Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ako Kailangang Maging Ampon?
“Parang mayroon kang permanente kapansanan. Isa itong karamdaman sa puso na walang lunas.”—Robert.
GANIYAN inilarawan ng isang lalaki ang kaniyang buhay bilang isang ipinaampon noong siya’y isilang. Nagpatuloy siya: “Halos araw-araw sa buhay mo ay hinahanap-hanap ng iyong puso ang mga kasagutan sa mga tanong na gaya ng, Sino ba ang tunay kong pamilya? Saan sila nakatira? Bakit nila ako iniwan?”
Si Chantial, na ang ama ay inampon, ay naghihinagpis dahil hindi niya kilala kung sino ang kaniyang tunay na lolo at lola. Sinabi niya: “Pakiramdam ko’y niloko ako dahil sa hindi ko nakakasama ang aking mga tiyuhin, tiyahin, at mga pinsan.” Hindi naman lahat ng ampon ay nakadarama ng ganitong mga emosyon. Ngunit ganiyan ang nadarama ng ilan. Bakit?
Isang Sanhi ng Galit
Ang pagkaalam na siya ay inihiwalay sa kaniyang tunay na pamilya ay maaaring magdulot ng matinding emosyonal na kalituhan sa isang bata. Si Catrina, na inampon noong musmos pa siya, ay nagsabi: “Nahihirapan akong kontrolin ang aking galit dahil hindi ko nauunawaan kung bakit ako ipinaampon ng tunay kong ina. Pakiramdam ko’y iniwan ako ng aking ina dahil pangit ako at mahirap mahalin. Kung bibigyan niya lamang ako ng pagkakataon, alam kong maipagmamalaki niya ako. Lalo lamang akong nagagalit sa tuwing naiisip ko ang tunay kong ina.”
Nagkaroon din ng matinding kaigtingan sa ugnayan ni Catrina at ng mga magulang na umampon sa kaniya. “Pakiramdam ko’y inagaw ako ng mga magulang na umampon sa akin mula sa tunay kong ina,” ang sabi niya. “Kaya sa kanila ko ibinunton ang aking galit.” Oo, ang galit kung minsan ay isang reaksiyon ng mga ipinaampon.
Maaaring maging mapanganib ang gayong galit. Kung minsan, gaya ng ipinahihiwatig ng kalagayan ni Catrina, maaaring ibunton mo ang iyong galit sa maling paraan o ibaling ito sa maling mga Awit 37:8) Paano ito magiging posible? Buweno, sinasabi rin ng Salita ng Diyos: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.” (Kawikaan 19:11) Ang pag-unawa sa iyong kalagayan ay makatutulong na mabawasan ang iyong galit. Paano?
tao. Ganito ang payo ng Bibliya: “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit.” (Pagtutuwid sa Maling mga Palagay
Matutulungan ka ng kaunawaan na suriin ang mga palagay na pumupukaw ng iyong galit. Halimbawa, kung inampon ka, ipinapalagay mo ba na ipinaampon ka ng iyong tunay na mga magulang dahil may nakita silang depekto sa iyo? Ganiyan ang nadama ni Catrina. Ngunit ganiyan ba palagi ang kalagayan? Maaaring imposibleng malaman kung ano ang nagtulak sa iyong mga magulang na gawin iyon, ngunit may mabubuting dahilan kung bakit dapat iwasan ang gayong negatibong palagay. Kung tutuusin, bakit ba karaniwan nang ipinaaampon ng mga magulang ang kanilang mga anak? Kadalasan, iniisip nilang wala na silang ibang mapagpipilian.
Isaalang-alang ang halimbawa ni Moises. Sinasabi sa atin ng ulat ng Bibliya sa Exodo kabanata 2 na nang iniutos ng Paraon ng Ehipto ang paglipol sa mga lalaking Israelitang sanggol, itinago ni Jokebed ang kaniyang sanggol na lalaking si Moises sa loob ng tatlong buwan. Sa wakas, imposible nang maitago pa ang bata, subalit hindi niya maaatim na makitang pinapatay ang kaniyang anak. Kaya “nang hindi na niya ito maikubli pa, kumuha siya para rito ng isang arkang papiro at pinahiran iyon ng bitumen at alkitran at inilagay roon ang bata at inilagay iyon sa gitna ng mga tambo sa pampang ng ilog ng Nilo.”—Exodo 2:3.
Ang pag-iwan sa kaniyang anak sa ganitong paraan ay tiyak na napakahirap para sa kaniya na gawin. Ngunit ano pa ba ang magagawa niya? Ang pag-ibig niya sa kaniyang anak ang nagtulak sa kaniya na gawin kung ano ang inaakala niyang pinakamagaling para sa bata. Kapansin-pansin, nagbantay sa di-kalayuan ang kapatid na babae ng bata at nanatili roon hanggang sa makita niyang ang kaniyang kapatid na sanggol ay ligtas na kinuha. Malamang na ginawa niya ito sa kahilingan na rin ng kaniyang balisang ina.
Siyempre pa, hindi lahat ng pag-aampon ay udyok ng gayong tiyak na kagipitan, ngunit madalas na gayundin ang motibo. Sinabi ni Robert: “Hindi kasal ang aking mga magulang nang ipaglihi ako. Ang pagpapalaki sa akin ay malamang na magdulot ng isang mabigat na pasan sa sambahayan ng aking ina, yamang may iba pang mga bata sa pamilya. Marahil ay nangatuwiran siya na ang pinakamabuti para sa akin ay ipaampon ako.”
