Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Paniolo—Mga Koboy ng Hawaii

Mga Paniolo—Mga Koboy ng Hawaii

Mga Paniolo​—Mga Koboy ng Hawaii

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Hawaii

MARAMING namamasyal sa mga Isla ng Hawaii ang nagugulat na malaman na may umuunlad na industriya ng mga baka sa lugar na ito, partikular na sa Big Island, na tinatawag na Hawaii. Bagaman dati na silang pamilyar sa mga taniman ng tubó, pinya, at kape mula sa Kona, para sa mga namamasyal, waring kakatwa at wala sa lugar ang buháy na mga koboy, o mga paniolo. Tinatanong nila, “Paano nagkaroon ng mga baka at mga koboy sa Hawaii?”

Pagdating ng mga Baka

Dumating ang mga baka sa Big Island ng Hawaii noon pang 1793 nang dalhin ito ng kapitan at manggagalugad ng barko ng Inglatera na si George Vancouver, kay Haring Kamehameha I bilang regalo. Pamilyar si Kapitan Vancouver sa mga Isla ng Hawaii, dahil mas maaga rito, sila ni Kapitan James Cook, isang tanyag na Britanong manggagalugad, ang naging unang mga Europeo na lumibot sa mga isla.

Tinanggap ng hari ang regalo at lubha siyang nalugod dito anupat nang bumalik si Vancouver noong sumunod na taon, nagdala pa ito ng mas maraming baka at tupa. Inasahan ni Vancouver na darami ang mga hayop, na magsisilbing karagdagang mapagkakakitaan para sa mga Isla ng Sandwich, na siyang dating tawag sa mga Isla ng Hawaii. Upang maisakatuparan ang tunguhing ito, iminungkahi niya kay Haring Kamehameha na isama ang mga hayop sa kapu (pagbabawal) na nagbawal sa pagpatay sa mga hayop upang mabilis itong dumami. Kaagad na nakita ng hari ang bentaha nito, at ipinroklama niya ang kapu na ito na nagtagal nang sampung taon.

Naging Peste ang mga Baka

Ang mga bakang dinala ni Vancouver ay mga longhorn mula sa California. (Tingnan ang ilustrasyon sa pahina 18.) Ang mga ito ay malalaki at nakatatakot na mga hayop na may mga sungay na malaki ang agwat. Agad na tinawag ng mga taga-Hawaii ang mga hayop na ito na pua‘a pipi (sa literal ay beef pig) at nanatili silang malayo sa mga hayop, bilang paggalang sa kapu. Palibhasa’y hinayaan lamang na gumala, lumibot sa malalawak na lugar ang mga baka at dumami ito nang dumami.

Di-nagtagal at naging peste ang mga bakang ito! Yamang malayang-malaya at walang maninila, nagsimulang gumawa ang mga ito ng malalaking pinsala sa katutubong mga kagubatan sa mga lupain ng mauka (bundok), at madalas silang maghanap ng pagkain sa mga hardin ng mga lupain ng makai (mga lupaing mababa at nasa tabi ng dagat), kung saan nagtatanim ang mga taganayon ng kamote, tugî, gabi, at iba pang pananim. Ang mga bakod na gawa sa bato ng bulkan at maging ang papipi (mga bakod na gawa sa kaktus na prickly pear) ay hindi nagbigay ng sapat na proteksiyon laban sa malalakas, mababangis, at di-mapigilang mga hayop na ito.

Noon lamang mga 1815 pinahintulutan ni Haring Kamehameha I ang mapag-eksperimentong taga-New England na si John Palmer Parker, na gamitin ang bago nitong baril na gawa sa Amerika, upang barilin ang ilang baka na napakarami at naging peste na sa Big Island. Di-nagtagal, ang karne, taba, at balat ng mga hayop na ito ay nakita ng matalinong hari na mapagkakakitaan nang malaki, at tunay nga, nang maglaon ay pinalitan ng karne norte ang sandalwood bilang pangunahing produkto ng Big Island.

Mula Vaquero na Naging Paniolo

Pagsapit ng mga unang taon ng dekada ng 1830, ang maiilap na kawan ng mga baka ay napakarami at napakapanganib anupat kailangang gumawa ng hakbang upang supilin ang mga ito. Nabatid ni Haring Kamehameha III na kailangan itong kontrolin. Kaya ipinadala niya ang isang mataas na opisyal sa California, na sakop noon ng Mexico, upang kumuha ng mga lalaking may karanasan sa pagpapastol ng mga baka. Ang trabaho nila ay tipunin ang mga baka at sanayin ang mga taga-Hawaii na gawin din ito. Nang panahong iyon, ang mga hayop na ito ay hindi lamang matatagpuan sa Big Island kundi makikita na rin sa Oahu, Maui, at Kauai.

Noong 1832, dumating sa Hawaii ang Kastila, Mexicano, at Indian na mga vaquero​—magagarbo at makaranasang mga koboy na natutong magpastol sa mga asyenda ng Espanya at Mexico. Taglay ang kanilang kakaibang mga sumbrero, síya, lubid, at mga espuwelas, di-nagtagal ay tinawag silang mga paniolo dahil sa kanilang Kastila, o espanyol na pinagmulan. Nanatili ang katawagang iyon, at hanggang sa ngayon ay tinatawag pa rin silang mga paniolo.

