Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Madrid—Isang Kabiserang Itinayo Para sa Isang Hari

Madrid—Isang Kabiserang Itinayo Para sa Isang Hari

Madrid​—Isang Kabiserang Itinayo Para sa Isang Hari

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

LUMITAW ang ilang kabiserang lunsod sa daigdig malapit sa mga daungan at matagal nang nagsilbing abalang mga puwerto. Ang iba naman ay nasa abalang mga bagtasan ng ilog at halos di-maiwasang maging prominente. Maraming kabisera sa Europa ang naging importanteng mga lunsod mula noong panahong Romano. Subalit ang Madrid, ang kabisera ng Espanya, ay isang eksepsiyon. Wala pang 10,000 ang naninirahan sa bayan noong 1561 nang bigla itong mapabantog.

Simple lamang ang dahilan. Si Philip II, ang hari ng Espanya at ng malaking imperyo sa ibayong-dagat, ay nagsawa na sa kalilipat niya mula sa isang palasyo sa isang lunsod ng Castile tungo sa iba pa. Yamang siya’y isang mahusay na mangangaso, gusto niyang magkaroon ng permanenteng palasyo na malapit sa paborito niyang lugar para sa pangangaso. Tamang-tama ang Madrid para sa layuning ito, at ang bayan ay may malinis na tubig na maiinom, may lugar pa para sa pagpapalawak, at matabang lupang sakahan sa malapit.

Pagkatapos makapagpasiya, pinasimulan ni Philip ang programa ng pagtatayo upang gawing isang angkop na kabisera ang Madrid. Nang maglaon ay pinaganda rin ng mga hari sa Espanya ang lunsod, anupat nakalikha sila ng isang natatanging kaugnayan sa pagitan ng Madrid at ng monarkiya. Pagsapit ng ika-17 siglo, ang Madrid ay naging pinakamalaking lunsod sa Espanya. Sa ngayon ito ay isang maunlad at modernong metropolis na may mahigit na tatlong milyon kataong naninirahan.

Dahil sa malapit na kaugnayan ng Madrid sa mga maharlika ng Espanya, ang marami sa makasaysayang mga gusali nito ay may kaugnayan sa dalawang pangunahing mga dinastiya. Ang pinakamatandang bahagi ng lunsod ay tinatawag na Madrid ng mga Austria, mula pa noong dinastiyang Austriano, o Habsburg, ng ika-16 at ika-17 siglo. Ang sumunod na mga naparagdag ay nakilala bilang ang Madrid ng mga Bourbon, ang kasalukuyang dinastiya na mula pa noong dakong huli ng 1700.

Sa paglipas ng mga siglo, itinaguyod o tinustusan ng mga hari ng Espanya ang pagtatayo ng maraming malalaking gusali sa kabisera. Ang kanilang mahahalagang koleksiyon ng mga ipinintang larawan ang siya ngayong sentro ng pambansang galerya ng sining sa Madrid. At ang malawak na ari-arian ng mga maharlika sa lugar ng Madrid ay naging pangunahing mga parke at dakong libangan ng lunsod nang maglaon.

Isang Luntiang Lunsod

Dahil sa interes ng mga maharlika sa pangangaso at mga hardin, napanatili ang malawak na luntiang taniman nang simulan ang makabagong pagpapalawak sa Madrid. Sa kabila ng mabilis na paglaki ng lunsod sa nakalipas na mga dekada, isang napakalaking bahagi ng parke ang umaabot patimog mula sa kabundukan hanggang halos sa mga pintuang-daan sa sentro ng lunsod.

Ang isa sa mga parke ng Madrid, isang lugar na dati’y doon nangangaso ang hari na tinatawag na Casa de Campo, ay malapit sa palasyo ng hari, at ito ngayon ang kinaroroonan ng isang modernong zoo. Nasa hilaga ng Madrid ang isang napakalaking lugar ng katutubong kagubatan ng mga punong ensina na kilala bilang ang burol ng El Pardo, na umaabot hanggang sampung kilometro sa sentro ng lunsod.

Itinatag ni Philip II ang mga hanggahan ng parkeng ito para sa pangangaso di-nagtagal pagkatapos niyang gawing kabisera ang Madrid. Isang tuluyan ng hari kapag nangangaso, na itinayo ng kaniyang ama, ang nakapagpapaganda pa rin sa parke. Ngayon ang lugar na ito ng kagubatan ay naging isang parkeng panrehiyon na nangangalaga sa dalawang lubhang nanganganib malipol na hayop sa Europa, ang Spanish imperial eagle at ang European black vulture.

