Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Terorismo Ako po ay 15 taóng gulang, at pinasasalamatan ko kayo sa serye sa Oktubre 22, 2002, na isyu, “Mga Panalangin Para sa Kapayapaan—Mapatitigil ba ng mga Ito ang Terorismo?” Mula nang salakayin ang World Trade Center noong Setyembre 11, 2001, lumung-lumo po ako. Para bang isang masamang panaginip iyon. Inaasam-asam ko po ang araw na ipagsasanggalang tayong lahat ni Jesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Iyan ay talagang nakaaaliw sa atin.
A. M., Estados Unidos
Mga Zeppelin Ang artikulong “Mga Zeppelin—Kagila-gilalas na mga Higante sa Himpapawid,” sa Oktubre 22, 2002, na isyu ay talagang nakapukaw sa aking pansin dahil ipinaalaala nito ang panahon ng aking pagkabata. Ang paaralang pinapasukan ko noon ay nasa silangang baybayin ng Inglatera. Isang araw, nang ako ay sampung taóng gulang pa, dumungaw ako sa bintana at nakita ko ang isa sa malalaking sasakyang-panghimpapawid na ito na mabagal na dumaraan sa itaas. Ang buong klase ay nagtakbuhan palabas sa bakuran ng paaralan upang makita ang kagila-gilalas na tanawing ito. Iyon ay isang bagay na hindi ko malimutan, at ipinaalaala ng inyong artikulo ang pangyayaring iyon.
R. W., Inglatera
Ang aking ama ay dating piloto sa isa sa pinakamalaking sasakyang-panghimpapawid na walang patigas na kailanma’y nagawa. Dalawang beses na akong nakasakay sa mga blimp at noon pa man ay interesado na ako sa kasaysayan ng mga dirihible. Natuwa ako nang makita ko na tumpak ang pagpapakahulugan ninyo sa mga salitang “blimp,” “zeppelin,” at “dirihible,” dahil kadalasan ay mali ang pagkakagamit sa mga terminong ito.
R. P., Estados Unidos
Mga Penguin Ayaw payagan ng mister ko na mag-aral ng Bibliya ang aking mga anak na lalaki. Dahil dito, ang aking mga anak ay hindi interesado rito. Subalit dahil sa inyong nakapagtuturong mga artikulo, nagagawa ko pa ring turuan sila sa espirituwal na paraan. Pumipili ako ng mga artikulo na hindi espesipikong bumabanggit sa Bibliya o sa Diyos ngunit maaaring maging kawili-wili sa aking mga anak. Halimbawa, sineroks ko ang artikulong “Heto Na ang Parada ng Mumunting Penguin” (Oktubre 22, 2002) at inilagay ko ito sa isang maliit na polder na ginawa ko para sa kanila na tinaguriang Ang mga Kababalaghan ng Kalikasan. Ipinapanalangin ko na gagantimpalaan ni Jehova ang aking mga pagsisikap na mahikayat ang aking mga mahal sa buhay.
J. G., Pransiya
Mga Cellphone Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Kailangan Ko ba ng Cellphone?” (Oktubre 22, 2002) ay nakatulong nang malaki sa akin. Bago ko nabasa ito, hindi ako makatulog hangga’t hindi ko sinasagot ang mga mensaheng ipinadala sa akin sa pamamagitan ng text. Ngunit ngayon ay natulungan ninyo ako na makita ang mga bentaha at disbentaha ng kagamitang ito.
C. A., Pilipinas
Ang karamihan sa mga kabataan sa aming paaralan ay may mga cellphone, kaya iniisip ko pong bumili rin ng isa. Ngayong nabasa ko na ang artikulo, lubusan ko nang tatayahin ang gugugulin ko at isasaalang-alang kung talagang gagamitin ko ito nang may katalinuhan. Sa pakiramdam ko po ay inilaan ni Jehova ang artikulong ito para sa akin.
M. F., Hapon
Ginagamit ko ang aking telepono upang makipagpalitan ng E-mail sa isang batang lalaki. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa personal na mga problema, at natutuwa ako na mayroon akong napagtatapatan ng aking niloloob. Nang maglaon, huminto siya ng pagpapadala ng E-mail sa akin, at inis na inis ako. Ngunit tinulungan ako ng artikulo na maunawaan na ang pagpapadala ng E-mail sa isa’t isa ay maaaring maging isang anyo ng pagde-date. Sa palagay ko ay natanto rin ito ng lalaki. Ngayon ay ibinibigay ko lamang ang aking adres sa E-mail sa mga taong nararapat makaalam nito.
Y. M., Hapon
Panlulumo ng mga Tin-edyer Ako po ay 17 taóng gulang at talagang gustung-gusto ko ang inyong mga magasin. Minsan, nang ako ay nasa ospital, nakita ko ang isang salansan ng mga magasing Gumising! sa isang istante sa pasilyo. Natutuhan ko po na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay may pangalan—Jehova. Partikular akong nasiyahan sa mga artikulo hinggil sa “Tulong Para sa Nanlulumong mga Tin-edyer.” (Setyembre 8, 2001) Kapaki-pakinabang pong basahin ang mga ito at nakatulong ang mga ito upang ako ay magtagumpay, yamang ako ay nanlulumo nang panahong iyon. Salamat po sa kahanga-hanga at nakapagtuturong mga magasing iyon. Nagpapasalamat ako na may mga taong tulad ninyo.
G. Z., Russia