Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Bumuti ba ang Produksiyon?
“Isa sa apat na taga-Canada ay nagtatrabaho ngayon nang mahigit na 50 oras sa isang linggo, kung ihahambing sa isa sa 10 noong nakalipas na dekada,” ang ulat ng pahayagang Vancouver Sun. Natuklasan ng isang pederal na pagsusuri na nagsasangkot sa 31,500 nagtatrabahong mga taga-Canada na “kalahati ng mga tumugon ay nagsabing sila ay nagtatrabaho sa bahay o kung mga dulo ng sanlinggo, na ipinagkakaloob nang walang suweldo sa kanilang mga amo ang karagdagang 27 oras ng trabaho sa loob ng isang buwan.” Ang isang saligang dahilan ay ang teknolohiya. “Nasumpungan ng surbey na halos lahat ng walang-bayad na obertaym na ginagawa sa bahay . . . ay trabahong ginagamitan ng computer,” ang sabi ng pahayagan. Kaya sa halip na apat na araw na pagtatrabaho sa sanlinggo at pagkakaroon ng higit na panahon para sa paglilibang, “ang teknolohiya ang pangunahing dahilan ng higit na kaigtingan, karamdaman, pagkasaid ng lakas sa trabaho, pagliban at lahat ng iba pang sanhi ng paghina ng produksiyon.” Idinagdag pa ng pahayagan: “Sumasang-ayon ang karamihan ng mga tinanong na nadagdagan ng teknolohiya ang interes nila sa kanilang trabaho at napagbuti ang kanilang produksiyon. Kasabay nito, walang isa man ang nagsabi na nabawasan ng teknolohiya ang kanilang trabaho o kaigtingan sa trabaho.”
Polusyon sa Malalaking Lunsod
“Ang Mexico City, Caracas, Bogotá, at Havana ay kabilang sa pinakamaruruming lunsod sa daigdig,” ang ulat ng pahayagang El Universal sa Mexico City. Iyan ang konklusyon ng isang pag-aaral na isinagawa ng Mercer Human Resource Consulting Society, na inilathala sa London. Isinaalang-alang ng pag-aaral, na sumuri sa mga epekto ng polusyon sa mga lunsod sa palibot ng daigdig, ang mga salik na gaya ng kalidad ng hangin, alkantarilya at basura, kaligtasan, pabahay, edukasyon, transportasyon, at mga paglilingkod-bayan. Sa mga lunsod sa Europa, ang Zurich at Vienna ang may pinakamataas na kalidad ng buhay sa lahat. Kung tungkol sa pinakamalinis na mga lunsod sa daigdig, nanguna sa talaan ang Calgary at Honolulu. Ayon sa ulat, ang San Juan, Puerto Rico, ang itinuturing na pinakakaiga-igayang lunsod na pamuhayan sa buong Latin Amerika.
Ang Kabayaran ng Paghihiwalay ng Mag-asawa
Pagkatapos suriin ang mahigit na 100 nailathalang mga artikulo ng pananaliksik na isinagawa sa loob ng mahigit na dalawang dekada, si Rebecca O’Neill, manedyer ng proyekto ng Civitas Family Studies Unit, ay nag-uulat na “para sa maraming ina, ama at mga anak, ang ‘pamilyang walang ama’ ay nangangahulugan ng karalitaan, sama ng loob, pagkakasakit, nasayang na mga pagkakataon, at kawalan ng katatagan.” Ayon kay O’Neill, ang mga anak na mula sa wasak na mga tahanan ay “50 porsiyentong mas malamang na magkasakit, dalawang ulit na mas malamang na maglayas at limang ulit na mas malamang na dumanas ng pag-abuso,” ang ulat ng The Sunday Telegraph sa London. Ganito pa ang sabi ng pahayagan: “Ang mga batang lumalaki nang walang tunay na ama ay tatlong ulit din na mas malamang na mahirapang makitungo sa ibang tao at magkaproblema sa paaralan. Bilang mga tin-edyer, dalawang ulit na mas malamang na uminom sila ng inuming de-alkohol, manigarilyo, magdroga, . . . gumawa ng krimen, makipagtalik nang napakabata pa at maging mga magulang na tin-edyer.” Ayon sa ulat, kahit na kung ang mga mag-asawa ay dukha at maralita na gaya ng nagsosolong mga magulang, hindi gaanong nararanasan ng kanilang mga anak ang gayong mga problema.
Pagpapatiwakal ang Nangungunang Sanhi ng Mararahas na Kamatayan
“Ang pagpapatiwakal ang pinakamalubha at nag-iisang sanhi ng marahas na kamatayan sa buong daigdig,” ulat ng pahayagang The Independent sa London. Sinabi pa ng artikulo, batay sa ulat ng World Health Organization, na 1.6 milyon katao ang namatay dahil sa iba’t ibang uri ng karahasan noong 2000. Nang taóng iyon, kumitil ng 815,000 buhay ang pagpapatiwakal, samantalang kumitil ng 520,000 ang pagpaslang at 310,000 naman ang mga digmaan at labanan. Ang karamihan ng mga kamatayan noong 2000 ay “nangyari sa papaunlad na mga bansa at wala pang 10 porsiyento sa maunlad na mga bansa,” sabi ng pahayagan. Apat na ulit na mas maraming pagpapatiwakal ang iniulat sa Belarus, Estonia, at Lithuania kaysa sa Britanya. Sa Aprika at sa Hilaga at Timog Amerika, ang dami ng pagpaslang ay mahigit na doble sa bilang ng mga pagpapatiwakal, subalit kabaligtaran naman sa Australia, Europa, at sa Malayong Silangan.
