Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Problema ng Paggamot

Ang Problema ng Paggamot

Ang Problema ng Paggamot

“Walang diyabetis na hindi delikado. Ang lahat ay mapanganib.”​—Anne Daly, American Diabetes Association.

“MAY mga abnormalidad sa resulta ng mga pagsusuri sa iyong dugo. May sakit ka at kailangan mong magamot agad.” Parang binuhusan ng malamig na tubig si Deborah sa sinabi ng doktor. “Nang gabing iyon, patuloy kong iniisip na baka nagkamali lang sa laboratoryo,” aniya. “Sinabi ko sa aking sarili na hindi totoong may sakit ako.”

Katulad ng maraming tao, iniisip ni Deborah na malusog naman siya, kaya hindi niya pinapansin ang paulit-ulit na mga sintomas. Ang akala niya kaya siya laging nauuhaw ay dahil sa iniinom niyang antihistamine. Ipinalagay niya na ang kaniyang madalas na pag-ihi ay dahil sa labis na pag-inom niya ng tubig. At ang pagkapagod​—buweno, sino ba namang nagtatrabahong ina ang hindi napapagod?

Subalit pinatunayan ng isang pagsusuri sa dugo na ito ay dahil sa diyabetis. Mahirap para kay Deborah na tanggapin ang resulta ng pagsusuri. “Wala akong sinabihan tungkol sa aking karamdaman,” ang sabi niya. “Sa gabi, kapag tulog na ang pamilya ko, nakatitig ako sa kadiliman at umiiyak.” Ang ilan, na gaya ni Deborah, ay dumaranas ng iba’t ibang damdamin, kalakip na ang panlulumo at galit pa nga kapag nalaman nilang sila’y may diyabetis. “Nag-iiyak ako dahil sa hindi ko matanggap ang katotohanan,” ang sabi ni Karen.

Likas na mga pagtugon ito sa waring di-makatuwirang dagok sa buhay. Gayunman, maaaring makibagay ang mga may diyabetis sa pamamagitan ng alalay. “Tinulungan ako ng aking nars na tanggapin ang aking kalagayan,” ang sabi ni Karen. “Tiniyak niya sa akin na normal lamang ang umiyak. Nakatulong sa akin ang paglalabas ng aking damdamin para matanggap ko ang aking kalagayan.”

Kung Bakit Malubhang Sakit ang Diyabetis

Ang diyabetis ay tinatawag na “isang sakit ng mismong makina ng buhay,” at makatuwirang dahilan naman iyan. Kapag hindi magamit ng katawan sa pamamagitan ng metabolismo ang glucose, maaaring huminto ang maraming mahahalagang proseso sa katawan, anupat kung minsan ito ay nagsasapanganib sa buhay. “Ang mga tao ay hindi tuwirang namamatay dahil sa diyabetis,” ang sabi ni Dr. Harvey Katzeff, “sila ay namamatay sa mga komplikasyon. Bihasa kami sa paghadlang sa mga komplikasyon, subalit hindi kami sanay sa paggamot [ng mga komplikasyon] minsang lumitaw ang mga ito.” *

May pag-asa ba para sa mga may diyabetis? Mayroon​—kung kikilalanin nila ang kaselanan ng sakit at pasasailalim sa isang programa ng paggamot. *

Pagkain at Ehersisyo

Bagaman hindi maiiwasan ang Type 1 na diyabetis, pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang henetikong mga salik sa pagkakaroon ng sakit at sinisikap nilang hanapin ang mga paraan upang sugpuin ang isang pagsira sa imyunidad. (Tingnan ang kahon na “Ang Ginagawa ng Glucose,” sa pahina 8.) “Sa type 2, mas may pag-asa pa,” sabi ng aklat na Diabetes​—Caring for Your Emotions as Well as Your Health. “Ang marami sa maaaring magmana ng sakit ay makaiiwas na magkaroon ng anumang palatandaan ng sakit na ito sa pamamagitan ng basta timbang na pagkain at regular na pag-eehersisyo, sa gayon ay napananatiling malusog ang katawan at napananatiling normal ang kanilang timbang.” *

