Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Binago ng Isang Pinsala ang Aking Buhay

Kung Paano Binago ng Isang Pinsala ang Aking Buhay

Kung Paano Binago ng Isang Pinsala ang Aking Buhay

AYON SA SALAYSAY NI STANLEY OMBEVA

Noong 1982, ako ay nahagip ng isang rumaragasang sasakyan. Nagamot naman ako at di-nagtagal ay nagpatuloy ako sa aking rutin ng pang-araw-araw na mga gawain, sa kabila ng pana-panahong pagkadama ng kirot dahil sa “slipped disk” sa pagitan ng aking leeg at dibdib. Gayunman, pagkalipas ng 15 taon, napaharap ako sa pinakamatinding karanasan sa buhay na sumubok sa aking pananampalataya.

BAGO at, sa isang antas, pagkatapos ng aksidente, punung-puno ako ng sigla. Nagagawa ko ang isang mahusay na rutin ng ehersisyo gaya ng pagdya-jogging mula 10 hanggang 13 kilometro kapag dulo ng sanlinggo, paglalaro ng squash, at mabigat na pagtatrabaho nang manu-mano. Tumulong ako sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova gayundin ng isang malaking Assembly Hall sa Nairobi, Kenya, kung saan kami naninirahan.

Pagkatapos, noong 1997, dumalas at tumindi ang pagkirot ng aking dibdib. Lumabas sa isang medikal na pagsusuri na nawala sa lugar nito ang isang intervertebral disk at iniipit nito ang aking gulugod. Malamang na dahil ito sa nangyaring aksidente na nabanggit sa pasimula.

Bago humina ang aking katawan, nakakuha ako ng trabaho bilang isang tagapagtinda. Kalakip dito ang pampamilyang seguro para sa kalusugan. Waring maganda ang hinaharap ko sa daigdig ng negosyo. Ngunit noong kalagitnaan ng 1998, nakaramdam ako ng matinding pamamanhid mula sa aking dibdib hanggang sa mga paa. Sa bawat araw, pahina nang pahina ang aking katawan.

Di-nagtagal pagkatapos nito, nawalan ako ng trabaho, pati na ang lahat ng mga benepisyo. Ang aming dalawang anak na babae, sina Sylvia at Wilhelmina, ay edad 13 at 10 noon ayon sa pagkakasunod. Dahil wala na akong trabaho, umasa na lamang kami sa buwanang suweldo na naiuuwi ng aking asawang si Joyce. Palibhasa’y napaharap sa bagong mga kalagayang ito, binago namin ang aming buhay sa pamamagitan ng pagtitipid sa mga di-kinakailangang bagay. Nakaraos naman kami.

Negatibong Saloobin

Aaminin ko na habang unti-unti kong nauunawaan ang kalubhaan ng aking kalagayan, ako ay naging negatibo, makasarili, at mainisin. Kung minsan, galít ako at masama ang loob, anupat ginagawa kong isyu kahit ang maliliit na bagay. Lagi akong nagmumuntik-muntikang magkaroon ng depresyon. Walang sinumang miyembro ng aming pamilya ang hindi dumanas ng kaigtingan. Ang aking asawa at ang aming mga anak ay napaharap sa isang kakaibang kalagayan na hindi nila kabisado.

Noong panahong iyon, inakala kong makatuwiran ang aking damdamin. Mabilis na bumigat ang aking timbang. Nagkaroon ako ng malulubhang suliranin sa pagdumi at sa pagkontrol sa pag-ihi. Madalas ay hiyang-hiya ako. Karaniwan nang makikita ako sa isang sulok na lumuluha. May mga pagkakataon na sa sobrang galit ko ay halos nagiging katawa-tawa na ako. Alam kong nahihirapan akong harapin ang aking kalagayan.

Bilang isang matanda sa Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, madalas akong nagpapayo noon sa aking mga kapuwa Kristiyano na huwag kailanman sisisihin si Jehova sa anumang anyo ng pagdurusa. Gayunman, nasumpungan ko ang aking sarili na nagtatanong​—at hindi lamang miminsan​—‘Bakit hinayaan ni Jehova na mangyari ang bagay na ito sa akin?’ Bagaman nagamit ko na ang mga kasulatang gaya ng 1 Corinto 10:13 upang palakasin at patibayin ang iba, nadama kong ang pinagdaraanan ko ay labis-labis para mabata!