Ang Retiro Park ay dating isang maluwang na hardin ng hari sa gitna ng Madrid, kung saan dating ipinatatanghal ng maharlikang pamilya ang mga huwego-de-toro at maging ang mga labanang pandagat. Pinayagang makapasok ang publiko sa parke noong ika-18 siglo, sa kundisyong angkop ang kanilang pananamit. Pero siyempre pa, ngayon ay hindi na gaanong istrikto sa pananamit, at dinaragsa ng mga Madrileños (mga mamamayan ng Madrid) ang popular na parkeng ito tuwing dulo ng sanlinggo. Ang palasyong kristal, na yari sa hinubog na bakal at salamin, at ang hating-bilog na kolonada na nakatunghay sa isang lawa na may mga namamangka ay dalawa lamang sa kaakit-akit na lugar nito.

Itinayo ni Charles III, isang hari noong ika-18 siglo na mahilig sa sining at siyensiya, ang Royal Botanic Gardens sa tabi ng Retiro Park. Sa nakalipas na dalawa at kalahating siglo, ang mga hardin ay pantanging iniukol para sa mga halaman ng Sentral at Timog Amerika.

Ang Avenue of Art

Dahil sa pagkabukas-palad ng mga maharlika ng Espanya, nasa Madrid din ang isa sa pinakakilalang galerya ng sining sa daigdig. Ang Prado Museum ay itinayo ayon sa utos ni Charles III, kilala sa kasaysayan bilang isang bantog na alkalde ng Madrid. Ang koleksiyon ng sining ay pangunahin nang mula sa mga monarkiya ng Espanya, na nagsimulang mangolekta ng mga gawang-sining sa loob ng mahigit na apat na siglo.

Noong ika-17 siglo, ang pintor ng palasyo na si Velásquez ay hindi lamang nagpinta ng mga obramaestra para sa kaniyang sarili kundi sinuyod din niya ang Europa upang bumili ng magagandang ipinintang larawan para sa kaniyang maharlikang patron, si Philip IV. Nang sumunod na siglo, si Francisco de Goya ang naging opisyal na pintor ng palasyo. Hindi kataka-taka, ang Prado ang nagmamay-ari ng maraming obramaestra na ipininta ng dalawang kilalang pintor na ito.

Ang dalawa pang lubos na kinikilalang may mga koleksiyon ng sining​—ang Thyssen-Bornemisza Museum at ang Centro de Arte Reina Sofía National Museum​—ay nasa iisang abenida na may mga hanay ng mga punungkahoy na gaya ng Prado. Ang magandang lansangang ito, na tinatawag na Avenue of Art, ay napapalamutian ng marami sa kilalang mga estatuwa ng Madrid.

Tulad ng maraming lunsod, naranasan ng Madrid ang mga tagumpay at kabiguan. Ang kabisera ay kinubkob sa buong panahon ng Gera Sibil ng Espanya (1936-39), at makikita pa rin ang mga tama ng bala ng labanang iyon sa monumentong arko na kilala bilang Puerta de Alcalá. Gayunpaman, sa simula pa ay gusto na ng mga tagapagtatag ng lunsod na maging isang maunlad na bayan ang Madrid kung saan maaaring magsama-sama ang mga tao.

Bukod sa iba pang bagay, itinatakda ng karta ng Madrid, mula pa noong 1202, na ang mga mamamayan ay hindi maaaring magduwelo, magdala ng mga sandatang pumuputok, o maglapastangan o mang-insulto. Inaasahan ding pananatilihin nilang malinis ang bayan, iiwasang mandaya sa kapuwa mga mamamayan, at pananatilihing makatuwiran ang mga gastos sa kasal. Kasuwato ng mga kahilingang ito, ang Madrid sa ngayon ay isang malinis na lunsod​—bagaman ang mga handaan sa kasal ay waring naging magastos! Maaaring tikman ng mga panauhin na nagnanais ng murang pagkain ang ilang karaniwang tapas, maliliit na piraso ng masasarap na pagkain na inihahain kasama ng isang malamig na inumin sa maraming restawran.

