Ang Matematika ay Para sa Lahat
Ang Matematika ay Para sa Lahat
ANG matematika ay hindi lamang para sa mga siyentipiko. Ito ay para sa ating lahat. Kapag ikaw ay namimili, nagpapalamuti ng iyong tahanan, o nakikinig sa araw-araw na ulat ng lagay ng panahon, ikaw ay gumagamit o nakikinabang sa mga simulain ng matematika.
Maraming tao ang waring nakadarama na ang matematika ay nakababagot at walang kaugnayan sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Gayundin ba ang nadarama mo? Suriin natin kung paano maaaring maging kapaki-pakinabang, madaling unawain, at kawili-wili ang matematika.
Pamimili
Gunigunihin na namimili ka at napadaan ka sa isang malaking baratilyo. Ang dating presyo ng isang produkto na $35 ay kinaltasan, o binawasan, ng 25 porsiyento. Para nga namang baratilyo ito. Ngunit magkano ba talaga ang bagong presyo? Tutulungan ka ng aritmetika na malaman ito. *
Una, ibawas ang kinaltas na porsiyento sa 100 porsiyento, at ang resulta nito ay 75 porsiyento (100 porsiyento – 25 porsiyento = 75 porsiyento). Pagkatapos ay multiplikahin ang orihinal na presyo sa resultang ito, samakatuwid nga, 75 porsiyento (0.75). Ang bagong presyo ay $26.25 (35 × 0.75 = 26.25). Ngayong alam mo na ang bagong presyo, makapagpapasiya ka na kung talaga ngang kapaki-pakinabang ang baratilyo.
Paano kung hindi ka nakapagdala ng calculator? Marahil ay makukuwenta mo ang sagot sa iyong isip. Halimbawa, ipagpalagay na ang dating presyo ng isang produkto na $45 ay binawasan ng 15 porsiyento. Narito ang isang mungkahi kung paano kukuwentahin ang mga porsiyento sa iyong isip. Gamitin mo ang 10 porsiyento bilang saligan sa pagkuwenta. Upang makuwenta ang 10 porsiyento ng isang numero, hatiin mo sa 10 ang numero. Iyan ay madali-daling kuwentahin sa iyong isipan. Pagkatapos, yamang alam mo na ang 15 ay katumbas ng 10 at 5, at na ang 5 ay eksaktong kalahati ng 10, madali mo nang makakalkula ang bagong presyo ng baratilyo sa pamamagitan ng adisyon at subtraksiyon. Subukin natin ito.
Yamang ang 10 porsiyento ng 45 ay 4.50, ang 5 porsiyento ng 45 ay kalahati ng halagang iyon, o 2.25, at ang 15 porsiyento
ay ang kabuuan ng dalawang halaga, o 6.75 (4.50 + 2.25 = 6.75). Sa wakas, ibabawas natin ang 6.75 sa 45 upang makuha ang may diskuwentong halaga na 38.25 (45 – 6.75 = 38.25). Siyanga pala, magagamit mo ang gayunding pamamaraan upang kuwentahin ang halaga ng buwis sa binibili mong produkto o ang halaga ng tip na idaragdag mo sa iyong babayaran sa restawran. Siyempre pa, sa ganitong mga kalagayan, sa halip na magbawas, idaragdag mo ang resulta sa orihinal na presyo.Gayunman, mag-ingat na huwag magpadalus-dalos sa paggawa ng konklusyon kapag nagkukuwenta sa pamamagitan ng isip. Ang presyo ng isang bestida o isang pantalon na binawasan ng 40 porsiyento at pagkatapos ay muli pang kinaltasan ng 40 porsiyento ay binawasan lamang talaga ng 64 na porsiyento ang presyo, hindi ng 80 porsiyento. Ang ikalawang diskuwento ay kinuha sa nabawas nang presyo, hindi sa orihinal na presyo. Maaaring baratilyo pa rin ito, ngunit mabuting malaman ang tunay na presyo.
Subalit may mga problema na hindi kayang lutasin ng aritmetika lamang. Mabuti na lamang, may iba pang pamamaraan sa matematika na puwedeng magamit.
Pagpapalamuti sa Tahanan
Ipagpalagay nating kailangan mong palitan ang sahig ng iyong apartment at limitado lamang ang badyet mo para rito. Bago ka magtungo sa tindahan, umupo ka muna upang alamin ang kailangan mo. Ang pinakamahalagang tanong ay, Gaano karaming pansahig ang dapat mong bilhin? Ang unawa sa ilang saligan sa heometriya ay makatutulong.