Sa pagdiriin sa kahalagahan ng ehersisyo, iniulat ng Journal of the American Medical Association ang tungkol sa isang pagsusuri na nagsasangkot sa mga babae. Nasumpungan sa pagsusuri na ang “maikling panahon ng pisikal na gawain ay tumutulong sa mabilis na pagtanggap [ng mga selula ng katawan] sa glucose na udyok ng insulin sa loob ng mahigit na 24 na oras.” Kaya, ang konklusyon ng ulat ay na “talagang nababawasan ang panganib na magkaroon ng type 2 na diyabetis ang mga babae sa pamamagitan ng paglalakad at masiglang gawaing pangkatawan.” Inirerekomenda ng mga mananaliksik ang di-kukulangin sa 30 minutong katamtamang pisikal na gawain sa pinakamaraming araw o araw-araw pa nga sa sanlinggo. Maaaring kasali rito ang simpleng paglalakad, na sabi ng American Diabetes Association Complete Guide to Diabetes, “ay malamang na siyang pinakamainam, pinakaligtas, at hindi gaanong magastos na uri ng ehersisyo.”

Gayunman, dapat na nasa ilalim ng pangangasiwa ng doktor ang ehersisyo ng mga taong may diyabetis. Ang isang dahilan ay sapagkat maaaring mapinsala ng diyabetis ang vascular system at mga nerbiyo, anupat naaapektuhan ang sirkulasyon ng dugo at ang pandamdam. Kaya, maaaring hindi mapansin ang isang galos sa paa, anupat maimpeksiyon ito, at maging sugat​—isang grabeng kondisyon na maaaring humantong sa pagputol sa paa kung hindi gagamutin karaka-raka. *

Gayunman, makatutulong sa isa ang isang programa ng ehersisyo upang makontrol ang diyabetis. “Habang higit na pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang mga kapakinabangan ng regular na ehersisyo,” ang sabi ng ADA Complete Guide, “mas maraming katibayan ng kapakinabangan nito ang nasusumpungan.”

Terapi na Insulin

Bukod sa pagsunod sa kanilang diyeta at programa ng ehersisyo, nararapat din sa maraming may diyabetis ang araw-araw na pagsukat sa antas ng glucose pati na ang pag-iiniksiyon ng insulin ilang beses sa isang araw. Dahilan sa bumuting kalusugan sa pamamagitan ng diyeta at mabuting rutin ng ehersisyo, naihinto ng ilang may Type 2 na diyabetis, kahit sa sandaling panahon lamang, ang terapi na insulin. * Nasumpungan ni Karen, na may Type 1 na diyabetis, na mas nagkakabisa ang insulin na itinuturok niya dahil sa ehersisyo. Bunga nito, nabawasan niya nang 20 porsiyento ang kailangan niyang insulin araw-araw.

Subalit, kung kinakailangan ang insulin, hindi dapat masiraan ng loob ang taong may diyabetis. “Ang paggagamot sa pamamagitan ng insulin ay hindi nangangahulugan ng pagkukulang sa bahagi mo,” ang sabi ni Mary Ann, isang rehistradong nars na nangangalaga sa maraming pasyenteng may diyabetis. “Anumang uri ng diyabetis mayroon ka, kung maingat mong kinokontrol ang iyong asukal sa dugo, mababawasan mo ang iba pang problema sa kalusugan sa dakong huli.” Sa katunayan, isinisiwalat ng isang pagsusuri kamakailan na “lubhang nabawasan [ng mga taong may Type 1 na diyabetis na mahigpit na kinokontrol ang kanilang antas ng asukal sa dugo] ang pagkakaroon ng sakit sa mata, bato, at nerbiyo dahil sa diyabetis.” Halimbawa, nabawasan nang 76 na porsiyento ang panganib na magkaroon ng sakit sa mata (retinopathy)! Nakikinabang din ng gayon ang mga may Type 2 na diyabetis na mahigpit na kumukontrol sa kanilang antas ng asukal sa dugo.

