Mag-ingat sa Nakamamatay na mga Dikya!
Mag-ingat sa Nakamamatay na mga Dikya!
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
KAYGANDANG umaga ng tag-araw noon sa hilagang Queensland, Australia—tamang-tama para maligo sa nakarerepreskong tubig at matakasan ang init. Subalit nang umagang iyon ay paulit-ulit nang ibinobrodkas ng istasyon ng radyo sa Townsville ang babala na mayroon daw namataang nakamamatay na uri ng dikya sa tubig doon at na dapat mag-ingat ang sinumang maliligo sa araw na iyon.
Hindi narinig ng mag-asawang kabataan ang mga babalang ito sa radyo. Tahimik silang nakaupo sa mga 50 sentimetrong maasul na tubig-Pasipiko malapit sa pampang nang ang asawang babae—34 na linggo nang nagdadalang-tao—ay biglang magsisigaw. Habang nagtatatalon, sinikap niyang pagtatanggalin ang maraming galamay sa kaniyang hita at tiyan. Matapos tulungang makaahon ang kaniyang asawa, ang lalaki—na nakagat na rin—ay nahihintakutang tumakbo para humingi ng tulong. Pagbalik niya makalipas lamang ang ilang minuto, parang hindi na humihinga ang kaniyang asawa at nangingitim na ang mukha at mga braso’t binti nito. Mabuti na lamang, dahil sa ora-mismong resuscitation (pagpapamalay-tao) at sa mabilis na pagdating ng ambulansiya, nakaligtas ang kabataang babae. Nakaligtas din ang kaniyang sanggol, na isinilang pagkaraan ng ilang linggo.
Daan-daang naliligo ang nakakagat ng dikyang box jellyfish taun-taon. Ang ilan ay namamatay sa loob ng isang minutong pagkakadaiti sa kanila ng mga galamay nito. Kung gayon, hindi nga kataka-taka na kapag may namataang dikya, ang baybayin ay biglang nawawalan ng mga nagsisipaligo sa tag-araw sa loob lamang ng isang saglit! Ang kumpol ng mahahabang galamay nito—mga 40 hanggang 60 sa malalaking ispesimen—ay maaaring magdulot ng panganib.
May Magagawa Bang Pag-iingat?
Minabuti ng ilan na huwag na lamang maligo sa karagatan kapag may mga dikya. Pero sa mahihilig makipagsapalaran sa tubig sa mga buwan ng tag-araw, marahil ang pagsusuot ng isang pambuong-katawang wet suit ang pinakamabuting paraan upang makaiwas sa masasakit na kagat.
Maraming dalampasigan sa hilagang bahagi ng Australia ang regular na pinapatrolyahan, at kapag may namamataang mga dikya, ang karamihan sa mga ito ay hinuhuli ng lambat. Bukod dito, madalas na ibinobrodkas ng istasyon ng radyo roon ang mga babala. Sa kabila ng mga pag-iingat na ito, palagi pa ring naririyan ang panganib kapag naglalanguyan na ang mga dikya. Waring sa mga sapa at ilog sila nangingitlog. Kapag malalaki na, mas gusto nilang mamalagi sa mga dalampasigan.
Mabuti na lamang, ang kagat ng dikya ay karaniwan nang hindi naman nakamamatay. Karamihan ay depende sa dami ng dumikit na mga galamay, ng lumabas na kamandag, ng edad ng dikya, at ng edad at kalusugan ng nakagat. Gayunman, maaari itong ikamatay sanhi ng pagtigil ng tibok ng puso sa
loob ng isang minutong pagkakadiit ng mga galamay kung hindi agad magagamot. Ang dahilan nito ay sapagkat may mga hilera ng selulang kumakagat ang mga galamay nito, na parang mga palasong tumutusok kapag napadiit sa ibang kinapal. Mangyari pa, ito ang paraan nila ng pagkuha ng pagkain, gaya ng mga sugpo.Umaabot nang hanggang walo ang mata ng dikya, na kahit nakaharap papasok sa malinaw na katawan nito, ay nakakakita pa rin ng sagabal gaya ng tao o maninila. Hindi naman ito nangangahulugan na sadyang sinasalakay ng mga dikya ang mga tao. Hindi, dahil ang dikya ay nagpapaikut-ikot sa bagay na humahadlang dito kung may panahon pa ito. Nagagawa niya ito na ginagamit ang hugis-kahong katawan niya, na parang bulusan (bellows), na humihigop at nagbubuga ng tubig.
Ang mga tao naman kasi ay karaniwan nang tumatakbo o sumisisid sa tubig, kung kaya hindi na makaiwas ang dikya na sila ay mabangga. At kapag napadiit na ang mga galamay sa balat ng tao, agad itong umaaksiyon—kumakapit sa balat at nagbubuga ng kanilang kamandag. Napakakirot nito para sa mga biktima. Ang kamandag ay itinuturok ng maraming selula na tinatawag na mga nematocyst at mabilis itong kumakalat. Kapag ang biktima ay nanakbo o nagkakawag, lalong kumakalat sa katawan ang kamandag. Ang isa pang malaking problema ay na bagaman nakahiwalay na sa dikya ang mga galamay, nakakapit pa rin ito sa laman ng biktima, at lalong nagbubuga ng kamandag kapag sinisikap ng biktima na tanggalin ang mga galamay.
May Gamot Ba?
Oo, may gamot, at ang kagyat na paglalapat ng tamang gamot ay nakapagliligtas ng maraming buhay. Sa loob ng maraming taon, inakalang ang pinakamagaling na biglaang paggamot upang huwag kumalat ang kamandag ay ang pagbubuhos ng methylated spirits sa mga galamay na nakakapit sa biktima. Gayunman, isiniwalat ng modernong pagsasaliksik na lalo pala itong nagbubuga ng kamandag kapag nilagyan ng methylated spirits.
Pinaniniwalaan ngayon na ang sukà—isang likido na mumurahin at madaling makuha—ang pinakamagaling na ibuhos sa mga galamay. Ganap na sinusugpo ng sukà ang reaksiyon ng mga nematocyst at hinahadlangan ang pagbuga nito ng kamandag. Sa ngayon, karamihan sa lokal na mga konseho sa mapanganib na mga lugar na may dikya ay naglalagay ng napipisang mga botelya ng sukà sa prominenteng mga lugar—katabi ang naglalakihang mga karatula na nagbababala tungkol sa mga dikya sa dagat.
Kaya bagaman ang paglangoy sa mainit-init na tubig-tropiko ng Australia ay nakarerepresko at nakapagpapasigla pa nga, sa panahong may mga dikya, mag-ingat ang mga naliligo!
[Kahon/Larawan sa pahina 27]
SIMPLENG MGA PAG-IINGAT PARA MAIPAGSANGGALANG KA SA MGA DIKYA
• Lumangoy lamang sa mga dalampasigang pinapatrolyahan
• Magsuot ng pambuong-katawang wet suit sa panahong may mga dikya
• Magdala ng first-aid kit, at maghanda ng sukà
• Kapag nakagat, huwag tanggalin ang mga galamay
• Kapag huminto ang tibok ng puso o paghinga ng biktima, bigyan agad ng artipisyal na resuscitation
[Larawan sa pahina 26]
Isang malapitang larawan ng mga galamay ng dikya
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Surf Life Saving Queensland