Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Napakagandang Ibon na May Balahibong Punô ng mga Mata

Isang Napakagandang Ibon na May Balahibong Punô ng mga Mata

Isang Napakagandang Ibon na May Balahibong Punô ng mga Mata

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA INDIA

MARAHIL ay nahulaan mo batay sa pamagat na ang tinutukoy namin ay ang paboreal. Totoo, ang lalaking paboreal ay may mahahabang balahibo sa gawing buntot na tanyag sa buong daigdig. * Subalit napag-isip-isip mo na ba kung ano ang layunin ng gayon karangyang balahibo at kung ano pa ang pambihira sa nilalang na ito maliban sa kaniyang kagandahan?

Ang paboreal, na isang miyembro ng pamilyang pheasant, ay may tatlong uri. Ang tatalakayin natin dito ay ang karaniwang paboreal, o ang paboreal sa India, na pangunahin nang kulay berdeng-asul at may habang 200 hanggang 235 sentimetro, kasali na ang mahahabang balahibo sa gawing buntot na may sukat na 150 sentimetro. Ang mahahabang balahibo na ito sa gawing buntot ay kulay berde at ginto na may mga batik na nakakahawig ng mga mata na kulay asul at bronse. Ang karamihan sa mga balahibo sa katawan ay kulay makintab na berdeng-asul.

Ang paboreal, na opisyal na itinalaga bilang pambansang ibon ng India, ay walang-alinlangang may maringal na anyo. Marahil, iyan ang dahilan kung bakit ang kasabihang “mapagmapuring gaya ng paboreal” ay ginagamit sa ilang wika upang ilarawan ang mga palalong tao. Gayunman, ang ibong ito ay palakaibigan naman, di-gaya ng iminumungkahi ng anyo nito. Sa katunayan, madali itong mapaamo. Itinuturing ng ilan na sagrado ang paboreal. Dahil dito, tinitiis na lamang kung minsan ng mga magsasakang taganayon sa India ang paninira ng ibong ito sa kanilang bukirin ng mga butil.

Ang Kanilang Maringal na Pagtatanghal

Sabihin pa, ang mga paboreal ay mas kilalang-kilala sa kanilang maringal na pagtatanghal sa pamamagitan ng paglaladlad ng kanilang mahahabang balahibo sa gawing buntot upang maging animo’y kahanga-hangang pamaypay. Ano ang layunin ng mapagpasikat na pagtatanghal na ito? Lumilitaw na ito ay pawang may kaugnayan sa pagpapahanga sa mga babaing paboreal.

Ang babaing paboreal ay waring mapamili, ngunit madali siyang maakit sa mapagpasikat na pagtatanghal. Ang mahahabang balahibo sa gawing buntot ng paboreal na animo’y malapad na pamaypay, na punô ng mga matang may matitingkad na kulay, ay pumupukaw sa matamang pansin ng babaing paboreal. Waring mas pinipili niyang kapareha ang paboreal na may pinakakahanga-hangang pagtatanghal.

Subalit ang pagpapakita sa mahahabang balahibo sa gawing buntot ay isa lamang bahagi ng palabas. Sa simula ay inilaladlad ng lalaking paboreal ang mahahabang balahibo nito sa gawing buntot, anupat inihihilig ito sa bandang unahan. Pagkatapos ay sinisimulan niya ang nakatatawag-pansing pagsasayaw. Ang kulay-kastanyas na mga pakpak nito ay ibinababa niya sa kaniyang magkabilang tabi habang pinanginginig ang kaniyang katawan, anupat nagpapangyari na gumawa ng kumakaluskos na ingay ang nakatayong mga balahibo. Humuhuni rin siya nang napakalakas. Hindi maganda ang huni ng lalaking paboreal, ngunit kahit paano ay naipababatid nito sa babaing paboreal na interesado siya rito.

Paminsan-minsan, tatangkain ng babaing paboreal na gayahin ang katawa-tawang mga kilos ng lalaking paboreal, ngunit kadalasan, waring hindi siya interesado rito. Gayunman, mawawagi siya ng paboreal na may pinakamaringal na pagtatanghal. Ang lalaking paboreal ay makatitipon ng hanggang limang kapareha na babaing paboreal at magkakaanak sa mga ito ng kasindami ng 25 inakáy sa isang taon.

Ang Buhay Pampamilya ng Isang Paboreal

Pagkatapos ng panahon ng pagpaparami, panahon na upang maglugas ng mga balahibo. Sa katamtaman, kapag nasa hustong gulang na ang paboreal, ang mahahabang balahibo nito sa gawing buntot ay binubuo ng mahigit sa 200 balahibo. Dati ay tinitipon ito ng mga taganayon sa India upang iluwas sa mga lupain sa Kanluran, hanggang sa ipagbawal ang gayong pagluluwas upang ipagsanggalang ang mga paboreal. Siyempre pa, ang mga balahibo ay ginagawa pa ring mga pamaypay at iba pang kaakit-akit na mga bagay sa India.

