Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sakit na Dala ng Insekto—Isang Lumalalang Problema

Sakit na Dala ng Insekto—Isang Lumalalang Problema

Sakit na Dala ng Insekto​—Isang Lumalalang Problema

ORAS NA NG PAGTULOG sa gabi sa isang bahay sa Latin Amerika. Magiliw na kinumutan ng isang ina ang kaniyang anak na lalaki bago ito pinatulog. Subalit sa dilim, isang makintab at kulay-itim na kissing bug (isang uri ng surot na may nakalalasong kagat, na sa bandang labi kung kumagat), na wala pang tatlong sentimetro ang haba, ang lumabas sa siwang ng kisame sa tapat ng kama. Hindi namalayan na nalaglag ito sa mukha ng natutulog na bata at halos hindi naramdaman ang pagkagat nito sa malambot na balat ng bata. Habang nagpapakabusog ang surot sa pagsipsip ng dugo, naglalabas din ito ng dumi na may parasito. Kinamot ng natutulog na bata ang kaniyang mukha, anupat naikuskos ang kontaminadong dumi sa sugat.

Dahil sa minsang pangyayaring ito, nagkaroon ang bata ng Chagas’ disease. Sa loob ng isa o dalawang linggo, inapoy ng lagnat ang bata at namaga ang kaniyang katawan. Gumaling man siya, baka tumira na ang mga parasito sa kaniyang katawan, anupat pipinsalain nito ang kaniyang puso, mga nerbiyo, at mga tisyu sa loob ng katawan. Baka lumipas ang 10 hanggang 20 taon nang walang nakikitang mga sintomas. Ngunit baka nagkasugat na siya sa kaniyang bituka, nagkaroon na ng impeksiyon sa utak, at sa pinakahuli ay mamatay dahil sa humina na ang kaniyang puso.

Ang di-totoong salaysay na ito ay makatotohanang naglalarawan kung paano maaaring mahawahan ng Chagas’ disease ang isa. Sa Latin Amerika, maaaring milyun-milyon ang nanganganib sa kissing bug na ito.

Mga Kasama ng Tao na Maraming Paa

“Ang karamihan sa pangunahing pinagmumulan ng lagnat ng tao ay ang mga mikroorganismong dala ng mga insekto,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica. Karaniwang ginagamit ng mga tao ang katagang “insekto” para tukuyin hindi lamang ang tunay na mga insekto​—mga nilalang na may anim na paa gaya ng mga langaw, pulgas, lamok, kuto, at uwang​—​kundi ang mga nilalang din na may walong paa gaya ng mga kagaw at garapata. Itinala ng mga siyentipiko ang lahat ng ito sa mas pangkalahatang kategorya ng arthropod​—ang pinakamalaking grupo sa daigdig ng mga hayop​—kasama rito ang di-kukulangin sa isang milyon na kilalang mga uri ng hayop.

Ang karamihan sa mga insekto ay hindi nakapipinsala sa tao, at totoong kapaki-pakinabang pa nga ang ilan. Kung wala ang mga ito, marami sa mga halaman at mga punong inaasahan ng mga tao at hayop para sa pagkain ay hindi maaaring binhian o mamunga. Tumutulong ang ilang insekto sa pagreresiklo ng dumi. Marami sa mga insekto ay halaman lamang ang kinakain, samantalang ang iba naman ay mga insekto rin ang kinakain.

Mangyari pa, may mga insekto na nakayayamot sa tao at hayop dahil sa masakit na kagat nito o dahil sa dami ng mga ito. Ang ilan ay nananalanta rin ng mga pananim. Subalit ang mas masahol pa ay ang mga insektong nagkakalat ng sakit at nakamamatay. Ang mga sakit na dala ng insekto “ang siyang may pananagutan sa mas maraming pagkakasakit at pagkamatay ng mga tao noong ika-17 hanggang sa pasimula ng ika-20 siglo kung ihahambing sa lahat ng ibang sanhi na pinagsama-sama,” ang sabi ni Duane Gubler ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention.

