Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Nagbabago ang mga Pamantayang Moral

Kung Bakit Nagbabago ang mga Pamantayang Moral

Kung Bakit Nagbabago ang mga Pamantayang Moral

“Ano ang pinakamahalaga sa buhay?”

Iyan ang itinanong sa 50,000 katao sa 60 bansa. Iniuulat ng mga nagsagawa ng surbey ng Gallup na ang pinakamadalas na sagot sa lahat halos ng bahagi ng daigdig ay ang “magkaroon ng isang maligayang buhay pampamilya” at “mabuting kalusugan.”

SA UNANG tingin, waring ang mga tao sa buong daigdig ay may iisang marangal na kalipunan ng mga pamantayang moral. Gayunman, ang situwasyon ay hindi talaga ganoon kaganda. Dati, ang mga pamantayang moral ng tao ay batay sa relihiyoso at moral na mga simulain. Subalit mabilis na nagbabago ang mga bagay-bagay. Ganito ang sabi ng mananaliksik na si Marisa Ferrari Occhionero hinggil sa Italya: “Ang mga kabataan ay nagpapamalas ng mga pamantayang moral na palayo nang palayo sa impluwensiya ng mga magulang, tradisyon at relihiyon.” Gayundin ang masasabi sa mga tao​—kapuwa bata’t matanda​—sa buong daigdig.

Ganito ang sabi ni Propesor Ronald Inglehart, tagapag-ugnay ng isang proyekto sa pananaliksik na tinatawag na World Values Survey: “Ipinakikita ng dumaraming katibayan na ang malalim-ang-pagkakaugat na mga pagbabago sa pangmalas ng daigdig ay kasalukuyang nagaganap.” Ano kaya ang dahilan ng gayong mga pagbabago? Ganito ang sabi ni Inglehart: “Nasasalamin sa mga pagbabagong ito ang mga pagbabago sa ekonomiya at sa teknolohiya.”

Halimbawa, isiniwalat sa surbey ng Gallup na sa mayayamang bansa ang pagtatrabaho ay “ibinilang na napakababa” sa listahan ng mga bagay na mahalaga sa buhay. Subalit sa papaunlad na mga bansa, pinakamahalaga ang pagkakaroon ng trabaho! Oo, kapag mahirap ang mga tao, ang inuuna nila ay ang makaraos sa araw-araw. Habang umuunlad sa kabuhayan ang mga bansa, saka lang inuuna ng mga tao ang mga bagay na gaya ng kalusugan, maligayang buhay pampamilya, at pagpapahayag ng kani-kanilang opinyon.

Dahil sa pagsulong sa teknolohiya, ang lumilitaw na mga pamantayang moral ay tiyak na may malaking epekto sa papaunlad na mga bansa. Ganito ang sabi ng magasing The Futurist: “Ang ating mga paniniwala at mga pamantayang moral ay naiimpluwensiyahan ng ating nakikita at naririnig.” Ang pamamahayag sa madla ay may malaking impluwensiya sa mga pamantayang moral ng Kanluran. Ganito ang sabi ng The Futurist: “Ang mga pamamahayag na ito ay nakaiimpluwensiya sa pangglobong lawak.”

Kaya, anu-anong mga pagbabago ang nakikita natin sa mga saloobin at paggawi? Paano nakaaapekto sa iyo at sa iyong pamilya ang nagbabagong mga pamantayang moral na ito?