Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Tour de France—100 Taon ng Sukdulang Pagsubok sa mga Siklista

Ang Tour de France—100 Taon ng Sukdulang Pagsubok sa mga Siklista

Ang Tour de France​—100 Taon ng Sukdulang Pagsubok sa mga Siklista

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PRANSIYA

NOONG Nobyembre 1902, nag-iisip ng ideya si Henri Desgrange, direktor ng pang-isport na pahayagang L’Auto, para talunin ang kalabang pahayagan na Le Vélo. “Ano kaya kung magsaayos tayo ng karera ng bisikleta sa buong Pransiya?” ang iminungkahi ni Géo Lefèvre, isang kabataang peryodista na kawani ng L’Auto. Ang ideya ay waring di-makatotohanan noong una, subalit hindi nagtagal ay nagkatotoo ito. Noong Hulyo 1, 1903, sa ganap na alas-3:16 n.h., 60 propesyonal at baguhang siklista ang umalis mula sa Paris para bagtasin ang mga daan ng kauna-unahang Tour de France na tatagal nang tatlong linggo sa layong 2,428 kilometro. *

“Mga Alipin ng Lansangan”

Agad na napabantog sa publiko ang karera. Dumagsa ang napakaraming tao sa buong Pransiya para makita ang “mga alipin ng lansangan,” gaya ng tawag sa mga ito ng Pranses na reporter na si Albert Londres, at para sumuporta sa kanila. Hindi pagmamalabis na sabihing makaluma ang karera ng bisikleta noong unang mga taon ng Tour​—simpleng kagamitan, lubak-lubak na mga lansangan, pagkalalayong distansiya ng mga lap sa karera, at pagbibisikleta sa gabi.

Palibhasa’y hindi pinahihintulutang tumanggap ng anumang teknikal na tulong, maliban sa itinakdang mga lugar, kailangang kumpunihin mismo ng mga siklista ang nasira nilang bisikleta na 20 kilo ang bigat. Halimbawa, noong 1913 at 1919, dalawang beses na kailangang kumpunihin ng kaawa-awang si Eugène Christophe ang nasirang tinidor ng kaniyang bisikleta sa isang talyer sa nayon!

Mga Pagbabago at ang Pagsubaybay ng Media

Upang mapanatili ang interes sa karera, taun-taon ay kailangang gumawa ng mga pagbabago sa karera ang mga organisador. Kalakip sa mga pagbabago ang mas marami at mas maiikling distansiya ng mga lap ng karera, mas maiikling paglilikuang daan sa kalapit na mga bansa, pambansang mga koponan o mga koponang dala ang pangalan ng komersiyal na mga kompanya, paligsahan ng mga indibiduwal at mga koponan sa pagkuha ng pinakamabilis na oras, at pag-uunahang makarating sa finish line sa Champs-Élysées, sa Paris. Isang mahalagang pangyayari ang naganap noong 1919, nang igawad ang isang espesyal na jersey (isang uri ng hapit na kasuutang pang-itaas) na kakulay ng dilaw na mga pahina ng L’Auto​—ang nilulunggating maillot jaune, o dilaw na jersey​—sa nangungunang siklista bawat araw. Noong 1931, upang matustusan ang karera, bumuo si Desgrange ng komboy ng mga sasakyang susubaybay sa paligsahan na mauuna nang isang oras sa mga siklista at magbibigay-buhay sa daraanan.

Lumaki ang benta ng L’Auto​—na tinatawag ngayong L’Équipe. Noong 1903, agad na naubos ang 130,000 kopya ng espesyal na edisyon​—na inilathala pitong minuto pagdating ni Maurice Garin, ang nagwagi sa kauna-unahang Tour de France. Sa ngayon, dahil sa napapanood na ito sa telebisyon sa mahigit na 150 bansa, ang Tour de France ang ikatlo sa mga isport sa daigdig na lubhang sinusubaybayan ng media, kasunod ng Olympic Games at Soccer World Cup. Upang ilarawan ang pagkaakit sa karera, itinigil ng mga mambabatas na Kastila noong 1987 ang kanilang debate upang subaybayan ang pagwawagi ng kanilang kababayang si Pedro Delgado sa isang lap ng karera sa bundok ng Alpe d’Huez na may napakahirap na 21 kurbadang may hugis U!

