Kapag Minadali ang Pagkabata
Kapag Minadali ang Pagkabata
SA ILALIM ng makulimlim na kalangitan, humugong ang motor ng eroplanong may isa lamang makina habang bumibilis ang takbo nito at saka lumipad. Ito ay isang mahalagang pangyayari para sa media, na may pagbabalita sa pahayagan, mga kamerang kumukuha ng mga litrato, at mga reporter na nagtatanong nang may paghanga at nagpapahayag ng mga papuri. Sino ang nakaakit ng lahat ng pansing ito? Hindi ang kaisa-isang lisensiyadong piloto sa eroplano at hindi rin ang nag-iisang pasahero—isang lalaking nasa hustong gulang—kundi, bagkus, ang anak na babae ng pasahero. Siya ay pitong taóng gulang.
Paliliparin ng munting batang babae ang eroplano. Gusto niyang higitan ang isang naunang rekord at matugunan ang isang mahigpit na iskedyul. Ang media ay maghihintay sa susunod na paglapag. Kaya sa kabila ng makulimlim na panahon, ang tatlo ay sumakay sa eroplano, at ang bata ay naupo sa isang kutson upang makita niya ang instrument panel at gumamit siya ng mga extender para maabot ng kaniyang mga paa ang mga pedal sa sahig.
Napakaikli lamang ng nagawang paglipad. Palibhasa’y napaharap sila sa biglang pagbagyo, agad na nagbago ng direksiyon ang eroplano, huminto ang makina, at bumagsak ang eroplano, anupat namatay ang tatlong nakasakay rito. Agad na nagpahayag ang media ng pagdadalamhati sa halip ng papuri. Nag-isip ang ilang reporter at mga editor kung may pananagutan ba ang media sa trahedya. Iginiit ng maraming tao na hindi dapat magpalipad ng eroplano ang isang bata. Sa Estados Unidos, gumawa ng mga batas na nagtatakdang hindi maaaring magpalipad ng eroplano ang isang bata. Subalit nakakubli sa likod ng sensesyonalismo at simpleng mga solusyon ang mas malalim na mga isyu.
Seryosong pinag-isip ng trahedyang iyon ang ilang tao tungkol sa kausuhan sa ating panahon. Ang mga bata ngayon ay inaapura sa kanilang pagkabata, anupat minamadali silang gampanan ang mga atas na
pang-adulto sa napakamurang gulang. Totoo, ang mga epekto ay hindi laging madula o kalunus-lunos. Ngunit ang mga ito ay maaaring maging matindi at nagtatagal. Isaalang-alang natin ang ilang paraan na doon ay maaaring madaliin ang pagkabata.Inaapura sa Pag-aaral
Mauunawaan naman na sabik ang mga magulang na makitang magtagumpay ang kanilang mga anak. Subalit kapag ang kasabikang iyon ay naging kabalisahan, maaaring mapabigatan ng mga magulang ang kanilang mga anak, anupat ginigipit sila nang napakaaga. Ang proseso ay kadalasang nagsisimula nang hindi namamalayan. Halimbawa, nagiging pangkaraniwan sa mga magulang na ipatala ang kanilang mga anak sa mga gawain pagkatapos ng eskuwela, mula sa isports hanggang sa mga leksiyon sa musika o baléy. Karaniwan nang idinaragdag pa ang pantanging pagtuturo.
Sabihin pa, hindi naman mali na pasiglahin ang talino o interes ng bata. Subalit may panganib ba na sumobra sa paggawa nito? Maliwanag na mayroon, sapagkat ang ilang bata ay waring dumaranas ng maraming panggigipit na gaya ng mga adulto. Ganito ang sabi ng magasing Time: “Ang mga batang dati-rati’y nasisiyahan sa pagkabata ay nag-aalala ngayon tungkol sa mga kurikulum; ang mga batang dapat sana’y kumikilos nang padalus-dalos taglay ang kalakasan ng kabataan ay abalang-abala ngayong kumikilos taglay ang matayog na layunin.”
