Bubuti Pa Kaya ang mga Bagay-bagay?
Bubuti Pa Kaya ang mga Bagay-bagay?
SA NGAYON, ang World Health Organization at iba pang nagmamalasakit na mga grupo ay nagpapatupad ng mga programa upang subaybayan at sugpuin ang paglaganap ng mga sakit. Ang iba’t ibang ahensiya ay namamahagi ng impormasyon at nagtataguyod ng pananaliksik sa bagong mga gamot at bagong mga pamamaraan ng pagsugpo, anupat ginagawa nila ang lahat upang makaalinsabay sa lumalalang problema sa sakit na dala ng insekto. Malaki rin ang magagawa ng mga indibiduwal at mga komunidad upang magkaroon ng kaalaman at maingatan ang kanilang mga sarili. Subalit ang pagbibigay ng proteksiyon sa mga indibiduwal ay hindi katulad ng pagsugpo sa sakit sa buong mundo.
Naniniwala ang maraming eksperto na ang pangglobong pagtutulungan at pagtitiwala ay mahalaga upang magtagumpay ang pagsugpo sa sakit. “Ang mabilis na globalisasyon ng ugnayan sa pagitan ng tao at bansa ay nangangahulugang hindi dapat isipin ng mga tao sa buong mundo na ang kanilang pamayanan, lalawigan, bansa, o hemispero ay kabuuan ng kanilang personal na kapaligiran,” ang isinulat ng reporter na nagwagi sa Pulitzer Prize na si Laurie Garrett sa kaniyang aklat na The Coming Plague—Newly Emerging Diseases in a World out of Balance. “Ang mga mikrobyo, at mga tagapagdala nito, ay walang kinikilalang artipisyal na mga hangganang itinayo ng mga tao.” Ang biglang paglitaw ng isang sakit sa isang bansa ay mabilis na ikinababahala hindi lamang ng magkakalapit na bansa kundi ng buong mundo.
Pinaghihinalaan pa rin ng ilang gobyerno at mga tao ang ilang anyo ng panghihimasok—maging ang mga programa sa pagsugpo sa sakit—na lumalampas sa kanilang mga hangganan. Isa pa, ang limitadong pananaw ng gobyerno at kasakiman ng komersiyo ay madalas na nakahahadlang sa nagkakaisang pagsisikap ng buong mundo. Sa tunggaliang tao laban sa sakit, ang mga mikrobyo kaya ang mananaig? Ganito ang sinabi ng awtor na si Eugene Linden, na nag-iisip na mananaig nga ang mga ito: “Wala nang magagawa pa.”
Dahilan Para Umasa
Hulíng-huli na ang mga pagsulong sa siyensiya at teknolohiya sa pakikipag-unahan sa mga sakit. Siyempre pa, ang sakit na dala ng insekto ay isa lamang sa napakaraming panganib sa kalusugan ng tao. Subalit may dahilan naman para umasa. Bagaman nag-uumpisa pa lamang na maintindihan ang masalimuot na ugnayan ng buháy na mga nilalang, batid ng mga siyentipiko ang kakayahan ng lupa na pagalingin ang sarili nito. Ang ating planetang lupa ay may likas na mga proseso na makapagpapanauli ng pagiging timbang ng mga sistema ng kalikasan. Halimbawa, kadalasang nagiging kagubatan muli ang kinainging lupa, at nagiging matatag ang ugnayan sa pagitan ng mga mikrobyo, insekto, at mga hayop sa paglipas ng panahon.
Higit na mahalaga, ang masalimuot na disenyo ng kalikasan ay ipinatutungkol sa isang Maylalang, isang Diyos na orihinal na lumikha ng likas na mga proseso ng lupa. Inaamin mismo ng maraming siyentipiko na may isang nakatataas na talino na lumalang sa mga bagay sa lupa. Oo, hindi matagumpay na maikakaila ng mga taong palaisip ang pag-iral ng Diyos. Inilalarawan ng Bibliya ang Maylalang, ang Diyos na Jehova, bilang makapangyarihan-sa-lahat at maibigin. Totoong interesado siya sa ating kaligayahan.
Ipinaliliwanag din ng Bibliya na dahil sa kusang pagkakasala ng unang tao, namana ng mga tao ang di-kasakdalan, sakit, at kamatayan. Ibig bang sabihin niyan ay habang-buhay tayong magdurusa? Hindi naman! Layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa, kung saan makapaninirahan nang may kaalwanan ang mga tao kasama ng iba pang mga nilalang, kapuwa malalaki at maliliit. Inihuhula ng Bibliya ang isang daigdig kung saan walang nilalang, malaki mang hayop o maliit na insekto, ang magiging panganib sa tao.—Isaias 11:6-9.
Mangyari pa, may gagampanang papel ang tao sa pagpapanatili ng gayong mga kalagayan—may kinalaman sa lipunan at sa ekolohiya. Inatasan ng Diyos ang tao na “ingatan” ang lupa. (Genesis 2:15) Sa paraiso sa hinaharap, lubusang maisasakatuparan ng tao ang atas na iyan sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa mga tagubilin ng Maylalang mismo. Sa gayon, makaaasa tayo sa pagdating ng araw na iyon kapag “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.