Ang Matinik na Urchin ng Kabukiran
Ang Matinik na Urchin ng Kabukiran
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
ISANG manipis na puting ulap ang tumatakip sa libis ng Tyne sa hilaga ng Inglatera, at ang malakas na huni ng mga uwak ay naririnig hanggang sa malayo sa tahimik na gabing iyon. Naglalakad ako sa landas sa kakahuyan nang mapukaw ang aking pansin ng mahinang kaluskos sa mga laglag na dahon—ng isang bagay na matingkad na kulay pula, kape, at dilaw. Nasulyapan ko ang isang pares ng maiikli at payat na hulihang mga paa habang kumakaripas ang mga ito patungo sa isang awang sa tuyong pampang ng batis na tinatalunton ko.
Nang tingnan ko ito nang malapitan, ito ay isang hedgehog (baboy na may mga tulis sa katawan na parang porcupino) na maingat na naghahanda ng kaniyang silid para sa taglamig. Ang hayop ay may naipasok nang mga dahon, tuyong damo, at mga pakô. Ginagawa na nito ang kaniyang higaan upang tulugan ang maginaw na mga araw at gabi sa taglamig.
Hindi maipagkakaila na ito nga ang kaakit-akit na maliit na urchin * na matatagpuan sa mga burol, parang, at kakahuyan. Ang ulo at leeg ng isang hedgehog ay nababalutan ng magaspang na balahibo na kulay kape at puti, ngunit ang pinakatampok na bahagi nito ay ang nagsasanggalang na matitinik na balahibo nito na kulay dilaw ang dulo. Ang mga tinik na ito, na mga dalawang sentimetro ang haba at matutulis, ay nakausli mula sa magaspang na balahibo at nakaayos na parang mga sinag na tumpuk-tumpok upang takpan ang katawan nito. Ang bawat tinik ay may mga 22 hanggang 24 na ukang pahaba at tumutubo sa tamang mga anggulo mula sa kurbadang pinagtubuan nito. Malapit sa pinagtubuan nito, bawat tinik ay may makitid na pinakaleeg na nakabaluktot. Nangangahulugan ito na kapag nahulog ang hedgehog mula sa mataas na lugar, maaari itong makaligtas dahil sa ang mga tinik nito ay nakaanggulo sa paraang hindi tutusok ang mga ito sa balat nito. Tunay ngang isang kahanga-hangang disenyo!
Kapag may panganib, ang hedgehog ay pumuposisyon upang ipagtanggol ang sarili sa pamamagitan ng pagbaluktot na parang bola. Hahatakin ng malalakas na kalamnan nito ang matinik na balat nito sa buong katawan upang ito’y mabalot, anupat iipitin paloob ang balat nito sa tagiliran at babanatin naman pababa yaong mga nasa dulo, na parang
panghigpit na panali ng isang malambot na bag na katad. Tinatakpan ng nagsasanggalang na matinik na balahibong ito ang ulo, buntot, mga paa, at ang ilalim na mga bahagi ng katawan. Maaaring panatilihin ng hayop ang posisyong ito ng pagtatanggol sa sarili sa loob ng mahaba-habang panahon.Pagsapit ng takip-silim, ang hedgehog ay karaniwan nang handang kumain. Ang hapunan nito na mga insekto at uod ay maaaring lakipan ng mga bubuwit, palaka, daga, butiki at, kung minsan, ng mga nuwes at beri. Matalas ang pandinig ng hedgehog. Gayundin ang pang-amoy nito, gaya ng maaaring isipin mo kapag nakita mo ang patulis na nguso nito at basang mga butas ng ilong.
Mga Kaaway—Likas at Di-likas
Kakaunti lamang ang likas na mga kaaway ng mga hedgehog bukod sa mga sorra at mga badger (kabilang sa pamilya ng kuneho). Madaling maaalis ng badger ang pagkakabaluktot na parang bola ng isang hedgehog sa pamamagitan ng malalakas na mga kuko nito, palibhasa’y hindi ito nasasaktan sa mga tinik. Maraming beses na akong nakakita ng balat ng hedgehog—malamang na ang tanging natira sa hapunan ng isang badger. Sa kabilang panig, hindi naman makayanan ng sorra ang mga tinik ngunit maaari niyang pagulungin ang hedgehog patungo sa tubig, kung saan mapipilitan itong alisin ang kaniyang pagkakabaluktot upang hindi ito malunod. Palibhasa’y isang mahusay na manlalangoy, ang hedgehog ay may malaking pag-asa na makapagtago, sa mga batuhan o sa isang butas sa tabi ng pampang ng ilog, bago ito masila ng sorra.