Upang maging mas madali at hindi gaanong masakit ang terapi na insulin, ang mga heringgilya at mga insulin pen​—ang kasangkapang pinakakaraniwang ginagamit​—ay may napakapinong mga karayom na hindi gaanong masakit tumurok. “Karaniwang ang unang turok ang masakit,” ang sabi ni Mary Ann. “Pagkatapos niyan, sinasabi ng karamihan ng mga pasyente na wala na silang maramdaman pa.” Kabilang sa iba pang paraan ng iniksiyon ang mga automatic injector na nagtuturok ng karayom sa balat nang walang kirot, mga jet injector na literal na nagtuturok ng insulin sa balat nang napakabilis, at mga infuser na gumagamit ng isang catheter na pinananatili sa loob ng katawan sa loob ng dalawa o tatlong araw. Nito lamang nakalipas na mga taon naging popular ang insulin pump na halos kasinlaki ng isang pambulsang pager. Ang aparatong ito na maaaring iprograma ay naglalabas ng insulin sa isang catheter na ang dami ay ayon sa pangangailangan ng katawan, anupat ginagawang eksakto at madali ang pagbibigay ng insulin.

Patuloy na Matuto

Kahit na pagkatapos maisaalang-alang ang lahat ng bagay, walang mabisang paggamot sa diyabetis. Sa pagpili ng paggamot, dapat isaalang-alang ng indibiduwal ang maraming salik upang makagawa ng personal na desisyon. “Kahit na ikaw ay inaalagaan ng isang pangkat ng mga doktor,” ang sabi ni Mary Ann, “ikaw pa rin ang magpapasiya hinggil sa iyong paggamot.” Sa katunayan, ganito ang sabi ng babasahing Diabetes Care: “Ang medikal na paggamot ng diyabetis nang walang sistematikong edukasyon sa pangangalaga sa sarili ay maituturing na di-nakaaabot sa pamantayan at labag sa kagandahang asal.”

Habang mas maraming nalalaman ang mga may diyabetis tungkol sa kanilang sakit, lalo silang nasasangkapan na mapangalagaan ang kanilang kalusugan at nadaragdagan ang kanilang pag-asa sa mas mahaba at mas malusog na buhay. Gayunman, nangangailangan ng pagtitiis ang mabisang edukasyon. Ganito ang paliwanag ng aklat na Diabetes​—Caring for Your Emotions as Well as Your Health: “Kung sisikapin mong matutuhan agad ang lahat ng bagay, malamang na malito ka at hindi mo mabisang magagamit ang impormasyon. Bukod pa riyan, marami sa pinakakapaki-pakinabang na impormasyong kailangan mong matutuhan ay wala sa mga aklat o mga pamplet. May kinalaman ito sa . . . kung paano nagbabagu-bago ang iyong asukal sa dugo ayon sa pagbabago ng iyong rutin. Matututuhan lamang ito sa paglipas ng isang yugto ng panahon, sa pamamagitan ng pagsubok sa ilang pamamaraan hanggang magtagumpay.”

Halimbawa, sa pamamagitan ng maingat na pagsubaybay ay nalalaman mo kung ano ang reaksiyon ng iyong katawan sa kaigtingan, na makapagpapataas sa antas ng iyong asukal sa dugo. “Limampung taon na akong may diyabetis,” ang sabi ni Ken, “at alam ko kung ano ang sinasabi nito sa akin!” “Ang pakikiramdam” sa reaksiyon ng kaniyang katawan ay kapaki-pakinabang, sapagkat si Ken ay nakapagtatrabaho pa rin nang buong panahon​—kahit na siya ay mahigit nang 70 taóng gulang!