Isang Hamon sa Pagpapagamot

Isa ngang hamon ang makakuha ng mahusay na paggamot. Nagpupunta ako sa physiotherapist, chiropractor, at acupuncturist, lahat sa isang araw. Ang ginhawa, kung mayroon man, ay pansamantala lamang. Kumonsulta ako sa ilang doktor, pati na sa orthopedic surgeon at sa neurosurgeon. Sang-ayon silang lahat sa isang punto: Kailangan ang operasyon para maibsan ang kirot at alisin ang slipped disk. Dahil sa aking salig-Bibliyang mga paniniwala, ipinaliwanag kong mabuti sa mga ekspertong ito sa medisina na huwag akong sasalinan ng dugo anuman ang mangyari.​—Gawa 15:28, 29.

Ang unang siruhano ay nagsabi na ooperahan niya ako sa pamamagitan ng paghiwa sa aking likod. Ipinaliwanag sa akin na ang pamamaraan ay maaaring maging lubhang mapanganib. Gayunman, hindi magarantiyahan ng siruhanong ito na hindi siya gagamit ng dugo. Hindi na ako bumalik sa kaniya.

Ang ikalawang siruhano naman ay nagsabi na ooperahin niya ang aking gulugod mula sa aking leeg. Ang gayong pamamaraan ay tila nakatatakot. Bagaman wala siyang problema sa pagtanggi ko sa dugo, nais niyang gawin kaagad ang operasyon at walang gaanong maibigay na detalye. Hindi na rin ako bumalik sa kaniya.

Gayunman, nakahanap ako ng isang matulunging doktor dahil sa mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa aming lokal na Hospital Liaison Committee. Ang pamamaraan na inirekomenda ng ikatlong siruhano ay katulad ng iminungkahi ng ikalawa; nangangahulugan ito na bubuksan niya ang aking leeg. Ayon sa paliwanag niya, kaunting-kaunti lamang ang magiging panganib.

Kinilabutan ako sa detalyadong paglalarawan kung paano isasagawa ang operasyon. Ang pagkaalam na kailangang gawin ang gayong operasyon sa palibot ng napakaseselang sangkap ng katawan na gaya ng puso at baga ang lalo nang ikinatakot ko. Makaliligtas kaya ako sa operasyon? Sabihin pa, ang gayong negatibong mga kaisipan ay walang naitulong para mawala ang takot ko.

Noong Nobyembre 25, 1998, sumailalim ako sa isang matagumpay na apat na oras na operasyon sa isang ospital sa Nairobi. Kabilang din sa operasyon ang pag-aalis ng isang piraso ng aking buto sa balakang. Ang pirasong ito ay hinugis at pagkatapos ay idinugtong sa apektadong bahagi sa pamamagitan ng piraso ng metal at mga turnilyo. Nakatulong ito. Ngunit hindi nito naalis ang lahat ng aking problema. Hirap na hirap akong maglakad. Nakakaramdam pa rin ako ng madalas na pamamanhid.

Positibong Saloobin

Gaya ng nabanggit sa pasimula, gumugol ako ng malaking panahon sa pag-aalala at pagkalungkot sa aking mahirap na kalagayan. Ang nakapagtataka, pinupuri ako ng maraming tauhan sa paggagamot dahil sa aking kahinahunan at pagiging positibo. Bakit kaya gayon ang nadama nila? Nakikita nila na bagaman dumaranas ako ng matinding kirot, ipinakikipag-usap ko pa rin sa kanila ang tungkol sa aking pananalig sa Diyos.

Bagaman nagagalit ako at sumasama ang loob paminsan-minsan dahil sa dinaranas ko, umaasa pa rin ako kay Jehova. Lagi niya akong inaalalayan sa lahat ng pinagdaraanan ko​—labis-labis, anupat nahihiya ako sa aking sarili kung minsan. Gumawa ako ng matatag na paninindigan na basahin at bulay-bulayin ang mga kasulatan na alam kong makaaaliw sa aking kalagayan. Ang ilan sa mga ito ay:

Apocalipsis 21:4: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Ang pagbubulay-bulay sa pangako ng Bibliya hinggil sa isang bagong sanlibutan kung saan ang luha at kirot ay mawawala na magpakailanman ay totoong nakaaaliw.

Hebreo 6:10: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” Bagaman mahina na ako sa pisikal, alam kong pahahalagahan ni Jehova ang aking mga pagsisikap sa paglilingkod sa kaniya.

Santiago 1:13: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” Totoo nga ito! Bagaman pinahintulutan ni Jehova ang aking pagdurusa, tiyak na hindi siya ang may kagagawan nito.

Filipos 4:6, 7: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Natulungan ako ng panalangin na magkaroon ng lubos na kinakailangang kapayapaan ng isip, na nagpangyari upang maharap ko ang aking kalagayan taglay ang higit na katinuan.