Ang mga paniolo ay mga koboy na masisipag at mahihilig sa katuwaan, na hindi lamang mahuhusay sa kanilang trabaho kundi nasisiyahan din sa pag-awit at pagtugtog ng mga instrumento. Makikita sa kanilang napakahirap na trabaho ang kanilang karanasan, lakas ng loob, at resistensiya, anupat talagang ipinagmamalaki nila ang kanilang trabaho. Ganito ipinahayag ng isang matagal nang paniolo ang kanilang damdamin: “Kung puspusan kang magtatrabaho, tatagal ang buhay mo.” At talaga namang puspusan silang magtrabaho! Ginugugol nila ang maghapon mula sa pagsikat ng araw hanggang sa pagkagat ng dilim sa pagtipon sa mga baka, pagbubukud-bukod sa mga hayop, paghuli ng mga baka sa pamamagitan ng lubid, at paghero sa mga ito. At, siyempre pa, kailangang gawin at ayusin ang mga bakod, yamang ang mga baka ay aalagaan na ngayon.

Ngunit paano magtatrabaho ang isang koboy kung wala siyang kabayo? Noong 1803, dinala ni Richard J. Cleveland ang unang mga kabayo sa Hawaii, sakay ng malaking barko na Lelia Byrd. Ang mga ito ay may lahing Arabe at Moro, at si Haring Kamehameha I mismo ang unang taga-Hawaii na sumakay sa isang kabayo sa mga isla!

Mabibilis, maliliksi, at malalakas ang mga kabayong ito, at nakabagay nang husto ang mga ito sa di-pantay na kalupaan. Naging napakahalaga sa mga paniolo ang mga hayop na ito sa kanilang mahirap na trabaho na pagkontrol at pag-aalaga ng mga baka.

Noong una, walang kumokontrol sa ilang kabayo gaya ng nangyari sa mga baka, at habang lumilipas ang panahon, nagparami ang mga ito kasama ang iba pang mga kabayong nagmula sa Gran Britanya at sa Estados Unidos, lakip na ang mga thoroughbred at mga lahing Arabe. Ang pagsasamang ito ay nagluwal ng kawili-wiling lahi ng mga kabayo na magagamit ng mga paniolo. Ngunit kung tatanungin ang paniolo sa ngayon kung aling kabayo ang pinakapaborito niya para sa panghuhuli ng baka sa pamamagitan ng lubid at pagtitipon sa mga ito, malamang na pipiliin niya ang quarter horse. Bakit? Sapagkat gaya ng natutuhan ng mga paniolo, di-matutumbasan ang mga hayop na ito pagdating sa bilis ng pagsibad, paghinto, at pagsunod sa mga utos.

Pandaigdig na Kampeonato ng Rodeo

Nagpakadalubhasa ang mga paniolo sa Hawaii sa mga kasanayang alam na alam ng lahat tungkol sa mga koboy​—pagsakay sa kabayo, paghuli sa pamamagitan ng lubid, at pagkarera. Napakahusay na nila rito anupat noong 1908, ang ilan sa kanila, kasama si Ikua (Ike) Purdy at si Archie Ka‘au‘a, ay lumaban sa pinakamalaking paligsahan ng rodeo sa Estados Unidos. Ito ay ang Frontier Days Rodeo sa Cheyenne, Wyoming, isang tunay na tanyag na paligsahan.

Ang mga paniolo na ito, suot ang kanilang makukulay na damit, kamangha-manghang istilo, at kuwintas ng bulaklak ng Hawaii, ay nakatawag ng pansin ng mga koboy sa Kanluran. At talaga namang kakaiba sila! Naging kampeon si Ike Purdy sa pandaigdig na rodeo sa paghuli ng toro sa pamamagitan ng lubid, at mahusay rin si Archie sa rodeo. Lubhang namangha at napukaw ang interes ng daigdig sa Hawaii at sa kawili-wili nitong mga paniolo. Nang maglaon, noong 1996, nanomina pa nga si Ike Purdy sa National Cowboy Hall of Fame.

Makabagong Buhay ng Paniolo

Ano kaya ang buhay ng isang paniolo sa ngayon? Marahil ay hindi na gaanong kapana-panabik, ngunit marami pa ring mahirap na trabahong dapat gawin sa makabagong rantso. Isang magandang halimbawa ang Parker Ranch sa Waimea sa Big Island. Ito ay may napakalawak na lupa, daan-daang kilometrong bakod, at libu-libong baka. Maraming trabahong gagawin ang paniolo, at kasama ang kaniyang paboritong kabayo, inaakay niya ang mga baka upang manginain sa iba’t bang lugar.

Sa ngayon sa Waimea, pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho, baka makasumpong ka ng isang pangkat ng mga paniolo na nagrerelaks sa isang paboritong kainan​—na nakamaong na asul, nakabota, at sumbrerong pangkoboy na marahil ay may nakapulupot na kuwintas ng bulaklak ng Hawaii​—na nakikinig sa istilo ng musika ng gitara na tinatawag na slack-key na siyang isa sa mga pagkakakilanlan nila o marahil ay sumasali sa pag-awit ng isang matagal na at paboritong awitin ng Hawaii!

[Larawan sa pahina 17]

Haring Kamehameha I

[Larawan sa pahina 18]

Paghero sa mga baka

[Larawan sa pahina 18]

“Longhorn”

[Larawan sa pahina 18, 19]

Mula sa kaliwa pakanan: Archie Ka‘au‘a, Eben Low, at Ike Purdy

[Credit Line]

Paniolo Preservation Society/Dr. Billy Bergin

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Mga Isla ng Hawaii: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Parker Ranch/John Russell

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Parker Ranch/John Russell