husto ang mga kalamnan ng katawan kung kaya nagigising na maginhawa ang pakiramdam ng isang natulog. Bukod pa rito, naniniwala ang ilang mananaliksik na ang bagong nakuhang impormasyon ay natitimo sa ating isipan sa yugtong ito ng pagtulog na nagiging bahagi ng nagtatagal na memorya.
Sa panahon ng mahimbing na pagtulog (sa mga yugto ng 3 at 4 ng non-REM na pagtulog), bumababa
ang presyon ng dugo at bumabagal ang pintig ng puso natin, anupat napapahinga ang sistema ng sirkulasyon ng dugo na nakatutulong upang maiwasan ang sakit sa puso. Isa pa, lumalabas ang pinakamaraming hormon para sa paglaki sa panahon ng non-REM na pagtulog, na sa ilang tin-edyer ay 50 ulit ang kahigitan ng lumalabas na hormon para sa paglaki kung gabi kaysa sa araw.Tila nakaaapekto rin sa ating gana sa pagkain ang pagtulog. Natuklasan ng mga siyentipiko na ang pagtulog ay, kung sisipiin ang sinabi ni Shakespeare, talagang “pangunahing tagasustini sa kasaganaan ng buhay.” Nabibigyang-kahulugan ng utak natin ang kakulangan sa tulog bilang kakulangan sa pagkain. Habang tulog tayo, naglalabas ang ating organismo ng leptin, ang hormon na karaniwang nagpapabatid sa katawan natin na sapat na ang ating kinain. Kapag mas matagal tayong gising kaysa sa nararapat, mas kaunti ang leptin na inilalabas ng ating katawan, at natatakam tayong kumain ng mas maraming carbohydrate. Kaya napaparami ang kinakain nating carbohydrate kung kulang tayo sa tulog, na humahantong naman sa sobrang katabaan.—Tingnan ang kahong “Pag-idlip sa Hapon,” sa pahina 6.
Mahalaga sa Kalusugan
Subalit hindi lamang iyan. Mas pinadadali ng pagtulog na baguhin ng ating katawan ang mga free radical—mga molekula na diumano’y nakaaapekto sa pagtanda ng mga selula at nagiging sanhi pa nga ng kanser. Sa pinakabagong pagsusuri na isinagawa ng University of Chicago, 11 malulusog na kabataang lalaki ang pinatulog nang apat na oras lamang sa isang araw sa loob ng anim na araw. Sa pagtatapos ng yugtong ito, ang mga selula ng kanilang katawan ay katulad na niyaong sa mga taong 60 ang edad, at ang antas ng insulin sa kanilang dugo ay nakakatulad niyaong sa isang taong may diyabetis! Naaapektuhan pa nga ng kakulangan sa tulog ang produksiyon ng puting selula ng dugo at ng hormon na cortisol, anupat ang isang tao ay mas madaling magkaroon ng mga impeksiyon at mga sakit sa sirkulasyon ng dugo.
Walang alinlangan, mahalaga ang pagtulog para sa malusog na pangangatawan at isip. Ayon sa opinyon ng mananaliksik na si William Dement, tagapagtatag ng sentro para sa pag-aaral tungkol sa pagtulog sa Stanford University, E.U.A., “waring ang pagtulog ang pinakamahalagang palatandaan kung gaano katagal ka mabubuhay.” Si Deborah Suchecki, isang mananaliksik sa sentro ng pag-aaral tungkol sa pagtulog sa São Paulo, Brazil, ay nagkomento: “Kung alam sana ng mga tao kung ano ang nangyayari sa katawan na kulang sa tulog, pag-iisipan nilang muli ang opinyon nila na ang pagtulog ay pagsasayang lamang ng panahon o para lamang sa mga tamad.”—Tingnan ang kahon sa itaas.
Subalit ang pagtulog ba ay pawang nakapagpapanauli lamang ng lakas? Bakit ang ilang tao na buong magdamag nang natulog ay hindi pa rin maganda ang gising? Ang kasunod na artikulo ay makatutulong sa iyo upang makilala ang ilang pangunahing sakit sa pagtulog at ipaliliwanag nito kung paano ka magkakaroon ng mahimbing na tulog.
[Kahon/Larawan sa pahina 6]
ANG MGA EPEKTO NG KAKULANGAN SA PAGTULOG
PANANDALIANG MGA EPEKTO
◼ Pag-aantok
◼ Biglang pagbabagu-bago ng damdamin
◼ Panandaliang pagkamalilimutin
◼ Kawalan ng kakayahang gumawa, magplano, at magsakatuparan ng mga bagay-bagay
◼ Hindi makapagtuon ng pansin
PANGMATAGALANG MGA EPEKTO
◼ Sobrang katabaan
◼ Maagang pagtanda
◼ Pagkahapo
◼ Mas nanganganib na magkaroon ng impeksiyon, diyabetis, mga sakit sa puso, at gastrointestinal na sakit
◼ Labis na pagkamalilimutin
[Kahon sa pahina 6]
PAG-IDLIP SA HAPON
Naramdaman mo na bang hilahin ka ng antok pagkatapos mananghalian? Hindi naman ito palatandaan na nakararanas ka ng kakulangan sa tulog. Normal lamang na antukin sa bandang ala-una hanggang alas-dos ng hapon dahil sa likas na pagbaba ng temperatura ng katawan. Karagdagan pa, natuklasan kamakailan ng mga siyentipiko ang isang protina na tinatawag na hypocretin, o orexin, na ginagawa ng utak at nagpapanatili sa ating gising. Ano ang kaugnayan ng hypocretin at pagkain?
Kapag kumakain tayo, gumagawa ang katawan ng leptin na nagpapahiwatig sa atin na busog na tayo. Subalit hinahadlangan ng leptin ang paggawa ng hypocretin. Sa ibang salita, mientras mas maraming leptin sa utak, mas kaunti ang hypocretin at mas matindi ang pag-aantok. Marahil iyan ang dahilan kung bakit sa ilang bansa ang mga tao ay umiidlip pagkatapos mananghalian—pamamahinga sa araw ng trabaho anupat nakaiidlip ang mga tao pagkatapos mananghalian.
[Graph sa pahina 5]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ANG MGA YUGTO NG PAGTULOG
Pinasimpleng grap
Mga Yugto ng Pagtulog
Gising
REM
Non- REM
Mababaw na tulog 1
2
3
Mahimbing na tulog 4
1 2 3 4 5 6 7 8
Mga oras ng pagtulog
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Ang sapat na tulog ay mahalaga para sa malusog na pangangatawan at isip
[Larawan sa pahina 5]
Dumarami ang nagagawang hormon para sa paglaki habang natutulog ang isa