Nitong nakalipas na mga taon ang Madrid ay lubhang lumaki. Mayroon na ito ngayong isang mahusay na sistema ng transportasyon at lahat ng kinakailangang imprastraktura upang maasikaso ang milyun-milyong turista na dumadalaw taun-taon. Libu-libong Saksi ni Jehova mula sa Espanya at sa iba pang mga bansa ang dadalaw sa lunsod na ito sa Hulyo at Agosto. Binabalak ng mga Saksi na magdaos ng isang internasyonal na kombensiyon sa isa sa malalaking istadyum ng soccer sa Madrid. Sa gayon, ang marami sa dadalo ay may pagkakataong makita mismo ang kabiserang itinayo para sa isang hari.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 24, 25]

MGA PALASYONG ANGKOP PARA SA ISANG HARI

Ang Royal Palace. Marahil ang pinakakahanga-hangang gusali sa Madrid, ang palasyong ito ay nasa lugar ng isang sinaunang moog ng mga Moor kung saan unang itinayo ang Madrid. Ginagamit ito sa mahahalagang gawain ng Estado, bagaman mula noong 1931 hindi na ito ginamit bilang maharlikang tirahan. Ang maayos na mga hardin ay mula sa palasyo pababa sa ilog.

Aranjuez Palace. Ang Aranjuez ay mga 50 kilometro sa timog ng kabisera, sa gilid ng ilog ng Tagus. Dahil sa maraming punungkahoy sa paligid at sa mas katamtamang klima nito, naging paboritong lugar ito ni Philip II, na siyang nagpasimula sa pagtatayo ng palasyo. Ang palasyo at ang magagandang hardin nito ay tinapos ni Charles III noong ika-18 siglo.

El Escorial. Sinimulang itayo ni Philip II ang napakalaking pasilidad na ito ng monasteryo, aklatan, mausoleo, at palasyo pagkatapos niyang gawing kabisera ang Madrid. Sa loob ng mahigit na 20 taon ng pagtatayo, ito ang naging sentro ng imperyo ni Philip, isang napakasimpleng bakasyunan kung saan maaari siyang gumawa nang walang gumagambala. Iniingatan nito ang isa sa pinakamahahalagang koleksiyon ng mga manuskrito ng Espanya, pati na ang ilang bersiyon ng Bibliya sa wikang Kastila noong Edad Medya.

El Pardo Palace. Ang tuluyang ito ng hari kapag nangangaso ay nasa loob ng parkeng panrehiyon na karugtong ng Madrid. Itinayo ng ama ni Philip II ang orihinal na gusali, at ang panloob na patyo ay mula pa noong panahong iyon.

Sa La Granja de San Ildefonso, 80 kilometro pahilaga, naroon ang mas marangyang palasyo. Itinayo ito ni Philip V bilang pagtulad sa Palace of Versailles, kung saan niya ginugol ang kaniyang pagkasanggol. Ang marangyang mga hardin at mga fountain nito ay ibang-iba sa malawak na kagubatan ng mga pino na tumatakip sa nakapaligid na kabundukan.

[Credit Line]

Foto: Cortesía del Patrimonio Nacional, Madrid, España

[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]

ANG ILAN SA KILALANG MGA MONUMENTO SA MADRID

Plaza Mayor (1). Sa loob ng mahigit na tatlong siglo, ang liwasang ito ay nagsilbing isang pamilihan at pangunahing lugar para sa mga pangyayaring gaganapin sa publiko gaya ng mga huwego-de-toro, koronasyon, at mga pagpatay sa tinatawag na mga erehe. Inilalarawan ng isang ipinintang larawan sa Prado Museum (2) ang detalyadong tagpo sa Plaza Mayor noong malaking auto-da-fé, o paglilitis sa mga erehe sa harap ng publiko, na ginanap sa Madrid noong 1680.

Ang munisipyo ay nasa Plaza de la Villa, ang magandang sinaunang liwasan kung saan ginanap ang unang opisyal na mga pulong ng bayan. Ang liwasan ay napalilibutan ng sinaunang mga gusali at napananatili pa rin nito ang katangian ng Madrid noong ika-16 na siglo. Hindi kalayuan, makikita ng dumadalaw ang Puerta del Sol, ang pinakaabalang liwasan ng lunsod at ang pinagmumulan ng lahat ng daang nakapalibot sa Madrid na papunta sa mga lalawigan. Ang mga palatandaang iyon ang pinakamatandang bahagi ng lunsod.

Habang lumalawak ang Madrid, ang mga hari sa dinastiya ng Bourbon​—lalo na si Charles III​—ay nagtayo o nagtaguyod ng iba pang mga monumento, kadalasan ay sinusunod ang mga istilo sa arkitekto ng mga Bourbon na katutubo ng Pransiya. Ang ilang halimbawa ay ang Royal Palace, ang National Library (3), ang Municipal Museum (4), ang Fountain of Cybele (5), ang Fountain of Neptune, at ang Puerta de Alcalá (6).

[Credit Lines]

Larawan 2: MUSEO NACIONAL DEL PRADO; larawan 5 at 6: Godo-Foto