Ang Pangmalas ng Bibliya
Iwasan ang Nakasasakit na Salita
“Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpapala at pagsumpa. Hindi wasto, mga kapatid ko, na ang mga bagay na ito ay patuloy na mangyari nang ganito.”—SANTIAGO 3:10.
ANG kakayahang makapagsalita ay isang pambihirang katangian na siyang ipinagkaiba natin sa mga hayop. Nakalulungkot, mali ang paggamit ng ilang tao sa kaloob na ito. Ang pang-iinsulto, pagmumura, panlalapastangan, pamumusong, pambabastos, at malalaswang salita ay nakasasakit—kung minsan ay higit pa nga sa pisikal na pananakit. “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak,” ang sabi ng Bibliya.—Kawikaan 12:18.
Parami nang paraming tao ang nasanay nang magmura. Iniuulat ng mga paaralan ang pagdami ng mga batang nagmumura. Gayunman, may ilang nagsasabi na ang paggamit ng masasakit na salita ay kapaki-pakinabang din naman kapag gustong ilabas ang niloloob. Isang estudyante sa political science ang sumulat: “Puwede namang magmura kung hindi kayang ipahayag ng ordinaryong salita ang tindi ng ating niloloob.” Dapat kayang taglayin ng mga Kristiyano ang gayong walang-pakialam
na saloobin hinggil sa nakasasakit na pananalita? Ano kaya ang nadarama ng Diyos tungkol dito?Masuklam sa Malaswang Pagbibiro
Ang malaswang salita ay hindi na bago. Magugulat ka kaya kung malaman mong gumamit pala ng malalaswang salita ang mga tao noong panahon ng mga apostol, halos 2,000 taon na ang nakalilipas? Halimbawa, lumilitaw na gumagamit noon ng malalaswang salita ang ilang kaugnay sa kongregasyon ng Colosas kapag sila’y nagagalit. Posibleng nagawa nila ito sa intensiyong batikusin o saktan ang iba upang makapaghiganti marahil. Gayundin naman, marami sa ngayon ang gumagamit ng malalaswang salita dahil sa silakbo ng galit. Kaya naman, kapit pa rin sa ating panahon ang liham ni Pablo sa mga taga-Colosas. Sumulat si Pablo: ‘Alisin ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita mula sa inyong bibig.’ (Colosas 3:8) Maliwanag, ang mga Kristiyano ay pinapayuhang umiwas sa silakbo ng galit at sa malaswang salita na madalas na kakambal ng galit.
Totoo, marami ang malaswang magsalita ngunit hindi naman para batikusin o saktan ang iba. Malamang na wala sa isip nila na sila’y nakapagsasalita pala nang malaswa. Sa gayon ay lumalim na ang pagkakaugat ng mahahalay na salita sa pang-araw-araw na usapan. Ni hindi na nga maalis ng ilan ang pagmumura kapag sila’y nakikipag-usap. Kadalasan, ang malalaswang salita ay ginagamit upang magpatawa. Subalit dapat bang ituring na maliit na paglabag lamang at mapagpapasensiyahan ang malaswang pagbibiro? Isaalang-alang ang sumusunod.
Ang malaswang pagbibiro ay nakagugulantang na salita na ang layunin ay patawanin ang iba. Sa ngayon, ang karamihan sa malalaswang pagbibiro ay may kinalaman sa sekso. At marami sa mga diumano’y mga disenteng tao ang natutuwa sa ganitong mga salita. (Roma 1:28-32) Kung gayon, hindi nga kataka-taka na gawing paksa ng pagbibiro ng maraming propesyonal na mga komedyante ang tungkol sa likas at di-likas na seksuwal na paggawi. Ang malaswang pagbibiro ay itinatampok sa maraming pelikula gayundin sa telebisyon at mga programa sa radyo.
Hindi nananahimik ang Bibliya sa paksang ito ng malaswang pagbibiro. Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso: “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng angkop sa mga taong banal; ni ang kahiya-hiyang paggawi ni ang mangmang na usapan ni ang malaswang pagbibiro, mga bagay na hindi nararapat.” (Efeso 5:3, 4) Maliwanag, ang malaswang salita, anuman ang intensiyon nito, ay ikinagagalit ng Diyos. Ito’y masama. Ito’y nakasasakit na salita.
Masasakit na Salitang Hindi Kinalulugdan ng Diyos
Hindi lamang malalaswang salita ang saklaw ng nakasasakit na salita. Ang pang-iinsulto, panlilibak, panunuya, at sobrang pamimintas ay lubhang nakasasakit. Aminin natin na tayong lahat ay nagkakasala dahil sa ating dila, lalo na nga’t napaliligiran tayo ng panlilibak at talikurang paninira na laganap sa ngayon. (Santiago 3:2) Gayunman, hinding-hindi dapat magkaroon ng walang-pakialam na saloobin sa mapang-abusong pananalita ang tunay na mga Kristiyano. Maliwanag na pinatunayan ng Bibliya na walang pagsang-ayon ang Diyos na Jehova sa lahat ng pananalitang nakasasakit.
