Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pakikinig sa Uniberso sa Australia

Pakikinig sa Uniberso sa Australia

Pakikinig sa Uniberso sa Australia

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

ISANG kangaroo ang biglang nagtaas ng kaniyang ulo, anupat itinapat ang kaniyang nakatayong mga tainga sa pinanggagalingan ng halos di-marinig na ingay. Ang tunog ay nagmumula sa isang grupo ng mga antena ng radyo-teleskopyo na unti-unting kumikilos sa riles nito. Sa tahimik na kabukiran, ang mga antena ng teleskopyo at ang hayop na ito ay kapuwa humihinto, na parang istatuwa sa katahimikan​—isang kakatwang tambalan ng kalikasan at siyensiya.

Ang mga tanawing katulad nito ay makikita malapit sa bayan ng Narrabri sa Australia sa kabukiran ng New South Wales sa Australia Telescope National Facility (ATNF). Ang grupo ng anim na pabilog na antena, na lima sa mga ito ay kumikilos at ang isa ay nakapirmi, ay nakakabit sa isang 64 na metrong pabilog na antena malapit sa bayan ng Parkes at sa isa pang 22 metrong pabilog na antena na nasa karatig na Coonabarabran. Kapag sabay-sabay na umandar ang mga pabilog na antenang ito, sila’y nagiging parang isang higanteng antena. Puwede pa nga itong mapalawak kung ikakabit sa mga teleskopyong nasa Tidbinbilla, malapit sa Canberra, at sa Hobart, Tasmania.

Ang kamangha-manghang mga instrumentong ito ay sumisipat sa gawing timog ng kalawakan​—anupat maingat na sinisiyasat ang mga lihim nito. Bakit pa kaya pinagsisikapang gawin ito? Isang brosyur ng ATNF ang nagsabi: “Ang bahagyang pag-uusisa ay umaakay sa dakilang mga tuklas.”

Pagsisiwalat sa mga Lihim ng Kalawakan

Ang teleskopyo sa Parkes ay opisyal na binuksan noong Oktubre 1961 ni Lord De L’Isle, ang gobernador-heneral noon ng Australia. Buong-kasiglahan niyang inihula: “Magiging tampulan ng pansin ng mga siyentipiko sa buong daigdig ang instrumentong ito at napakalaki ng maitutulong nito sa pagsisiwalat sa mga lihim ng kalawakan.”

Nagkatotoo nga ang pananalig na ito ng gobernador-heneral. Ang pagbubukas ng pasilidad na ito ay naging isang mahalagang kaganapan sa maituturing na bagong siyensiya ng radio astronomy. Ang aklat na Beyond Southern Skies ay nagsasabi: “Ang opisyal na pagbubukas ng teleskopyo sa Parkes . . . ay naging tanda ng isang natatanging araw para sa siyensiya sa Australia. Sampung taóng pinag-isipan ito, ginugulan ng apat na taon upang maidisenyo at dalawang taon pa uli upang maitayo.”

Sinabi sa Gumising! ni Dr. David McConnell, nangangasiwang opisyal ng Narrabri Center, na ang ATNF ang pinakamalaking ganitong pasilidad sa Timugang Hemispero, anupat idinagdag pa: “Dumarating ang mga radio astronomer mula sa maraming bahagi ng daigdig upang gamitin ang ATNF para sa makasiyensiyang pagsasaliksik at upang pag-aralan ang uniberso. Ang pambihirang lokasyon ng ATNF ay naglalaan ng napakagandang pagkakataon upang maabot ang timugang kalawakan para sa mga layuning ito.”

Nakikita ang Di-nakikita

Di-gaya ng mga optikal na teleskopyo, ang mga radyo-teleskopyo ay nagtitipon ng mga impormasyon sa anyo ng radyasyon ng radio-frequency, na binibigyang-kahulugan at inaanalisa at pagkatapos ay ginagawang mga nakikitang larawan. Mahirap na trabaho ito, yamang ang mga signal ng radyo ay pagkahina-hina.

