Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maligayang Dulo ng Sanlinggo!

Maligayang Dulo ng Sanlinggo!

Maligayang Dulo ng Sanlinggo!

INAABANGAN ito ng halos lahat, at kapag dumating ito, karaniwang ito ang pinakatampok na bahagi ng linggo. Sa panahong ito, ang ilang tao ay nagbibiyahe, naglalaro, sumasamba, at ang iba naman ay nasa bahay lamang at natutulog.

Pinag-uusapan natin ang tungkol sa yugto ng panahon sa pagitan ng dulo ng pagtatrabaho sa sanlinggo (o sanlinggong eskuwela) at ng pasimula ng susunod​—ang dulo ng sanlinggo! Sa mga bansa sa Kanluran, ang dulo ng sanlinggo ay nagsisimula ng Biyernes hanggang Linggo. Subalit saan ba nagsimula ang ideya ng dulo ng sanlinggo? At kung ikaw ay nakatira kung saan karaniwan ang limang-araw na pagtatrabaho sa sanlinggo, ano ang ilan sa kapaki-pakinabang na mga paraan kung saan maaari mong gamitin ang dulo ng sanlinggo?

Araw ng Pahinga Noon na Naging Dulo ng Sanlinggo

Ganito ang itinatakda sa kautusan ng Sabbath na ibinigay sa bansang Israel mga 3,500 taon na ang nakalipas: “Anim na araw na maisasagawa ang gawain, ngunit sa ikapitong araw ay sabbath ng lubusang kapahingahan. Iyon ay banal kay Jehova. Ang sinumang magsasagawa ng gawain sa araw ng sabbath ay talagang papatayin.” (Exodo 31:15) Ang Sabbath ay isa ring pagkakataon para sa mga magulang na Israelita upang pangalagaan ang espirituwal na mga pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.

Ang Sabbath ng mga Judio ay mula sa paglubog ng araw ng Biyernes hanggang sa paglubog ng araw ng Sabado. Gayunman, ayon sa The World Book Encyclopedia, “ginawa ng [nag-aangking mga Kristiyano] ang Linggo na isang araw para sa pantanging pagsamba, sapagkat naniniwala sila na ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay naganap noong araw na iyon. Noong mga taon ng A.D. 300, opisyal na kinilala ito kapuwa ng simbahan at ng estado bilang isang araw ng pahinga sa Europa.”

Kapansin-pansin na kamakailan lamang ang pagpapahaba sa panahon ng pahinga ng isa pang araw. Nagsimula sa Britanya noong dekada ng 1870 ang pagtatrabaho sa sanlinggo na nagtatapos sa tanghali ng Sabado. Ang kalahating-araw na bakasyon sa hapon ng Sabado at ang araw ng Linggo ang siyang bumubuo sa dulo ng sanlinggo. Ang Sabado ng hapon na nagsisimula sa pamamagitan ng tanghalian ng pamilya, na ayon sa magasing Atlantic Monthly, “ay kadalasang sinusundan ng lingguhang paliligo sa gusaling paliguan sa distrito.”

Sa Estados Unidos, ang dulo ng sanlinggo ay pinahaba pa tungo sa dalawang-araw na bakasyon. Ayon sa isang babasahin, ang unang limang-araw na pagtatrabaho sa sanlinggo ay ipinatupad sa isang pagawaan sa New England noong 1908. Ang kaayusang ito ay tinanggap kapuwa ng mga manggagawang Judio at “Kristiyano,” yamang ang bawat grupo ay may kani-kaniyang araw ng pahinga​—Sabado para sa mga Judio at Linggo para sa mga “Kristiyano.” Mabilis na naging popular ang limang-araw na pagtatrabaho sa sanlinggo. Itinaguyod ito ng manggagawa ng kotse na si Henry Ford, yamang may-katalinuhan niyang nahinuha na ang pagliliwaliw ng pamilya sa dulo ng sanlinggo ay makadaragdag sa pangangailangan para sa mga kotse.

May Plano Ka ba Para sa Dulo ng Sanlinggo?

Sa ngayon, naging bahagi ng istilo ng buhay sa Kanluran ang dalawang-araw na dulo ng sanlinggo. Kung nakatira ka sa bahaging iyon ng daigdig, malamang na tanungin ka ng mga kasama mo sa trabaho sa pagtatapos ng pagtatrabaho sa sanlinggo, “Ano ang plano mo para sa dulo ng sanlinggo?” Ang tanong na iyan ay nagbabangon ng ilang kapana-panabik na mga posibilidad.

Palibhasa’y kontrolado ng isang amo ang iyong panahon sa buong sanlinggo, maaaring ang dulo ng sanlinggo ang pagkakataon mo upang mapanumbalik ang pagkontrol mo sa iyong buhay. Maaaring ipahintulot nito na matamasa mo ang sandaling paghinto sa iyong lingguhang rutin. Maaaring pagkakataon mo na ito upang makapagpahinga o gumugol ng ilang panahon kasama ng iyong mga mahal sa buhay. O maaaring pagkakataon mo na ito upang gawin ang isa sa pinakapopular na libangan kung dulo ng sanlinggo​—ang nakalilibang na pamimili. “Nakatutuwa ang paglibot sa mga tindahan,” ang sabi ni Brigitte, na nakatira sa Alemanya.

