Ang Pagkakasalungatan ni Galileo at ng Simbahan
Ang Pagkakasalungatan ni Galileo at ng Simbahan
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
NOON ay Hunyo 22, 1633. Nakaluhod ang isang mahina at matandang lalaki sa harap ng korte ng Inkisisyong Romano. Siya ay isang siyentipiko, isa na kilalang-kilala noong panahong iyon. Ang kaniyang makasiyensiyang mga paniniwala ay batay sa maraming taon nang pag-aaral at pagsasaliksik. Gayunman, kung gusto niyang iligtas ang kaniyang buhay, dapat niyang talikuran ang alam niyang totoo.
Ang pangalan niya ay Galileo Galilei. Ang kaso ni Galileo, gaya ng tawag dito ng marami, ay nagbangon ng mga pag-aalinlangan, tanong, at kontrobersiya na tinatalakay pa rin hanggang sa ngayon, mga 370 taon na ang nakalilipas. Ang kaso ay nag-iwan ng di-mapapawing impresyon sa kasaysayan ng relihiyon at siyensiya. Bakit maraming pagtatalu-talo hinggil sa kasong ito? Bakit muli na namang naging laman ng balita sa ating makabagong panahon ang kaso ni Galileo? Talaga bang sumasagisag ito sa “hidwaan ng siyensiya at relihiyon,” gaya ng tawag dito ng isang manunulat?
Si Galileo ay itinuturing ng marami na “ama ng makabagong siyensiya.” Siya ay isang matematiko, astronomo, at pisiko. Bilang isa sa unang mga lalaki na nagsuri sa kalangitan sa pamamagitan ng teleskopyo, ipinaliwanag ni Galileo na ang kaniyang nakita ay katibayan ng ideya na mahigpit pa ring pinagtatalunan noong kaniyang panahon: Na ang lupa ay umiikot sa palibot ng araw at kung gayon ang ating planeta ay hindi siyang sentro ng sansinukob. Hindi kataka-taka na itinuturing kung minsan si Galileo bilang ang tagapagtatag ng makabagong pamamaraan ng pag-eeksperimento!
Ano ang ilan sa mga natuklasan at mga naimbento ni Galileo? Bilang isang astronomo, natuklasan niya, bukod pa sa ibang mga bagay, na may mga buwan ang Jupiter, na ang Milky Way ay binubuo ng mga bituin, na ang buwan ay may mga bundok, at ang Venus ay may mga yugto ng paglitaw katulad ng buwan. Bilang isang pisiko, pinag-aralan niya ang mga batas na umuugit kapuwa sa pendulo at sa bumabagsak na mga bagay. Inimbento niya ang mga instrumentong gaya ng heometrikal na kompas, isang uri ng slide rule. Sa paggamit sa impormasyong natanggap mula sa Holland, gumawa siya ng teleskopyo na nagamit niya sa pagmamasid sa uniberso.
Gayunman, ang mahabang pakikipagtalo sa herarkiya ng simbahan ang nagpangyari sa karera ng napakahusay na siyentipikong ito na maging isang madulang pangyayari—ang kaso ni Galileo. Paano ito nagsimula, at bakit?
Pakikipaghidwaan sa Roma
Kasing-aga ng katapusan ng ika-16 na siglo, nanghawakan na si Galileo sa teoriya ni Copernicus, na nagsasaad na ang lupa ay umiikot sa palibot ng araw at hindi ang araw ang umiikot sa palibot ng lupa. Tinatawag din itong heliocentric (nakasentro sa araw) na sistema. Matapos niyang gamitin ang kaniyang teleskopyo noong 1610 upang tuklasin ang mga bagay sa kalangitan na hindi pa kailanman nakita, nakumbinsi si Galileo na nakahanap siya ng mga katibayan ng heliocentric na sistema.
Ayon sa Grande Dizionario Enciclopedico UTET, higit pa ang nais ni Galileo kaysa sa gumawa lamang ng gayong mga pagtuklas. Gusto niyang kumbinsihin “ang mga taong may pinakamatataas na ranggo (mga prinsipe at mga kardinal)” na totoo ang teoriya ni Copernicus. Inasam-asam niya na sa tulong ng kaniyang maimpluwensiyang mga kaibigan, mapananagumpayan niya ang mga pagtutol ng simbahan at makukuha pa nga ang suporta nito.