Halimbawa, kung ang kabuuang dami ng enerhiyang natipon ng teleskopyo sa Parkes mula sa mga signal ng radyo sa nakalipas na 40 taon ay gagawing kuryente sa bahay, mapananatili nitong nakasindi ang isang 100-wat na bombilya sa loob lamang ng ikasandaang milyon ng isang segundo! Iyan ang sabi ni Rick Twardy, opisyal sa mga serbisyo ukol sa siyensiya sa ATNF sa Parkes. Kapag natipon na ang mga impormasyon, ipinadadala ito sa isang napakalaking computer na mag-uugnay sa pinagsama-samang signal na tinanggap ng mga antena. “Ang pasilidad sa Narrabri ay may computer na nakapag-uugnay ng 6,000 milyong impormasyon sa isang segundo,” ang paliwanag ni McConnell. Patuloy na pinag-uugnay ang mga resulta nito at pagkatapos ay ipinadadala sa punong-tanggapan ng ATNF sa Sydney, kung saan ginagawa itong mga larawang radio wave. Kapag ang mga larawang ito ay isinama sa mga impormasyong nakuha sa optikal na mga teleskopyo, naisisiwalat ang ilan sa kamangha-manghang mga kababalaghan ng uniberso.

Gayunman, ang mga radyo-teleskopyo ay puwede ring magsolo para sa partikular na mga proyekto ng pananaliksik. Halimbawa, ang napakahihinang signal ng radyo, gaya ng inilalabas ng mga pulsar, ay malakas na tinatanggap at pinag-uugnay ng mas malaking nagsosolong pabilog na antena, gaya niyaong isa na nasa Parkes. Sa gayon, ang teleskopyong ito ay ginamit sa pagtuklas ng mahigit sa kalahati ng lahat ng nakikilalang pulsar sa uniberso. Ginamit din ito sa pagkuha ng mga larawan ng unang paglakad sa buwan, at gumanap ito ng mahalagang papel sa misyon ng pagliligtas sa Apollo 13. Ginamit ito sa maraming iba pang pagtuklas, kasali na ang pagkatuklas sa Einstein ring at sa mga labí ng isang supernova, bilang dalawang halimbawa lamang.​—Tingnan ang kalakip na kahon.

Nag-iisa ba Tayo?

Bagaman ang pangunahing trabaho sa ATNF ay may kinalaman sa makasiyensiyang pananaliksik at pagsagot sa nakalilitong mga tanong tungkol sa uniberso, ginamit ng isang maliit na grupo ng mga mananaliksik ang ATNF upang siyasatin ang isa pang tanong: May iba pa kayang sibilisasyon sa uniberso? Ang tanong na ito ay naging laman ng isipan ng mga mananaliksik na kilala bilang mga exobiyologo. Ang terminong ito ay nagmula sa pagsasama ng salitang Griego na exo, nangangahulugang “sa labas,” at bios, nangangahulugang “buhay.”

Paano kaya magagamit ang mga radyo-teleskopyo sa pagsagot sa komplikadong tanong na ito? Naniniwala ang ilang exobiyologo na kung sakali ngang may iba pang mga sibilisasyon sa uniberso, malamang na matandang di-hamak ang mga ito kaysa sa atin at sa gayon ay marunong tungkol sa mga signal ng radyo at gagamitin ito upang makipag-ugnayan sa lupa. Umaasa ang ilang siyentipiko na may matutuklasang sibilisasyon na humigit-kumulang ay katulad ng sa atin.

Subalit marami ang hindi gaanong naniniwala. Inamin pa nga ng ilang exobiyologo na ang mga signal ng radyo na natatanggap nila, na waring nagpapahiwatig ng buhay sa uniberso, “ay napatunayang galing sa isang sibilisasyon​—ang sa atin”! Ganito ang sabi ni Dr. Ian Morison, chief operations engineer ng radyo-teleskopyo ng Jodrell Bank ng Britanya: “Noong nakalipas na 20 taon, inakala namin na may hanggang isang milyong iba pang sibilisasyon sa ating galaksi. Pero unti-unti na akong nakukumbinsi na natatangi nga ang lahi ng tao.”

Bagaman natatangi ang sibilisasyon ng tao, tayo naman ay lumilikha ng maraming suliranin para sa mga astronomo at aktuwal na humahadlang sa kanilang mga pagsisikap na matipon ang mga impormasyon mula sa uniberso. Pahirap nang pahirap ang pakikinig sa uniberso dahil sa elektronikong mga ingay na ginagawa natin.

Tumahimik Naman Kayo! Nakikinig Ako

Ang mas malalakas na radio wave, na nanggagaling sa mga tao, ay humahadlang sa likas na mga radio wave na inilalabas ng mga bituin hanggang sa punto na ‘halos nakabibingi na ang mga ito,’ ang pag-uulat ng Science News. Ang mga hadlang na ito ay nanggagaling sa mga computer, microwave oven, cellphone, telebisyon at mga brodkast sa radyo, radar ng militar, radar para sa pagkontrol ng trapiko sa himpapawid, at mga sistema ng satelayt. Kailangang ihiwalay ang kanilang mga signal doon sa mga dumarating sa atin mula sa mga galaksi sa kalawakan.

