Kapag Pinahalagahan ang Pagkabata
Kapag Pinahalagahan ang Pagkabata
ANG mainam na panahon ng pagkabata ay pangunahin nang nakasalalay sa mabuting pangangalaga ng mga magulang. Ngunit ano ang nasasangkot sa mabuting pangangalaga ng mga magulang? Malamang na nakarinig ka na ng payo tungkol sa paksang ito. Maglaan ng panahon sa iyong mga anak. Makinig sa kanila. Bigyan mo sila ng matatag na patnubay. Magpakita ng empatiya sa kanila, anupat nakikibahagi sa kanilang mga kagalakan at mga kalungkutan. Maging isang tunay na kaibigan sa kanila nang hindi binibitiwan ang iyong awtoridad bilang isang magulang. Sabihin pa, ang madalas imungkahing mga simulaing iyon ay tutulong sa mga magulang na magampanan nang mahusay ang kanilang tungkulin. Subalit may mas pangunahin at mas mahalaga na dapat unahin.
Nasumpungan ng milyun-milyong magulang sa buong daigdig na ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ang susi sa mabuting pangangalaga ng mga magulang. Bakit? Sapagkat ang matalinong Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova, ang siyang nagpasimula sa kaayusan ng pamilya. (Genesis 1:27, 28; 2:18-24; Efeso 3:15) Natural kung gayon na ang kaniyang kinasihang Salita ang pinakamabuting mapagkukunan ng patnubay sa pagpapalaki ng anak. Subalit, paanong ang isang matandang aklat na gaya ng Bibliya ay maaaring magturo sa atin hinggil sa makabagong hilig na madaliin ang mga bata sa kanilang pagkabata? Suriin natin ang ilang kumakapit na maka-Kasulatang mga simulain.
“Ayon sa Bilis ng mga Bata”
Si Jacob, ang anak ni Isaac, ay ama ng mahigit sa isang dosenang bata. Iniuulat ng Bibliya ang kaniyang matalinong pananalita tungkol sa paglalakbay ng pamilya: “Ang mga bata ay maseselan . . . Pakisuyo, maunang yumaon ang aking panginoon [si Esau, ang nakatatandang kapatid ni Jacob] sa kaniyang lingkod, ngunit patuloy nawa akong paglakbayin nang marahan . . . ayon sa bilis ng mga bata.”—Genesis 33:13, 14.
Batid ni Jacob na ang kaniyang mga anak ay hindi mumunting adulto. Sila ay “maseselan”—mas maliliit, mas mahihina, at may higit na pangangailangan kaysa sa mga adulto. Sa halip na pilitin ang kaniyang mga anak na maglakbay ayon sa kaniyang bilis, sinabayan niya ang bilis nila. Sa bagay na ito ay ipinaaninaw niya ang karunungan na ipinakikita ng Diyos sa kaniyang mga anak na tao. Alam ng ating Ama ang mga limitasyon natin. Hindi niya inaasahan sa atin ang higit sa makakaya natin.—Awit 103:13, 14.
Kahit ang ilang nilalang na hayop ay nagpapaaninaw ng gayong karunungan, sapagkat sila’y ginawa ng Diyos na “may likas na karunungan.” (Kawikaan 30:24) Halimbawa, napansin ng mga naturalista na sinasabayan ng isang pangkat ng mga elepante ang bilis ng batang elepante sa gitna nila, anupat kumikilos nang mabagal hanggang sa makasabay ang maliit na elepante.
Hindi sinusunod ng ilang bahagi ng makabagong Kawikaan 17:17.
