Ang Mahalagang Likido sa Buhay—Tubig
Ang Mahalagang Likido sa Buhay—Tubig
BINANGGIT ni Jesus sa isang Samaritana na nag-iigib ng tubig mula sa isang balon ang tungkol sa bukal ng tubig na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang hanggan. (Juan 4:14) Bagaman ang tubig na tinukoy niya ay makasagisag, sa literal na diwa ang tubig ay mahalaga sa buhay, anupat pumapangalawa sa oksiheno sa kahalagahan nito sa buhay. Maaaring mabuhay ang isa sa loob ng ilang linggo nang walang pagkain ngunit mga limang araw lamang kung walang tubig!
Halos tatlong-kapat ng timbang ng ating katawan ay tubig. Halimbawa, ang utak ay 75 hanggang 85 porsiyentong tubig, at ang mga kalamnan ay 70 porsiyentong tubig. Bukod pa sa ibang mga kapakinabangan, tinutulungan tayo ng tubig na tunawin at sipsipin ang pagkain, na nagdadala ng mga nutriyente sa mga selula. Inaalis nito ang mga toxin at iba pang dumi, pinadudulas ang mga kasukasuan at kolon, at binabalanse ang temperatura ng katawan. Ngunit alam mo ba na ang pag-inom ng sapat na tubig ay isa ring salik sa pagpapapayat?
Uminom ng Tubig Para Pumayat
Una sa lahat, ang tubig ay walang kaloriya, walang taba at kolesterol, at mababa sa sodium. Ikalawa, nakapipigil ito ng gana sa pagkain. Ikatlo, tinutulungan ng tubig ang katawan na tunawin ang nakaimbak na taba. Paano? Buweno, kapag walang sapat na tubig ang mga bato, hindi gagana nang wasto ang mga ito. Kaya tumutulong ang atay, pero sa paggawa nito, nahahadlangan naman ang kakayahan nito na mabisang tunawin ang taba. Kaya ang taba ay nananatiling nakaimbak sa katawan, sa gayo’y tumataba ka. Kaya, gaya ng sinabi ni Dr. Donald Robertson ng Southwest Bariatric Nutrition Center sa Scottsdale, Arizona, E.U.A., “ang pag-inom
ng sapat na dami ng tubig ay isang susi sa pagpapapayat. Kapag ang mga taong nagsisikap pumayat ay hindi uminom ng sapat na tubig, hindi kaya ng katawan na tunawin nang husto ang taba.”Totoo, ang pagkaimbak ng tubig sa katawan ay kadalasang nagiging dahilan ng pagtaba. Kaya, marami sa mga may katawang may tendensiyang mag-imbak ng tubig ay nag-iisip na ang solusyon dito ay bawasan ang tubig na iniinom nila. Gayunman, mismong kabaligtaran ang nangyayari. Kapag kinulang ng tubig ang katawan, sinisikap nitong mapanatili ang lahat ng tubig na nainom sa pamamagitan ng pag-iimbak nito sa mga dako na gaya ng mga paa, kamay, at mga binti. Kaya inirerekomenda ng mga dalubhasa sa nutrisyon na ibigay natin sa ating katawan ang kailangan nito—sapat na tubig. At tandaan, mientras mas maraming asin ang nakakain mo, mas maraming tubig ang maiimbak sa katawan mo para palabnawin ito.
Bigyan ng Tubig ang Iyong Katawan
Sa bawat araw, sa katamtaman, mga dalawang litrong tubig ang lumalabas sa ating katawan sa balat, baga, bituka, at mga bato. Nauubusan tayo ng halos kalahating litro ng likido araw-araw sa basta paghinga lamang. Kapag hindi napalitan ang tubig na ito, matutuyuan ng tubig ang ating katawan. Ang ilang tanda ng pagkatuyo ng tubig sa katawan ay sakit ng ulo, pagkahapo, pananakit ng kalamnan, ihi na matingkad ang kulay, pagiging labis na sensitibo sa init, at panunuyo ng bibig at mata.
Kaya gaano karaming tubig ang dapat nating inumin? Ganito ang sabi ni Dr. Howard Flaks, isang espesyalista sa bariatric (labis na katabaan): “Sa bawat araw, ang pinakakaunting dami ng tubig na dapat inumin ng isang malusog na tao ay walo hanggang sampung baso, na naglalaman ng sangkapat na litro. Higit pa ang kailangan mo kung nag-eehersisyo kang mabuti o nakatira sa lugar na mainit ang klima. At ang mga taong labis ang timbang ay dapat uminom ng karagdagang isang baso ng tubig sa bawat sampung kilong dagdag sa kanilang tamang timbang.” Gayunman, sinasabi ngayon ng ilan na sapat nang uminom ka ng tubig kapag ikaw ay nauuhaw, bagaman kapag uhaw na uhaw ka na, maaaring medyo natuyuan na ng tubig ang iyong katawan.
Maaari bang iba na lamang ang inumin sa halip na tubig? Bagaman ang mga katas ng prutas at gulay na hinaluan ng tubig ay mabuti, may kaloriya ang mga ito. Gayundin, ang mga likido na may asukal at gatas ay nagpapataas sa pangangailangan ng katawan sa tubig, yamang kailangan ang tubig upang tunawin ang mga ito. At ang mga inuming de-alkohol at may caffeine tulad ng kape at tsa ay medyo nakapagpaparami ng ihi, anupat nangangailangan na uminom ng mas maraming tubig upang mapalitan ang nailabas. Talagang walang kahalili ang mahalagang likidong ito, ang tubig. Kaya bakit hindi ka uminom ng isang baso ng tubig ngayon?
[Kahon/Larawan sa pahina 13]
Mga Mungkahi Upang Madagdagan ang Iniinom na Tubig
● Magdala ng bote ng tubig.
● Uminom ng isang baso ng tubig tuwing kakain.
● Uminom bago, habang, at pagkatapos mag-ehersisyo.
● Uminom ng tubig sa halip na kape kapag nagpapahinga sa trabaho.
● Upang bumuti ang lasa ng tubig sa gripo, lagyan ito ng katas ng lemon o gumamit ng filter.
[Picture Credit Line sa pahina 12]
Larawan: www.comstock.com