Kinakain ng mga hitano at ng ibang mga taga-bukid ang mga hedgehog na niluto sa luwad. Kapag lumamig na ang luwad at nabaklas na ito, kasama nitong natatanggal ang mga tinik, anupat naiiwan ang nalutong laman—“isang masarap na pagkain,” ayon sa aklat na The Gypsies ni Jean-Paul Clébert. Sa ngayon, nakalulungkot na makita ang malalaking bilang ng mga hedgehog na namamatay dahil nasasagasaan sa daan. Waring mas madali silang masagasaan kapag
kagigising lamang nila mula sa matagal na pagtulog (hibernation) at nagsisimulang maghanap ng pagkain. Ngunit kung ang hedgehog ay makaliligtas sa kabila ng lahat ng likas at di-likas na mga kaaway na ito, maaari itong mabuhay nang anim na taon o higit pa at lumaki sa haba na 25 sentimetro.Pagpaparami, Mahabang Pagtulog, at Paghanap ng Pagkain
Ang lalaki, na tinatawag na bulugan, at ang inahing hedgehog, ay nag-aanak sa pagitan ng Mayo at Hulyo, na sinusundan naman ng muling pag-aanak sa bandang katapusan ng panahong iyon. Ang panahon ng pagbubuntis ay apat hanggang anim na linggo, at ang maaaring maging anak ay mga tatlo o apat na biik, na bawat isa ay tumitimbang nang wala pang 30 gramo. Palibhasa’y bulag at bingi, sila’y madaling mapahamak sa loob ng dalawang linggo matapos ipanganak. Pagkatapos nito ay unti-unting napapalitan ng mga tinik ang kanilang malalambot na balahibo. Nagkakaroon na rin sila ng kakayahang bumaluktot nang lubusan. Kapag nagambala bago sila magkaroon ng kakayahang bumaluktot, bigla silang tatalon sa ere at huhuni ng matinis na tunog. Ang panggulat na ito ay nakahahadlang sa maraming maninila.
Ang taba na natipon dahil sa pagkain sa mga buwan ng tag-init ang siyang magiging pinakapagkain ng hedgehog sa panahon ng kaniyang mahabang pagtulog. Sa panahong ito, ang temperatura ng kaniyang katawan ay bumababa nang husto at halos hindi na mapapansin ang paghinga niya. Ang hayop ay may pantanging glandula para sa mahabang pagtulog, na sumusubaybay sa init ng katawan. Kapag ang temperatura ng katawan ay masyadong bumaba sa panahon ng mahabang pagtulog, magpapalabas ang glandula ng karagdagang init, na sapat upang pakilusin ang hayop na maghanap ng mas mainit at mas nakasilong na dako. Sa panahon ng pagtulog nito sa taglamig, hindi naman lubusang walang kaalaman ang hedgehog sa nangyayari sa labas. Anumang ingay sa malapit ay napapansin nito, na nagbubunga ng bahagyang pagkilos ng katawan.
Kung ikukulong sa isang hardin, di-magtatagal at aakyat ang hedgehog sa pader, bakod, o maging sa malaking tubong palabasan ng tubig, yamang kailangan itong gumala kung saan-saan upang humanap ng pagkain. Dahil dito, nananatili itong mailap na hayop at hindi madaling gawing isang alagang hayop. Mas mabuti naman ang gayon, yamang ang mga hedgehog sa iláng ay karaniwan nang punô ng pulgas. Ngunit ang pagala-galang maliliit ngunit kaakit-akit na mga urchin na ito sa kabukiran ng Britanya ay nagbibigay ng karagdagang kawili-wiling mapagtutuunan ng pansin na dahil dito’y lagi akong nagpapasalamat sa ating Maylalang, ang Diyos na Jehova.
[Talababa]
^ par. 5 Mula sa ericius, ang salitang Latin para sa “hedgehog.”
[Larawan sa pahina 15]
Isang “hedgehog” na bumaluktot na parang bola
[Larawan sa pahina 16]
Paglalarawan sa “hedgehog” ni Beatrix Potter na kuha sa kaniyang aklat na kuwentong pambata noong 1905 na pinamagatang, “The Tale of Mrs. Tiggy-Winkle”
[Larawan sa pahina 16]
Isang karaniwang “hedgehog” na isang linggo pa lamang ang tanda
[Mga larawan sa pahina 17]
Isang “pygmy hedgehog” sa Timog Aprika