Sa gabi, ang mga paboreal ay dahan-dahang umaakyat sa matataas na punungkahoy upang humanap ng angkop na madadapuan. Sa kinaumagahan, dahan-dahan naman silang bababa. Makalulugod sa iyong mga mata ang kagandahan ng mga nilalang na ito, ngunit huwag mong asahan na maganda rin silang umawit. Ang kanilang pumapalahaw na huni ay nakasisira sa katahimikan ng gabi hanggang sa magsimulang humanap ng makakain ang mga ibon.

Ang mga paboreal ay hindi mapamili sa pagkain​—halos lahat ay kanilang kinakain. Kasali na rito ang mga insekto, butiki, at kung minsan ay maging ang maliliit na ahas, gayundin ang mga buto, butil, lentehas, at ang malalambot na ugat ng mga pananim.

Sa kabila ng waring kapalaluan nito, ang paboreal ay maaaring maging lubhang mapagsanggalang. Palibhasa’y mabilis na makahalata ng mga panganib, tulad ng umaali-aligid na pusa, ang paboreal ay tumutugon sa pamamagitan ng pagtalilis tungo sa kagubatan habang humuhuni nang malakas upang magbabala sa nagbabantang panganib. Tinutularan naman siya ng ibang mga lalaking paboreal. Nakagugulat ang bilis ng kanilang pagtakbo, nang magkakasunod. Gayunman, hindi iiwan ng mga babaing paboreal ang kanilang mga inakáy, kahit sa harap ng pinakamatinding panganib.

Ang mahahabang balahibo sa gawing buntot ay tila hindi nakapagpapabagal sa isang paboreal, bagaman ito ay waring hindi kombinyente para sa ibon kapag lumipad na ito. Gayunman, kapag pumailanlang na ang paboreal, matulin itong lumilipad, anupat napakabilis na ipinapagaspas ang mga pakpak nito.

Kapag walong buwan na ang edad ng mga ito, handa na ang mga sisiw na iwan ang kanilang mga magulang at magsimulang mag-aruga sa kani-kanilang sarili. Ang kanilang pag-alis ay tumutulong sa ina na maghanda para sa kaniyang susunod na pagpapalaki ng mga sisiw. Ang mga inakáy na lalaki ay nagsisimulang magkaroon ng kanilang mahahabang balahibo sa gawing buntot kapag umabot na ng walong buwan ang kanilang edad, ngunit makukumpleto lamang ang kanilang mga balahibo pagsapit nila sa apat na taóng gulang. Kung magkagayon ay handa na silang magkaroon ng sarili nilang pamilya.

Ang Paboreal sa Kasaysayan

Napapalamutian ng buháy na mga paboreal ang mga hardin ng sinaunang Gresya, Roma, at India. Sa sining at palamuti, ang mga paboreal ay itinatampok sa maharlikang mga palasyo ng India sa loob ng libu-libong taon. Sa katunayan, ang Tronong Paboreal (Peacock Throne) ay itinuring na isa sa pinakamahalagang halimbawa ng kayamanan ng India. Palibhasa’y nababalutan ng napakaraming diamante, iniuulat na 108 rubi at 116 na esmeralda ang ibinaon dito. May isang gintong paboreal sa kulandong nito, at mula rito hinango ang pangalan nito. Ang trono ay pinagkakabit-kabit at inuupuan lamang sa panahon ng mahahalagang seremonyal na mga okasyon.

Ipinakikita ng kasaysayan sa Bibliya na ang mga paboreal ay kabilang sa mahahalagang angkat ni Haring Solomon. Kawili-wiling gunigunihin na magilas na naglalakad ang mga paboreal sa kaniyang maharlikang mga hardin. (1 Hari 10:22, 23) Tunay na ipinababatid sa atin ng mga ibong ito na may isang matalinong Disenyador. Kapag sumasayaw ang paboreal taglay ang nakaladlad na mahahabang balahibo nito sa gawing buntot na may matitingkad na kulay, tiyak na mauudyukan ang isa na mamangha sa artistikong mga kakayahan ni Jehova, ang Diyos na ‘lumalang sa lahat ng bagay.’​—Apocalipsis 4:11.

[Talababa]

^ par. 3 Ang mahahabang balahibo na ito sa gawing buntot ay tumutubo mula sa likod ng ibon at hindi mula sa buntot nito. Ginagamit ng paboreal ang kaniyang mga balahibo sa buntot upang iangat nang patayo ang mahahabang balahibo na ito.

[Larawan sa pahina 16]

Ang babaing paboreal ay hindi laging humahanga sa sayaw ng lalaking paboreal

[Credit Line]

© D. Cavagnaro/Visuals Unlimited

[Mga larawan sa pahina 17]

Ang mga babaing paboreal ay mabubuting ina

[Credit Line]

© 2001 Steven Holt/stockpix.com

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Paboreal: Lela Jane Tinstman/Index Stock Photography

[Picture Credit Line sa pahina 16]

John Warden/Index Stock Photography