Ang Kahalagahan ng Suporta ng Pamilya

Hindi dapat kaligtaan ang suporta ng pamilya sa paggamot sa diyabetis. Sa katunayan, binabanggit ng isang reperensiya na “marahil ang uri ng samahan sa pamilya ang nag-iisang salik” upang makayanan ng mga bata at mga kabataan ang diyabetis.

Nakabubuti kung nalalaman ng mga miyembro ng pamilya ang tungkol sa diyabetis, anupat naghahalinhinan pa nga sa pagsama sa isang may diyabetis sa doktor o sa ospital. Makasusuporta sila kung may alam sila hinggil dito, anupat nakikilala ang mahahalagang sintomas, at kung paano tutugon. Ganito ang sabi ni Ted, na ang asawa ay may Type 1 na diyabetis mula pa sa edad na apat na taon: “Alam ko kung bumabagsak ang antas ng asukal ni Barbara. Tatahimik siya sa gitna ng isang pag-uusap. Papawisan siya nang husto at magagalit nang walang kadahi-dahilan. At bumabagal ang kaniyang mga reaksiyon.”

Sa katulad na paraan, kapag napansin ni Catherine, ang asawa ni Ken, na namumutla at nagpapawis si Ken at nakikita niya ang pagbabago sa gawi nito, binibigyan niya ito ng simpleng tanong sa matematika na sasagutin nito. Kung ang sagot ni Ken ay nagpapahiwatig na nalilito siya, panahon na ito upang si Catherine na ang magpasiya at kumilos agad upang lunasan ang situwasyon. Lubhang pinahahalagahan nina Ken at Barbara ang pagkakaroon ng may-kabatirang mga kabiyak na kanilang minamahal at lubusang pinagtitiwalaan. *

Dapat sikapin ng maibiging mga miyembro ng pamilya na maging matulungin, mabait, at matiisin​—mga katangiang makatutulong sa maysakit para makayanan ang mga problema sa buhay at bumuti pa nga ang pangmalas nila sa kanilang sakit. Binigyang-katiyakan ng asawa ni Karen ang pag-ibig nito sa kaniya, na may positibong epekto. Ganito ang sabi ni Karen: “Sinabi sa akin ni Nigel, ‘Kailangan ng mga tao ang pagkain at tubig upang mabuhay, kung paanong kailangan mo rin ang pagkain at tubig​—at kaunting dosis ng insulin.’ Ang mabait subalit praktikal na mga salitang ito ang siyang kailangan ko.”

Kailangan ding maunawaan ng pamilya at mga kaibigan na habang nagbabagu-bago ang antas ng asukal sa dugo, maaaring maapektuhan ng diyabetis ang kondisyon ng isa. “Kapag nanlulumo ako dahil sa mababa ang antas ng asukal ko sa dugo,” sabi ng isang babae, “napakatahimik ko, sumpungin, madaling mabalisa, at sirang-sira ang loob. Pagkatapos ay napakasama ng pakiramdam ko dahil sa para akong bata kung kumilos. Pero nakatutulong kapag nalaman mong nauunawaan ng iba ang dahilan ng gayong mga damdamin​—na sinisikap kong kontrolin.”

Maaaring mabata nang matagumpay ang diyabetis, lalo na kung ang pinahihirapan nito ay tinutulungan ng mga kaibigan at mga miyembro ng pamilya. Makatutulong din ang mga simulain sa Bibliya. Paano?

[Mga talababa]

^ par. 8 Kasali sa mga komplikasyon ang sakit sa puso, istrok, sakit sa bato, sakit sa mga ugat sa paa’t kamay, at pinsala sa nerbiyo. Ang mahinang pagdaloy ng dugo sa mga paa ay maaaring humantong sa mga sugat, kung saan sa grabeng mga kaso ay kailangang putulin ang apektadong binti. Pinakakaraniwang sanhi rin ng pagkabulag sa mga adulto ang diyabetis.