Mga Bata na Kulang sa Tulog
Kapaha-pahamak ang mga epekto ng kakulangan ng tulog sa kalusugan ng mga bata, ang sabi ng magasing U.S.News & World Report. Ang mga batang kulang sa tulog ay mahina sa klase at nahihirapang makipagkaibigan. “Ang mga batang kulang sa tulog ay karaniwang maikli ang pagtutuon ng pansin, at mayamutin, maligalig, at walang tiyaga,” ang ulat ng magasin. Nababahala ang mga manggagamot na ang mga magulang ang karaniwang dahilan ng mga problemang ito. Ganito ang sabi ng psychotherapist ng mga bata na si Barbara Braun-McDonald: “Kung gising pa ang inyong anak hanggang alas 11 n.g. dahil sa pagsasama-sama ng pamilya, kailangan ninyong suriing muli ang inyong buhay.” Ang mga magulang ay hinihimok na magtatag ng regular na panahon ng pagtulog at paggising, kahit sa mga dulo ng sanlinggo, upang magkaroon ng nakapagpapalusog na mga kaugalian sa pagtulog. Kabilang sa iba pang mga mungkahi ang paggawa ng isang regular na rutin bago matulog, gaya ng pagligo, pagkalong, at pagbasa ng kuwentong pambata, at limitahan ang mga bata sa panonood ng telebisyon o paggamit ng computer isang oras bago matulog.
“Mga Laro, Meryenda, at Dugo”
Madalas na dinadayo ng mga kabataang Hapones ang “maluluwang at air-conditioned na mga silid na may libreng mga pelikula sa video, mga laro sa computer, meryenda at mga tagamasahe pa nga ng paa,” ang ulat ng IHT Asahi Shimbun. “Isa lamang ang kondisyon na dapat matugunan: dapat magbigay ng dugo” sapagkat ang mga pasilidad ay mga sentro sa pag-aabuloy ng dugo na pinangangasiwaan ng Japan Red Cross Society. “Ang mga tao ay nag-aabuloy ng dugo sa isang kapaligiran na animo’y may parti,” ang sabi ng pahayagan. “Maraming kabataan ang nagbababad sa mga sentrong ito pagkatapos mag-abuloy ng dugo at nagpapakasaya sa pagkain ng libreng mga doughnut, juice at mga laro sa computer. Nakaaakit din ang libreng panghuhula na idinaraos ilang beses sa isang linggo.” May mga leksiyon din sa pagmemeykap, Shiatsu (acupressure), konsiyerto, masahe, at mga baratilyo. Upang mapahinto ang lubhang pagbaba ng pag-aabuloy ng dugo, binabago ng Red Cross ang mga sentro nito sa buong bansa. Dating kilalá bilang “mapanglaw at nakatatakot,” ang mga sentro ay nagiging “popular na istambayan ng mga tin-edyer at ng mga kabataang edad 20,” ang sabi ng pahayagan.
Mga Barkong Panliwaliw at Polusyon
“Isinasapanganib ng maluluhong barkong panliwaliw na naghahatid ng milyun-milyong pasahero taun-taon sa pinakaliblib at magagandang tanawin sa daigdig ang mga buhay sa ilalim ng dagat dahil sa polusyon na iniiwan nito kapag dumaraan ang barko,” ang ulat ng The Sunday Times sa London. Ang isang malaking barkong nagsasakay ng halos 4,000 katao, kasali ang mga pasahero at ang tripulante, ay nagtatapon araw-araw ng sampu-sampung libong galon ng malangis na tubig, dumi na dumadaloy sa alkantarilya, at tubig na ginamit sa paligo at labada, at karagdagang 70 litro ng nakalalasong mga kemikal at pitong tonelada ng basura. Sa dagat, mas maraming dumi ang nalilikha ng mga pasahero kaysa kung sila ay nagbabakasyon sa lupain. Noong 2000, mga 240 barkong panliwaliw ang naghatid ng sampung milyong tao sa mga lugar na madaling masira ang pagkakatimbang ng ekolohiya, gaya ng Glacier Bay sa Alaska, mga bahura ng korales at mga isla sa Caribbean, makasaysayang mga baybayin sa Mediteraneo, at maging sa Antartiko. Tinatayang 50 barko pa ang maglalayag sa 2005. Ganito ang sabi ni Roger Rufe, ng Ocean Conservancy: “Ang [mga bakasyon na] paglalayag na ito ay nagiging popular subalit ang mga barko ay parang lumulutang na mga lunsod na walang anumang tuntuning sinusunod sa pagtatapon ng dumi mula sa alkantarilya at basura.”
Humina ang Benta ng mga Subenir ng Papa
Sa nakalipas na mga taon ang “pagbebenta ng relihiyosong mga gamit [sa Poland] ay garantisadong kumikita,” ang ulat ng edisyon ng Newsweek sa Poland. Subalit kamakailan, napansin ang “isang krisis” sa benta ng sagradong mga idolo. Sa kabila ng maraming publisidad tungkol sa pagdalaw ng papa sa Poland noong 2002, walang gaanong pangangailangan para sa tradisyonal na relihiyosong mga gamit, gaya ng mga kuwintas at mga ipinintang larawan. “Ang pamilihan ay binaha ng milyun-milyong busto na yari sa eskayola at metal, mga banig, ipinintang larawan, at mga pigurin” na may larawan ng papa, ang sabi ng magasin, subalit “naging mapili ang mga mamimili.” Gayunman, isang disenyo ang nagiging popular. Plastik kard ito na may “sagradong mga larawan” sa isang panig at “ginintuang mga abaloryo na tinunaw sa plastik” naman sa kabilang panig. Ang “mga kard na rosaryo” na ito “ang pinakabago at pinakapopular na [subenir] ng papa,” ang sabi ng lingguhang babasahing Wprost sa Poland.