Sa kasalukuyan, halos 1 sa bawat 6 katao ang nahahawahan ng sakit na dala ng mga insekto. Bukod pa sa pinahihirapan nito ang tao, napakabigat ding pasanin sa pinansiyal ang sakit na dala ng insekto, lalo na sa papaunlad na mga bansa​—yaong mga walang pambili ng gamot. Maging ang minsang paglitaw ng salot ay maaaring napakamahal na. Diumano’y nasaid ang bilyun-bilyong dolyar ng lokal at pandaigdig na ekonomiya dahil sa isa sa gayong pangyayari sa kanluraning India noong 1994. Ayon sa World Health Organization (WHO), hindi aasenso sa ekonomiya ang pinakamahihirap na bansa sa daigdig malibang makontrol ang gayong problema sa sakit.

Kung Paano Tayo Nagkakasakit Dahil sa mga Insekto

May dalawang pangunahing paraan na nagsisilbing mga vector​—mga tagapagdala ng sakit​—ang mga insekto. Ang una ay sa pamamagitan ng mechanical transmission (basta pagdadala ng mikroorganismo sa katawan ng insekto). Kung paanong maaaring magdala ng dumi ang mga tao sa loob ng bahay sa pamamagitan ng maruruming sapatos, “ang mga langaw ay maaari ring magdala ng milyun-milyong mikroorganismo sa kanilang mga paa, na kapag sapat ang dami, ay nagdudulot ng sakit,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica. Halimbawa, maaaring makontamina ng dumi ang mga langaw, at maipasa ito kapag dumapo ang mga ito sa ating pagkain o inumin. Sa ganitong paraan nakukuha ng mga tao ang gayong nakapanghihina at nakamamatay na mga sakit gaya ng tipus, disintirya, at maging ng kolera. Naikakalat din ng langaw ang trachoma​—ang pangunahing sanhi ng pagkabulag sa daigdig. Nakabubulag ang trachoma dahil sinusugatan nito ang cornea​—ang malinaw na bahagi ng mata sa harap ng iris. Sa buong daigdig, mga 500,000,000 tao ang pinahihirapan ng salot na ito.

Ang mga ipis, na nabubuhay sa maruruming lugar, ay pinaghihinalaan ding nagdadala ng sakit na nakadikit sa katawan nito. Bukod pa rito, iniuugnay ng mga dalubhasa ang kasalukuyang pagdami ng hika, lalo na sa mga bata, sa alerdyi na sanhi ng ipis. Halimbawa, gunigunihin si Ashley, isang 15-taóng-gulang na batang babae, na maraming gabi nang nahihirapang huminga dahil sa kaniyang hika. Nang pakikinggan na ng kaniyang doktor ang mga baga niya, biglang lumabas sa kamiseta ni Ashley ang isang ipis at nagtatakbo sa mesa ng doktor.

Sakit na Nasa Loob ng Katawan ng Insekto

Kapag kinupkop ng mga insekto ang mga virus, baktirya, o parasito sa loob ng kanilang mga katawan, maikakalat nila ang sakit sa ikalawang paraan​—sa pamamagitan ng paglilipat nito sa isang kagat o ng iba pang paraan. Maliit na porsiyento lamang ng mga insekto ang nakapagdadala ng sakit sa mga tao sa ganitong paraan. Halimbawa, bagaman may libu-libong uri ng lamok, ang uring Anopheles lamang ang nagdadala ng malarya​—ang ikalawa sa pinakanakamamatay at nakahahawang sakit sa daigdig (kasunod ng tuberkulosis).

Ngunit, may iba pang uri ng lamok na nagdadala ng maraming iba’t ibang sakit. Ganito ang ulat ng WHO: “Sa lahat ng mga insekto na may dalang sakit, ang lamok ang pinakamapanganib, na nagkakalat ng malarya, dengge at yellow fever, na sama-samang sanhi ng pagkamatay ng ilang milyong tao at ng daan-daang milyong kaso ng nakahahawang sakit taun-taon.” Di-kukulangin sa 40 porsiyento ng populasyon sa lupa ang nanganganib na magkaroon ng malarya, at halos 40 porsiyento naman ng dengge. Sa maraming lugar, maaaring hawahan ng dalawang sakit na ito ang isang tao.

