Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagguhit sa mga Kilala at sa mga Bantog sa Kasamaan

Pagguhit sa mga Kilala at sa mga Bantog sa Kasamaan

Pagguhit sa mga Kilala at sa mga Bantog sa Kasamaan

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

NASUBUKAN mo na bang iguhit ang mukha ng isang tao? Hindi ito madali. Ngunit paano kung kailangan mong iguhit ang isang tao na ngayon mo lamang nakita, at sa loob lamang ng ilang minuto? Mas mahirap pa rito, kailangan mo siyang iguhit batay sa kung ano lamang ang naalala mo sa kaniyang hitsura. Kahuli-hulihan, ang iyong iginuhit na larawang ginamitan ng makukulay na pastel, na batay sa iyong memorya, ay dapat na handa na sa loob ng 30 minuto para sa naghihintay na mga tauhan ng isang istasyon ng telebisyon!

Imposibleng magawa iyan ng karamihan sa atin. Gayunman, sa Britanya, dalubhasa ang ilang lalaki at babae sa ganitong gawain. Sino sila? Mga tagaguhit sa hukuman.

Mga Pagbabawal ng Batas

Madaling mapukaw ng mga kaso sa hukuman ang interes ng madla, at sa maraming bansa, karaniwan nang nakikita sa telebisyon o sa mga litrato ang gayong mga kaso. Ngunit iba sa Britanya. Mahigpit na pinagbabawalan ang mga tao na “magtangkang gumawa ng anumang pinta o larawan, ng sinumang tao sa anumang hukuman”​—kabilang dito ang mga larawan ng mga hukom, hurado, o mga saksi, gayundin ng mga nasasakdal o mga bilanggo. * Dito pumapasok ang kasanayan ng tagaguhit sa hukuman, na siyang gumuguhit ng mga kaganapan sa hukuman para sa media.

Upang higit na malaman ang tungkol sa kawili-wiling trabahong ito, namasyal ako sa isang eksibit ng sining at disenyo sa London. Sa isang tanyag na displey ng eksibit, nakilala ko si Beth, isa sa mga miyembro ng pantanging grupong ito ng mga tagaguhit. “Gaano kalaking panahon ang puwede ninyong gugulin sa hukuman upang tingnan ang nasasakdal?” ang una kong tanong.

Panahon at Layunin

“Kapag tumayo sa unang pagdinig ng kaso ang isang bilanggo sa plataporma ng hukuman para sa magbibigay ng testimonyo, karaniwan nang naroroon siya sa loob ng mga dalawang minuto, ngunit sapat na iyon,” ang pagtiyak sa akin ni Beth. “Binibigyan ako nito ng panahon upang makita ang mga katangian ng ulo at ayos ng buhok at ang hugis ng ilong, mata, labi, at bibig. Dapat ko ring tandaan ang lapad ng mukha at ng noo, at ang laki ng mga tainga, gayundin ang iba pang karagdagang mga detalye, gaya ng balbas o salamin sa mata. Pagkatapos kong makuha ang mga detalyeng ito, saka lamang ako nagkakaroon ng saligang impormasyon para sa pagguhit ng isang tumpak na larawan.

“Kung minsan, nagiging mas mahirap ang aking trabaho. Halimbawa, sa isang kamakailang kaso, 12 lalaki ang pinatayo sa plataporma ng hukuman para sa magbibigay ng testimonyo! Totoo, naroon sila sa loob ng 15 minuto, ngunit ang sabay-sabay na pagguhit sa 12 mukha ay nangangailangan ng matinding konsentrasyon. Madali kong natatandaan ang mga detalye ng aking nakikita, ngunit kinailangang linangin ko ang kasanayang ito sa loob ng maraming taon. Kapag umalis ako sa hukuman, kapag ipinikit ko ang aking mga mata, kailangang maliwanag na maalaala ko ang mga mukhang aking nakita.”