Halimbawa, sa aklat ng Bibliya na Ikalawang Hari, napag-alaman natin ang tungkol sa isang pangkat ng mga batang lalaki na tumukso sa propetang si Eliseo. Sinasabi ng ulat na sila’y “nagsimulang mangutya sa kaniya” at “patuloy na nagsasabi sa kaniya: ‘Umahon ka, kalbo! Umahon ka, kalbo!’ ” Masamang-masama ang loob ni Jehova sa panunukso ng mga batang ito, palibhasa’y nababasa ang puso nila at nakikita ang kanilang masamang hangarin. Binabanggit ng ulat na pinatay ng Diyos ang 42 batang lalaki dahil sa kanilang mapang-abusong pananalita.—2 Hari 2:23, 24.
‘Patuloy na kinakantiyawan ng mamamayan ng Israel ang mga mensahero ng tunay na Diyos at hinahamak ang kaniyang mga salita at nililibak ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang pagngangalit ni Jehova ay sumiklab laban sa kaniyang bayan, hanggang sa wala nang kagalingan.’ (2 Cronica 36:16) Bagaman ang pagngangalit ng Diyos ay pangunahin nang dahil sa idolatroso at masuwaying landasin ng kaniyang bayan, kapansin-pansin na partikular na binanggit ng Bibliya ang berbal na pang-aabusong ipinatungkol sa mga propeta ng Diyos. Idiniriin nito ang tuwirang di-pagsang-ayon ng Diyos sa gayong paggawi.
Kasuwato nito, pinayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano: “Huwag mong punahin nang may katindihan ang isang matandang lalaki.” (1 Timoteo 5:1) Maikakapit ang simulaing ito sa ating pakikitungo sa bawat isa. Hinihimok tayo ng Bibliya na “huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman, huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.”—Tito 3:2.
Pagsupil sa Ating mga Labi
Kung minsan, mahirap pigilin ang simbuyo ng damdamin na makapagsalita nang masakit sa iba. Kapag ginawan nang mali, baka isipin ng isang tao na dapat lamang na parusahan ang nagkamali sa pamamagitan ng malulupit at masasakit na salita—nang mukhaan o kaya’y nang talikuran. Subalit iniiwasan ng mga Kristiyano ang ganitong simbuyo ng damdamin. Ang Kawikaan 10:19 ay nagsasabi: “Dahil sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang, ngunit ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan.”
Nagpakita ng magandang halimbawa ang mga anghel ng Diyos. Batid nila ang lahat ng pagkakamaling ginagawa ng mga tao. Bagaman higit na malakas at makapangyarihan ang mga anghel kaysa sa mga tao, hindi sila naghaharap ng akusasyon laban sa mga tao sa mapang-abusong mga salita, anupat “hindi nila ito ginagawa dahil sa paggalang kay Jehova.” (2 Pedro 2:11) Sa pagkaalam na ang Diyos ay lubusang nakababatid ng pagkakamali ng bawat isa at lubusang nagtataglay ng kakayahang ituwid ang mga bagay-bagay, patuloy na sinupil ng mga anghel ang kanilang mga labi. Si Miguel, ang pinuno ng lahat ng anghel, ay nagtimping makapagsalita nang masakit, kahit na sa Diyablo.—Judas 9.
Nagsisikap ang mga Kristiyano na tularan ang mga anghel. Sinusunod nila ang payo ng Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. Maglaan ng mabubuting bagay sa paningin ng lahat ng tao. Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’”—Roma 12:17-19.
Kapansin-pansin, maging ang tono at lakas ng ating boses ay nakadaragdag ng tindi sa ating sinasabi. Karaniwan nang nagkakasakitan ng damdamin ang mga mag-asawa sa kanilang pagsisigawan. Maraming magulang ang naninigaw sa kanilang mga anak. Gayunman, hindi na tayo kailangan pang sumigaw kapag nagpapahayag ng ating niloloob. Humihimok ang Bibliya: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.” (Efeso 4:31) Sinasabi rin ng Bibliya na “ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat.”—2 Timoteo 2:24.
Mga Salitang Nakagagaling
Dahil sa laganap na ang mapang-abuso at malalaswang salita sa ngayon, ang mga Kristiyano ay dapat magkaroon ng estratehiya upang labanan ang masamang impluwensiyang ito. Naglalaan ang Bibliya ng isang mahusay na estratehiya, samakatuwid nga, ang pag-ibig sa ating kapuwa. (Mateo 7:12; Lucas 10:27) Ang tunay na pagmamalasakit at pag-ibig sa kapuwa ay mag-uudyok sa atin na palaging gumamit ng mga salitang nakagagaling. Ang sabi ng Bibliya: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.”—Efeso 4:29.
Gayundin, ang pagkikintal ng Salita ng Diyos sa ating isip ay tutulong sa atin na huwag makapagsalita nang masakit. Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Banal na Kasulatan ay makatutulong sa atin na ‘alisin ang lahat ng karumihan.’ (Santiago 1:21) Oo, nakapagpapagaling sa ating isip ang Salita ng Diyos.