Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Karilagan ng Buhangin

Ang Karilagan ng Buhangin

Ang Karilagan ng Buhangin

Ang buhangin sa iyong mata ay nagdudulot ng kirot, ngunit nakagiginhawa ito kapag nilalakaran mo! Ang karamihan nito ay masusumpungan sa tubig-dagat, ngunit sagana rin ito sa tuyong mga disyerto. Tinatakasan ng maraming nilalang ang paglawak nito, ngunit para sa iba, ito’y tahanan nila. Karaniwan itong itinuturing na nakayayamot, ngunit kung wala ito, halos magiging imposible ang makabagong pamumuhay.

Mula sa paglalarawan sa itaas, ang buhangin ay waring isang kabalintunaan. Ano ba talaga ang buhangin, at saan ito nanggagaling?

Isang Magaspang na Pasimula

Ang buhangin ay binubuo ng mga tipik ng mineral, bato, o lupa, at kwarts ang pinakakaraniwang sangkap nito. Ang mga bundok na dating mga solidong bato ay naaagnas at nagiging buhangin. Paano nangyayari ang gayong pagkaagnas?

Ang buhangin ay karaniwan nang produkto ng nagngangalit na karagatan. Hinahampas ng mga alon ang mga dalisdis sa baybayin, at binabaklas ng mga hampas na ito ang malalaking tipak ng bato. Pagkalalaking tipak ng bato ang natitibag dahil sa walang-lubay na hampas ng alon, anupat pira-pirasong nahuhulog sa umaalimbukay na daluyong. Pinakikinis ng maligalig na dagat ang matatalim na gilid ng mga tipak na ito anupat ang mga ito’y nagiging malalaking bato. Ang patuloy na pagsiklut-siklot ng alon ang umaagnas sa mga ito upang maging maliliit na bato, at ang mga ito ay nadudurog pa tungo sa mas maliliit na tipik, na siyang kilala natin bilang buhangin. Kung minsan ay tinatangay ng dagat ang buhangin palayo sa baybayin, ngunit sa maraming dako, ibinubunton ng mga alon ang buhangin pabalik sa baybayin, anupat nag-iiwan ng napakalinis na dalampasigan.

Kapag ang nagngangalit na karagatan ay sinamahan pa ng malamig na klima, ang nagyelong tubig ay nakukulong sa batuhan, na nagiging matatalim na yelong humahati sa mga bato. Nagpapatuloy ang paghahating ito, anupat pinaliliit nang pinaliliit ang pagkalalaking tipak ng bato, na sa dakong huli ay nagiging buhangin.

Gumaganap din ng papel ang hangin, anupat tinatangay ang mga butil ng buhangin at inihahampas ang mga ito sa mga tipak ng bato. Ang pagkikiskisang ito ay lumilikha ng mas maraming buhangin. Ang mga suson ng bato na daan-daang talampakan ang kapal ay naaagnas dahil sa likas na anyong ito ng sandblasting. Samantala, isinasaboy ng hangin ang nalikhang buhangin, anupat inilalatag itong gaya ng alpombra sa pinakasahig ng disyerto.

Sa loob ng maraming milenyo, ang nakadudurog na mga prosesong ito ay nagbunga ng di-mabilang na mga tonelada ng buhangin. Maraming tao ang matutuwa kung magsisilbi lamang itong nakahubog na higaan sa dalampasigan. Ngunit hindi lamang sa dalampasigan mahalaga ang buhangin, gaya ng makikita natin.

Maliliit na Butil, Ngunit Malalaking Pakinabang

Sa isang malaking antas, ang ating kinakain at iniinom ay nakadepende sa buhangin. Paano nagkagayon? Sa iba’t ibang paraan, ang lahat ng ating pagkain ay nanggagaling sa mga pananim sa lupa. Ang buhangin at ang pinong mga kauri nitong banlik at luwad ay nagsusuplay ng mga mineral na kailangan ng halaman. Gayundin, pinangyayari ng buhangin na nasa lupa na tumagos ang hangin at tubig. Kaya naman, madaling makakakuha ng mga sustansiya ang mga ugat ng halaman. Ngunit paano nasasangkot ang buhangin sa pagpawi sa ating uhaw?

