Kung Paano Makatutulong ang Bibliya sa mga May Diyabetis
Kung Paano Makatutulong ang Bibliya sa mga May Diyabetis
ANG pagpipigil sa sarili at ang positibong pangmalas ay lalo nang mahalaga sa kalusugan at kapakanan ng mga taong may diyabetis. Subalit upang malinang ang gayong mga katangian, kailangan ng mga pinahihirapan nito ang patuloy na suporta. Kaya hindi dapat tuksuhin ng mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ang taong may diyabetis na kumain ng di-nakapagpapalusog na pagkain, marahil ay sinasabing, ‘Hindi naman makasásamâ kung minsan ka lang kakain nito.’ “Napakainam ng pagsuporta sa akin ng asawa ko,” ang sabi ni Harry, na may sakit sa puso at Type 2 na diyabetis. “Hindi siya nagtatabi ng pagkain sa bahay na bawal sa akin. Subalit hindi ito nauunawaan ng iba, at hindi nila nalalaman kung gaano kahirap kung minsan ang magpigil sa pagkain ng mga ipinagbabawal.”
Kung palagi kang kasama ng isang taong may diyabetis, isaisip ang dalawang magagandang simulain na masusumpungan sa Bibliya: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao,” at “Ang pag-ibig . . . ay hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.”—1 Corinto 10:24; 13:4, 5.
Ang lahat ng nababahala sa kanilang kalusugan—may diyabetis man o wala—ay kailangang magpigil sa pagkain. Tumutulong ang Bibliya sa bagay na ito, sapagkat itinuturo nito ang pangangailangan para sa bawat isa sa atin na magkaroon ng pagpipigil sa sarili. Naipasiya mo na bang linangin ang katangiang ito sa iyong buhay? (Galacia 5:22, 23) Makatutulong din ang mga halimbawa mula sa Bibliya, gaya ng Kristiyanong apostol na si Pablo. “Mayroon siyang permanenteng tinik sa kaniyang laman,” ang sabi ng isang may diyabetis, “gayunman ay naglingkod siya sa Diyos nang may katapatan at lubusan. Magagawa ko rin iyon!”
Oo, tinanggap ni Pablo ang bagay na hindi niya mababago at nagtamasa siya ng malaking tagumpay bilang isang misyonero. (2 Corinto 12:7-9) Si Dustin, 18 anyos, ay bulag mula sa pagkasilang, at nagkaroon siya ng diyabetis sa edad na 12. Sumulat siya: “Walang sinuman sa daigdig na ito ang nagtataglay ng lahat ng nais niya. Inaasam-asam ko ang panahon sa bagong sanlibutan ng Diyos na doo’y mawawala na ang aking diyabetis. Para sa akin, panandaliang bagay lamang ito. Maaaring mas matagal pa ito kaysa sa isang sipon o trangkaso, subalit magwawakas din ito.”
Sa pagsasabi niyaon, nasa isipan ni Dustin ang pag-asang salig sa Bibliya tungkol sa sakdal na kalusugan sa isang paraisong lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 21:3, 4) Nangangako ang Salita ng Diyos na sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” (Isaias 33:24; Mateo 6:9, 10) Gusto mo bang matuto nang higit pa tungkol sa pangakong ito na salig sa Bibliya? Makipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar, o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito sa angkop na adres na nakatala sa pahina 5.
[Larawan sa pahina 12]
Mahalaga ang pagpipigil sa sarili at ang positibong pangmalas