Paggapi sa Kabundukan

Noong una, ang Tour ay pangunahin nang ginaganap sa kapatagan. Pagkatapos, noong Hunyo 1910, si Alphonse Steinès, isang peryodista ng L’Auto, ay nagpadala ng telegrama kay Desgrange mula sa Pyrenees na nagsasabing madali naman daw bagtasin ang mga daan sa kabundukan. Hindi gayon katotoo ang sinabi ni Steinès. Buong magdamag siyang naligaw sa mayelong lugar na may taas na 2,200 metro! Subalit nang sumunod na buwan, tinanggap ng pinakamalulusog na siklista ang hamon. Binagtas ng Pranses na si Gustave Garrigou, bagaman hindi siya ang unang dumating, ang Tourmalet Pass sa Pyrenees nang hindi humihinto. Sapol noon ay isinali na sa ruta ng Tour ang ibang mga daanan sa kabundukan ng Alps at Pyrenees.

Sa palusong na mga lugar, napakabilis ng pagbaba ng mga siklista na umaabot sa 100 kilometro bawat oras, at madalas na may nahuhulog. Noong 1951, ang Olandes na si Wim Van Est, suot ang dilaw na jersey, ay nahulog sa bangin na 50 metro ang lalim at iniahon sa pamamagitan ng goma ng interyor ng bisikleta na ginawang parang lubid. Mas kalunus-lunos ang sinapit ng iba. Noong 1935 ang Kastilang si Francisco Cepeda ay namatay pagkatapos mahulog sa Galibier Pass, sa kabundukan ng Alps. Noong 1995, ang Italyanong si Fabio Casartelli ay namatay dahil nahulog siya mula sa 17-porsiyentong pagkakahilig ng bundok Portet d’Aspet, sa Pyrenees.

Labanan sa Tugatog

Noong 1964, ang dalawang Pranses na sina Jacques Anquetil at Raymond Poulidor ay mahigpit na naglaban sa pag-akyat sa Puy-de-Dôme, sa kabundukan ng Auvergne. Si Poulidor, na madalas pumangalawa sa mga nagwawagi, ang nanalo sa labanan subalit nahuli lamang siya nang ilang segundo para makuha ang dilaw na jersey.

Noong 1971, ang taga-Belgium na si Eddy Merckx at ang Kastilang si Luis Ocaña ay mahigpit na nag-unahan sa karera. Nang pababa na siya sa Mente Pass sa Pyrenees noong Hulyo 12, nahulog si Ocaña. Palibhasa’y sugatán, hindi na naipagpatuloy ng Kastila ang karera. Bilang pagpaparangal sa kaniyang kalaban, hiniling ni Merckx na hindi isuot ang dilaw na jersey sa kaniyang pag-uwi kinabukasan.

Nagkaroon ng mga tagpo na kinakitaan ng pagkamaginoo sa isport sa mga lap ng karera sa kabundukan. Halimbawa, nang umaakyat ang mga siklista sa Izoard sa kabundukan ng Alps noong 1949, pansamantala munang isinaisantabi ng Italyanong magkaribal na sina Gino Bartali at Fausto Coppi ang kanilang pagkapoot sa isa’t isa para magtulungan.

Isang Isport ng Koponan

Nakatutuwang pagmasdan ang nagsosolong mga siklista na pagkalayu-layo na ang narating. Ang isa sa gayong kaakit-akit na pangyayari ay nang makalamang sa layong 140 kilometro noong 1951 ang Swiso na si Hugo Koblet, sa lap ng Brive-Agen. Subalit kadalasan nang nakakamit ang tagumpay dahil sa sama-samang pagsisikap ng isang koponan. Karaniwan nang may 20 propesyonal na koponan na may tig-sisiyam na siklista. Lubusang nakikipagtulungan ang mga miyembro ng koponan sa kanilang lider, anupat laging handang sumuporta sa kaniya kung sakaling manghina siya, masiraan ng bisikleta, o mahulog.

Ang isang mainam na halimbawa ng espiritu ng sama-samang pagtutulungan na ito ay yaong makikita sa 20-taóng-gulang na siklistang Pranses na si René Vietto noong 1934. Bagaman napakalaki ng tsansa niyang manalo sa isang lap, hindi siya nagdalawang-isip na balikan si Antonin Magne, ang lider ng kaniyang koponan na nasiraan ng bisikleta, upang ibigay ang bisikleta niya at ipatulóy ang karera kay Antonin.

Mga Bantog na Nagwagi

Talagang kahanga-hanga ang magwagi nang ilang beses sa Tour. Hanggang sa kasalukuyan, apat na siklista pa lamang ang nanalo nang limang beses: sina Jacques Anquetil (Pransiya, 1957, 1961-64), Eddy Merckx (Belgium, 1969-​72, 1974), Bernard Hinault (Pransiya, 1978-​79, 1981-​82, 1985), at Miguel Indurain (Espanya, 1991-​95). Subalit sino ang nakaaalam kung ilang ulit sanang nanalo ang taga-Belgium na si Philippe Thys (nagwagi noong 1913, 1914, 1920), kung hindi nga lamang nahinto ang kompetensiya dahil sa unang digmaang pandaigdig, na noong panahong iyon ay ilang dating kampeon ang namatay na?