^ par. 9 Hindi iniindorso ng Gumising! ang anumang partikular na terapi. Dapat kumonsulta yaong mga nagsususpetsang may diyabetis sila sa manggagamot na may karanasan sa paghadlang at pangangalaga sa sakit.

^ par. 11 Ang labis na taba sa bilbil ay waring mas mapanganib kaysa sa taba sa mga balakang.

^ par. 13 Lalo nang nanganganib ang mga taong may diyabetis na naninigarilyo, sapagkat pinipinsala ng kanilang bisyo ang puso at ang sistema ng sirkulasyon ng dugo, at pinakikipot nito ang mga ugat. Binabanggit ng isang aklat na 95 porsiyento ng mga napuputulan ng paa na nauugnay sa diyabetis ay ang mga naninigarilyo.

^ par. 16 Ang ilan sa mga taong ito ay natulungan ng iniinom na gamot. Kalakip dito ang mga gamot na nagpapasigla sa lapay upang maglabas ng mas maraming insulin, ang iba na nagpapabagal sa pagdami ng asukal sa dugo, at ang iba naman na nagbabawas sa insulin resistance. (Karaniwang hindi inirereseta sa Type 1 na diyabetis ang iniinom na gamot.) Sa kasalukuyan, ang insulin ay hindi maaaring inumin, sapagkat sinisira ng panunaw ang protinang ito bago pa man ito makarating sa daluyan ng dugo. Hindi inaalis ng terapi na insulin o iniinom na gamot ang pangangailangan sa ehersisyo at timbang na pagkain.

^ par. 26 Inirerekomenda ng mga awtoridad sa medisina na laging dalhin ng mga taong may diyabetis ang isang kard at magsuot ng pulseras o kuwintas na may tag na nagsasabing siya’y may diyabetis. Sa kritikal na kalagayan ang mga bagay na ito ay maaaring magligtas ng buhay. Halimbawa, ang mababang asukal sa dugo ay maaaring mapagkamalan na ibang sakit o bilang pagkalasing pa nga.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Isang Sakit ng mga Kabataan?

Ang diyabetis ay “nagiging sakit ng mga kabataan,” ang sabi ni Dr. Arthur Rubenstein, isang kilalang endocrinologist at dekano sa Mount Sinai School of Medicine sa New York. Ang katamtamang edad sa pagsisimula ng diyabetis ay talagang pabata nang pabata. “Sa nakalipas na sampung taon, itinuturo namin sa mga estudyante ng medisina na hindi mo nakikita ang sakit na ito sa mga taong wala pang 40 taóng gulang,” ang sabi ng dalubhasa sa diyabetis na si Dr. Robin S. Goland, na tinutukoy ang Type 2 na diyabetis. “Ngayon ay nakikita natin ito sa mga taong wala pang 10 taóng gulang.”

Bakit dumarami ang mga kabataang nagkakaroon ng diyabetis? Kung minsan, isang salik ang pagmamana nito. Subalit maaari ring maging sanhi ang timbang at kapaligiran. Nadoble ang bilang ng mga batang napakataba sa nakalipas na dalawang dekada. Ano ang dahilan nito? “Nagkaroon ng maraming pagbabago sa mga kaugalian sa pagkain at sa pisikal na mga gawain sa nakalipas na 20 taon,” ang sabi ni Dr. William Dietz ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention. “Kabilang dito ang mas madalas na pagkain ng mga tao sa mga restawran; hindi pagkain ng agahan; pag-inom ng mas maraming soft drink at pagkain sa mga fast food; pagbabawas ng [edukasyong pangkatawan] sa mga paaralan; at pag-aalis ng recess sa paaralan kung kailan nakapaglalaro ang mga bata sa labas ng silid-aralan.”

Ang diyabetis ay hindi lubusang napagagaling. Kaya, makabubuting sundin ang payo ng isang tin-edyer na may diyabetis, na basta nagsabing: “Iwasan ang di-masustansiyang pagkain at manatiling malusog.”