lipunan ang makadiyos na karunungan. Subalit hindi mo sila kailangang gayahin. Isaisip na ang iyong anak ay ‘maselan’—hindi niya kayang balikatin ang mga pasanin at pananagutan ng adulto. Halimbawa, kung ikaw ay isang nagsosolong magulang na nahihirapan sa ilang personal na problema at natutuksong magtapat sa iyong anak, labanan mo iyan. Sa halip, humanap ng isang may-gulang at adultong kaibigan na makatutulong sa iyo na lutasin ang problema—lalong mabuti ang isa na tutulong sa iyo na maikapit ang matalinong payo ng Bibliya.—Sa katulad na paraan, huwag hayaang ang takbo ng buhay ng iyong anak ay maging gipit na gipit, mahigpit ang iskedyul, masyadong organisado, anupat nawawala ang lahat ng katuwaan ng kabataan sa kaniyang buhay. Magtakda ng bilis na naaangkop sa iyong anak, hindi isa na kagayang-kagaya ng bilis ng daigdig sa ngayon. Ang Bibliya ay may-katalinuhang nagpapayo: “Huwag hayaang hubugin kayo ng sanlibutang nakapaligid sa inyo.”—Roma 12:2, Phillips.
“Sa Lahat ng Bagay ay May Takdang Panahon”
Ganito pa ang sabi ng isang matalinong simulain sa Bibliya: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, isang panahon nga para sa bawat pangyayari sa silong ng langit.” Sabihin pa, may panahon para sa trabaho. Maraming gawain ang mga bata—kalakip na ang gawain sa paaralan, mga gawain sa bahay, at espirituwal na mga gawain. Gayunman, sinasabi rin ng talatang iyon sa Bibliya na mayroon ding “panahon ng pagtawa” at “panahon ng pagluksu-lukso.”—Eclesiastes 3:1, 4.
Ang mga bata ay may pantanging pangangailangang maglaro, tumawa at magsaya. Kung ang lahat ng kanilang panahon ay nakaiskedyul sa paaralan, mga gawain pagkatapos ng eskuwela, at iba pang seryosong mga pananagutan, kung gayon, maaaring hindi matugunan ang kanilang pangangailangang maglaro. Iyan naman ay maaaring magpangyari sa kanila na mainis at masiraan pa nga ng loob.—Colosas 3:21.
Isaalang-alang kung paano ikakapit ang simulain ding iyon ng Bibliya sa iba pang paraan. Halimbawa, yamang may panahon para sa lahat ng bagay, hindi ba ipinahihiwatig nito na ang pagkabata ay panahon para maging isang bata? Malamang na sasagot ka ng oo, subalit maaaring hindi laging sasang-ayon ang iyong mga anak. Kadalasan, gustong gawin ng mumunting batang lalaki at babae ang nakikita nilang ginagawa ng mga adulto. Halimbawa, ang mga batang babae ay maaaring matuksong
magdamit o mag-ayos ng kanilang sarili na parang mga dalaga. Ang maagang pagdadalaga ay makadaragdag pa sa panggigipit na madama nilang sila’y hindi na bata.Nakikita ng matatalinong magulang ang panganib sa gayong hilig. Ang ilang anunsiyo at libangan sa masamang daigdig na ito ay nagtatanghal sa mga bata bilang mga may kabatiran na sa sekso at may muwang na sa mundo sa lubhang napakaagang edad. Parami nang paraming bata ang gumagamit ng meykap, alahas, at mga istilo ng damit na nakapupukaw ng damdamin. Subalit bakit mo gagawing mas nakatutukso ang mga bata sa mga taong tiwali na naghahangad na pagsamantalahan sila sa seksuwal na paraan? Sa pamamagitan ng pagtulong sa mga bata na manamit sa paraan na angkop para sa kanilang edad, ikinakapit ng mga magulang ang isa pang simulain sa Bibliya: “Ang matalino na nakakakita ng kapahamakan ay nagkukubli.”—Kawikaan 27:12.
Ang isa pang halimbawa: Kung hahayaan mong maging pangunahin sa bata ang isports, maaari itong humantong sa di-timbang na buhay, isa na wala nang itinakdang panahon para sa lahat ng bagay. Ang Bibliya ay may-katalinuhang nagpapayo: “Ang pagsasanay sa katawan ay kapaki-pakinabang nang kaunti; ngunit ang makadiyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.”—1 Timoteo 4:8.