Kung pupunuin mo ng tuyong buhangin ang pang-isahang litrong banga, makapagdaragdag ka pa ng sangkatlong litro ng tubig sa bangang iyon nang hindi ito umaapaw. Ito ay dahil sa buhaghag ang buhangin​—samakatuwid, sa pagitan ng mga butil nito ay marami pang espasyo. Sa katunayan, may mga buhanginan na “mga bangang imbakan ng tubig” na sapat ang laki upang magsuplay ng nagbibigay-buhay na likido sa malalaking lunsod. Ano ang mga ito?

Ang heolohikal na mga kayarian na tinatawag na mga aquifer ay nasa ilalim ng kalakhang bahagi ng ibabaw ng lupa. Ang mga ito, na binubuo ng malalaking suson ng buhangin at iba pang buhaghag na mineral, ay naglalaman ng tubig na nasasala habang ito’y tumatagos sa ilalim ng lupa sa loob halos ng libu-libong taon na. Tinatantiya ng mga siyentipiko na ang di-nakikitang “mga bangang imbakan ng tubig” na ito ay naglalaman ng sariwang tubig na 40 beses na mas marami kaysa sa taglay ng lahat ng lawa at ilog sa lupa. Inaabot ng mga balon ang mga aquifer upang pagkunan ng napakahalagang tubig, na tumutustos sa buhay ng milyun-milyon.

Buhangin na Nasa Harap Mo

Maaaring araw-araw ay naglalakad ka sa ibabaw ng buhangin nang hindi na pumupunta pa sa dalampasigan. Nalalatagan ba ng kongkreto ang mga lansangan o mga bangketa sa inyong bayan? Sa ilang kaso, sangkapat ng kongkretong ito ay binubuo ng buhangin. Daan-daang milyong tonelada ng buhangin ang inuubos taun-taon bilang mga materyales sa konstruksiyon, anupat sa ilang lugar ay nagkakaroon na ng kakapusan sa buhangin.

Bagaman karaniwan nang nasa ilalim ng iyong paa ang buhangin, ang ibang anyo nito ay maaaring nasa harap mo lamang. Ang iskrin ng iyong computer ay malamang na gawa sa buhangin, gaya ng mga lente ng mga teleskopyo sa taluktok ng bundok at ng mga mikroskopyo sa ibabaw ng mesa. Totoo rin ito sa mga plorerang kristal at sa iyong salamin sa banyo. Ang mga bagay na ito ay gawa sa kristal, at mahigit sa kalahati ng likas na materyales na ginagamit sa paggawa ng kristal ay buhangin. Paano ginagamit ang buhangin upang makagawa ng kristal?

Ang buhangin at ang iba pang sangkap ay pinaghahalo at pagkatapos ay tinutunaw sa temperatura na lampas pa sa 1,400 digri Celsius. Ang malapot na likido na resulta nito ay maaaring bilutin, hipan, baluktutin, banatin, at habihin tungo sa halos anumang anyo. Ang mga hibla ng kristal ay maaari pa ngang habihin upang maging tela. Subalit ito man ay pampaganda o pang-industriya, o ito man ay naglilihis o nagpapabalik ng liwanag, ang pino at malinaw na kristal ay galing sa butil ng buhangin na hindi mapaglalagusan ng liwanag.

Kumikilos na Buhangin

Gunigunihin na kumikilos ang isang burol na 75 metro ang taas. Nangyayari ito kapag ang mga bunton ng buhangin na tinatawag na mga dune ay napapadpad, dahil itinutulak ito ng hangin. Sa ilang bahagi ng Sahara, waring walang katapusang pinalalawak ng mga dune ang kanilang alun-alon na mga tagaytay.