Sabihin pa, maraming dahilan kung bakit ipinaaampon ang mga bata sa ibang mga pamilya para palakihin. Subalit gaya ng inilalarawan ng mga halimbawang ito, hindi naman laging nangangahulugan
na kinapopootan ng ina ang kaniyang sanggol o dahil may nakikita siyang depekto sa kaniyang anak. Sa maraming kaso, taimtim na naniniwala ang ina na mas magiging maganda ang buhay ng bata kung palalakihin ito ng ibang pamilya.Ang Kahalagahan ng Pagkaalam na May Nagmamahal
Ang pagkakaroon ng kaunawaan ay makatutulong din sa iyo kapag iniisip mo kung bakit ka inampon. Muling isaalang-alang ang halimbawa ni Moises. Nang maglaon, “kinuha siya ng anak na babae ni Paraon at pinalaki siya bilang kaniyang sariling anak.” (Gawa 7:21) Ano kaya ang nag-udyok sa anak na babae ni Paraon na proteksiyunan ang batang alam niyang anak ng isa sa mga hinatulang Hebreo? “Narito, ang bata ay umiiyak,” ang sabi ng Bibliya. “At nahabag siya rito.” (Exodo 2:6) Oo, ang pag-ampon kay Moises ay bunga ng pagmamahal sa kaniya, hindi ng poot o ng pagtatakwil sa kaniya.
Natatanto ng maraming ampon na hindi sila basta iniwan ng kanilang tunay na mga magulang—bagaman madalas na nangyayari ito sa ngayon—kundi dinala sila sa isang institusyong tumitiyak na mapangangalagaan nang wasto ang kanilang mga anak. At ang pag-ampon sa kanila mula rito ay dahil may isang nagmahal sa kanila na handang pangalagaan sila. Posible kayang ganiyan din ang masasabi hinggil sa iyo? Ang pagtutuon ng pansin at pagpapahalaga sa pag-ibig na iyon na tinanggap mo ay makatutulong na maibsan ang kirot na maaaring nadarama mo.
Karagdagan pa, maaari kang tumanggap ng pagmamahal mula sa iba pa bukod sa pamilyang umampon sa iyo. Kung bahagi ka ng kongregasyong Kristiyano, maaari mong tamasahin ang mga kapakinabangan ng pagkakaroon ng maraming espirituwal na ina, ama, kapatid na babae at lalaki na nagmamahal sa iyo. (Marcos 10:29-30) Ang Kristiyanong matatanda ay maaaring “[maging] gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.” (Isaias 32:2) Huwag mag-atubiling lumapit sa may-gulang na kapuwa mga Kristiyano at ipagtapat sa kanila ang iyong niloloob. Ipaalam mo sa kanila kung ano ang iyong nasa isip at puso.
Nadarama ni Robert na mahalagang linangin ang malalapit na ugnayan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. “Nadarama kong may kulang pa rin sa aking buhay,” ang pag-amin niya. “Gayunman, dahil sa aking espirituwal na pamilya, ang damdaming ito ay nagiging maliit na bagay na lamang.”
Maaari Kang Magtagumpay
Kaya labanan mo ang mali at negatibong kaisipan. Kasali rito ang maling palagay na hindi ka magtatagumpay sa buhay dahil ampon ka lamang. Talaga namang lubhang nakasisiphayo ang gayong mga kaisipan! (Kawikaan 24:10) Tutal, hindi naman ito totoo.
Tandaan, sinamantala ni Moises ang mga pagkakataong dumating sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya: “Dahil dito ay tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo. Sa katunayan, siya ay makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.” (Gawa 7:22) Higit sa lahat, tinanggap ni Moises ang espirituwal na pagtuturo—at gayon na lamang ang pagtanggap niya rito anupat naging totoong-totoo sa kaniya ang kaniyang makalangit na Ama, si Jehova. (Hebreo 11:27) Nagtagumpay ba siya sa buhay?
Buweno, nang maglaon, si Moises ay naging lider ng isang makapangyarihang bansa na binubuo marahil ng tatlong milyon o higit pa. Siya ay naging propeta, hukom, kumandante, istoryador, tagapamagitan sa tipang Kautusan, at manunulat ng unang limang aklat ng Bibliya. Bukod diyan, siya ang karaniwan nang ipinakikilalang sumulat ng aklat ng Job at ng Awit 90. Oo, naging napakatagumpay ni Moises sa buhay. Nagtagumpay rin ang maraming ampon, at maaari ka ring magtagumpay.
Matagumpay na nakapagpalaki si Robert ng dalawang anak at sa kasalukuyan ay naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano. Sa paggunita sa nagdaan niyang mga taon bilang isang ampon, sinabi niya: “Natutuhan kong huwag nang sayangin pa ang aking isip sa mga bagay na doo’y wala na akong magagawa, sa halip, ipagpasalamat na lamang ang mga pagpapalang taglay ko.”
Kung ikaw ay naninirahan ngayon sa isang bahay-ampunan o inampon na ng isang pamilya, maaari kang bagabagin ng negatibong mga kaisipan paminsan-minsan. Ngunit sikapin mong palitan ito ng positibong mga kaisipan. Ipinangangako ng Filipos 4:8, 9 na “ang Diyos ng kapayapaan ay [sasaiyo]” kung ‘patuloy mong isasaalang-alang’ ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos. Gayunman, ano pa ang ilang praktikal na hakbang na maaari mong gawin upang magtagumpay ka habang naninirahang kasama ng pamilyang umampon sa iyo? Isang artikulo sa seryeng ito sa hinaharap ang sasagot sa tanong na iyan.
[Mga larawan sa pahina 26]
Ang pag-ampon sa iyo ay patotoo na may nagmahal sa iyo na handang tumanggap at mangalaga sa iyo sa kaniyang tahanan