Isinisiwalat ng mga surbey na mas pinipili ng maraming tao na gugulin ang kanilang libreng panahon sa basta pagpapahingalay. Para sa mga nananatili lamang sa bahay kung mga dulo ng sanlinggo, maraming posibleng libangan: paghahalaman sa loob o sa labas ng bahay, pangongolekta ng selyo, pagtugtog o pakikinig sa musika, panonood ng mga video, pagluluto, pagsusulat ng mga liham, pagbabasa, pananahi, paggagantsilyo, paglalaro, at pagpipinta, bilang pagbanggit lamang sa ilan. Pinipili naman ng iba ang mga gawain na nagpapahintulot sa kanila na makasama ang kanilang mga anak at kabiyak, gaya ng pagbuo ng mga jigsaw puzzle o paglalaro ng mga board game. *

Hinahatulan ba ng Bibliya ang gayong tila di-kapaki-pakinabang na paggamit ng isa ng panahon? Hindi naman. Sumulat si Solomon: “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:6) Sa katamtaman, ang laro, pahinga, at pagrerelaks ay tiyak na may wastong dako sa buhay ng isang Kristiyano.

Pagpapakalabis

Sa kabilang dako, anumang labis kahit ng mabuting bagay ay maaaring maging di-mabunga at nakapipinsala. Halimbawa, may mga kapakinabangan ang pagsasanay sa katawan. (1 Timoteo 4:8) Subalit ang ilang nagmimistulang atleta kapag dulo ng sanlinggo ay nagiging masyadong puspusan sa pagtataguyod ng isports. Palibhasa’y determinadong manalo sa pamamagitan ng pag-aaral ng tamang pamamaraan, ang ilan ay gumugugol ng sobra-sobrang panahon at salapi sa mga leksiyon sa pagsasanay at sa masasalimuot na kasangkapan sa isports.

Nariyan din ang mga panganib sa kalusugan dahil sa pagpapakalabis sa normal na kakayahan ng di-sanáy na katawan. Iniulat ng isang magasing pambalita ang tungkol sa “weekend warriors of sport” (mga taong napakahilig sa isports sa dulo ng sanlinggo) na nasa katanghaliang gulang, na determinadong muling matamo ang kanilang kabataan, anupat napupuwersa ang kanilang katawan, napipilayan sila, nahihiwa, at nasusugatan. Ang iba naman ay handang isapanganib ang kanilang buhay at katawan sa tinatawag na nakatutuwa o mapanganib na isports (thrill o extreme sports). * Angkop nga kung gayon ang payo ng Bibliya na maging “katamtaman.” (Tito 2:2) Ang ehersisyo ay dapat na nakagiginhawa, hindi nakapanlulupaypay o nagsasapanganib.

Kaya pinipili ng ilan ang hindi masyadong nakapapagod na mga libangan. Halimbawa, lubhang popular sa Alemanya ang paglalakad at malayuang paglalakad (hiking). Sa katunayan, ang isang libangan na napakapopular sa Europa ay tinatawag na challenge walking. Kapag ginagawa mo ito, hindi ka nakikipag-unahan sa iba, kundi sa halip ay hinahabol mo ang isang itinakdang oras. Ang ideya ay lakbayin ang isang pinagpasiyahang ruta sa lalawigan sa loob ng isang itinakdang oras. Tunay ngang isang kaayaayang paraan upang mag-ehersisyo at kasabay nito ay masiyahan sa magandang tanawin! At ito’y maaaring tamasahin ng buong pamilya.

Mga Dulo ng Sanlinggo na Napakaraming Gawain

Kung minsan, napakaraming gawain ang iniiskedyul ng mga tao sa dulo ng sanlinggo anupat kaunti o wala sa mga ito ang nakasisiya sa kanila. Kapag nagsimula ang bagong sanlinggo, hindi sila narepreskuhan kundi sa halip ay pagód na pagód sila. Iniulat ng magasing Focus sa Alemanya ang tungkol sa isang pagsusuri kung saan nasumpungan ng 27 porsiyento niyaong mga tinanong na ang kanilang mga paglilibang ay lubhang matrabaho at nakapapagod.

“Pinangangalagaan ng pahinga ang kahusayan sa paggawa,” ang sulat ng magasing Time. Nauunawaan din ni Jesu-Kristo ang pangangailangan nating magpahinga at maglibang. Iniuulat ng Marcos 6:31 na sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “ ‘Halikayo, kayo mismo, nang sarilinan sa isang liblib na dako at magpahinga nang kaunti.’ Sapagkat marami ang dumarating at umaalis, at wala man lamang silang libreng panahon upang kumain.” Kaya bagaman ang ehersisyo, pamimili, at mga katulad nito ay may wastong dako, ang pag-iiskedyul ng ilang panahon para sa pagbabasa nang hindi nagmamadali, pamamahinga, o pagtulog ay malaki ang magagawa upang mapanariwa ka. Gayunman, mayroon pang makadaragdag ng kasiyahan sa anumang dulo ng sanlinggo.

