Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nangingisda ang mga Lobo
Sa loob ng maraming taon, inakala na ang kinakain lamang ng lobo ay yaong mga hayop sa katihan na gaya ng usa. Gayunman, ayon sa Vancouver Sun ng Canada, ang mga lobo na naninirahan sa maulang kagubatan sa kahabaan ng gitnang baybayin ng British Columbia ay napansing kumakain din ng mga tahong, halaan, taliptip, at maging salmon—“kasindami ng 20 sa isang oras.” Patagô silang nagbabantay sa isda, at pagkatapos “sa isang mabilis at nakamamatay na galaw, lumulukso at sumusunggab ang mga ito sa tubig,” anupat 4 na ulit silang nakahuhuli sa bawat 10. Subalit nagtataka ang mga mananaliksik kung bakit ulo lamang ng salmon ang kinakain ng mga lobo. Sinasabi ng mananaliksik na si Chris Darimont na baka nasa ulo ang mas nagugustuhan nitong sustansiya o baka may nakapipinsalang mga parasito ang katawan ng salmon. “Ang mga lobong ito ay patuloy na nakalilito sa amin. Pinag-iisip ako nito kung ilan pang mga hiwaga mayroon sa maulang gubat,” ang sabi ni Darimont.
Sinanay Upang Maging mga Batang Maniniil
“Ang mga bata ang naghahari-harian sa ating mga tahanan!” sabi ng lingguhang babasahin na Wprost sa Poland. “Karaniwan nang sila ang ibinibili natin ng mamahaling mga damit, kosmetik, at makabagong mga gadyet. Sa mga pamilyang may mababa at katamtamang kita, hanggang 80 porsiyento ng badyet ng pamilya ay ginugugol sa mga tin-edyer.” Nagkokomento hinggil sa pananaliksik na isinagawa ni Małgorzata Rymkiewicz ng Warsaw University for Parents, binabanggit ng ulat ang ilang sintomas ng mapaniil na paggawi ng mga bata. Halimbawa, sa halip na maging mapagpasalamat sa kanilang mga magulang, “mas marami silang hinihingi, hindi sila maligaya sa nakukuha nila, mga agresibo, [at] walang konsiderasyon sa iba.” Ganito ang sabi ni Rymkiewicz: “Napakalaki ng pagkakamali natin sa pagpapalaki ng bata, anupat pinapayagan nating gawin kahit ng maliliit na bata ang anumang maibigan nila.” Ang Polish Association of Psychologist ay sumasang-ayon, na sinasabi: “Ang mga limitasyong kinikilala ng isang tin-edyer ay depende sa mga hangganang ipinatupad sa kaniya nang siya ay isa hanggang apat na taóng gulang. . . . Kung pagbibigyan natin ang bawat pagtutol at kapusukan ng mga tin-edyer, nagpapalaki tayo ng mga maniniil.”
Mga Ahensiya na Sumisira sa Pag-aasawa
Ang ilang di-maliligayang mag-asawa sa Hapon ay nagbabayad sa mga ahensiya upang wakasan ang kanilang pag-aasawa, sabi ng isang ulat sa pahayagang IHT Asahi Shimbun ng Tokyo. Kung gustong hiwalayan ng lalaki ang kaniyang asawang babae subalit wala siyang saligan para sa diborsiyo, maaari siyang magbayad sa isang ahensiya na ‘tagawasak ng tahanan’ na nagpapadala naman ng isang guwapong lalaki na “di-sinasadyang” makikilala ang asawang babae ng kliyente at makikipagrelasyon sa babae. Sa kalaunan, papayag nang makipagdiborsiyo ang asawang babae. Kapag nagawa na ang kaniyang misyon, iiwan ng inupahang mangingibig ang asawang babae. Kung ibig namang hiwalayan ng babae ang kaniyang asawang lalaki, magpapadala naman ang ahensiya ng isang kaakit-akit na babae upang hikayatin ang lalaki na mangalunya. Ayon sa isang 24-anyos na babae, ang mga lalaking nilalapitan niya ay “halos hindi tumatanggi. Masasabi kong 85 hanggang 90 porsiyento ang tsansa kong magtagumpay [sa bawat pagkakataon].” Sinisesante ng presidente ng isang ahensiya ang mga empleado na hindi makaakit nang 3 beses sa 5, ang sabi ng pahayagan. “Kailangan nilang magtagumpay,” aniya. “Negosyo ito.”
Mga Batang Lansangan—Bakit?
“Ang karahasan sa pamilya ang pangunahing dahilan kung bakit lumalayas sa bahay ang mga bata at mga tin-edyer at namumuhay sa mga lansangan,” ang sabi ng pahayagang O Estado de S. Paulo ng Brazil. Isinisiwalat ng isang surbey kamakailan sa 1,000 batang lansangan na kinukupkop ng Foundation for Children and Adolescents sa Rio de Janeiro na 39 na porsiyento ang nakaranas ng pagmamaltrato o nakasaksi ng mga awayan sa tahanan. “Ang mga batang ito ay naghahanap ng dignidad at nangangarap na makikita nila ito sa mga lansangan,” sabi ng sosyologong si Leni Schmitz. Isinisiwalat ng pagsusuri na 34 na porsiyento ng mga bata ang namumuhay sa mga lansangan upang maghanapbuhay o magpalimos, ginawa iyon ng 10 porsiyento dahil sa pagkasangkot sa droga, at 14 na porsiyento ang basta nagsabi na gusto nilang gawin iyon. Ayon sa mga mananaliksik, kadalasang ikinukubli ng huling dahilan ang iba pang mga dahilan, gaya ng seksuwal na pang-aabuso sa loob ng bahay. Halos 71 porsiyento ang namumuhay na kasama ng iba pang mga batang lansangan, na lumilikha ng “kanilang sariling pamilya, anupat itinuturing ang ibang mga batang lansangan bilang mga kapatid, tiyo, ama, o ina,” ang sabi ni Schmitz.
