Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Kagila-gilalas na Paglalayag sa Highway No. 1

Isang Kagila-gilalas na Paglalayag sa Highway No. 1

Isang Kagila-gilalas na Paglalayag sa Highway No. 1

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA NORWAY

GABI-GABI, sa buong taon, isang barko ang umaalis sa lunsod ng Bergen, na nasa timog-kanlurang baybayin ng Norway, at nagtutungo sa hilaga sa 11-araw na paglalayag na mga 4,500 kilometro. Bumabaybay ito sa libu-libong isla at bumabagtas sa maraming fjord (sanga ng dagat) at look habang dumaraan sa mga lunsod, bayan, at mga nayon sa kahabaan ng paliku-liko at magandang baybayin ng Norway.

Bagaman ang ruta sa dagat ng Norwegian Coastal Express ay itinuturing ng marami bilang ang pinakamagandang paglalayag sa daigdig, ang Coastal Express ay mayroon ding praktikal na papel​—ang paghahatid ng mga kalakal, liham, at mga pasahero hanggang sa pinakahuling daungan sa Kirkenes, na nasa loobang bahagi ng Arctic Circle.

Paano nakapaglalayag ang mga barko sa katubigang ito sa polo, lalo na sa taglamig kapag humaharang ang mga yelo sa daanan ng barko sa kalakhang bahagi ng Artiko? Dahil sa posisyon nito, ang Norway ay naaapektuhan ng mainit na tubig ng North Atlantic Current at ng mainit-init na hangin mula sa kanluran. Binabago ng mga ito ang klima sa Norway, anupat ginagawa itong mas mainit-init kaysa sa karaniwan sa mga lugar na nasa bandang dulong hilaga ng daigdig. Sa katunayan, ang mga daungan sa Norway ay halos hindi nagyeyelo, kahit na sa taglamig.

Sinimulang Gamitin ang Isang Haywey sa Dagat

Noong magtatapos ang ika-19 na siglo, nang pinag-iisipan kung lansangan, riles, o dagat ang gagamitin upang pag-ugnay-ugnayin ang mga populasyon na nasa baybaying-dagat ng bansa, mas napiling gamitin ang isang ruta sa dagat. Subalit nang panahong iyon, maging ang rutang ito ay naghaharap ng mga problema, sapagkat bagaman hindi nagyeyelo ang dagat, mapanganib namang maglayag sa gabi at kapag masama ang panahon.

Pangunahin nang dahil sa imahinasyon at determinasyon ng kapitan ng barko na si Richard With, isang regular na biyahe ng barko ang pinasinayaan noong Hulyo 2, 1893. Nang araw na iyon, ang unang Coastal Express ay umalis sa Trondheim, patungong Hammerfest, ang lunsod sa bandang dulong hilaga ng Europa. Sa kabila ng negatibong mga prediksiyon, naging matagumpay ang biyaheng ito ng barko. Sa katunayan, nang maglaon ay pinalawak ito upang mapabilang ang 34 na daungan mula Bergen hanggang Kirkenes​—ang huling mga daungan sa magkabilang dulo ng biyaheng ito hanggang sa kasalukuyan. Marahil ang pinakamatibay na patotoo sa tagumpay​—at kahalagahan​—ng haywey na ito sa dagat ay mababanaag sa di-opisyal na tawag dito ng mga taong naninirahan sa baybayin, yaon ay Highway No. 1.

Sa ngayon, ang Highway No. 1 ay binabagtas ng isang pangkat ng 11 modernong barko na isa-isang naglalayag kada 24 na oras. Ngunit dahil sa mas bumuting kawing ng mga lansangan at mga riles na nag-uugnay sa maraming bayan na nasa kahabaan ng baybayin, ang gamit ng Coastal Express ay higit na naukol sa turismo, na mahahalata sa disenyo ng mga barko.

Isang Tumatambad na Tanawin

Naglalayag ang mga barko sa isang landas na nagdadala sa mga ito sa nakakanlong na katubigan. Dahil dito, ang mga pasahero ay nasisiyahan sa 11 araw na pagmamasid sa ilan sa pinakamagagandang tanawin sa Norway​—palakaibigang mga baryo na nasa luntiang pastulan, pangisdaang mga nayon sa tabi ng dagat, malalaking kimpal ng yelo (glacier), mga fjord, mga bundok na ang taluktok ay nababalutan ng niyebe, mga talampas na doo’y makikita ang maraming ibong-dagat, mariringal na talon, at maging ang mga balyena.

