Ang “Pinakamatarik na Daan”?
Ang “Pinakamatarik na Daan”?
◼ Ano ang natatangi sa Baldwin Street, na nasa Dunedin, New Zealand? Malaon nang inaangkin ng Dunedin na ang daang ito ang pinakamatarik na daan sa daigdig. Bagaman ang pag-aangking ito ay hinamon, isang bagay ang tiyak: Ang Baldwin Street ay di-pangkaraniwang matarik.
Ang kilalang daan na ito ay naging popular na pinupuntahan ng mga turista mula sa buong daigdig. Hindi, hindi mo kailangang maging isa na umaakyat ng bundok upang marating ang taluktok nito. Maaari mong lakarin ang taluktok nito na 359 na metro ang haba, subalit ang mga motorista ay hindi hinihimok na magmaneho hanggang sa taluktok nito.
Samahan Mo Kami sa Pag-akyat
Maaliwalas ang araw habang minamasdan namin ng dalawa kong kasama ang haba ng daan na pataas sa amin. Nang pasimulan namin ang aming paglalakad, di-nagtagal ay humihingal na kami habang pasubsob na lumalakad upang mapanatili ang aming panimbang. “Para kang umaakyat sa isang kongkretong pader,” ang sabi ng isa habang humihingal. Tamang-tama ang paglitaw ng isang bangkô na parang tumatawag sa amin upang magpahinga.
Patuloy kami sa pag-akyat, at di-nagtagal ay narating namin ang taluktok at pinagmasdan ang tanawin, samantalang hinahabol ang aming hininga. Nasa ibaba namin ang maayos na hanay ng magaganda’t malilinis na bahay at mga hardin. Ang abot-tanaw ay hanggang sa lupaing nalalatagan ng matitingkad na luntiang pananim na nasa hanggahan ng malawak na pastulan—at nasa likuran nito ang bughaw na kalangitan.
Hindi nahigitan ng aming pag-akyat sa taluktok ang anumang rekord ng pinakamabilis na nakarating sa taluktok ng bundok. Nang makababa na kami, huminto kami upang kunan ng litrato ang aming inakyat at kunin ang kopya namin ng Certificate of Achievement na nagsasabing inakyat namin ang “Pinakamatarik na Daan sa Daigdig.”—Ipinadala.