Mangyari pa, hindi lamang mga lamok ang mga insektong may dalang sakit sa loob ng kanilang katawan. Ang mga langaw na tsetse ay nagdadala ng protozoa na sanhi ng sleeping sickness, na nagpapahirap sa daan-daang libong tao anupat napipilitan ang buong mga komunidad na iwan ang kanilang matabang mga bukirin. Palibhasa’y naglilipat ng organismo na nagiging sanhi ng sakit na river blindness, binulag ng itim na mga langaw ang halos 400,000 Aprikano. Ang mga sand fly ay nagdadala ng protozoa na sanhi ng leishmaniasis, isang grupo ng nakababalda, nakadidisporma, at malimit na nakamamatay na mga sakit na kasalukuyang nagpapahirap sa milyun-milyon katao na may iba’t ibang edad sa buong daigdig. Ang pangkaraniwang pulgas ay maaaring tagapagdala ng mga tapeworm, encephalitis, tularemia at ng plague​—na karaniwang nauugnay sa Black Death na kumitil ng sangkatlo o mahigit pang mga tao sa Europa noong Edad Medya sa loob lamang ng anim na taon.

Ang mga kuto, kagaw, at garapata ay maaaring magkalat ng iba’t ibang uri ng tipus, bukod pa sa ibang mga sakit. Ang mga garapata na nasa mga lupaing may katamtamang klima ay posibleng makapagdala ng nakapanghihinang Lyme disease​—ang pinakakaraniwang sakit na dala ng vector sa Estados Unidos at Europa. Isiniwalat ng isang pagsusuri sa Sweden na ang nandarayuhang mga ibon ay nakapagdadala ng mga garapata hanggang sa libu-libong milyang layo, na posibleng pinagmumulan ng mga sakit na dala ng mga ito sa bagong mga rehiyon. “Nahihigitan ng mga garapata,” ang sabi ng Britannica, “ang lahat ng iba pang mga arthropod (maliban sa mga lamok) sa dami ng sakit na naililipat nito sa mga tao.” Sa katunayan, ang isang garapata ay nakapagdadala ng hanggang tatlong iba’t ibang organismo na nagdadala ng sakit at maaaring ilipat ang mga ito sa isang kagat lamang!

“Pahinga” Mula sa Sakit

Noon lamang 1877 napatunayan ng siyensiya na ang mga insekto ay nagdadala ng sakit. Mula noon, nagsagawa na ng malawakang mga kampanya upang sugpuin o puksain ang mga insektong nagdadala ng sakit. Noong 1939, ang pamatay-insekto na DDT ay idinagdag sa mga panugpo ng mga insekto, at noong dekada ng 1960, ang sakit na dala ng insekto ay hindi na itinuring na pangunahing banta sa kalusugan ng publiko sa labas ng Aprika. Naibaling ang pansin mula sa pagsugpo sa mga tagapagdala ng sakit tungo sa paggamot ng biglaang mga kaso ng sakit, at nabawasan naman ang interes sa pag-aaral sa mga insekto at sa kanilang mga tirahan. Natutuklasan din ang bagong mga gamot, at waring posibleng makatuklas ang siyensiya ng isang “madyik na gamot” para lunasan ang anumang sakit. Ang daigdig ay nasisiyahan sa “pahinga” mula sa nakahahawang sakit. Subalit matatapos din ang pamamahinga. Tatalakayin ng susunod na artikulo kung bakit.

[Blurb sa pahina 3]

Sa ngayon 1 sa 6 katao ang nahahawahan ng sakit na dala ng insekto

[Larawan sa pahina 3]

Ang “kissing bug”

[Larawan sa pahina 4]

Ang mga langaw ay may dalang mga mikrobyo sa mga paa nito na sanhi ng sakit, gaya rin ng mga ipis

[Mga larawan sa pahina 5]

Maraming insekto ang may dalang mga sakit sa loob ng kanilang mga katawan

Dala ng itim na mga langaw ang sakit na “river blindness”

Dala ng mga lamok ang malarya, dengge, at “yellow fever”

Maaaring ikalat ng mga kuto ang tipus

Ang mga pulgas ay tagapagdala ng “encephalitis” at iba pang mga sakit

Dala ng mga langaw na “tsetse” ang “sleeping sickness”

[Credit Lines]

WHO/TDR/LSTM

CDC/James D. Gathany

CDC/Dr. Dennis D. Juranek

CDC/Janice Carr

WHO/TDR/Fisher

[Picture Credit Line sa pahina 4]

Clemson University - USDA Cooperative Extension Slide Series, www.insectimages.org