Nagbagong mga Pamantayang Moral—Nanghihinayang Ka Ba?
Nagbagong mga Pamantayang Moral—Nanghihinayang Ka Ba?
“ANO ang pinakamahalagang problema na kinakaharap ng bansa?” Nang itanong ito, sumagot ang karamihan ng mga tao sa Estados Unidos na ang pagguho ng pamilya at moral ang pinakamahalaga o isa sa pinakamahahalagang problemang ikinababahala nila. Sa bagay na ito, hindi sila nag-iisa.
Halimbawa, ganito ang sabi ng pahayagang International Herald Tribune ng Paris: “May kapansin-pansing mithiin, lalo na sa mga kabataan, para sa isang konseptong magdudulot ng pagkakaisa, isang kalipunan ng kinikilalang mga simulain na magbibigay-pansin at kokontrol sa mga puwersa ng kasakiman, ng kaimbutan, ng kawalan ng pagtutulungan, na waring nananaig sa daigdig. . . . Ang lumalaking debate na ito hinggil sa pangangailangan para sa isang pangglobong etika ay isang pag-amin na may nawawala nga.”
Sa palagay mo, nagtataglay kaya ng kinakailangang mga pamantayang moral ang mga pamahalaan at mga lider ng daigdig, pati na ang mga lider ng negosyo, na aakay sa atin sa isang mas maligaya, mas ligtas, at mas tiwasay na kinabukasan? Nanghihinayang ka ba, sa paanuman, dahil sa nagbabagong mga pamantayang moral na nakikita mo sa iyong paligid?
Maaaring ang isang bagay na lubhang ikinababahala mo ay ang iyong personal na kaligtasan. Nakatira ka ba sa isang lugar kung saan ligtas na iwan ang iyong tahanan nang walang kandado? Hindi ka ba natatakot maglakad sa mga lansangan sa inyong lugar sa gabi? Kung ikaw ay mapalad na nakatira sa isang lugar na talagang walang pagdidigmaan, etnikong kaguluhan, o nakamamatay na labanan ng mga gang, baka natatakot ka pa ring maging biktima ng karahasan, panghoholdap, panloloob sa bahay, o pagnanakaw. Mauunawaan naman na ito ay maaaring maging sanhi ng kabagabagan at panghihinayang.
Bukod pa riyan, maaaring nawala na sa iyo—sa paanuman—ang pagtitiwala sa iba na dati’y taglay mo. Marahil kapuwa sa iyong trabaho at sa iyong personal na buhay, naranasan mo na ang sumisidhing hilig ng mga indibiduwal na gawan ka ng masama kahit kaunti, basta’t ito’y para sa kanilang sariling kapakanan.
Kailangan ang Ulirang Pamahalaan
Sa buong kasaysayan, kinikilalang may malapit na kaugnayan ang personal na mga pamantayang moral na ipinakikita ng bawat miyembro ng lipunan at ang mga pamantayang moral na ipinakikita ng pamahalaan nito. Si Calvin Coolidge, na nang maglaon ay naglingkod bilang presidente ng Estados Unidos, ay nagsabi: “Ang mga tao ay bumabanggit ng tungkol sa likas na mga karapatan, subalit hinahamon ko ang sinuman na patunayan kung saan nga sa daigdig na ito umiral at kinilala ang anumang karapatan bago itatag ang opisyal na mga batas
na legal na nagsasaad at nag-iingat sa mga karapatang ito.”Sa katapus-tapusan, ang namumunong pamahalaan—paano man ito nalagay sa kapangyarihan—ang siyang makapagtataguyod o makahahadlang sa mga karapatang sibil, gaya ng kalayaan sa pamamahayag, kalayaan sa pagtitipon, kalayaan sa relihiyon, at kalayaang magsalita sa publiko, pagiging malaya sa ilegal na pag-aresto o panliligalig, at pagkakaroon ng makatarungang paglilitis.