Umaasa ang ilang magulang na ang kanilang mga anak ay makapagsisimula ng mga karera bilang magagaling sa palakasan, musika, o sa pag-arte. Bago pa man isilang ang kanilang mga anak, ipinatatala na sila ng kanilang mga magulang sa preschool, anupat umaasang mapalalaki ang kanilang pag-asang magtagumpay. Bukod pa riyan, ang ilang nanay ay nagpapatala sa mga “prenatal university” na nag-aalok ng pagtuturo sa musika para sa mga sanggol na nasa sinapupunan pa. Ang layon ay pasiglahin ang kanilang lumalaking mga utak.
Sa ilang bansa, ang mga kasanayan ng mga bata sa pagbabasa at matematika ay inaalam bago sila maging anim na taóng gulang. Ikinabahala ang pinsalang dulot sa emosyon ng gayong mga gawain. Halimbawa, ano ang nangyayari sa isang bata na “bumabagsak” sa kindergarten? Binabanggit ni David Elkind, awtor ng aklat na The Hurried Child, na napakabilis at napakaagang inilalagay ng mga paaralan ang mga bata sa isang partikular na kategorya. Ginagawa nila iyon, ang sabi ni Elkind, para madaling mapangasiwaan ang mga bata at hindi para mabigyan ng mabisang pagtuturo ang mga bata ayon sa pantanging mga pangangailangan nila.
May kabayaran ba ang napakaagang panggigipit sa mga bata na maging animo’y may-kakayahang mumunting adulto? Nababalisa si Elkind sa paraan ng pagtanggap ng lipunan sa ideya na gawing may kakayahan ang mga bata na magdala ng mga pasanin ng mga adulto. Sabi niya: “Ipinakikita nito ang hilig natin na tanggapin bilang ‘normal’ ang dumarami at walang-tigil na mga kaigtingan sa mga kabataan sa ngayon.” Sa katunayan, waring mabilis na nagbabago ang mga ideya ng kung ano ang normal para sa mga bata.
Nagmamadaling Manalo
Waring inaakala ng maraming magulang na normal, at ipinapayo pa nga, na turuan ang kanilang mga anak na napakahalagang manalo—lalo na sa isports. Ang mga medalya sa Olympic ay isang pangganyak para sa maraming bata sa ngayon. Upang tamasahin ang ilang sandali ng kaluwalhatian ng tagumpay at magkaroon ng matatag na kabuhayan sa panahon ng pagiging adulto, ang ilang bata ay minamadali o hindi pa nga hinahayaang dumaan sa kanilang pagkabata.
Isaalang-alang ang mga babaing gymnast. Nagsisimula sila sa napakamurang gulang sa pamamagitan ng mahigpit na mga rutin na naglalagay sa kanilang mumunting katawan sa ilalim ng matinding pisikal na kaigtingan. Gumugugol sila ng mga taon sa paghahanda ng kanilang isipan at katawan para sa mga kompetisyon sa Olympic. Sabihin pa, kaunti lamang ang mga mananalo. Madarama ba ng mga talunan na ang pangwakas na resulta ay sulit sa maraming taon na isinakripisyo nila ang kanilang kabataan? Sa kalaunan, maaaring pagdudahan maging ng mga nagwagi kung ang pangwakas na mga resulta ay sulit nga ba upang isakripisyo nila ang kanilang kabataan.
Sa emosyonal na paraan, ang mumunting batang babae na ito ay maaaring madaliin sa kanilang pagkabata dahil sa walang-tigil na pagnanais na maging sikat na mga atleta. Subalit sa pisikal na paraan, maaaring mahadlangan ang kanilang likas na paglaki dahil sa mahigpit na pagsasanay na iyon. Sa ilang batang babae, nahahadlangan ang paglaki ng mga buto. Kadalasan ay nagkakaroon sila ng mga sakit na nauugnay sa pagkain. Sa maraming kaso, naaantala ang pagdadalaga—nang mga taon pa nga. Subalit, nakakaharap ng maraming batang babae sa ngayon ang kabaligtaran nito: ang maagang pagdadalaga.—Tingnan ang kahon sa itaas.
