Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masdan ang Malakas na Hipopotamus!

Masdan ang Malakas na Hipopotamus!

Masdan ang Malakas na Hipopotamus!

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA KENYA

ANG malaking lawa sa loob ng napakalawak na Masai Mara Game Reserve sa Kenya ay lubos na nasisikatan ng mapusyaw na sinag ng araw sa dapit-hapon. Habang papalubog ang araw sa guhit-tagpuan, nanganganinag sa tubig ang kulay ginintuang-kayumangging kaningningan. Mga ilang metro sa di-kalayuan, marahang lumalapit ang mga kawan ng sebra at wildebeest (gnu) sa lawa. Walang anu-ano at bakas ang matinding pangamba, tumigil ang mga hayop, habang ang kanilang mga mata ay nakapako sa isang napakalaking tulad-batong bagay na lumulutang malapit sa pampang ng lawa. Matapos paalimbukayin ang tubig, ang “napakalaking bato” ay lumubog at nawala na sa paningin. Nakita ng mga nanginginain ang isang mabalasik na hayop sa tubig​—ang hipopotamus.

Ang hipopotamus, na masusumpungan sa mga lawa, ilog, at dagat-dagatan sa silangang Aprika, ay mahihigitan sa laki tangi lamang ng elepante. Kapag nasa hustong-gulang na, maaaring umabot sa mahigit na apat na metro ang haba ng hipopotamus at 1.5 metro ang taas nito mula sa balikat. Ang timbang nito ay maaaring mga apat na tonelada. Ang salitang “Behemot” na binanggit sa aklat ng Bibliya na Job ay karaniwan nang ipinapalagay na tumutukoy sa hipopotamus. Hindi kataka-taka, inilalarawan ng Bibliya ang napakalaking hayop na ito na nagtataglay ng mga buto na parang “mga tubong tanso,” at inihahambing nito ang mga buto sa “mga tungkod na hinubog na bakal.”​—Job 40:15-18.

Ang hugis-bariles na hipopotamus, na makapal ang balat, walang balahibo, at waring padaskul-daskol, ay tiyak na hindi mananalo sa alinmang patimpalak sa kagandahan. Ang mga binti ng hipopotamus ay maiikli, na nagiging dahilan upang magtaka ang isa kung paano nabubuhat ng mga ito ang gayon kalaking katawan. Ngunit huwag mong maliitin ang lakas ng punggok na mga binting ito. Sa lupa, mas mabilis tumakbo ang hipopotamus kaysa sa tao. Sa tubig naman, napag-alaman na mas mabilis ito sa bangkang de-sagwan o maging sa bangkang de-motor.

Ang Buhay Nito sa Tubig

Ang mga hipopotamus ay mga hayop na mahilig magsama-sama, anupat karaniwan nang namumuhay sa grupo na 10 hanggang 15 at pinangungunahan ng isang namumunong lalaking hipopotamus, bagaman may nakita nang mas malalaking grupo na may bilang na mga 150. Maaari silang mabuhay sa lupa o sa tubig at umaahon sila sa tubig​—pangunahin na sa gabi​—upang manginain sa mayabong na pananim sa pampang. Karaniwan na, umiiwas silang mapalayo sa tubigan. Subalit sa panahon ng tagtuyot, napag-alaman na ang ilang hipopotamus ay nakapaglalakad nang sampung kilometro sa paghahanap ng makakain.

Hindi pa maliwanag kung paano minamarkahan ng mga hipopotamus ang kani-kanilang teritoryo. Ang nakapagtatakang kaugalian na pagkakalat ng kanilang dumi sa pamamagitan ng buntot ay ipinalalagay ng ilan na isang paraan ng pagpapahanga sa mga babaing hipopotamus o pananakot sa isang karibal. Kapag sinalakay, humahalinghing sila na parang kabayo, at umuungal o umaatungal sila kapag nakikipag-away. Ang malalakas na paghingasing ay maririnig kahit na nakalubog sa tubig ang mga hayop na ito. Inihahayag ng namumunong lalaking hipopotamus ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng ungal na MUH-Muh-muh.

Ginugugol ng hipopotamus ang maghapon nang bahagya o lubusang nakalublob sa tubig, at ang malaking katawan nito ay angkop na angkop naman dito. Bagaman hindi ito isang napakahusay na manlalangoy na gaya ng ibang mga hayop na maaari ring mabuhay sa lupa o sa tubig, ang hipopotamus ay maaaring manatiling nakalubog sa tubig nang hanggang 15 minuto! Ang mga butas ng ilong nito, pati na ang kaniyang mga mata at tainga ay magkakapantay, anupat posibleng ang mga ito lamang ang palitawin ng hayop habang ang iba pang bahagi ng katawan nito ay nakalubog sa tubig. Dito sa ilalim ng tubig nagaganap ang ilang ginagawa ng hipopotamus​—pati na ang pagliligawan at pagtatalik.

