Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Hindi Umuulan sa Lima?”

“Hindi Umuulan sa Lima?”

“Hindi Umuulan sa Lima?”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PERU

Kung dadalaw ka sa Peru, malamang na maririnig mong may magsasabi: “Hindi umuulan sa Lima”​—ang kabisera ng bansa. Habang giniginaw ka sa malamig at mamasa-masang hangin, malamang na iisipin mo kung totoo nga iyon.

ANG Lima ay matatagpuan sa malaking disyerto na nasa kahabaan ng Baybaying Pasipiko ng Timog Amerika​—isang rehiyon na kabilang sa mga may lubhang kakaibang klima sa daigdig. Ang tigang at pahabang lupaing ito ay sumasaklaw sa Sechura Desert sa bandang dulong hilaga ng Peru hanggang sa Atacama Desert ng hilagang Chile.

Ang disyertong ito sa baybayin ay matatagpuan sa pagitan ng bulubunduking Andes at ng asul na Karagatang Pasipiko. Mula sa malayo, waring wala kang makikita sa kahabaan ng baybayin kundi ang tigang at baku-bakong mga burol ng bato at buhangin na ang kulay ay waring iba’t ibang timplada ng katsang-hilaw (beige) at kulay-kape. Dahil sa pagkaagnas ay natakpan ang mga gilid ng burol ng maraming natibag na batong kulay-kape. Ang mga ito ay unti-unting gumugulong pababa sa dalisdis patungo sa dagat, palibhasa’y itinutulak sa pana-panahon ng madalas na pagyanig ng lupa roon.

Kapag nakarating sa dalampasigan ang mga bato, unti-unti itong dinudurog ng humahampas na mga alon ng Pasipiko hanggang sa maging buhangin ang mga ito, at hinuhubog naman ito ng hangin sa hugis-balantok na mga bunton ng buhangin. Sa ilang bahagi ng malawak na disyertong ito, walang naitalang pag-ulan sa loob ng 20 taon, anupat ito ay napabilang sa isa sa pinakatigang na mga bahagi ng lupa. Ngunit ano ang dahilan bakit napakatigang ng lugar na ito?

Ang Lilim ng Andes na Humahadlang sa Ulan

Ang sagot ay may kinalaman sa hanging amihan, na nagmumula sa silangan patungo sa kanluran. Kapag tumatama ang mga ito sa matataas at baku-bakong tagaytay ng Kabundukan ng Andes, ang mga hanging ito ay napipilitang pumaitaas. Palibhasa’y pumapaitaas upang dumaan sa ibabaw ng Andes, ang hangin ay lumalamig, na nagiging dahilan upang ang singaw na dala-dala ng mga ito ay mamuo at bumuhos bilang ulan at niyebe, kadalasan sa silangang panig ng kabundukan. Sa gayon, ang kabundukan ay lumilikha ng lilim na humahadlang sa pag-ulan sa kanlurang panig ng dalisdis.

Bukod dito, maging ang malamig na Peru Current, o Humboldt Current, na dumadaloy pahilaga mula sa Antartiko o ang hanging humihihip papasok mula sa Timog Pasipiko ay hindi nagdudulot ng saganang halumigmig. Ang lahat ng pinagsama-samang salik na ito ay lumilikha ng tigang na tigang, ngunit hindi naman mainit, na disyerto. Ang nakapagtataka, bagaman bihirang umulan, ang halumigmig sa hangin ay napakataas, lalo na sa panahon ng taglamig sa Peru, mula Mayo hanggang Nobyembre. Saan nanggagaling ang halumigmig na ito?