Huwag hayaang paniwalaan ng iyong mga anak ang kaisipang “wala nang mahalaga kundi ang manalo.” Inaalis ng maraming magulang ang lahat ng katuwaan sa isports at mga laro sa pamamagitan ng paghimok sa kanilang mga anak na labis na makipagkompetensiya, upang manalo anuman ang mangyari. Dahil dito ay nauudyukan ang ilang bata na mandaya o maminsala pa nga ng ibang manlalaro upang manalo. Tiyak na hindi kailanman sulit na maging kabayaran ang gayong kapaha-pahamak na halaga!
Matuto ng Pagpipigil sa Sarili
Ang pagkaalam na may panahon para sa lahat ng bagay ay karaniwang mahirap para sa mga bata. Hindi madali para sa kanila na matiyagang maghintay kapag may gusto sila. Ang nakapagpapalala pa rito, ang lipunan ng tao ay waring determinadong maranasan ang kagyat na pagbibigay-kasiyahan sa pagnanasa. Kadalasang inihahatid ng media na panlibangan ang mensaheng, “Kunin mo ang gusto mo at kunin mo ito ngayon!”
Huwag kang padadala sa gayong mga impluwensiya sa pamamagitan ng pagpapalayaw sa iyong mga anak. “Ang kakayahang iantala ang pagbibigay-kasiyahan ay isang mahalagang aspekto ng emosyonal na katalinuhan,” ang sabi ng aklat na The Child and the Machine. “Ang disiplina sa sarili at pagkakasuwato sa lipunan ay isang mabisang lunas sa dumaraming karahasan na nangyayari sa mga bata sa loob at labas ng paaralan.” Nasa Bibliya ang kapaki-pakinabang na simulaing ito: “Kung pinalalayaw ng isa ang kaniyang lingkod mula pa sa pagkabata, siya ay magiging walang utang na loob sa dakong huli ng kaniyang buhay.” (Kawikaan 29:21) Bagaman ang talata ay tuwirang patungkol sa pangangasiwa sa mga kabataang lingkod, nasusumpungan ng maraming magulang na ang simulain ding iyon ay lubhang kapaki-pakinabang sa kanilang mga anak.
Sa mga pangangailangan ng mga bata, nangunguna ang pagkakamit ng tinatawag ng Bibliya na “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ang maibiging disiplina ay tumutulong sa mga bata na magkaroon ng mga katangiang gaya ng pagpipigil sa sarili at pagtitiis. Ang mga katangiang ito ay tutulong sa kanila na makasumpong ng kaligayahan at kasiyahan sa buong buhay nila.
Kapag Nagwakas ang Lahat ng Banta sa Pagkabata
Gayunman, maaaring itanong mo, ‘Talaga bang nilayon ng matalino at maibiging Diyos na kumasi sa kapaki-pakinabang na mga simulaing ito na maging ganito ang ating daigdig? Gusto ba niyang lumaki ang mga bata sa isang daigdig na kadalasang mas mapanganib kaysa nakatutulong sa paglaki?’ Maaari kang maaliw na malaman na ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Kristo Jesus, ay may magiliw na pag-ibig sa sangkatauhan, pati na sa mga bata anuman ang kanilang edad. Malapit na nilang alisin sa lupa ang lahat ng balakyot.—Awit 37:10, 11.
Gusto mo bang makita nang patiuna ang kalagayan ng mapayapa at maligayang panahong iyon? Ilarawan sa isipan ang tanawing ito, gaya ng magandang pagkakalarawan sa Bibliya: “Ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, at ang guya at ang may-kilíng na batang leon at ang patabaing hayop ay magkakasamang lahat; at isang munting bata lamang ang mangunguna sa kanila.” (Isaias 11:6) Sa isang daigdig na kadalasang may-kalupitang sinisira ang panahon ng pagkabata o pinabibilis ito, kaylaking kaaliwan na malaman na ipinangangako ng Diyos ang gayon kaningning na kinabukasan para sa sangkatauhan sa lupa! Maliwanag, nilayon ng Maylalang na ang panahon ng pagkabata ay hindi dapat mawala o madaliin—kundi maging maligaya at kasiya-siya.
[Larawan sa pahina 8]
Sa halip na pabigatan ang iyong anak ng personal na mga problema, magtapat sa isang adulto
[Larawan sa pahina 8, 9]
Kailangan ng mga bata na maglaro