Pagkaraan ng yugto ng pagbubuntis na tumatagal nang mga walong buwan, isang supling ang isinisilang sa mababaw na tubigan. Isinisilang sa lupa o sa tubigan na kasinlalim ng bukung-bukong ang isang supling. Bagaman malakas ang hipopotamus, seryoso naman nitong ginagampanan ang pagiging magulang, anupat nakapagtataka ang magiliw na pangangalaga nito sa kaniyang supling. Sa katunayan, kamangha-manghang pagmasdan ang isang lumulutang na inang hipopotamus na may supling na nakasakay sa kaniyang likod. Siyempre pa, ang waring maamong hayop na ito ay may-kabagsikang makikipaglaban sa anumang pagtatangkang kunin ang kaniyang anak sa likod niya!

Ang balat ng hipopotamus ay angkop na angkop sa buhay sa tubig. May malalaking pagbabagong nangyayari kapag umahon sa tubig ang hayop. Ang mga glandulang matatagpuan sa ilalim ng balat ay naglalabas ng manipis na uhog na kulay kapeng mamula-mula at napakaalat. Kung titingnan sa malayo, pinangyayari ng kulay na ito na magmistulang pinapawisan ng dugo ang hayop. Gayunman, ipinagsasanggalang ng uhog ang balat kapuwa sa tubig at sa tuyong lupa. Sa sinaunang mga pamayanang Aprikano, ang balat ng hipopotamus ay pinuputol nang pahaba at makitid at ibinababad sa langis. Pagkatapos, ang mahaba’t makitid na mga balat na ito ay hinahabi at pinatutuyo upang maging kinatatakutang latigo na ginagamit sa labanan ukol sa teritoryo. * Sinasabi ng Grzimek’s Animal Life Encyclopedia na matapos ang pagkukulti​—isang proseso na inaabot nang di-kukulangin sa anim na taon​—ang balat ng hipopotamus “ay kasintigas na ng bato at mga apat at kalahating sentimetro na ang kapal nito.”

Ang Kahanga-hanga Ngunit Nakatatakot na Paghikab

Ang bibig ang siyang pinakakahanga-hangang bahagi ng hipopotamus. Sa lupa, ginagamit ng hayop ang kalahating-metrong lapad ng mga labi nito upang manginain malapit sa tubigan. Gayunman, ang bibig nito ay hindi lamang ginagamit sa pagkain. Kapag ibinuka ng hipopotamus ang bibig nito nang 150 digri, hindi lamang ito paghikab kundi isang nagbabantang pahiwatig na nakahanda itong sumalakay. Ang pagtatanggol nito sa paunti nang paunting teritoryo ay humahantong sa matitinding pakikipaglaban sa mga kaaway. Ipinakikita ng nakabukang bibig ang pagkalalaking pangil sa ibaba. Ang mga sandatang ito sa pagtatanggol ay maaaring humaba nang 30 sentimetro mula sa gilagid.

Ang bibig ng hipopotamus ay mapanganib hindi lamang sa iba pang mga hipopotamus kundi maging sa mga tao. Anumang pagsisikap ng tao na manahanang kasama ng mga hipopotamus ay nabibigo. Ang hayop ay basta na lamang sasalakay sa mga masyadong lumalapit sa kaniyang teritoryo. Bukod dito, kapag nasugatan ang isang hipopotamus, lalo itong nagagalit at dahil dito’y nakapagdudulot ito ng higit pang pinsala sa sinumang manghihimasok. Maging ang mga bangka ay itinataob ng napakalaking bibig ng isang galít na hipopotamus.

Kapag nasa lupa, ang hipopotamus ay mabalasik din na kagaya ng kapag ito’y nasa tubig. Halimbawa, lubhang mapanganib na pumagitna sa isang nanginginaing hipopotamus at sa tubigan. Sa katunayan, sa ilang bahagi ng Aprika, ang walang kamalay-malay na mga taganayon ay sinalakay ng mga hipopotamus dahil nasumpungan ng mga ito na nahaharangan ang kanilang landas patungo sa tubigan. Ang hayop ay naghahasik ng takot kapuwa sa tao at sa hayop at dapat pakitunguhan nang maingat at may paggalang.

Mananatili Kayang Buháy ang mga Hipopotamus?

Kapag nanginginain sa lupa, ang nag-iisang hipopotamus ay madaling salakayin ng mga leon. Gayunman, ang pinakanagbabantang kaaway ng hipopotamus ay tila ang tao. “Lubhang binawasan ng mga tao ang bilang ng mga hipopotamus at ang lawak ng lugar na kanilang pinamumuhayan,” ang sabi ng World Book Encyclopedia. “Marami sa mga ito ang pinatay ng mga mangangaso, at ginawang taniman ng mga magsasaka ang maraming lugar na dati ay tirahan ng mga hipopotamus.”

Oo, ang panghihimasok ng mga tao sa tirahan ng hipopotamus ang nagtulak sa hayop na mamuhay sa maliit na lugar, sa gayon ay hinahadlangan ang malayang pagkilos nito at ang kaugalian nito sa pagpaparami. Mabuti na lamang, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, ipinangangako ng Maylalang na isasauli niya ang tamang pagkatimbang ng tao at hayop, upang walang sinuman ang “mananakit o maninira man” sa isinauling Paraiso sa lupa.​—Isaias 11:9.

[Talababa]

^ par. 11 Ang kiboko​—na siyang pangalan ng hipopotamus sa Swahili​—ay nangangahulugang “latigo.”

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Elizabeth DeLaney/Index Stock Photography