Ang presyo ng mga pansahig ay karaniwan nang nakasalig sa kung gaano karaming kuwadradong yunit ang sasaklawin nito. Halimbawa, ang isang metro kuwadrado ay isang metro ang haba at isang metro ang lapad. Bago mo malaman kung gaano karaming pansahig ang kakailanganin mo, kailangan mo munang alamin kung gaano kalaki ang saklaw ng sahig ng bawat silid at pasilyo sa iyong apartment. Ang mga plano ng sahig ng karamihan sa mga gusali ay binubuo ng maraming kuwadrado at rektanggulo. Kaya ang sumusunod na pormula ay makatutulong sa iyo upang malaman kung gaano kalaki ang saklaw ng sahig: a = l × w (ang area [ang saklaw ng sahig] ay katumbas ng length [haba] na minultiplika sa width [lapad]). Ito ang pormula sa heometriya para malaman ang saklaw ng isang rektanggulo o kuwadrado.
Upang ilarawan kung paano ginagamit ang pormulang ito, ipagpalagay nating maglalatag ka ng bagong sahig sa bawat silid ng apartment maliban sa kusina at sa banyo. Sinukat mo ang bawat silid at nakagawa ka ng isang plano ng sahig na katulad ng ipinakikita sa pahina 23. Ipinakikita ng mga kuwadrado at mga rektanggulo sa plano ang sukat at kinaroroonan ng mga silid. Sa paggamit sa pormulang nabanggit sa itaas, subukin mo kung makakalkula mo kung gaano karaming kuwadradong yunit ng pansahig ang kakailanganin mo. Narito ang ilang mungkahi: Maaari mong isa-isang kalkulahin ang saklaw ng sahig ng bawat silid at pagkatapos ay pagsama-samahin ang mga ito. O kaya ay makatitipid ka ng panahon kung kakalkulahin mo ang kabuuang saklaw ng sahig ayon sa plano at pagkatapos ay ibabawas na lamang dito ang saklaw ng sahig ng kusina at ng banyo. *
Ang salitang “heometriya” ay galing din sa Griego, at ito ay literal na nangangahulugang “sukat ng lupa.” Nasasangkot dito ang pag-aaral sa saklaw, layo, dami, at iba pang sukat ng mga hugis at linya. May praktikal na pormula sa bawat maiisip na hugis na may dalawa at tatlong dimensiyon. Araw-araw, ginagamit ng mga siyentipiko, inhinyero, at mga tagapagpalamuti ng tahanan ang mga pormulang ito upang malaman ang eksaktong kailangan nila. Ngunit hindi lamang limitado sa aritmetika at heometriya ang matematika.
Gumamit ng Matematika Araw-araw
Kabilang sa iba pang sangay ng matematika ang algebra at calculus. Sa nakalipas na maraming siglo, ang matematika ay naging tunay na pandaigdig na wika na ginagamit ng lahat anuman ang kanilang kultura, relihiyon, o kasarian. Ito man ay sa siyensiya, industriya, negosyo, at sa araw-araw na pamumuhay, ang matematika ay may kakayahang lumutas ng ilan sa pinakamahihirap na tanong na napapaharap sa atin. Sinisikap mo mang lutasin ang mga misteryo ng sansinukob o kuwentahin ang badyet ng pamilya, ang pagkakaroon ng kakayahang gamitin ang wika ng mga numero (o ang matematika) ay isang susi sa tagumpay.
Kaya kahit na ayaw mo ang matematika sa paaralan, bakit hindi mo muling suriin ito ngayon? Gaya ng alinmang wika, mas matututo ka ng matematika kung gagamitin mo ito. Sikapin mong gumamit ng kaunting matematika araw-araw. Subukin mong lutasin ang ilang puzzle at laro sa matematika. Ang isang tagumpay na mararanasan mo ay maaaring magpabago sa iyong pananaw hinggil dito. Tiyak na pasusulungin nito ang iyong pagpapahalaga sa karunungan ng Dakilang Matematiko na orihinal na nagdisenyo sa nakapupukaw-kaisipang mga konseptong ito, ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova.
[Mga talababa]
^ par. 5 Ang aritmetika (isang termino na galing sa salitang Griego na nangangahulugang “numero”) ay itinuturing na pinakamatagal nang sangay ng matematika. Ito ay nagsimula libu-libong taon na ang nakalipas at ginamit ng sinaunang mga taga-Babilonya, Tsino, at Ehipsiyo. Nagbibigay sa atin ang aritmetika ng saligang mga paraan na magagamit natin sa araw-araw upang bilangin at sukatin ang pisikal na mga bagay sa lupa na nasa paligid natin.
^ par. 14 Sagot = 54 na metro kuwadrado ng pansahig.
[Dayagram sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
3 m
3 m
Kusina
Silid-kainan
Pasilyo
Salas
Silid-tulugan
Banyo
3 m
1.5 m
3 m
4.5 m
1.5 m
3 m
[Mga larawan sa pahina 23]
Makatutulong sa iyo ang matematika upang gampanan ang mga gawain sa araw-araw