Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maulang Kagubatan—Sino ang Magliligtas sa mga Ito?

Maulang Kagubatan—Sino ang Magliligtas sa mga Ito?

Maulang Kagubatan​—Sino ang Magliligtas sa mga Ito?

SINUMANG nagnanais na lumutas sa mga problemang pumipinsala sa tropikal na kagubatan ay dapat munang gumawa ng solusyon sa mga sanhi nito. Anu-ano ba ang mga ito? Ang sanhi nito ay hindi lamang ang problema sa labis na pagdami ng populasyon ng tao. Madaling mapakakain ng matatabang rehiyon sa lupa ang mga tao sa daigdig​—kahit dumami pa sila.

Sa katunayan, nababahala ang mga gobyerno sa ilang bansa dahil sa labis-labis na ani sa mga bukirin, na nagpapabagsak sa mga presyo ng pagkain. Hinihimok ng ilang gobyerno ang mga magsasaka na gawing lugar ng libangan ang kanilang lupain, gaya ng mga lugar para sa kamping, golf course, o mga parke para sa buhay-iláng.

Kung gayon, bakit umuunti ang kagubatan sa daigdig? Dapat nating suriin ang mas malalalim na sanhi kaysa sa binanggit na natin.

Ang Pinakaugat ng mga Pagkasira ng Kagubatan

Matagal na bago pa man ang mabilis na pagdami ng populasyon sa kasalukuyan, dinambong na ng maraming gobyerno ang kagubatan dahil sa paghahangad nila ng kapangyarihan at kayamanan. Halimbawa, ang pangangailangan ng Imperyo ng Britanya ng kahoy upang makagawa ng mga barko ang sumira sa sariling taniman ng ensina ng Britanya at pagkatapos sa kagubatan ng tekla sa Burma at Thailand. Kinalbo ng imperyo ring iyon ang kagubatan ng India upang magsuplay ng gatong para sa mga pagawaan ng bakal. Ang iba pang kagubatan ay kinaingin para sa pangangailangan sa goma, kape, at taniman ng kakaw.

Gayunman, pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, naging posible na hawanin ang kagubatan sa mas malawak na paraan dahil sa mga chain saw at buldoser. Parami nang paraming maselan na kagubatan na pinagkukunan ng likas-yaman ang inabuso.

Bumili ng malalawak at matatabang lupain ang malalaking kompanya at gumamit ng de-makinang kagamitan upang makapag-ani ng mapagkakakitaang mga produkto. Palibhasa’y nawalan ng trabaho, libu-libong taganayon ang lumipat sa mga lunsod. Ang iba naman ay nahimok na lumipat sa maulang kagubatan. Tinatagurian kung minsan ang gayong mga lugar bilang “isang lupain na walang tao para sa mga taong walang lupain.” Kapag nabatid na ng mga tao na napakahirap palang magsaka sa gayong mga lugar, kadalasa’y huli na ang lahat​—ang pagkalawak-lawak at napakahabang gubat ay nawala na.

Ang katiwalian ng mga opisyal ay naging dahilan din ng pagkasira ng maraming kagubatan. Napakalaking halaga ng salapi ang kailangan para makakuha ng permit sa pagtotroso. Dahil sa suhol, ang ilang di-tapat na mga opisyal ay napag-alamang nagbigay ng maikling-panahong konsesyon sa mga kompanya na nandambong naman ng troso nang walang pakundangan sa pangangalaga.

Subalit ang pinakamalaking banta sa buhay-iláng sa kagubatan ay hindi ang pagtotroso kundi ang paggawa na maging sakahan ang kakahuyan. Kapag mataba ang lupa, sa ilang kaso ay may katuwiran namang gawin ang pagbabagong ito. Ngunit kadalasan, hindi na pinag-iisipan ng tiwali at walang-kakayahang mga opisyal ang pagbibigay ng permiso na magputol ng punungkahoy at magsaka sa kagubatan na hindi na makababawi kailanman.

Sinisira rin ng mga kriminal ang kagubatan. Palihim na nagpuputol ng mapakikinabangang mga punungkahoy ang ilegal na mga magtotroso, maging sa pambansang mga parke. Kung minsan pa nga’y doon mismo nila nilalagari sa gubat ang mga troso para gawing mga tabla​—isang pag-aaksaya at ilegal na gawain. Binabayaran ang mga tagaroon upang ilabas ang kahoy sakay ng bisikleta o kaya ay pinapasan pa nga nila ang mga ito. Pagkatapos, para maiwasan ang mga checkpoint, hinahakot ito ng mga trak na bumabagtas sa mga daan sa bundok na di-gaanong dinaraanan kapag kumagat na ang dilim.