Bilang karagdagang kasiyahan, ang mga pasahero ay malayang makabababa ng barko para mamasyal kapag nakadaong ang mga barko. Halimbawa, ang bayan ng Molde ay naglalaan ng isang kahanga-hangang tanawin ng 87 taluktok ng bundok na nababalutan ng niyebe na nasa Romsdal Alps. Sa Ålesund at Trondheim, maaari pa ngang mamasyal sandali ang mga bisita sa labas ng barko, na dito’y maaaring kasali ang paglalakad sa mga lansangan na napapalamutian ng kakaibang arkitektura ng lugar na iyon. Sa ilang bayan, ang mga pasahero ay umaarkila ng kotse at pagkatapos ay sumasakay uli sa kanilang barko sa susunod na hihintuan nitong daungan.

Matapos umalis sa bayan ng Bodø, ang Coastal Express ay dumaraan sa Vest Fjord at nagtutungo sa Lofoten Islands, isang kapuluan na may habang 175 kilometro at nagtataglay ng napakaraming taluktok ng bundok at palakaibigan na pangisdaang mga nayon. Ang ilan sa nakabungad na mga isla ng Lofoten ay mga bahura, mabato at maliliit na pulo, at mga talampas lamang na nakausli sa karagatan​—na kung minsan ay may parola o ilaw na pansenyas. Ang kapuluang ito ay tahanan din ng ilan sa pinakamalalaking kolonya ng mga ibong-dagat na matatagpuan sa daigdig, kabilang dito ang mga golondrina, tern, eider duck, puffin, murre, kormoran, Atlantic kittiwake, razor-bill at, kung minsan ay, ang mga storm petrel. Umaabot sa milyun-milyon ang bilang ng mga ibong ito.

Tuwing taglamig, ang dagat sa palibot ng Lofoten ay napupuno ng mga bangkang pangisda na pumapalaot upang manghuli ng skrei, isang isdang bakalaw. Makikita rin ang mga balyena sa lugar na ito. Gayon na lamang ang tuwa ng mga pasahero kapag nakita nilang lumulukso mula sa tubig at bumubuga ang mga higanteng mamalyang ito malapit lamang sa barko!

Sa tag-araw naman, ang Coastal Express ay lumiliko sa Troll Fjord. Ang pasukan ng fjord na ito ay napakakitid at nakapagitan sa napakatatarik na talampas anupat para bang mahahawakan mo ang pisngi ng talampas kung aabutin mo ito mula sa mga barandilya ng barko. Sa lugar na ito ay hindi pinatutunog ng timonel ang busina ng barko, dahil baka maging sanhi ito ng pagguho ng bato! Ang bahaging ito ng baybayin ay pinapangarap ng isang potograpo, palibhasa’y sa likuran nito ay may tanawin ng mga taluktok ng bundok na nababalutan ng niyebe!

Matapos dumaong sa marami pang lunsod at pangisdaang nayon, ang mga barko ay umuugit nang pasilangan, anupat nagtutungo sa isang seksiyon ng baybayin na para sa marami ay siyang tampok na bahagi ng paglalayag. Halimbawa, mula sa daungan ng Honningsvåg, ang mga pasahero ay maaaring mamasyal sa North Cape, kung saan ang talampas ay halos umusli nang deretso mula sa Arctic Ocean sa taas na mga 300 metro, anupat naglalaan ng kagila-gilalas na mga tanawin.

Ang Coastal Express ay dumadaong lamang nang ilang oras sa Kirkenes, ang huling daungan nito sa hilaga, bago ito muling tumulak pabalik sa Bergen. Ang paglalayag patimog ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga pasahero na masiyahan sa mga tanawin na maaaring hindi nila nakita samantalang sila ay natutulog habang naglalakbay pahilaga. Halimbawa, sa Arctic Circle, makikita ang dambuhalang kimpal ng yelo na Svartisen, na sumasaklaw ng mga 370 kilometro kuwadrado. Pagkatapos ay mamamaybay ang mga barko sa tabi ng magandang kabundukan na pinanganlang Seven Sisters gayundin sa Torghatten, isang mababa at hugis-bombilyang bundok na may malaki at likas na tunel na tumatagos sa magkabilang panig nito, anupat para itong sombrero na may butas sa bandang tuktok nito. Sa pagitan ng mga bayan ng Måløy at Florø, ang ekspres na barko ay mamamaybay sa Hornelen, isang bundok na may taas na 860 metro na nakausli nang napakatarik mula sa dagat anupat maging dito ay hindi pinatutunog ng timonel ang busina dahil baka maging sanhi ito ng pagguho ng bato.