Kapag ang mga tao ay nanirahan malapit sa mga ito, maaari silang salantain ng mga dune. Sa katunayan, ang kumikilos na buhangin ay napag-alaman na humaharang sa mga lansangang-bayan, tumatabon sa mga bahay, at maging sa buong mga bayan.

Sagana sa Buhay

Bagaman waring walang buhay sa buhanginan, itinuturing itong tahanan ng maraming nilalang. Ang mga sorra, ahas, at mga alakdan ay naghuhukay ng lungga sa buhangin ng disyerto kapag araw. Bagaman natutulog kapag araw, lumalabas naman sila sa gabi upang maghanap ng makakain. Sa kahabaan ng Skeleton Coast ng Namibia, sa timog-kanlurang Aprika, gumagala ang mga elepante sa malalaking dune. Waring natutuwa silang magpadausdos sa matatarik at mabuhanging dalisdis, na hila-hila ang kanilang mga hulihang paa. Ang “barko ng disyerto,” na kilala rin bilang kamelyo, ay bumabagtas sa mga dagat ng buhangin ng Asia at Aprika.

Ang ilang hayop ay umaahon sa karagatan upang gamitin ang buhangin. Kapag humudyat na ang kanilang biyolohikal na talaorasan, ang mga horseshoe crab, pawikan, at maliliit na isda na tinatawag na mga grunion ay nagpapatangay sa alon patungo sa dalampasigan. Doon sila nangingitlog upang mapisa ang mga itlog sa malambot na buhanginan.

Para sa ilang bulaklak, ang isang dune ay kasing-alwan ng isang hardin. Nabubuhay ang mga sea rocket, beach pea, at beach morning glory sa buhanginan at muli pa nga nilang inilalabas ang kanilang usbong kahit matabunan ng dune ang mga ito. Sumisipsip ng tubig at sustansiya ang kanilang mahahabang ugat upang pakanin ang magaganda nilang bulaklak​—mga kulay na nagpapalamuti sa buhanginang may iisang kulay.

Totoo, ang buhangin ay maaaring nakayayamot kapag pumasok ito sa iyong sapatos habang ikaw ay naglalakad malapit sa baybayin. Subalit huwag kang mayamot. Ang totoo, dumedepende tayo sa gayong hamak na mga butil ng buhangin! Ang buhangin ay isa pang patotoo sa karunungan ng Maylalang, ang Diyos na Jehova.​—Awit 104:24.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 18, 19]

Pagkawili sa Buhangin

Iba’t iba ang kulay ng mga buhangin. Sa iba’t ibang lupain, makasusumpong ka ng mga buhanging itim na itim, puting-puti, kulay purpura, abo, pula, kahel, dilaw, at marami pang medyo nahahawig na kulay. Ang ilan naman ay nahahaluan ng durog na mga kabibi. Ang sari-saring kulay at salat ng buhangin ay nakawiwili sa ilang tao hanggang sa punto na nagsimula silang mangolekta ng buhangin. Marami ang nangangalakal ng buhangin, naglalakbay upang makasumpong nito, at yumuyukod upang kumuha ng mga sampol nito na inilalagay sa maliliit na botelya, mga bagong karagdagan sa kanilang mga koleksiyon. Tinatawag nila ang kanilang sarili na “mahihilig sa buhangin.”

[Credit Line]

Courtesy Serge tkint

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang Namib Desert, sa Namibia

[Mga larawan sa pahina 16]

Kabilang sa mga puwersa na gumagawa ng buhangin sa pamamagitan ng pagdurog sa bato ay ang nagngangalit na mga alon, malalaking daluyong, at hangin

[Mga larawan sa pahina 17]

Ang buhanginan ay tahanan ng mga insekto, bulaklak, sorra, at kamelyo

[Credit Line]

Mga sorra: Hai-Bar, Yotvata, Israel

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang buhangin ay mahalagang sangkap sa kristal at kongkreto

[Credit Line]

Mga tagagawa ng kristal: Inilaan ng The Corning Museum of Glass

[Larawan sa pahina 18]

Maaaring daan-daang talampakan ang taas ng mga “sand dune”