Ang Garúa

Sa panahon ng taglamig, isang lambong ng mababang kaulapan ang nananatili sa ibabaw ng baybayin, at isang makapal na singaw, na tinatawag ng mga taga-Peru na garúa, ang nanggagaling mula sa Karagatang Pasipiko. Sa panahong ito, maaaring lumipas ang maraming buwan nang hindi nasusulyapan ang araw, na nagpapalamig​—ayon naman sa ilan, nagpapalungkot​—sa klima ng rehiyon. Bagaman ang lugar ay matatagpuan sa Tropiko, ang katamtamang temperatura sa Lima tuwing taglamig ay nasa pagitan ng mga 16 at 18 digri Celsius. Sa taglamig, ang dulot nitong halumigmig ay maaaring umabot nang 95 porsiyento nang hindi umuulan, at ang mga Limeños, mga naninirahan sa Lima, na nakabagay na nang husto sa klima ay nagbabalot ng katawan laban sa mahalumigmig at nanunuot na lamig. *

Ang banayad na hamog sa taglamig ay sapat na upang mabasa ang mga lansangan sa Lima at muling patubuin ang waring natutulog na mga halaman sa disyerto na nasa matataas na burol sa baybayin. Sinasamantala naman ng malalaking kawan ng mga kambing, tupa, at baka ang ibinubunga nitong luntiang mga pastulan. Bukod dito, mula noong unang mga taon ng dekada ng 1990, ang ilang bayan sa disyerto ay gumagamit na ng mga pantipon ng hamog​—malalaking lambat na polypropylene na doo’y namumuo ang hamog​—upang makakuha ng tubig na maiinom at maipandidilig sa mga halamanan mula sa mababa at punô-ng-hamog na kaulapan.

Gayunman, ang halumigmig mula sa hamog at kaulapan ay hindi sapat para manatiling mayabong ang mga pananim sa iláng sa buong taon. Ang kabuuang dami ng pumapatak na ulan o hamog sa Lima ay bihirang humigit sa 50 milimetro sa isang taon at ang kalakhang bahagi nito ay nanggagaling sa pamumuo ng garúa. Kaya ang tanging luntiang mga halaman na nabubuhay sa disyerto sa baybayin ay yaong napatutubigan ng maliliit na ilog na nanggagaling sa itaas sa taluktok ng Andes na nababalutan ng niyebe at nagdadala ng nagbibigay-buhay na tubig sa ibaba. Kung titingnan mula sa himpapawid, ang maliliit na ilog sa mga libis ay parang mga berdeng laso na nakalatag sa disyerto.

Nabubuhay Nang Walang Ulan

Upang manatiling buháy sa gayong tuyong klima, ang sinaunang mga kabihasnan sa baybayin ng Peru​—tulad ng mga Chimu at mga Mochica​—ay nagtayo ng masalimuot na mga sistema ng patubig. Gaya niyaong sa sinaunang Ehipto, ang malalaking proyektong ito na pang-agrikultura ay tumustos sa lubhang organisadong mga sibilisasyon. Ang sinaunang mga taga-Peru ay nagtayo ng mauunlad na lunsod, pati na ng mga templong piramide, malalaking pader, at mga imbakang-tubig, na ginagamit ang mga laryong yari sa adobe. Dahil bihira ang ulan, ang mga kaguhuang ito ay naingatang mabuti, anupat nagbibigay sa mga arkeologo ng malinaw na larawan ng buhay sa Peru bago pa dumating si Columbus. Sa ngayon, maraming pamayanan sa baybayin ang umaasa pa rin sa muling inayos na mga paagusan at mga kanal na unang itinayo libu-libong taon na ang nakalilipas.

Gaya ng natutuhan ng sinaunang mga naninirahan sa disyerto, ang lupa sa disyerto ay napakataba kapag ito ay may tubig. Ang makabagong-panahong mga proyekto sa patubig sa baybayin ng Peru ay naglalaan ng kinakailangang tubig upang makapagpatubo ng sari-saring pananim, kasali na ang bulak, palay, mais, tubo, ubas, olibo, at asparagus gayundin ng iba pang mga gulay at prutas. Sa kasalukuyan, mahigit sa kalahati ng populasyon ng Peru na mga 27 milyon ay nabubuhay sa tabi ng makitid at pahabang baybayin.

Kapag Talagang Umulan

Subalit kung minsan, umuulan naman sa ilang bahagi ng disyerto, pati na sa Lima. Sa tuwing lilipas ang ilang taon, ang malamig na Peru Current ay nagbibigay-daan sa mas mainit-init na tubig na tumatawid mula sa kanlurang Pasipiko. Ang pangyayaring ito, na kilala bilang El Niño, ay naghuhudyat ng napipintong pag-ulan. May naganap na malalakas na El Niño noong 1925, 1983, at 1997/98. Mauunawaan naman, ang mga naninirahan sa disyerto, na nasanay na sa halos walang nararanasang pag-ulan, ay hindi gaanong handa sa malalakas na pagbuhos ng ulan at sa kasunod nitong mga pagbaha.

