Natuklasan ang Lihim ng Isang Maliit na Tainga
Natuklasan ang Lihim ng Isang Maliit na Tainga
“Sa nakaraang dekada, natuklasan ng mga biyologo ang isang bagong mekanismo na sa pamamagitan nito ay natutukoy ng mga hayop ang pinagmumulan ng tunog,” ang sabi ng Science News. “Natuklasan ito mula sa pagmamasid sa isang parasitikong langaw na palihim na sumusubaybay sa mga kuliglig sa pamamagitan ng tunog, bagaman napakaliit ng ulo ng langaw kung ihahambing sa dating nalalamang paraan ng pagtunton ng tunog.” Ang gayong mekanismo ay kadalasang nakadepende sa malaki-laking distansiya sa pagitan ng dalawang salamin ng tainga.
Ayon sa isang pag-aaral kamakailan na isinagawa sa Cornell University, E.U.A., “natutukoy ng mga babaing langaw na kabilang sa uring Ormia ochracea ang tunog sa layong 10 digri—na eksaktung-eksakto tulad ng ginagawa ng kuwago,” bagaman ang dalawa nilang magkahugpong na salamin sa tainga ay may haba na mga isang milimetro lamang! Ang tulad-kuwagong kakayahan ng langaw na eksaktong makakilala ng tunog ay maaaring dahil sa mahusay na mga aparato ng pandinig.
Ang mga salamin sa tainga ng insekto ay pinaghugpong ng isang kayarian ng materyal na nagpapahintulot sa dalawang lamad na magpabalik-balik bilang isang yunit—maiisip mo marahil ang isang siso sa palaruan. Kapag ang tunog na nagmumula sa isang kuliglig ay umabot sa pandinig ng langaw, ang taginting sa salamin ng tainga na mas malapit dito ay agad na naililipat sa kabilang salamin ng tainga, anupat napahihina ang pagtugon nito sa pumapasok na kaparehong tunog. Kaya, ang lamad na mas malapit sa kuliglig ay tumataginting nang mas malakas. Dahil dito ay natutunton at napupuntirya agad ng langaw ang potensiyal na biktima.
Paano praktikal na magagamit ang natuklasang ito? Ang mga mananaliksik ay naniniwala na makatutulong ito sa kanila upang mapasulong ang disenyo ng mga bagay-bagay tulad ng mikropono at ng mga hearing aid. Halimbawa, ang hearing aid ay maaaring idisenyo upang “masagap [nito] ang tunog na pangunahin nang mula sa direksiyon na doon nakaharap ang tagapakinig,” ang sabi ng ulat. Oo, kaylawak ng karunungang inihahayag ng kagila-gilalas na mga nilikha ni Jehova!—Job 42:2.
[Picture Credit Lines sa pahina 31]
R. Hoy/Cornell University
Dalawang larawan sa itaas: R. Wyttenbach/ Cornell University