Noong 1611, naglakbay si Galileo patungong Roma, kung saan nakatagpo niya ang mga klerigo na may matataas na ranggo. Ginamit niya ang kaniyang teleskopyo upang ipakita sa kanila ang kaniyang mga natuklasan sa astronomiya. Ngunit ang resulta ay hindi katulad ng kaniyang mga inasahan. Pagsapit ng 1616, napasailalim si Galileo sa opisyal na pagsisiyasat.
Tinagurian ng mga teologo ng Inkisisyong Romano ang heliocentric na tesis na “mangmang at kakatwang pilosopiya at pormal na heretiko, yamang sa maraming dako ay hayagan nitong sinasalungat ang mga pangungusap sa Banal na Kasulatan ayon sa literal na kahulugan ng mga ito, ang karaniwang pagpapaliwanag, at ang pagkaunawa ng mga Banal na Ama at mga doktor ng teolohiya.”
Nakipagtagpo si Galileo kay kardinal Robert Bellarmine, na itinuturing na pinakadakilang Katolikong teologo noong panahong iyon at tinaguriang “ang martilyo ng mga erehe.” Pormal na pinayuhan ni Bellarmine si Galileo na huminto na sa pagtataguyod sa kaniyang mga opinyon hinggil sa nakasentro sa araw na sistema.
Pagharap sa Korte ng Inkisisyon
Sinikap ni Galileo na kumilos nang may kapantasan, ngunit hindi niya tinalikuran ang kaniyang suporta sa tesis ni Copernicus. Pagkalipas ng 17 taon, noong 1633, humarap si Galileo sa korte ng Inkisisyon. Patay na noon si Kardinal Bellarmine, ngunit ang naging pangunahing mananalansang ni Galileo ay si Pope Urban VIII, na dati ay pabor sa kaniya. Tinatawag ng mga manunulat ang paglilitis na ito na isa sa pinakabantog at pinakadi-makatarungan
noong sinaunang panahon, anupat itinutulad pa nga ito sa mga paglilitis kina Socrates at Jesus.Ano ang naging dahilan ng paglilitis? Sumulat ng isang aklat si Galileo na pinamagatang Dialogue Concerning the Two Chief World Systems. Sa diwa, itinaguyod nito ang heliocentrism. Inutusan ang awtor na humarap sa korte noong 1632, ngunit nagluwat si Galileo, palibhasa’y may sakit siya at halos 70 taóng gulang na. Naglakbay siya patungong Roma nang sumunod na taon, matapos pagbantaang siya’y gagapusin at puwersahang dadalhin doon. Sa utos ng papa, pinagtatanong siya at pinagbantaan pa nga na pahihirapan.
Pinagtatalunan pa rin kung pinahirapan nga o hindi ang lalaking ito na may sakit at matanda na. Gaya ng nakaulat sa naging sentensiya sa kaniya, si Galileo ay napasailalim sa “mahigpit na pagsisiyasat.” Ayon kay Italo Mereu, isang istoryador ng batas ng Italya, ang pariralang iyon ay isang teknikal na pananalita na ginagamit noong panahong iyon upang ilarawan ang pagpapahirap. May ilang iskolar na sumasang-ayon sa pagpapaliwanag na iyon.
Anuman ang nangyari, sinentensiyahan si Galileo sa isang napakasimpleng bulwagan sa harap ng mga miyembro ng Inkisisyon noong Hunyo 22, 1633. Siya ay napatunayang nagkasala ng “panghahawakan at paniniwala sa huwad na doktrina, na salungat sa Banal at Sagradong Kasulatan, na ang Araw . . . ay hindi kumikilos mula sa silangan pakanluran at na ang Lupa ang kumikilos at hindi ito ang sentro ng daigdig.”
Ayaw ni Galileo na maging martir, kaya napilitan siyang tumalikod sa kaniyang paniniwala. Matapos basahin ang kaniyang sentensiya, ang matanda nang siyentipiko, na nakaluhod at nakadamit na gaya ng nagsisisi, ay taimtim na nagpahayag: “Aking itinatatwa, isinusumpa, at kinamumuhian ang nasabing mga pagkakamali at mga erehiya [ang teoriya ni Copernicus] at, sa pangkalahatan, ang lahat at anumang iba pang pagkakamali, erehiya, o sekta na salungat sa Banal na Simbahan.”