[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]

Ang Ginagawa ng Glucose

Ang glucose ang pinagmumulan ng enerhiya ng trilyun-trilyong selula ng katawan. Subalit, upang makapasok sa mga selula, kailangan nito ng isang “susi”​—ang insulin, isang kemikal na inilalabas ng lapay. Sa Type 1 na diyabetis, ang katawan ay hindi gumagawa ng insulin o kaunti lamang ang ginagawa nito. Sa Type 2, ang katawan ay gumagawa ng insulin subalit karaniwang hindi sapat. * Isa pa, ayaw papasukin ng mga selula ang insulin​—isang kalagayan na tinatawag na insulin resistance. Sa dalawang uri ng diyabetis, iisa ang resulta: selulang kulang sa glucose at mapanganib na antas ng asukal sa dugo.

Sa Type 1 na diyabetis, sinisira ng sistema ng imyunidad ng isang tao ang mga beta cell sa lapay na gumagawa ng insulin. Kaya, ang Type 1 na diyabetis ay isang sakit sa autoimmune at kung minsan ay tinatawag na immune-mediated na diyabetis. Kabilang sa mga salik na maaaring pagmulan ng isang reaksiyon sa sistema ng imyunidad ang mga virus, nakalalasong mga kemikal, at ilang uri ng gamot. Maaari ring maging salik ang pagmamana, sapagkat ang Type 1 na diyabetis ay nasa dugo ng ilang pamilya, at pinakakaraniwan ito sa mga lahing Caucasian.

Sa Type 2 na diyabetis, mas malakas ang salik ng pagmamana subalit mas maraming hindi Caucasian ang mayroon nito. Lubhang apektado ang mga Katutubo ng Australia at mga Katutubo ng mga bansa sa Amerika, ang huling nabanggit ay may pinakamaraming kaso ng Type 2 na diyabetis sa daigdig. Pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang kaugnayan sa pagitan ng pagmamana at sobrang katabaan, gayundin kung paanong pinalulubha ng sobrang taba ang insulin resistance sa mga taong maaaring magmana nito. * Di-gaya ng Type 1, ang Type 2 na diyabetis ay karaniwang lumilitaw sa mga taong mahigit na 40 taóng gulang.

[Mga talababa]

^ par. 44 Mga 90 porsiyento ng may diyabetis ay may Type 2 na diyabetis. Dati, ito ang tinatawag na “non-insulin dependent” o “adult onset” na diyabetis. Gayunman, ang mga terminong ito ay hindi malinaw, sapagkat mga 40 porsiyento niyaong may Type 2 na diyabetis ay nangangailangan ng insulin. Karagdagan pa, nakababahalang dami ng mga kabataan​—ang ilan ay hindi pa nga tin-edyer​—ang nasuri na may Type 2 na diyabetis.

^ par. 46 Ang isang tao ay karaniwang itinuturing na sobra ang taba kung ang kaniyang timbang ay 20 porsiyento o mahigit pa sa kaniyang tamang timbang ng katawan.

[Larawan]

Molekula ng glucose

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng: Pacific Northwest National Laboratory

[Kahon sa pahina 9]

Ang Ginagawa ng Lapay

Halos kasinlaki ng isang saging, ang lapay ay nasa likod lamang ng tiyan. Ayon sa aklat na The Unofficial Guide to Living With Diabetes, “ang malusog na lapay ay patuloy at kahanga-hangang ginagawang timbang, pinananatiling maayos at hindi pabagu-bago ang antas ng asukal sa dugo sa pamamagitan ng paglalabas ng tamang dami ng insulin at glucagon, dalawang hormon na kailangan upang mapanatili ang timbang na asukal at metabolismo ng katawan samantalang pabagu-bago ang antas ng glucose sa buong araw.” Ang mga beta cell sa loob ng lapay ang pinagmumulan ng hormon na insulin.