Mga Batang Mayroon ng Lahat ng Bagay Maliban sa Pagkabata
Kung paniniwalaan mo ang media hinggil sa libangan, baka isipin mo na ang pagkakaroon ng huwarang pagkabata ay nangangahulugan ng pagpapakasasa sa lahat ng uri ng luho. Ang ilang magulang ay lubhang nagpapagal upang mapaglaanan ng lahat ng posibleng materyal na kaalwanan ang kanilang mga anak, lakip na ng isang magarbong tahanan, napakaraming libangan, at mamahaling mga damit.
Gayunman, marami-maraming batang pinalaki nang gayon ang nasangkot sa pag-inom ng mga inuming de-alkohol, pag-abuso sa droga, at kakikitaan ng malungkot at mapaghimagsik na ugali. Bakit? Nagpupuyos sa hinanakit ang marami dahil nadarama nilang sila ay pinabayaan. Kailangan ng mga bata ang mga magulang na magmamahal at mangangalaga sa kanila. Maaaring akalain ng mga magulang na abalang-abala upang gawin iyon na sila’y nagtatrabaho upang tiyakin ang kaligayahan ng kanilang mga anak—subalit maaaring ang kabaligtaran nito ang kanilang ginagawa.
Inilalarawan ni Dr. Judith Paphazy ang “mga magulang na kapuwa nagtatrabaho at mula sa pangkat
ng mga nakaririwasa sa buhay,” at sinasabi na kadalasan ay “pinalalaki [nila] sa layaw ang kanilang mga anak sapagkat waring natatanto nila na ang kanilang paghahangad ng materyal na mga bagay ay nakapipinsala sa pamilya.” Sa kaniyang palagay, sinisikap ng mga magulang na nasa gayong kalagayan na “bilhin ang kanilang kalayaan mula sa pagiging mga magulang.”Karaniwan nang ang mga bata ang dumaranas ng malulubhang resulta. Bagaman marami silang materyal na mga luho, wala sila ng pinakamahalagang elemento ng isang mainam na panahon ng pagkabata: ang panahon at pag-ibig ng magulang. Kung walang patnubay, walang disiplina at direksiyon, agad nilang nakakaharap ang mga tanong na pang-adulto, taglay ang kaunti o walang anumang paghahanda. ‘Dapat ba akong magdroga? Dapat ba akong makipagtalik? Dapat ba akong maging marahas kapag ako’y galít?’ Malamang na masumpungan nila ang kanilang sariling mga kasagutan, na kinukuha ang mga sagot mula sa mga kasamahan o sa mga tauhan sa TV o sa pelikula. Ang mga resulta ay karaniwan nang nagbubunga ng bigla at kalunus-lunos pa ngang wakas ng kanilang pagkabata.
Kapag ang Bata ay Naging ang Isa Pang “Adulto”
Kapag ang pamilyang may dalawang magulang ay biglang naging pamilyang may nagsosolong magulang, ito man ay dahil sa kamatayan, paghihiwalay, o diborsiyo, karaniwan nang ang mga bata ang nagdurusa sa emosyonal na paraan. Sabihin pa, maraming pamilyang may nagsosolong magulang ang nagtatagumpay. Subalit sa ilan, ang mga bata ay minamadali sa kanilang pagkabata.
Mauunawaan naman, kung minsan ay maaaring dumanas ng kalungkutan ang nagsosolong magulang. Gayunman, dahil dito ay hinahayaan ng ilan na ang isang anak—kadalasan ang panganay—ang gumanap sa papel ng isa pang “adulto” sa pamilya. Marahil dahil sa matinding kagipitan, maaaring magtapat ang isang magulang sa isang kabataang anak na lalaki o babae, anupat napabibigatan ang bata ng mga problemang hindi pa niya kayang dalhin. Sa emosyonal na paraan, ang ilang nagsosolong magulang ay labis na umaasa sa isang bata.
