Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Pamilyang May Nagsosolong Magulang Nag-uumapaw ang kasiyahan ko sa pagbabasa ng serye na itinampok sa pabalat na “Maaaring Magtagumpay ang mga Pamilyang May Nagsosolong Magulang.” (Oktubre 8, 2002) Paulit-ulit ko itong binabasa! Ako’y nagsosolong magulang na may dalawang anak. Sa tuwing binabasa ko ang mga artikulong ito, binibigyang-katiyakan ko ang aking sarili na maaari akong magtagumpay at na hindi ako nag-iisa. Maraming-maraming salamat!
C. B., Estados Unidos
Ako’y diborsiyada. Napakahirap ng buhay nang ako’y iwan kasama ng aming dalawang anak. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil dinirinig niya ang aming mga panalangin at tumutugon siya sa pamamagitan ng gayong maibiging mga artikulo. Sa ganitong paraan ay tinitiyak niya sa amin na inaalaala at minamahal niya kami.
L. T., Czech Republic
Maraming salamat sa paglalathala ng mga artikulong ito. Hirap na hirap ako sa aking kasalukuyang kalagayan ng pagiging nagsosolong magulang at muling nagtrabaho pagkatapos ng mga taon na nasa bahay lamang para mag-alaga ng mga anak. Subalit binigyan ako ng mga artikulong ito ng pag-asa at pampatibay-loob na kinakailangan ko upang magpatuloy. Balak kong ikapit ang mga mungkahi, gayundin ang pagiging organisado at ang pagkakaroon ng isang regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Itatabi ko ang magasing ito at babasahin ko ito tuwing malilipos muli ako ng hirap ng buhay.
B. A., Estados Unidos
Naging nagsosolong magulang ako sa aking anak na lalaki at babae sa nakalipas na 14 na taon. Nagpapasalamat ako sa pagsisikap na ginagawa ninyo sa inyong mga publikasyon, subalit nasiphayo ako sa ilang bahagi ng seryeng ito. Halimbawa, paulit-ulit na ginamit ang salitang “matagumpay.” Inaakala ko na naikapit ko ang mga mungkahi sa pahina 11, subalit hindi ako nakadama ng katulad na tagumpay na gaya ng magulang na inilarawan sa pahinang iyon. Tiyak na ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa pagiging isang buong-panahong ebanghelisador o isang misyonero ng iyong anak.
M. S., Hapon
Sagot ng “Gumising!”: Batid namin na ang tagumpay ay nasusukat sa iba’t ibang paraan. Ang layon namin ay magbigay ng praktikal na mga mungkahi upang tulungan ang nagsosolong mga magulang na makayanan ang nakapanghihina-ng-loob na mga problema at magbigay ng katiyakan na ang kanilang mga pagsisikap ay hindi walang-saysay. Ginamit ang mga halimbawa ng mga kabataang nasa buong-panahong paglilingkod upang ipakita na nagtagumpay ang nagsosolong mga magulang sa pagpapalaki ng mga anak na may takot sa Diyos. Inaasahan naming patuloy na pangangalagaan ng lahat ng mga magulang—nagsosolo man o may-asawa—ang espirituwal, emosyonal, at pisikal na mga pangangailangan ng kanilang mga anak.
Taggutom sa Ireland Salamat sa nakapagtuturong artikulo na “Ang Matinding Taggutom sa Ireland—Sunud-sunod na Pakikipagpunyagi sa Kamatayan at Pandarayuhan.” (Oktubre 8, 2002) Noong panahon ng taggutom na ito, maraming dayuhan na taga-Ireland ang pumunta sa Canada sakay ng barko. Marami ang namatay dahil sa kolera, tipus, at iba pang sakit. Maraming bata ang naulila, at ang ilan ay inampon ng mga pamilyang nagsasalita ng Pranses at binigyan ng mga apelyidong Pranses. Kaya, nang maglaon, nawala na ang pinagmulan ng maraming taong taga-Ireland.
K. S., Canada
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Gusto kong komentuhan ang inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Hindi Ako Mahal ng Aking Magulang?” (Setyembre 22, 2002) Nang magdiborsiyo ang aking mga magulang, naranasan ko ang matinding panlulumo. Kung minsan, parang walang makatutulong sa akin. Mayroon akong napakahusay na ina at kapatid na lalaki na mahihiling ko, subalit kung minsan nadarama kong parang may kulang sa akin—sapagkat hindi ko nadama ang pagmamahal ng aking ama. Nanalangin ako kay Jehova na bigyan ako ng isang bagay na makapagpapatibay-loob sa akin. Iyan nga ang ginawa ng artikulong ito. Tinulungan ako nitong masiyahan sa sarili ko, at natutuhan ko kung paano makakayanan ito. Talagang nakaantig sa akin ang Awit 27:10. Tinutulungan ako nito na matanto na minamahal ako ni Jehova kahit na kung minsan ay waring walang nagmamahal sa akin.
D. B., Estados Unidos