Espirituwal na mga Pangangailangan

Sinabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Ang isa sa mga layunin ng orihinal na araw ng pahinga kung Sabbath ay upang pahintulutan ang mga tao na bigyang-pansin ang kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Maaari bang gamitin ang mga dulo ng sanlinggo para sa layunin ding iyon sa ngayon? Isaalang-alang ang mga Saksi ni Jehova. Ang karamihan ng mga kongregasyon nila ay nagdaraos ng kanilang pangunahing mga pulong Kristiyano tuwing Sabado o Linggo. Ginagamit din nila ang mga dulo ng sanlinggo para sa mas malalaking pagtitipon, gaya ng mga asamblea at mga kombensiyon. Kadalasang ginugugol ng marami sa mga Saksi ni Jehova ang mga dulo ng sanlinggo sa pagtungo sa bahay-bahay na ipinakikipag-usap ang Bibliya sa kanilang mga kapuwa.

Sabihin pa, katulad ng iba pa, ang mga Saksi ni Jehova ay may mga trabaho, tahanan, at mga pamilyang pangangalagaan. Kaya nga kailanma’t posible, nagpaplano rin sila ng mga libangan para sa kanilang sarili at sa kani-kanilang pamilya. Subalit inuuna nila ang espirituwal na mga bagay. Nakapagpapabigat ba sa kanila na gawin iyon? Isaalang-alang ang mga karanasan ng sumusunod na mga indibiduwal.

Bago naging mga Saksi, ginugugol ng mag-asawang Aleman na nagngangalang Jürgen at Doris ang kanilang mga dulo ng sanlinggo sa pag-eehersisyo sa isang sports club. Ginugugol nina Melle at Helena ang kanilang panahon sa pagdalaw sa mga galerya ng sining. Para sa isang lalaking nagngangalang Helmut, ang mga dulo ng sanlinggo ay mga panahon upang masiyahan sa kagandahan ng kalikasan sa labas ng bahay. At ginugugol ng isang babaing nagngangalang Silvia ang kaniyang mga dulo ng sanlinggo sa disco. Gayunman, lubhang nagbago ang kanilang mga libangan mula nang sila ay maging mga Saksi ni Jehova.

Ganito ang paliwanag nina Jürgen at Doris: “Inaalis ng aming mga libangan ang pagkabagot, subalit hindi mo masasabing pinaganda nito ang aming buhay. Sa ngayon, ang pagtulong sa ibang tao na maunawaan ang Bibliya ay nakadaragdag ng kabuluhan at layunin hindi lamang sa kanilang buhay kundi sa amin din naman.” Kumusta naman sina Melle at Helena? “Ang Bibliya ay nag-aalok ng mga panuntunan para sa pinakamainam na paraan ng pamumuhay, at ang pakikipag-usap sa ibang tao tungkol dito ay nagdudulot ng malaking kagalakan.” Bakit higit na nasisiyahan ngayon sa buhay si Helmut? “Alam ko na ang ginagawa ko sa pangmadlang ministeryo ay mahalaga kay Jehova,” aniya. At ganito naman ang komento ni Silvia: “Ang pangangaral ay nangangahulugan ng pakikipagkilala sa mga tao at kawili-wiling pakikipag-usap, at nasisiyahan ako sa paggawa nito.”

Bakit hindi makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova sa susunod na pagkakataong dumalaw sila? Ang maikling pakikipag-usap sa isa sa kanila ay maaaring maging unang hakbang upang makasumpong ng higit na layunin sa buhay, hindi lamang sa dulo ng sanlinggo kundi sa bawat araw ng sanlinggo!

Anuman ang gusto mong libangan, gawing nakapagpapatibay at kasiya-siya ang iyong dulo ng sanlinggo. Kung nakatira ka sa lugar na nagsasalita ng Aleman, binabati ka namin ng “schönes Wochenende.” Kung Kastila naman ang wika mo, “¡Buen fin de semana!” Kung ikaw naman ay taga-Ukraine, sasabihin namin, “Бажаю вам приємно провести вихідні.” Saan ka man nakatira at anuman ang ginagawa mo, maligayang dulo ng sanlinggo!

[Mga talababa]

^ par. 12 Para sa impormasyon hinggil sa posibleng mga panganib ng ilang elektronikong laro, tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Maglaro ng mga Laro sa Computer o Video?” sa labas ng Agosto 22, 1996, na Gumising! at ang seryeng “Mga Elektronikong Laro​—May Masamang Epekto ba Ito?” sa labas ng Disyembre 22, 2002.

^ par. 16 Tingnan ang mga artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Mapanganib na Isports​—Dapat ba Akong Makipagsapalaran?” sa labas ng Hulyo 8, 1994, at “Mahihilig sa Mapanganib na Katuwaan​—Bakit Sila Naaakit Bagaman Nakamamatay?” sa labas ng Oktubre 8, 2002.

[Blurb sa pahina 13]

Ang isang kasiya-siyang dulo ng sanlinggo ay mabuting kombinasyon ng pahinga, paglilibang, at espirituwal na gawain