Si Abraham Lincoln, na nang malaon ay naglingkod bilang presidente ng Estados Unidos, ay minsang nagsabi: “Ang lehitimong layunin ng pamahalaan ay gawin para sa isang pamayanan ng mga tao ang dapat sana nilang gawin, subalit hindi nila magawa, o hindi nila magawa nang husto sa ganang sarili nila—sa kanilang magkakabukod, at indibiduwal na mga kakayahan.” Kung kikilos ang mga pamahalaan upang matugunan ang gayong matatayog na layunin, malamang na magtiwala ang mga tao sa mga nasa kapangyarihan.
Gayunman, waring hinalinhan ng pagiging mapangutya at mapaghinala ang gayong kumpiyansa at pagtitiwala sa ngayon. Iniulat ng isang pagsusuri kamakailan sa Estados Unidos na 68 porsiyento ng mga tinanong ang nagsabi na ang mga etika ng mga opisyal ng pederal ay katamtaman lamang o mahina pa nga. Sa maraming bansa, ang impresyon ng mga tao tungkol sa mga opisyal ng pamahalaan ay nayanig ng mga iskandalo hinggil sa panunuhol at katiwalian sa pinakamatataas na ranggo. Kaya naman, nagbunga ito ng pagkasiphayo sa dumaraming tao.
Ang Mabuting Halimbawa ni Haring Solomon
Ipinakikita ng isang sinaunang halimbawa ang malaking epekto ng mga pamantayang moral niyaong mga namamahala. Si Haring Solomon ay naghari sa 12 tribo ng Israel mula 1037 hanggang 998 B.C.E. Ang kaniyang ama, si Haring David, ay naging isa sa namumukod-tanging mga hari ng Israel. Inilalarawan ng Bibliya si David bilang isa na umiibig sa katotohanan at katuwiran at, higit sa lahat, bilang isang taong may lubos na pagtitiwala
at kumpiyansa sa kaniyang Diyos, si Jehova. Itinuro ni David ang mga pamantayang moral ding iyon kay Solomon.Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nagpakita kay Solomon sa isang panaginip at nagsabi sa kaniya: “Humingi ka! Ano ang ibibigay ko sa iyo?” (2 Cronica 1:7) Sa halip na humingi ng maraming kayamanan, personal na kaluwalhatian, o mga tagumpay sa pulitika, ipinakita ni Solomon na pinahahalagahan niya ang mga pamantayang moral sa pamamagitan ng paghiling ng isang matalino, maunawain, at masunuring puso, upang maging mabuting tagapamahala siya sa bansang Israel.
Paano naapektuhan ng pamamahala ni Solomon ang bayan? Pinagpala siya ng Diyos ng karunungan, kaluwalhatian, at personal na kayamanan—hangga’t nananatili siyang tapat sa espirituwal na mga pamantayan ng bansa. Pinatutunayan ng mga tuklas sa arkeolohiya ang materyal na kasaganaan ng paghahari ni Solomon. Ganito ang sabi ng aklat na The Archaeology of the Land of Israel: “Ang kayamanan na dumaloy sa maharlikang sambahayan mula sa lahat ng direksiyon, at ang maunlad na negosyo . . . ay nagdulot ng mabilis at kapansin-pansing pagbabago sa lahat ng aspekto ng materyal na pag-unlad at kasaganaan.”
Oo, ang matuwid na pamahalaan ni Solomon ay nagdulot ng kapayapaan, katiwasayan, at kaligayahan sa kaniyang mga sakop. “Ang Juda at ang Israel ay patuloy na nanahanan nang tiwasay, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, sa lahat ng mga araw ni Solomon.”—1 Hari 4:20, 25.