May isang popular na tradisyon—bagaman di-napatutunayan ng matibay na patotoo—na matapos magtatwa, pumadyak si Galileo at bumulalas ng pagtutol: “Gayunman ay gumagalaw ito!” Sinasabi ng mga komentarista na ang kahihiyang dulot ng pagtalikod sa kaniyang mga natuklasan ay pumighati sa siyentipiko hanggang sa kaniyang kamatayan. Hinatulan siyang mabilanggo, ngunit ang kaniyang sentensiya ay binago at ginawang habambuhay na pagkakabilanggo sa sariling tahanan. Habang unti-unti siyang nabubulag, namuhay siya nang halos nakabukod.
Isa Bang Hidwaan ng Relihiyon at Siyensiya?
Marami ang naghinuha na pinatutunayan ng halimbawa ni Galileo na hindi talaga puwedeng maging magkasuwato ang siyensiya at relihiyon. Dahil dito, inilayo ng kaso ni Galileo ang mga tao sa relihiyon sa loob ng maraming siglo. Nakumbinsi nito ang marami na talagang isang banta ang relihiyon sa pagsulong ng siyensiya. Gayon nga ba?
Totoo na hinatulan ni Pope Urban VIII at ng mga teologo ng Inkisisyong Romano ang teoriya ni Copernicus, na inaangking ito ay salungat sa Bibliya. Tinukoy ng mga kalaban ni Galileo ang pananalita ni Josue na, “Araw, tumigil ka,” na dapat daw unawain nang literal, ayon sa kanilang pagbasa. (Josue 10:12, King James Version) Ngunit talaga nga bang salungat ang Bibliya sa teoriya ni Copernicus? Hinding-hindi.
Ang pagkakasalungatan ay nasa pagitan ng siyensiya at ng malinaw na di-wastong pagpapaliwanag sa Kasulatan. Ganiyan minalas ni Galileo ang mga bagay-bagay. Sumulat siya sa isang estudyante: “Bagaman hindi maaaring magkamali ang Kasulatan, ang mga tagapagpaliwanag at komentarista nito ay maaaring magkamali, sa iba’t ibang paraan. Ang isa rito, na napakalubha at napakalimit, ay kapag lagi nilang nais na unawain ito sa literal na diwa lamang.” Sinumang taimtim na estudyante ng Bibliya ay tiyak na sasang-ayon. *
Higit pa rito ang ginawa ni Galileo. Sinabi niya na ang dalawang aklat, ang Bibliya at ang aklat ng kalikasan, ay isinulat ng iisang Awtor at hindi maaaring magkasalungatan. Gayunman, idinagdag niya na hindi maaaring “igiit nang may katiyakan [ng isang tao] na lahat ng tagapagpaliwanag ay nagsasalita sa ilalim ng pagkasi ng Diyos.” Ang
pasaring na pamumunang ito sa opisyal na paliwanag ng simbahan ay malamang na itinuring na pagpukaw sa galit, na umakay sa Inkisisyong Romano na hatulan ang siyentipiko. Kung sa bagay, sinong pangkaraniwang tao ang mangangahas na makialam sa mga karapatan ng simbahan na magpaliwanag ng Kasulatan?Sa pagtukoy sa kaso ni Galileo, maraming iskolar ang nag-alinlangan sa kawalang-pagkakamali ng simbahan at ng papa. Sumulat ang Katolikong teologo na si Hans Küng na ang “napakarami at di-matututulang” mga pagkakamali ng “opisyal na turo ng simbahan,” pati na “ang paghatol kay Galileo,” ay nagbunga ng pag-aalinlangan sa turo ng kawalang-pagkakamali.
Isinauli ba ang Mabuting Reputasyon ni Galileo?
Noong Nobyembre 1979, isang taon matapos ang pagkakahirang sa kaniya, umasa si John Paul II na marerepaso ang katayuan ni Galileo, na ayon sa papa ay “kinailangang magdusa nang husto . . . sa kamay ng mga tao at ng mga institusyon ng Simbahan.” Pagkalipas ng 13 taon, noong 1992, isang komisyon na inatasan ng papa ring iyon ang umamin: “Nabigong unawain ng ilang teologo, na mga kapanahon ni Galileo, . . . ang malalim at di-literal na kahulugan ng Kasulatan kapag inilalarawan nito ang pisikal na kayarian ng nilalang na uniberso.”
Gayunman, ang totoo ay hindi lamang mga teologo ang pumuna sa teoriyang heliocentric. Mahigpit na iginiit ni Pope Urban VIII, na gumanap ng pangunahing papel sa kaso, na huminto si Galileo sa pagpapahina sa matagal nang turo ng simbahan na ang lupa ang siyang sentro ng uniberso. Ang turong iyon ay nanggaling, hindi sa Bibliya, kundi sa pilosopong Griego na si Aristotle.