Kapag ang mga beta cell ay hindi nakagawa ng sapat na insulin, dumarami ang glucose sa dugo, anupat nagkakaroon ng hyperglycemia. Sa kabaligtaran naman​—ang mababang asukal sa dugo​—ay tinatawag na hypoglycemia. Kasama ng lapay, ang atay ay tumutulong upang maisaayos ang antas ng asukal sa dugo sa pamamagitan ng pag-iimbak ng labis na glucose sa anyong tinatawag na glycogen. Kapag inutusan ng lapay, ginagawa ng atay na maging glucose muli ang glycogen para magamit ng katawan.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Ang Ginagawa ng Asukal

Ang isang pangkaraniwang maling pagkaunawa ay na ang pagkain ng maraming asukal ang dahilan ng diyabetis. Ipinakikita ng katibayan sa medisina na ang pagtaba​—walang kinalaman ang kinakaing asukal​—ay nakadaragdag sa panganib ng pagkakaroon ng diyabetis ng mga taong maaaring magmana nito. Gayunman, masama sa kalusugan ang pagkain ng napakaraming asukal, yamang kakaunting sustansiya lamang ang nakukuha mula rito at maaaring humantong sa sobrang taba.

Ang isa pang maling kaisipan ay na ang mga taong may diyabetis ay may di-normal na paghahangad sa asukal. Subalit sa katunayan, pareho lamang ang kanilang pagnanais sa matatamis na gaya ng karamihan. Kapag hindi nakontrol, ang diyabetis ay maaaring mauwi sa gutom​—subalit hindi sa asukal. Ang mga taong may diyabetis ay maaaring kumain ng matatamis, subalit dapat nilang isaalang-alang ang kinakain nilang asukal sa pagpaplano ng kanilang pagkain.

Ipinakikita ng mga pagsusuri kamakailan na ang pagkain na sagana sa fructose​—asukal mula sa mga prutas at gulay​—ay maaaring pagmulan ng insulin resistance at diyabetis pa nga sa mga hayop, anuman ang kanilang timbang.

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 8, 9]

Pinasimpleng Kahulugan ng Diyabetis

LAPAY

Taong Malusog

Pagkatapos kumain, ang lapay ay tumutugon sa dumaraming glucose sa dugo, anupat naglalabas ng tamang dami ng insulin

Ang mga molekula ng insulin ay kumakabit sa mga reseptor na nasa mga selula ng kalamnan at iba pang mga selula. Binubuksan naman nito ang mga daanan na papasukan ng mga molekula ng glucose

Tinatanggap at ginagamit ng mga selula ng kalamnan ang glucose. Sa gayon, ang antas ng glucose sa daluyan ng dugo ay bumabalik sa normal

Type 1 na Diyabetis

Sinasalakay ng sistema ng imyunidad ang mga beta cell sa lapay na gumagawa ng insulin. Dahil dito, walang nagagawang insulin

Kung walang tulong ng insulin, ang mga molekula ng glucose ay hindi makapapasok sa mga selula

Type 2 na Diyabetis

Sa karamihan ng mga kaso, ang lapay ay gumagawa ng kaunting insulin

Kung ang mga reseptor ay hindi gaanong tumutugon sa insulin, hindi nabubuksan ang mga daanan para makapasok ang glucose sa dugo

Dumarami ang glucose sa daluyan ng dugo, anupat sinasalungat ang mahahalagang proseso at pinipinsala ang pinakadingding ng mga ugat

[Dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

SELULA

Receptor

Daanan

Insulin

Nukleo

Glucose

[Dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

UGAT

Mga pulang selula ng dugo

Glucose

[Credit Line]

Tao: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck

[Larawan sa pahina 7]

Mahalaga ang wastong pagkain para sa mga may diyabetis

[Mga larawan sa pahina 10]

Maaaring masiyahan sa normal na mga gawain ang mga may diyabetis