Upang hindi masyadong mahadlangan, ang mga radyo-teleskopyo sa Australia at sa iba pang bahagi ng daigdig ay inilagay sa liblib na mga lugar. Gayunman, hindi pa rin sapat ang kalayuan nito. “Nangangamba ang mga radio astronomer na baka wala na silang makitang tahimik na lugar para sa kanilang pananaliksik. . . . Baka dumating ang araw na itago na nila ang kanilang mga teleskopyo sa isang lugar na palaging tahimik: ang kabilang panig ng buwan.” Iyan ang malungkot na sabi ng isang artikulo sa Science News.

Gayunman, sa kabila ng lahat ng suliraning ito, may isinisiwalat na mga detalye ang ATNF tungkol sa isang kamangha-manghang uniberso na hindi kailanman makikita ng ating mata. Ito’y magbibigay ng pagkakataon sa ating lahat na mag-isip-isip kung gaano kaganda ang kinalalagyan ng ating lupa sa kasindak-sindak na uniberso at pupuspos sa atin ng pasasalamat sa Maylikha ng langit at lupa.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 16, 17]

ANO ANG BUMUBUO SA UNIBERSO?

Mga Galaksi

Napakalalaking bilang ng mga sistema ng bituin na pinagsasama-sama ng hila ng grabidad

[Larawan]

Larawang radio wave ng grupo ng galaksi na M81

[Credit Line]

Image courtesy of NRAO/AUI/NSF

Mga Quasar

Tulad-bituing mga bagay na maaaring siyang pinakamalalayo at pinakamaliliwanag na bagay sa uniberso

[Larawan]

Larawang radio wave ng isang quasar na anim na bilyong light-year ang layo. Inaakalang isang pagkabigat-bigat na black hole ang pinagmumulan ng enerhiya nito

[Credit Line]

Copyright Australia Telescope, CSIRO

Mga Pulsar

Mga bagay sa kalangitan na karaniwang pinaniniwalaang mga bituing neutron na nagsisiikot nang napakabibilis, at napakaregular na naglalabas ng mga bugso ng radyasyon, lalo na ng mga radio wave

[Larawan]

Sa larawan ng nakikitang liwanag na ito, pulsar ang medyo malabong bagay na nasa gitna ng Crab Nebula

[Credit Line]

Hale Observatory/NASA

Mga Nova

Mga bituing biglang lumiliwanag nang libu-libong ulit at pagkatapos ay unti-unting bumabalik sa dati nitong liwanag

Mga Supernova

Mga nova na milyun-milyong ulit na mas maliwanag kaysa sa araw

[Larawan]

Labí ng supernova: Pula ang larawang radio wave, asul ang larawang X-ray, berde ang larawan ng nakikitang liwanag

[Credit Line]

X-ray (NASA/CXC/SAO)/optical (NASA/HST)/radio (ACTA)

Mga Einstein Ring

Makapagtatago ba ang isang galaksi sa likod ng isa pa? Hindi kapag eksaktong magkatapat ang mga ito. Ang galaksi sa unahan ay nagmimistulang napakalaking lente ng grabidad at ibinabaluktot nito ang mga light o radio wave na mula sa galaksi sa likuran anupat nagiging animo’y mga singsing ng liwanag

[Credit Line]

HST/MERLIN/VLBI National Facility

[Dayagram sa pahina 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Kung paanong naipakikita ng mga larawang X-ray ang loob ng katawan ng isang tao, makatutulong ang mga larawang “radio wave” upang makita natin ang nangyayari sa uniberso

RADYO

MICROWAVE

INFRARED

NAKIKITA

ULTRAVIOLET

X RAY

GAMMA RAY

[Credit Line]

Steven Stankiewicz

[Larawan sa pahina 15]

Itaas: Ang lima sa anim na antena malapit sa Narrabri

[Credit Line]

S. Duff © CSIRO, Australia Telescope National Facility

[Larawan sa pahina 15]

Ang 64 na metrong pabilog na antena malapit sa Parkes

[Credit Line]

Photo Copyright: John Sarkissian

[Picture Credit Line sa pahina 15]

J. Masterson © CSIRO, Australia Telescope National Facility