Lubos namang pinababayaan ng ibang mga magulang ang kanilang mga pananagutan, anupat napipilitan ang isang bata na gampanan ang papel ng isang adulto sa pamilya. Si Carmen at ang kaniyang ate, na nabanggit kanina, ay naglayas at nanirahan sa lansangan dahil sa gayong situwasyon. Bagaman mga bata pa, ginampanan nila ang papel bilang mga magulang sa kanilang nakababatang mga kapatid. Ang pasanin ay higit pa sa kanilang makakaya.
Walang alinlangan, mapanganib na madaliin ang mga bata sa kanilang pagkabata, isang bagay na dapat iwasan hangga’t maaari. Subalit may mabuting balita: Ang mga adulto ay maaaring gumawa ng positibong mga hakbang upang matiyak na ang kanilang anak ay magtamasa ng maligayang mga taon ng pagkabata. Anong mga hakbang? Suriin natin ang ilan sa mga lunas na subók na ng panahon.
[Kahon sa pahina 6]
Ang Problema ng Maagang Pagdadalaga
Mas maaga bang nagdadalaga ang mga batang babae sa ngayon? Sa mga siyentipiko, kontrobersiyal ang tanong na ito. Sinasabi ng ilan na noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang katamtamang edad sa pagsisimula ng pagdadalaga ng mga batang babae ay 17, samantalang sa ngayon ito ay wala pang 13. Ayon sa isang pagsusuri noong 1997 sa 17,000 batang babae, mga 15 porsiyento ng puting mga batang babae at 50 porsiyento ng mga batang babaing Aprikano-Amerikano sa Estados Unidos ay nagpapakita ng maagang mga palatandaan ng pagdadalaga sa edad na walo! Gayunman, tinututulan ng ilang doktor ang mga tuklas na ito at pinag-iingat ang mga magulang na huwag basta na lamang tanggapin ang lubhang napakaagang paglaki bilang “normal.”
Anuman ang kalagayan, ang situwasyong ito ay isang problema kapuwa sa mga magulang at sa mga anak. Ganito ang komento ng magasing Time: “Ang mas malaking problema kaysa sa mga pagbabago sa katawan ay ang potensiyal na epekto sa isipan ng maagang pagdadalaga ng mga batang dapat sana ay nagbabasa ng mga kuwentong ada at hindi nagtatanggol ng kanilang sarili mula sa nang-aakit na mga lalaki. . . . Sandaling panahon lang naman ang pagkabata.” Ibinabangon ng artikulo ang nakaliligalig na tanong na ito: “Kung ang mga katawan ng mga batang babae ay pinagtitingin silang mga adulto bago pa man maging handa ang kanilang puso at isipan, ano ang mawawala magpakailanman?”
Kadalasan, nawawala ang pagiging walang-muwang—dahil sa seksuwal na pagsasamantala. Ganito ang tahasang sinabi ng isang ina: “Ang mga batang babae na mukhang mas maygulang kaysa sa kanilang edad ay parang pulot [sa pukyutan]. Naaakit sa kanila ang mas may-edad na mga lalaki.” Mas malamang na gipitin silang makipagtalik sa murang gulang. Maaaring maiwala ng isang kabataang babae ang kaniyang paggalang sa sarili, malinis na budhi, at maging ang pisikal at emosyonal na kalusugan.
[Larawan sa pahina 5]
Ang labis-labis na pag-iiskedyul ay maaaring lumikha ng mga problema
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagpilit sa mga bata na labis na makipagkompetensiya ay maaaring mag-alis ng katuwaan sa mga isport at laro
[Larawan sa pahina 7]
Hindi maihahalili ang materyal na mga pag-aari sa pagiging mabuting magulang