Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Basura Maraming salamat sa napapanahong serye na itinampok sa pabalat na “Basura—Matabunan Kaya Tayo Nito?” (Agosto 22, 2002) Kapag ikaw ay nakatira sa masyadong industriyalisadong bansa, napakadaling maimpluwensiyahan ng “kaisipang palatapon.” Ipinaisip sa akin ng inyong artikulo ang mga panganib nito. Dapat kong maingat na pag-isipan mula ngayon kung kailangan kong itapon ang mga bagay-bagay!
J. B., Estados Unidos
Lubha akong nasisiyahan sa mga artikulo may kinalaman sa suliranin sa basura. Matagal na akong nakatira sa isang malaking apartment na may malalaking basurahan. Minsan ay naglalakad ako sa labas at napansin ko ang isang bagong coffeemaker na nasa ibabaw ng isang basurahan na punung-puno ng laman. Bago pa nito, dalawang lalaking tin-edyer ang nakasumpong doon ng isang gintong relo. Nagulat ako sa maaari naming masumpungan sa mga basurahang iyon. Ngayon ay may karatula na doon na nagsasabing: “Bawal maghalukay sa mga basurahan.”
B. Q., Estados Unidos
Pagpaparetoke Taos-puso akong nagpapasalamat dahil sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Magparetoke?” (Agosto 22, 2002) Ako po ay 14 na taóng gulang, at pinagtatawanan ng ilang estudyante sa paaralan ang isang bahagi ng mukha ko. Kumbinsido ako na kailangan kong iparetoke ito. Ang artikulong ito ay nakatulong sa akin upang suriin ang tunay kong motibo at maunawaan na maling-mali pala ako. Ang mahalaga kay Jehova ay ang ating panloob na kagandahan.
C. T., Pransiya
Dalawang buwan na ang nakararaan, samantalang ako ay nakikipag-usap sa isang kamanggagawa, bumangon ang paksa tungkol sa pagpaparetoke. Sa palagay niya ay hindi angkop ito sapagkat pagpapakita ito ng kawalang-galang sa Maylalang. Noong panahong iyon, wala akong makitang anumang paliwanag tungkol dito sa ating mga publikasyon. Gayunman, sinabi ko sa kaniya kung ano ang kumakapit na mga simulain sa Bibliya, na nang maglaon ay nasumpungan ko sa artikulong ito. Nang ipakita ko sa kaniya ang artikulo, malaki ang naging pananabik niya rito.
M. R., Estados Unidos
Kulay Naging mas madali para sa akin na magpasiyang pintahan ang aming tahanan matapos kong basahin ang artikulong “Gawing Makulay ang Inyong Tahanan.” (Agosto 22, 2002) Hindi lamang ako nagpapasalamat sa inyo dahil sa artikulong ito kundi dahil sa nakatipid din ako sa gastos!
R. M., Estados Unidos
Pagiging Kaakit-akit Ako ay 21 taóng gulang, at nakikipagpunyagi sa damdamin na hindi ako kaakit-akit. Ang aking karanasan ay maliwanag na inilarawan ni Tyler sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Gagawing Mas Kaakit-akit ang Aking Sarili?” (Hulyo 22, 2002) Ang praktikal at salig-Bibliyang payo sa artikulong ito ang talagang kailangan ko. Nagpapasalamat ako sa inyo dahil dito at sa iba pang mga publikasyon na patuloy na tumutulong sa mga kabataang napapaharap sa maraming hamon sa nakapangingilabot na daigdig na ito. Kailangan ko na lamang ikapit ang payong ito.
P. L., Zambia
Panalangin Taos-puso akong nagpapasalamat sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Mga Panalanging Dinirinig ng Diyos.” (Setyembre 8, 2002) Noong araw na basahin ko iyon, ako ay labis na nanlulumo. Talagang napatibay ako nito na basahin ang mga salita ng Isaias 41:10. Kayligaya ko na hindi lamang ako ang pinatitibay ni Jehova kundi ang iba rin naman at na kaniyang naririnig ang lahat ng ating mga panalangin, nababasa pa nga niya maging ang ating mga kaisipan! Ako ay namumuhay sa isang sambahayang nababahagi dahil sa relihiyon sa loob ng 20 taon. Hindi ito madali sapagkat ako ay pinahihirapan ng matagal nang sakit sa loob ng 30 taon na. Maraming salamat sa kamangha-manghang mga magasing ito. Binibigyan ako nito ng lakas upang magpatuloy.
D. G., Alemanya