Ginamit ko noon ang mga kasulatang ito upang pasiglahin ang iba na napipighati​—at talagang nakatulong ang mga ito! Gayunman, natanto ko na hindi ko lubusang nauunawaan noon ang kahalagahan ng mga ito. Kinailangan pang magkasakit muna ako nang ganito upang maunawaan ko ang kapakumbabaan at upang matutuhan kong ilagak ang aking buong pagtitiwala kay Jehova.

Iba Pang Nakapagpapatibay na Tulong

Marami ang tumutukoy sa kapatirang Kristiyano bilang isang haligi at suhay sa panahon ng mahirap na kalagayan. Gayunman, kaydaling ipagwalang-bahala ang ating mga kapatid na Kristiyano! Totoo, maaaring limitado ang kanilang maitutulong, ngunit lagi silang naririyan para tulungan tayo. Totoo ito sa aking kalagayan. Palagi silang nasa tabi ng aking higaan sa ospital, kung minsan ay sa umagang-umaga. Nag-alok pa nga silang tumulong sa pagbabayad ng mga gastusin sa ospital. Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng mga nakiramay sa aking kalagayan at naghandog ng tulong.

Sa aming lokal na kongregasyon, alam ng mga Saksi na limitado na ngayon ang aking magagawa. Naglilingkod ako sa kasalukuyan bilang punong tagapangasiwa at gumagawang kasama ng napakamatulunging lupon ng matatandang Kristiyano. Hindi ako kailanman naging di-palagian sa gawaing pangangaral. Noong panahong malubhang-malubha ang aking karamdaman, natulungan ko pa rin ang dalawang tao na sumapit sa punto ng pag-aalay ng kanilang buhay kay Jehova. Ang isa ay kasalukuyang naglilingkod bilang ministeryal na lingkod sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Nairobi.

Hindi ko pa rin maapuhap ang mga salita upang pasalamatan ang aking asawa, na umalalay sa akin sa buong panahon ng pagsubok. Pinagtiisan niya ang aking galit, ang pagiging sumpungin ko, ang aking pagiging di-makatuwiran, at ang mga kabiguan ko. Kailanma’t lumuluha ako at nakadarama ng kirot, pinalalakas niya ang aking loob at inaaliw ako. Patuloy akong humahanga sa kaniyang lakas at katatagan sa harap ng kagipitan. Siya ay talagang isang “tunay na kaibigan . . . sa lahat ng panahon.”​—Kawikaan 17:17.

Nasanay na rin ang aming mga anak na pakitunguhan ang aking kalagayan. Ginagawa nila ang kanilang makakaya upang tulungan ako. Nauunawaan nila ang aking mga pangangailangan at agad silang tumutugon, anupat tinitiyak ang aking kapakanan kapag wala ang kanilang ina. Si Sylvia ang aking “pinakatungkod,” na umaakay sa akin upang makaparoo’t parito sa bahay kapag nanghihina ako.

Kumusta naman si Mina, ang bunso? Natatandaan ko nang minsang hindi ako makatayo matapos matumba sa loob ng bahay. Siya lamang ang nasa bahay. Pagkatapos tipunin ang lahat ng kaniyang lakas, iniangat niya ako at dahan-dahang inalalayan patungo sa aking silid. Hindi pa rin niya malaman kung paano niya nagawa iyon. Ang pagpapakitang iyon ng lakas ng loob ay hinding-hindi ko malilimutan.

Ang pagharap sa pinsalang ito ang pinakamabigat na pakikipagbakang ipinaglaban ko kailanman sa aking buhay. Isang pakikipagbakang ipinaglalaban ko pa rin hanggang sa ngayon. Ngayon lamang nasubok nang ganito ang aking buhay at pananampalataya. Marami akong natutuhan tungkol sa kapakumbabaan, pagiging makatuwiran, at empatiya. Ang lubos na pagtitiwala at kumpiyansa kay Jehova ang nakatulong sa akin upang mabata ang problemang ito.

Natutuhan ko ang katotohanan ng mga salita ni apostol Pablo: “Taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang luwad, upang ang lakas na higit sa karaniwan ay maging sa Diyos at hindi mula sa aming sarili.” (2 Corinto 4:7) Nakasumpong ako ng malaking kaaliwan sa pangako ng Diyos na “mga bagong langit at isang bagong lupa” na darating. (2 Pedro 3:13) Dalangin ko na patuloy sana akong alalayan ni Jehova tungo sa bagong sanlibutan, sapagkat mahina pa rin ako hanggang ngayon at kakaunti ang nagagawa sa aking sariling lakas.

[Mga larawan sa pahina 20]

Ang Kristiyanong gawain kasama ang aking pamilya ay nakatulong sa akin na makapagbata