Ang isa sa gayong baha ay sumalanta sa Ica, Peru, noong 1998. Pinalubog ng Ilog Ica ang malalaking bahagi ng lunsod sa baha, at nalansag ang mga bahay na gawa sa putik at laryo. Ang ibang bahagi naman ng disyerto ay nakinabang, anupat nabasa nang husto at naging mayayabong na pastulan. Binago ng pinakahuling El Niño ang kalakhang bahagi ng Sechura Desert tungo sa pagiging isang luntiang halamanan na hitik sa magagandang bulaklak, anupat ipinaaalaala sa atin ang pangako ng Diyos na balang-araw, ‘ang disyerto ay mamumulaklak na gaya ng safron.’ (Isaias 35:1) Ang malalakas na pag-ulan ay lumikha rin ng isang malaking lawa sa disyerto​—tinataya ng ilan na may habang 300 kilometro at lapad na 40 kilometro​—na tinaguriang La Niña ng mga pahayagan.

Ang malaking disyerto sa baybayin ng Peru ay tiyak na nakadaragdag sa pagkasari-sari ng likas na mga kababalaghan na matatagpuan sa ating planeta. Bagaman bihirang umulan dito, sa pamamagitan ng patubig at tamang paggamit sa mahalagang tubig, ang tigang na lupaing ito ay naging isang kaayaayang tahanan para sa milyun-milyon.

[Talababa]

^ par. 11 Sa tag-araw, kapag ang temperatura ay tumataas nang 20 o 27 digri Celsius, ang mga naninirahan sa Lima ay naghuhubad ng kanilang makakapal na kasuutan at nasisiyahan sa maraming magagandang dalampasigan sa baybayin.

[Kahon/Larawan sa pahina 27]

Kayamanan Mula sa Dumi

Sa loob ng maraming milenyo, ang malamig at sagana-sa-sustansiyang dagat malapit sa kanlurang baybayin ng Peru ay naglalaan ng pagkain​—pangunahin na ng mga sardinas at anchovy​—para sa milyun-milyong ibong-dagat. Dahil sa hindi gaanong umuulan sa lugar na iyon, buntun-buntong dumi ng mga ibon ang natipon sa mga isla sa baybayin sa loob ng maraming taon​—anupat kung minsan ay mahigit na 30 metro ang taas ng mga ito! Bago dumating ang mga Kastila, natuklasan na ang mga duming ito, na tinatawag na guwano salig sa pangalan nito sa Quechua Indian, ay napakabisang pataba. Sa huling bahagi ng ika-19 na siglo, ang guwano ay naging lubhang matagumpay na produktong iniluluwas ng Peru, hanggang sa ito ay halinhan ng kemikal na pataba sa pamilihan ng daigdig. Sa panahong iyon, ang matagal nang natipong guwano ay nabawasan na nang husto. Sa ngayon, ang mga suplay ay depende na lamang sa kasalukuyang idinudumi ng mga ibon.

[Mapa sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Lima

[Larawan sa pahina 25]

Ang baybayin ng Pasipiko sa timog ng Lima

[Credit Line]

© Yann Arthus-Bertrand/CORBIS

[Larawan sa pahina 25]

Ang Sechura Desert sa kahabaan ng baybayin ng Peru

[Mga larawan sa pahina 26]

Mga panel na pantipon ng hamog, sa Mejía, Peru

Ang orihinal na mga kanal ng mga Inca ay gumagana pa rin sa Ollantaytambo, Peru

[Credit Lines]

© Jeremy Horner/CORBIS; nakasingit na larawan: Courtesy of the charity FogQuest; www.fogquest.org

[Larawan sa pahina 26]

Ang malalakas na pag-ulan, na iniuugnay sa klimang likha ng El Niño, ay naging sanhi ng matitinding pagbaha sa Ica, Peru, noong Enero 30, 1998

[Credit Line]

AP Photo/Martin Mejia