Sa gayon, ang pagsira sa kagubatan at ang pagkawala ng buhay-iláng nito ay tiyak na hindi bunga ng pagdami ng populasyon. Kadalasang bunga ito ng maling pangangasiwa, sakim na komersiyo, krimen, at tiwaling gobyerno. Yamang iyan ang kalagayan, may pag-asa pa bang mapangalagaan ang napakalawak na pagkakasari-sari ng buhay na masusumpungan sa tropikal na maulang kagubatan?

Ano ang Pag-asa Para sa Maulang Kagubatan?

“Kakaunti lamang na tropikal na kagubatan sa daigdig ang napangangasiwaang mabuti,” ang sabi ng aklat na The Cutting Edge: Conserving Wildlife in Logged Tropical Forest. Sinabi pa nito: “Sa kasalukuyan, kakaunting kagubatan (kung mayroon man) ang matagumpay na napangangasiwaan sa kontroladong paraan.” Totoo naman na kayang gawin ang kontroladong pangangasiwa, subalit ang talagang nangyayari sa buong mundo ay mabilis na nasisira ang kagubatan.

Sinasabing ang kapansin-pansing eksemsiyon sa bagay na ito ay ang Bolivia, na napatunayan na 25 porsiyento ng tropikal na maulang gubat nito ay kontroladong napangangasiwaan. Gayunman, sa buong mundo, baka wala pang isang porsiyento ang napangangasiwaan nang kontrolado​—talagang napakaliit lamang. Walang-awang inabuso ang karamihan sa tropikal na kagubatan. Ang pagkamakasarili at kasakiman ang tunay na nag-uudyok sa gayong pagsira. Makatuwiran bang umasa na ihihinto ng mga negosyante at mga pulitiko sa daigdig ang kalakarang ito at sisimulan nilang ipagsanggalang ang di-mapapalitang pamana sa sangkatauhan?

Ganito ang konklusyon ng aklat na Forests of Hope hinggil sa dapat maging tunguhin ng sangkatauhan: “Upang tuklasin at itaguyod ang isang paraan ng pamumuhay na angkop para sa mga tao sa buong mundo, at na hindi pumipinsala sa lupa at sa likas-yaman nito.” Napakaganda ng tunguhing iyan​—subalit makatotohanan ba iyan?

Ano ba ang nilayon ng ating Maylalang para sa lupa at sa sangkatauhan? Iniutos niya sa unang mag-asawa ang ganito: “Punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Kaya talagang ipinahihintulot ng Diyos sa sangkatauhan na pakinabangan ang kaniyang mga nilikha. Subalit ang ‘pagsupil’ ay hindi nangangahulugan ng pagpapahintulot na sirain ito.

Samakatuwid ang tanong ay, Talaga bang mababago ng sangkatauhan ang paraan ng pamumuhay nito, na sasaklaw sa buong mundo, tungo sa isa na “hindi pumipinsala sa lupa at sa likas-yaman nito”? Ipinahihiwatig ng mga salitang iyon ang isang antas ng pag-ibig sa kapuwa at paggalang sa mga nilalang ng Diyos na bihira sa daigdig sa ngayon. Parang pananaginip nang gising ang umasa na paiiralin at itataguyod ng mga lider ng sangkatauhan ang gayong paraan ng pamumuhay.

Magkagayunman, inihuhula ng Salita ng Diyos ang panahon kapag ang lupa ay mapupuno ng mga taong umiibig sa kapuwa nila at sa kanilang Maylalang. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isaias 11:9; Awit 37:29; Mateo 5:5) Pansinin na dahil sa nakilala nila at iniibig si Jehova, ang Dakilang Maylalang, kung kaya iniiwasan ng bayan ng Diyos na gumawa ng anumang ‘pananakit’ o dahilan ng ‘paninira.’ Walang alinlangan na iiwasan ng gayong mga tao ang pagsira sa lupa.

Hindi ito isang panaginip lamang. Maging sa ngayon, tinitipon ni Jehova ang taimtim na mga tao at tinuturuan sila. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, natutuhan ng milyun-milyon sa buong lupa ang isang paraan ng pamumuhay na salig sa mapagsakripisyong pag-ibig para sa iba. (Juan 13:34; 1 Juan 4:21) Ang babasahing ito, lakip na ang kasama nito, Ang Bantayan, ay inilalathala upang tulungan ang mga tao na higit pang matutuhan ang tungkol sa paraan ng pamumuhay na iyon at kung paano ito ikinakapit. Hinihimok ka naming patuloy na matuto. Wala nang kaalaman ang mas kapaki-pakinabang pa kaysa rito.

[Mga larawan sa pahina 10]

Pangangasiwaan ng tao ang magandang lupa sa halip na sisirain ito