Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Humihina ba ang mga Pamantayang Moral?

Humihina ba ang mga Pamantayang Moral?

Humihina ba ang mga Pamantayang Moral?

KABILANG sa pinakamahahalagang regalo na maibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang kanilang lubusang pag-ibig at isang kalipunan ng mga pamantayang moral na ipinakikita ng mga magulang at hindi lamang sinasabi.

Kung wala ng wastong mga pamantayang moral, ang buhay ay basta makaraos lamang sa araw-araw. Ang mga pamantayang moral ay nagbibigay ng kabuluhan sa buhay. Nagtatatag ito ng mga priyoridad. Naglalagay ito ng moral na mga hangganan at nagtatakda ng mga tuntunin sa paggawi.

Magkagayunman, mabilis na nagbabago ang maraming tradisyonal na mga pamantayang moral. Halimbawa, sinasabi ni Propesor Ronald Inglehart na “ang lipunan ay patungo sa isang kalakaran sa sekso na nagbibigay ng higit na kalayaan na mapalugdan ang sarili sa sekso at maihayag ang kani-kaniyang opinyon.” Ang surbey ng Gallup noong 1997 sa 16 na bansa ay nagtanong sa mga residente nito may kinalaman sa kanilang paninindigan hinggil sa moralidad ng pag-aanak sa labas. Ganito ang ulat ng Gallup: “Ang tumatanggap sa makabagong istilong ito ng buhay ay mula sa 90% o higit pa sa mga bahagi ng Kanlurang Europa hanggang sa wala pang 15% sa Singapore at India.”

Pinuri ng ilan ang bagong seksuwal na kalayaang ito. Gayunman, binabanggit ng The Rise of Government and the Decline of Morality, ni James A. Dorn, “ang paglaganap ng pag-aanak sa labas” at “ang pagkakawatak-watak ng mga pamilya” bilang “maliwanag na mga tanda ng pagkabulok sa moral.”

Iba Pang Sumasamang mga Pamantayang Moral

Humina na rin ang ibang tradisyonal na mga pamantayang moral. Ang World Values Survey, na pinamumunuan ni Propesor Inglehart, ay nag-uulat ng “humihinang paggalang sa awtoridad” sa mauunlad na lupain.

Ang isa pang tradisyonal na pamantayang moral ay ang matinding dedikasyon sa trabaho. Gayunman, may katibayan na ito man ay humihina na rin. Sa Estados Unidos, sinurbey ng National Federation of Independent Business ang mahigit sa kalahating milyong nagpapatrabaho. “Tatlumpu’t isang porsiyento ng mga tinanong ang nagsabing mahirap humanap ng mga tao para sa mga trabaho, at 21 porsiyento ang nagsabi na sa pangkalahatan ang kalidad ng mga manggagawa ay mahina.” Ganito ang sabi ng isang nagpapatrabaho: “Pahirap na nang pahirap humanap ng mga manggagawang pumapasok sa trabaho nang mahigit sa isang araw, nasa oras, at hindi lango.”

Maaaring lumala pa ang pabagsak na kalakarang ito dahil sa ekonomiya. Habang humihina ang kita, ang mga nagpapatrabaho ay nagbabawas ng mga manggagawa o nag-aalis ng ilang benepisyo. Ganito ang sabi ng babasahing Ethics & Behavior: “Ang mga manggagawang nakararanas ng ganitong kawalan ng katapatan at pananagutan ay nagsimulang magpakita ng katugmang negatibong paggawi sa kanilang mga amo. Nawawala na ang pananagutang gumawa nang masikap sapagkat bukas ay maaaring wala nang trabaho ang manggagawa.”

Ang isa pang dako na doo’y kapansin-pansing humina ang mga pamantayang moral ay sa paggawi at paggalang. Ganito ang konklusyon ng isang surbey sa Australia: “Mahigit sa 87.7% ng mga empleado ay nag-ulat [na] ang di-mabuting asal sa opisina ay nakaaapekto sa moralidad ng mga tauhan.” Sa isang surbey sa mga propesyonal sa negosyo sa Estados Unidos, “walumpung porsiyento ng mga sinurbey ay nag-ulat ng paglago ng kawalang-galang sa negosyo.” Ayon sa ahensiya sa pagbabalita ng CNN, “lumaganap nang husto ang hindi mabuting serbisyo sa mga parokyano anupat halos kalahati ng mga tinanong ay nagsabi na lumabas sila ng tindahan nang hindi namili noong nakalipas na taon dahil dito. Ang kalahati ay nagsabing madalas nilang makita ang mga taong nakikipag-usap sa mga cellphone sa isang malakas at nakaiinis na paraan. At anim sa 10 drayber ang nagsabi na regular nilang nakikita ang ibang tao na agresibo at walang-ingat sa pagmamaneho.”

Gaano Kahalaga ang Buhay ng Tao?

