Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malapit Na—Isang Daigdig na Wala Nang Pag-abuso sa Droga

Malapit Na—Isang Daigdig na Wala Nang Pag-abuso sa Droga

Malapit Na​—Isang Daigdig na Wala Nang Pag-abuso sa Droga

Maguguniguni mo ba ang isang daigdig na wala nang pag-abuso sa droga?

NANAWAGAN ang Kalihim-Panlahat ng United Nations na si Kofi Annan sa lahat ng mga bansa na pagsikapang makamit ang gayong daigdig. Ipinahayag niya: “Kailangan tayong gumawa ng bago at matatag na mga hakbang upang labanan ang kasamaang ito; ang salot na ito na sumilo sa napakarami sa ating mga anak.”

Bagaman maaaring sumang-ayon ang mga pinuno na bawasan ang paggawa at pamamahagi ng ipinagbabawal na gamot sa buong daigdig, napakahirap itong gawin. Sinabi ni Hennadiy Udovenko ng Ukraine, naglilingkod bilang presidente ng isang pantanging sesyon ng UN General Assembly, na “sa tinatayang halaga na mahigit sa $400 bilyon sa isang taon, ang kalakalan ng droga ay isa sa ilegal na mga negosyo na pinakamalakas kumita, . . . na kayang pasamain o pabagsakin ang mga pangglobong pinansiyal na merkado.” Idinagdag pa niya na ang problema sa droga “ay naging isang pangglobong kaganapan at walang bansa ang makadarama ng katiwasayan mula sa salot na ito.”

Mahirap makini-kinita ang isang daigdig na walang mapanganib na mga droga. Tiyak na napatunayan ng mga pamahalaan ng tao na hindi nila kayang alisin ang mga ito. Gayunman, walang makahahadlang sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa pagtupad ng kaniyang layunin na pangyarihin ang isang makalupang paraiso na doo’y bibigyang-kasiyahan ang lahat ng emosyonal, pisikal, at espirituwal na pangangailangan. (Awit 145:16; Lucas 23:43; 2 Pedro 3:13) Ayon kay propeta Isaias, ang salita ng Diyos ay ‘hindi babalik sa kaniya nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan niya, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan niya nito.’​—Isaias 55:11.

Ang pag-asa sa mga pangakong iyon ay nakapagdudulot ng malalaking kapakinabangan kahit na sa ngayon. Halimbawa, dating gumagamit ng droga si Edmundo. Subalit ang pagtanggap sa pangako ng Bibliya tungkol sa isang matuwid na bagong sanlibutan ay nagpakilos sa kaniya na muling suriin ang kaniyang buhay. Ganito ang sabi ngayon ni Edmundo: “Napakahangal ko talaga at sinayang ko ang aking panahon.” Palibhasa’y nagnanais na mapanatili ang pagsang-ayon ng Diyos, siya ngayon ay naudyukang huminto sa paggamit ng droga. Oo, ang kaalaman sa Diyos at sa kaniyang mga pangako ay maaaring mag-udyok sa atin ngayon na “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”​—Efeso 4:24.

Maraming iba pa na dating nasangkot sa pag-abuso sa droga ang nagtatamasa na ng malapít na kaugnayan sa kanilang Maylalang. Ang mga salita ng salmista ay may pantanging kahulugan sa mga ito: “Ang mga kasalanan ng aking kabataan at ang aking mga pagsalansang O huwag mong alalahanin. Alalahanin mo ako ayon sa iyong maibiging-kabaitan, alang-alang sa iyong kabutihan, O Jehova. Mabuti at matuwid si Jehova. Kaya naman tinuturuan niya ang mga makasalanan hinggil sa daan.” (Awit 25:7, 8) Kaylaking kaaliwan nga para sa mga magulang ng suwail na mga anak na malaman na ang kanilang mga anak ay maaaring magbago! Sa pamamagitan ng puspusang pagsisikap, matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na labanan ang salot ng pag-abuso sa droga at ‘makapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay,’ na matutupad sa bagong sanlibutan ng Diyos.​—1 Timoteo 6:19.

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang pag-asang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos ay nag-udyok sa maraming gumagamit ng droga na baguhin ang kanilang buhay