Ang Masamang Halimbawa ni Haring Solomon
Gayunman, nakalulungkot na katulad ng mga pamantayang moral ng napakaraming lider sa ngayon, nagbago ang mga pamantayang moral ni Solomon nang bandang huli. Ganito ang mababasa sa ulat ng Bibliya: “Nagkaroon siya ng pitong daang asawa, mga prinsesa, at tatlong daang babae; at sa kalaunan ay ikiniling ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso. At nangyari, nang panahon ng pagtanda ni Solomon ay ikiniling ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso na sumunod sa ibang mga diyos; at ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal kay Jehova na kaniyang Diyos tulad ng puso ni David na kaniyang ama.”—1 Hari 11:3, 4.
Ano ang naging epekto ng nagbagong mga pamantayang moral ni Haring Solomon sa kaniyang bayan? Sa kabila ng kaniyang dakilang kakayahan at karunungan, si Solomon ay naging isang mapaniil na tagapamahala sa huling yugto ng kaniyang paghahari. Ang malalaking gastos ng kaniyang pamahalaan ay labis na nakapagpabigat sa ekonomiya ng bansa. Naging di-kontento ang mga manggagawa. Ang mga karibal sa pulitika ay nakipaglaban sa hari at hinangad na agawin ang kaniyang kapangyarihan. Lubhang nawala ang pagkakaisa ng bansa. Kaylaking kabalintunaan nga na sinulat mismo ni Solomon: “Kapag dumarami ang matuwid, ang bayan ay nagsasaya; ngunit kapag ang balakyot ang may hawak ng pamamahala, ang bayan ay nagbubuntunghininga.”—Kawikaan 29:2.
Di-nagtagal pagkamatay ni Solomon, ang pulitikal na kaguluhan at kawalang-tiwala ay humantong sa pagkakahati ng bansa at sa kasunod na panahon ng kahirapan, di-pagkakaisa, at pagsamâ ng mga kalagayan. Ang mga Israelita ay nakadama ng malaking kawalan. Binago ng kanilang pamahalaan ang mga pamantayang moral nito, anupat nakalimutan ang pinakamabuti para sa kapakanan ng bayan. Ang pangunahing pagkakamali ay na winalang-bahala ng kanilang mga lider si Jehova at ang kaniyang mga kautusan. Kaya, nagdusa ang buong bansa.
Laganap ang Kawalan ng Pagtitiwala sa Ngayon
Sa gobyerno, negosyo, at relihiyosong mga pangkat sa ngayon, hindi gaanong binibigyang-pansin ng marami ang pagpapanatili ng matataas na pamantayang moral. Ito naman ay lumikha ng pagkadama ng kawalan sa mga isipan at puso ng populasyon sa pangkalahatan. Higit at higit, hindi kayang lutasin ng mga pamahalaan at ng iba pang mga lider ang pangunahing mga problema ng kanilang mga bansa.
Halimbawa, hindi nila kayang wakasan ang digmaan o kontrolin ang tumataas na halaga ng pangangalaga sa kalusugan o ang masasamang epekto ng kalakalan ng bawal na gamot. At nariyan din ang pagkasira ng mga sistema sa edukasyon. Itinataguyod pa nga ng ilang pamahalaan ang organisadong pagsusugal. Isang napakalaking kabiguan ang maraming lider sa negosyo at relihiyon dahil sa kanilang tiwali at imoral na mga kilos. Hindi nga kataka-taka na laganap ang pagdududa sa integridad ng mga inaasahan ng mga taong mangunguna sa kanila.
Posible kaya na may isang pamahalaan na magsasanggalang at mangunguna pa nga sa pagtataguyod ng saligang mga karapatan at mga pamantayang moral ng tao? Oo, posible ito. Ipaliliwanag ng aming huling artikulo kung paano.
[Blurb sa pahina 7]
‘Ang kasakiman, kaimbutan, at kawalan ng pagtutulungan ay waring nananaig sa daigdig.’—INTERNATIONAL HERALD TRIBUNE
[Mga larawan sa pahina 8]
Noong sinunod ni Haring Solomon ang mga kautusan ng Diyos, nagbigay siya ng matataas na pamantayang moral sa kaniyang mga sakop