Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Diyabetis—“Ang Di-namamalayang Mamamatay-Tao”

Diyabetis—“Ang Di-namamalayang Mamamatay-Tao”

Diyabetis​—“Ang Di-namamalayang Mamamatay-Tao”

NANG siya ay 21 taóng gulang, si Ken ay nagkaroon ng di-maintindihan at di-mapawing pagkauhaw. Madalas din siyang umihi​—nang bandang huli ay tuwing 20 minuto na. Di-nagtagal, namimigat na ang mga braso at binti ni Ken. Madalas siyang pagód, at lumabo ang kaniyang paningin.

May malaking nangyari nang magkasakit si Ken dahil sa isang virus. Nang magpatingin siya sa doktor, naging malinaw na hindi lamang trangkaso ang sakit ni Ken​—mayroon din siyang Type 1 diabetes mellitus​—diyabetis, sa maikli. Pinipigilan ng sakit na ito ang kakayahan ng katawan na gamitin ang ilang sustansiya, pangunahin na ang asukal sa dugo na tinatawag na glucose. Si Ken ay naospital nang anim na linggo bago naging normal ang antas ng kaniyang asukal sa dugo.

Nangyari iyan mahigit nang 50 taon ang nakalipas, at malaki na ang naisulong ng paggamot sa panahong iyon. Gayunpaman, may diyabetis pa rin si Ken, at hindi siya nag-iisa. Tinatayang sa buong daigdig, mahigit sa 140 milyon katao ang may ganitong sakit, at ayon sa World Health Organization, madodoble pa ang bilang na iyan sa taóng 2025. Hindi kataka-taka, nababahala ang mga dalubhasa hinggil sa paglaganap ng diyabetis. “Kung isasaalang-alang ang maraming kaso ng diyabetis na nakikita namin,” sabi ni Dr. Robin S. Goland, katulong na patnugot ng isang sentro sa paggamot ng diyabetis sa Estados Unidos, “maaaring pasimula na ito ng isang epidemya.”

Isaalang-alang ang maiikling ulat na ito mula sa buong daigdig:

AUSTRALIA: Ayon sa International Diabetes Institute ng Australia, “ang diyabetis ay isa sa pinakamahihirap lunasan sa mga problemang pangkalusugan sa ika-21 siglo.”

INDIA: Di-kukulangin sa 30 milyon katao ang may diyabetis. “Halos hindi kami nagkaroon ng mga pasyenteng wala pang 40 taóng gulang mga 15 taon ang nakalipas,” ang sabi ng isang doktor. “Sa ngayon, isa sa dalawang pasyenteng may diyabetis ay wala pang 40 taóng gulang.”

SINGAPORE: Halos sangkatlo ng populasyon mula sa edad na 30 hanggang 69 ang may diyabetis. Maraming bata​—ang ilan ay kasimbata ng sampung taon​—ang nasuring may diyabetis.

ESTADOS UNIDOS: Humigit-kumulang sa 16 na milyong tao ang may diyabetis, at taun-taon mga 800,000 bagong kaso na may ganitong sakit ang nasusuri. Milyun-milyon ang may ganitong sakit subalit hindi pa nila nalalaman ito.

Ang paggamot sa diyabetis ay pinahihirap pa sapagkat maaaring may ganito nang sakit ang isang tao sa loob ng mahabang panahon bago pa man ito masuri. “Dahil sa ang mga sintomas nito sa simula ay hindi napapansin,” ang sabi ng magasing Asiaweek, “ang diyabetis ay kadalasang hindi namamalayan.” Kaya, ang diyabetis ay tinatawag na di-namamalayang mamamatay-tao.

Dahilan sa pagiging laganap at kalubhaan ng sakit na ito, tatalakayin ng sumusunod na mga artikulo ang mga tanong na:

● Anu-ano ang sanhi ng diyabetis?

● Paano ito makakayanan ng mga may diyabetis?

[Kahon/Larawan sa pahina 4]

Ang Nasa Likod ng Pangalan

Ang terminong “diabetes mellitus” ay galing sa isang salitang Griego na nangangahulugang “higupin at isalin” at isang salitang Latin na nangangahulugang “matamis na parang pulot-pukyutan.” Angkop ang paglalarawan ng mga salitang ito hinggil sa sakit, sapagkat sa isang taong may diyabetis, ang tubig ay parang hinihigop ng bibig tungo sa daanan ng ihi at palabas agad ng katawan. Isa pa, ang ihi ay matamis sapagkat ito’y may asukal. Sa katunayan, bago natuklasan ang mas mabisang mga paraan ng pagsusuri, ang isang pagsusuri para sa diyabetis ay ibuhos ang ihi ng pasyente malapit sa punso ng langgam. Kung lalanggamin ito, nagpapahiwatig ito na may asukal nga sa ihi.