Ang Araw sa Hatinggabi at ang Gabi sa Polo

Ang mga turistang naglalakbay sa tag-araw ay maaaring hindi makaranas ng gabi sa halos buong yugto ng paglalayag. Sa katunayan, ang kalakhang bahagi ng Highway No. 1 ay nasa “lupain ng araw sa hatinggabi,” sa hilaga ng Arctic Circle. Sa lugar na ito, ang araw tuwing tag-araw ay sumisikat kahit sa gabi. Halimbawa, sa North Cape, ang araw ay hindi lumulubog sa loob halos ng 12 linggo!

Nararanasan naman ng mga naglalakbay sa taglamig ang kabaligtaran​—isang mahabang gabi sa polo. Ngunit ang taglamig ay may sariling ganda kapag ang kalangitan, karagatan, kabundukan, at niyebe ay nasisinagan ng mapusyaw na mga kulay ng bukang-liwayway habang ang araw ay halos sisikat na, ngunit hindi natutuloy ang paglitaw, sa guhit-tagpuan. Bukod dito, ang kalangitan sa taglamig ay naglalaan ng tamang-tamang kapaligiran para sa isa sa pinakamaringal na pagtatanghal sa lahat​—ang tanyag na aurora borealis, o mga liwanag sa hilaga. Kapag ang hangin na nagtataglay ng mga may-kuryenteng tipik na galing sa araw ay nakapasok sa kalangitan ng polo, ang kulay-berde at manilaw-nilaw na berdeng mga liwanag, na kung minsan ay kulay-pula rin, ay kumikilos patawid sa mabituing kalangitan sa kagila-gilalas na mga hugis na gaya ng paha at kurtina, anupat ang mga ito ay bumabalantok, umaandap-andap, at umaalun-alon alinsunod sa kani-kanilang ritmo sa kalawakan.

Siyempre pa, hindi naman kailangang nakasakay ka sa Coastal Express upang masiyahan sa marami sa kahanga-hangang mga tanawing ito. Dahil sa pinalawak na kawing ng mga lansangan at riles, ang kalakhang bahagi ng Norway ay mamamasdan din mula sa bintana ng kotse o tren. Para sa mga may limitadong badyet, mas matipid ang ganitong uri ng transportasyon. Gayunpaman, anumang ruta ang piliin mo, isang bagay ang tiyak​—hindi ka mapapagod sa pagmamasid sa iba’t ibang tanawin na tumatambad sa bawat kilometro at sa bawat kapanahunan sa kahabaan ng kagila-gilalas na baybayin ng Norway.

[Mapa sa pahina 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

FINLAND

SWEDEN

NORWAY

OSLO

Ruta sa dagat

▿ ▵ Bergen

▿ ▵ Florø

▿ ▵ Mȧløy

▿ ▵ Ȧlesund

▿ ▵ Molde

▿ ▵ Trondheim

ARCTIC CIRCLE

Monumento sa Arctic Circle

▿ ▵ Bodø

▿ ▵ Lofoten Islands

Troll Fjord

▿ ▵ Tromsø

▿ ▵ Hammerfest

▿ ▵ Honningsvȧg

▿ ▵ Kirkenes

[Credit Line]

Salig sa mapa: Hurtigruten

[Larawan sa pahina 15]

Sa Troll Fjord, na napapalibutan ng mga taluktok ng alpino

[Credit Line]

TO-FOTO AS, Harstad

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang Lofoten Islands ay tahanan ng maraming ibong-dagat pati na ng mga golondrina, “thick-billed murre,” at mga “puffin”

[Larawan sa pahina 16]

Ang Highway No. 1 ay nagsisimula sa Bergen

[Larawan sa pahina 16]

Monumento sa Arctic Circle

[Larawan sa pahina 16]

Araw sa hatinggabi

[Credit Line]

TO-FOTO AS, Harstad

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang Seven Sisters

[Credit Line]

Per Eide

[Larawan sa pahina 17]

Nayon sa baybayin sa panahon ng madilim na taglamig

[Larawan sa pahina 17]

“Aurora borealis,” ang mga liwanag sa hilaga

[Credit Line]

© TO-FOTO AS, Harstad

[Larawan sa pahina 17]

Nagtatapos ang biyahe sa Kirkenes

[Credit Line]

Hallgeir Henriksen

[Picture Credit Line sa pahina 13]

Nancy Bundt