Matapos gumawa ng puspusang pagrerepaso sa kaso ang makabagong-panahong komisyon, tinawag ng papa ang hatol kay Galileo na “isang padalus-dalos at malungkot na desisyon.” Isinasauli ba ang mabuting reputasyon ng siyentipiko? Isang manunulat ang nagpahayag: “Kakatwa na sabihing isinasauli ang mabuting reputasyon ni Galileo, gaya ng sinasabi ng iba, dahil ang hinatulan ng kasaysayan ay hindi si Galileo, kundi ang korte ng simbahan.” Sinabi ng istoryador na si Luigi Firpo: “Walang karapatan ang mga tagausig na isauli ang mabuting reputasyon ng kanilang mga biktima.”
Ang Bibliya ay “isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim.” (2 Pedro 1:19) Ipinagtanggol ito ni Galileo laban sa maling pagpapaliwanag. Ngunit kabaligtaran ang ginawa ng simbahan dahil sa pagtatanggol sa gawang-taong tradisyon na nagdudulot ng kasiraang-puri sa Bibliya.
[Talababa]
^ par. 24 Ang isang matapat na mambabasa ay agad na sasang-ayon na ang pananalita hinggil sa araw na nakatigil sa kalangitan ay hindi nilayong unawain sa makasiyensiyang paraan kundi ito ay isang obserbasyon lamang kung paano minamalas ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ng mga taong nakasasaksi. Maging ang mga astronomo ay madalas na bumabanggit hinggil sa pagsikat at paglubog ng araw, buwan, mga planeta, at mga bituin. Hindi nila ipinahihiwatig na ang mga bagay na ito sa langit ay literal na umiikot sa palibot ng lupa, kundi sa halip ay waring tumatawid ang mga ito sa ating kalangitan.
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
Ang Buhay ni Galileo
Isinilang si Galileo sa Pisa noong 1564 bilang anak ng isang amang taga-Florence at nag-aral siya ng medisina sa unibersidad doon. Palibhasa’y hindi gaanong interesado sa medisina, iniwan niya ito upang mag-aral ng pisika at matematika. Noong 1585, umuwi siya sa kaniyang pamilya nang walang anumang natapos na kurso. Gayunman, natamo niya ang paggalang ng pinakamahuhusay na matematiko noong kaniyang panahon, anupat nakuha niya ang posisyon na tagapagturo ng matematika sa Unibersidad ng Pisa. Pagkamatay ng kaniyang ama, napilitang lumipat sa Padua si Galileo dahil sa hirap ng buhay, at doon ay inatasan siya sa isang posisyon na mas malaki ang pakinabang, ang chair (isang makapangyarihang posisyon) sa matematika sa unibersidad ng lunsod na iyon.
Sa 18 taóng pananatili niya sa Padua, nagkaroon si Galileo ng tatlong anak sa kaniyang kinakasama, na isang kabataang babaing taga-Venice. Noong 1610 ay umuwi siya sa Florence, kung saan mas bumuti ang kalagayan ng kaniyang kabuhayan anupat nakapag-ukol siya ng mas maraming panahon sa pagsasaliksik—ngunit ang naging kapalit nito ay ang pagkawala ng kalayaang tinamasa niya sa teritoryo ng Republika ng Venice. Hinirang siya ng kataas-taasang duke ng Tuscany bilang “pangunahing pilosopo at matema-tiko.” Namatay si Galileo sa Florence noong 1642 habang namumuhay nang nakabilanggo sa sariling tahanan dahil sa hatol sa kaniya ng Inkisisyon.
[Credit Line]
Mula sa aklat na The Library of Original Sources, Tomo VI, 1915
[Larawan sa pahina 12]
Ang teleskopyo ni Galileo, na nakatulong sa kaniya upang matiyak na ang lupa ay hindi siyang sentro ng sansinukob
[Credit Line]
Scala/Art Resource, NY
[Mga larawan sa pahina 12]
Ang “geocentric” (nakasentro sa lupa) na sistema
Ang “heliocentric” (nakasentro sa araw) na sistema
[Credit Line]
Larawan sa likuran: © 1998 Visual Language
[Picture Credit Line sa pahina 11]
Larawan: Mula sa aklat na The Historian’s History of the World