“Gaano karaming panahon ang ginugugol mo sa pagsasaliksik hinggil sa mga taong makikita mo sa hukuman?” ang sunod kong tanong. Nagulat ako sa sagot ni Beth.

“Di-tulad ng isang reporter, wala akong ginagawang anumang pagsasaliksik. Dumarating ako sa hukuman nang walang anumang ideya sa kaso, may malinaw na isip, anupat nagsisikap nang mabuti na hindi magbigay ng anumang pakahulugan sa aking iguguhit. Pinagsisikapan kong ilarawan ang mga nangyayari sa hukuman, kung saan maaaring magbago ang ekspresyon ng mga mukha araw-araw. Dapat kong alalahanin na maaaring makita ng hurado ang aking mga iginuhit, sa telebisyon man o sa pambansang pahayagan, at hindi ko nais impluwensiyahan ang sinuman sa kanila na sabihing, ‘Talagang mukhang may kasalanan siya!’ Sa mahalagang aspektong ito, lubhang naiiba ang sining ng pagguhit sa hukuman sa sining ng pagpipinta ng larawan.”

“Ang Natatanging Sandali”

Nang tanungin ko si Beth kung ano ang lihim ng kaniyang tagumpay, sinabi niya: “Hinahanap ko ang isang sandali​—‘Ang Natatanging Sandali,’ ang tawag ko rito​—na mismong lumalarawan sa namamayaning damdamin ng kaganapan sa hukuman. Halimbawa, kapag iniyukyok ng akusado ang kaniyang ulo sa mesa at ipinatong ang kaniyang mga kamay sa ulo niya, ipinakikita ng kaniyang pagkilos na hindi pabor sa kaniya ang kahihinatnan ng kaso. Sa isa pang okasyon, mas nabanaag sa naging hitsura ng mukha ng isang babae ang sagot niya sa tanong na, ‘Ikaw ba ay isang mabuting ina?’ kaysa sa kaniyang isinagot. Sa katulad na paraan, ang pagpahid ng panyo sa luha ay nakapagsisiwalat ng kaibuturan ng damdamin ng isa.

“Kailangan ding makuha ng isang tagaguhit sa hukuman ang namamayaning damdamin ng mismong hukuman, na nangangahulugan ng pagguhit sa hukom, sa mga abogado, at sa mga opisyal ng hukuman, gayundin sa mga aklat, ilaw, at sa muwebles. Hindi nakikita ng karamihan sa mga tao ang gayon kakumpletong larawan, kaya nakapupukaw ito ng kanilang interes. Saan ko ginagawa ang aking mga iginuguhit? Kung minsan sa silid ng hukuman para sa mga reporter, ngunit mas madalas ay sa isang tahimik na hagdan kung saan ako nauupo. Ngunit pagkatapos ay kailangan kong magmadaling bumalik sa hukuman upang iguhit ang karagdagang mga mukha kapag may tinawag na bagong saksi o kapag kinakausap ng abogadong nagtatanggol ang hukuman.” Nakangiting sinabi pa ni Beth: “Oo nga pala. Alam ko na marami sa mga iginuhit ko ay makikita na ngayon sa mga opisina ng mga abogado.”

Palibhasa’y napukaw ang interes, tiningnan kong mabuti ang mga larawan sa kaniyang displey. Malinaw na ipinaalaala sa akin nito ang mga kaso na nagsasangkot sa mga kilala at sa mga bantog sa kasamaan na nabasa ko nitong kamakailang mga taon. Pagkatapos ng mga sampung minuto, nang papaalis na ako, may-kabaitang iniabot sa akin ni Beth ang isang iginuhit na larawang ginamitan ng pastel. Larawan ko iyon.

[Talababa]

^ par. 6 Hindi ito kapit sa Scotland.

[Mga larawan sa pahina 14, 15]

Isang iginuhit na larawan sa hukuman at kung paano ito lumitaw sa pahayagan (kaliwa)

[Credit Line]

© The Guardian