Ipinagpapalit ng mga Misyonero si Kristo sa Pagkakawanggawa
“Napapabayaan ng maraming misyonero si Jesus.” Gayon ang sinipi kamakailan sa pahayagang La Stampa sa Italya. Sa halip na mangaral hinggil kay Kristo, iniulat na inuuna ng mga misyonerong iyon ang mga programang panlipunan na nilayon upang ibsan ang karalitaan at paghihirap. Ayon sa isang Web site ng Vatican City, ganito ang sabi ni kardinal Crescenzio Sepe, prepekto ng Vatican Congregation for the Evangelization of Peoples, hinggil sa mga misyonerong Katoliko: “Ang malaking tukso sa nakalipas na mga dekada . . . ay ang pabayaan ang maliwanag na paghahayag hinggil kay Kristo at ang lawak ng naaabot ng espirituwal na misyong ad gentes [sa mga tao]. Ito ang dahilan kung bakit ibinabaling ng ilang misyonero ang kanilang gawain sa pagkakawanggawa na kulang sa espirituwalidad, isang uri ng gawaing panlipunan na bagaman kapaki-pakinabang ay hindi nakakatulad ng pangmalas ng mga apostol na maliwanag na ipinakikita sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa ng mga Apostol.”
Higit Pang Panganib sa Tabako
“Ang mga babaing humihitit ng mga tatlong sigarilyo sa isang araw ay maaaring dalawang ulit na nanganganib magkasakit sa puso at mamatay nang maaga,” ang ulat ng The Daily Telegraph ng London. Sa kauna-unahang pagkakataon, isinisiwalat ng 20-taóng pagsusuri sa 12,000 lalaki’t babaing taga-Denmark na mapanganib ang paninigarilyo ng kahit ilang sigarilyo lamang sa isang araw. Higit ding nanganganib ang kalusugan maging ng mga naninigarilyong hindi lumalanghap ng usok nito. Si Amanda Sandford, tagapagsalita para sa Action on Smoking and Health, ay nagsabi na dahil sa mga katotohanang isiniwalat ng pagsusuring ito, “dapat na lubusang ihinto ng mga naninigarilyo ang paninigarilyo.” Sa isa pang pagsusuri, na iniulat sa The Times ng London, nasumpungan ng mga doktor sa University of Athens School of Medicine sa Gresya na 47 porsiyento ang tsansang magkasakit sa puso ang mga lalaking hindi naninigarilyo, at 56 na porsiyento sa mga babae bunga ng palaging pagkalantad sa usok ng sigarilyo na ibinubuga ng iba sa loob lamang ng 30 minuto sa isang araw (tinatayang katumbas ng paghitit ng isang sigarilyo).
Mga Dalampasigan Para Lamang sa mga Seal na Nanganganib Malipol
Mula noong 1996 ang monk seal sa Mediteraneo ay kabilang sa sampung lubhang nanganganib na hayop sa daigdig, ang ulat ng International Union for Conservation of Nature and Natural Resources. Mga 400 hanggang 600 seal na ito ang nabubuhay pa sa likas na tirahan nito. Umuunti ang kanilang bilang kapag sila ay tinatarget ng mga mangangaso at di-sinasadyang napapatay ng mga mangingisda. Nang maglaon, winasak ang kanilang tirahan dahil sa turismo at pag-unlad, ang paliwanag ng pahayagang El País sa Espanya. Kaya, ang mga seal ay nanganlong sa mga kuweba. Subalit ang mga kuweba ay nagiging mga bitag ng kamatayan para sa maliliit na seal kapag sumasalpok ang alon sa panahong may bagyo. Nagtutulungan ngayon ang mga pamahalaan ng Espanya at Mauritania upang lumikha ng isang protektadong lugar sa dalampasigan na malapit sa mga kuweba at mga dalisdis sa Cabo Blanco sa Baybaying Atlantiko sa Kanlurang Sahara. Ang dakong ito ay tirahan ng 150 monk seal, ang pinakamalaking grupo. Maliwanag na mababawasan ang pakikialam ng mga tao.
Perang Plastik
Noong Oktubre 2002, ang Mexico ay napabilang sa mga bansang gumagamit ng perang gawa sa plastik. Unti-unti, ang perang papel ay napapalitan ng mga perang plastik. Ayon sa pahayagang El Universal, ang perang plastik ay ginagamit na sa Australia, Brazil, New Zealand, at Romania. Utang natin sa mga Tsino ang paggamit ng perang papel, subalit ang mga taga-Australia ang gumawa ng polymer na ginamit sa paggawa ng bagong mga pera, ang ulat ng pahayagan. Ang mga perang plastik ay may ilang bentaha. Bukod sa pagiging mas malinis, ang mga ito ay “tumatagal nang apat na ulit kaysa sa mga perang papel, at mas matibay, . . . at mas mahirap palsipikahin, at maaaring iresiklo kapag hindi na ito magagamit.”