Sa ilang kaso, sinasabi ng mga tao na pinanghahawakan nila ang ilang “pamantayang moral” subalit ang kanilang mga salita ay hindi laging nakikita sa gawa. Halimbawa, sinurbey ng Institute for Global Ethics ang mga kinatawan mula sa 40 bansa. Pinili ng 40 porsiyento ang “paggalang sa buhay” bilang kasama sa unang limang “pinakamahahalagang” pamantayang moral. *

Gayunman, ano ang aktuwal na nangyayari? Ang mauunlad na bansa ay tiyak na may mga kakayahan upang alisin ang maraming paghihirap ng tao. Subalit isang aklat na isinulat ni Carol Bellamy, punong tagapagpaganap ng United Nations Children’s Fund, ang nagsabi noong 1998 na ang malnutrisyon ang “dahilan ng mahigit sa kalahati ng halos 12 milyong kamatayan taun-taon ng mga batang wala pang limang taóng gulang sa papaunlad na mga bansa, isang proporsiyon na walang-katulad mula nang sinalanta ng salot na Black Death ang Europa noong ika-14 na siglo.” Nakatatakot ang gayong mga ulat sa sinumang nagpapahalaga sa buhay ng tao. “Gayunman,” ang sabi ni Bellamy, “hindi gaanong nakapukaw ng pagkabahala sa publiko ang pandaigdig na krisis ng malnutrisyon, sa kabila ng marami at lumalagong makasiyensiyang katibayan ng panganib. Higit na pinagtutuunan ng pansin ang takbo ng mga stock market sa pandaigdig na merkado kaysa sa napakalaking pinsalang nagagawa ng malnutrisyon​—o sa katulad na kapakinabangan ng mabuting nutrisyon.”

Ang pilipit na pangmalas sa buhay ay kitang-kita sa pangkat ng mga manggagamot. Sing-aga ng unang mga taon ng dekada ng 1970, ang isang sanggol na isinilang pagkaraan lamang ng 23 linggo sa bahay-bata ay halos walang tsansang mabuhay. Sa ngayon, marahil hanggang 40 porsiyento ng mga sanggol na ipinanganak na kulang sa buwan ay maaaring mabuhay. Dahil dito, nakapagtataka nga na sa buong daigdig tinatayang 40 hanggang 60 milyong aborsiyon ang nangyayari taun-taon! Ang karamihan sa mga aborsiyong ito ay isinasagawa sa mga sanggol na ipinagbubuntis mga ilang linggo lamang ang kaagahan kaysa sa mga sanggol na isinilang na kulang sa buwan na sinisikap panatilihing buháy ng mga doktor! Hindi ba ipinakikita ng nabanggit sa itaas ang umiiral na malaking kalituhan sa moral?

Kailangan​—Isang Moral na Patnubay

Nang tanungin, “Ano ang pinakahuling bagay na mahalaga sa buhay?” pinili ng karamihan sa mga tinanong ng organisasyon ng Gallup ang “pagiging tapat sa aking relihiyon” bilang isa sa dalawang pinakahuling bagay na mahalaga. Hindi kataka-taka, kung gayon, patuloy na umuunti ang nagsisimba. Sinabi ni Propesor Inglehart na ang kasaganaan ng Kanluraning mga lupain ay “nakalikha ng walang-katulad na pagkadama ng katiwasayan” at na “nabawasan nito ang pangangailangan para sa pampalakas-loob na karaniwang inilalaan ng relihiyon.”

Ang humihinang pagtitiwala sa organisadong relihiyon ay tinatambalan ng kawalan ng pagtitiwala sa Bibliya. Sa isang internasyonal na surbey, ang mga tao ay tinanong kung sino o ano ang pinagkakatiwalaan nila pagdating sa pag-alam kung ano ang tama sa moral. Binanggit ng karamihan ang personal na karanasan. “Pumangalawa ang salita ng Diyos subalit itinuturing na hindi gaanong mahalaga,” ang sabi ng ulat ng surbey.

Hindi nga kataka-taka na sumasamâ ang mga pamantayang moral! Ang kawalan ng moral na patnubay, kasabay ng higit na pagdiriin sa materyalistikong mga tunguhin at pagiging makasarili, ay nagtaguyod ng isang kultura ng kasakiman at kawalang-malasakit sa damdamin ng iba. Anu-anong mahahalagang bagay ang nawala na dahil sa mga pagbabagong ito?

[Talababa]

^ par. 12 Mahigit na 50 taon na ang nakalipas, pinagtibay ng United Nations ang Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao. Ang Artikulo 1 ng Deklarasyon na iyon ay nagsasabi: “Ang lahat ng tao ay isinilang na malaya at pantay-pantay sa dignidad at sa mga karapatan.”

[Mga larawan sa pahina 4, 5]

Ipinakikita ng mga pagkasira ng pamilya, hindi mabuting etika sa trabaho, at katigasan ng ulo ang humihinang pamantayang moral sa ngayon

[Larawan sa pahina 6]

Milyun-milyong sanggol, mga ilang linggo lamang ang kaagahan kaysa sa sanggol na ito na kulang sa buwan, ang ipinalalaglag taun-taon