Para sa marami, ang pinakamahusay na siklista ay si Eddy Merckx, na binansagang The Cannibal. Taglay ang rekord ng panalo sa 34 na lap, siya ang nanguna sa lahat ng larangan​—paligsahan sa bilis ng oras, pagsibad sa pasimula ng karera, paglusong sa kabundukan, at sa mga lap sa kapatagan at kabundukan. “Wala na siyang itinira sa amin,” ang reklamo ng mga kalaban niyang natalo. Itinuring ng iba si Fausto Coppi, na dalawang beses na naging kampeon, bilang ang pinakapropesyonal at pinakamabikas sa lahat ng siklista.

Gagawin ang Lahat Para Manalo

Laging nakatutukso ang mandaya sa Tour. Ang unang apat na siklista sa karera noong 1904 ay tinanggal sa paligsahan dahil dumaan sila sa maikling ruta na hindi awtorisado o sumakay sila ng kotse, bukod pa sa ibang mga dahilan.

Sa lahat ng uri ng pandaraya, ang pagdodroga ay nananatiling salot sa karera ng bisikleta. Noong unang mga taon nito, binigyan ng di-kilalang inumin ang ilang siklista, at noong 1920, naglathala ng isang artikulo ang L’Auto na bumatikos sa pagdodroga na may pahintulot ng mga doktor. Noong 1924, inamin ng magkapatid na Pélissier na sila’y “sumama sa karera na kargado ng dinamita,” sa ibang salita, gumamit sila ng droga. Sa paglipas ng mga dekada, isinisi sa droga ang ilang pinaghihinalaang aksidente, gaya ng masaklap na pagkamatay ng siklistang Britano na si Tom Simpson samantalang umaakyat sa Mont Ventoux noong 1967.

Noong 1998, naging ulong-balita ang palasak na paggamit ng droga na may pahintulot ng mga doktor. Natuklasan sa kotse ng masahista ng isang koponan ang mga 400 dosis ng mga drogang pampalakas, kasali na ang erythropoietin. Isang koponan ang tinanggal sa paligsahan, at ang pangalawa naman ay umatras. Ang iskandalo noong nakaraang taon ang sumira sa reputasyon ng koponan na pumangatlo sa mga nakatapos sa buong karera. Ayon sa direktor ng Tour de France na si Jean-Marie Leblanc, na sumulat sa paunang salita ng akda na 100 ans de Tour de France (100 Taon ng Tour de France) bilang paggunita sa isport, na inilathala ng L’Équipe, “ang pagdodroga, ang labis na pagpapalayo sa karera, at salapi” ay nagbabanta sa pananatili ng Tour.

Sa kabila ng mga problema, hindi kailanman naglaho ang init at sigasig ng mga manlalaro sa karera. Ganito ang sinabi ng taga-Texas na si Lance Armstrong, apat na beses na nagwagi at inaasahang mananalo sa karera ng sentenaryo sa 2003, ang karera na pangunahin nang babagtas sa ruta noong 1903: Ang Tour “ay may pangalan, isang kasaysayan, at isang istilo na hindi kailanman mapapantayan ng iba pang mga karera. Hindi ito magiging isang pangkaraniwang karera lamang, anuman ang mangyari.” Ang pangarap ng lahat ng propesyonal na siklista ay manalo sa Tour de France.

[Talababa]

^ par. 3 Ang karaniwang distansiyang sinasaklaw ng Tour sa ngayon ay mga 3,600 kilometro na binubuo ng mga lap na tumatagal nang 20 araw.

[Dayagram/Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang ruta ng karera ng sentenaryo Hulyo 5-27, 2003

–– Paligsahan sa Bilis ng Oras

​——​ Isinasakay ang mga siklista sa pagitan ng mga lap

• Lugar ng pasimula

○ Lugar na hihintuan

• PARIS

-- ​——​

○ Sedan

-- ​——​

○ Saint-Dizier

-- ​——​

○• Nevers

--

○• Lyons

--

○ L’Alpe d’Huez

--

○ Marseilles

​——​

• Narbonne

--

○• Toulouse

-- ​——​

○ Cap’ Découverte

-- ​——​

○ Bayonne

-- ​——​

○• Bordeaux

-- ​——​

○ Nantes

​——​

• Ville d’Avray

--

○ PARIS

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Mga larawan sa pahina 22]

1903 Si Maurice Garin ang kauna-unahang nagwagi sa Tour de France

1927 Huminto sa kanilang trabaho ang mga manggagawa sa pabrika para manood

[Credit Line]

100 ans de Tour de France, L’Équipe, 2002 © L’Équipe/Presse Sports

[Larawan sa pahina 23]

1910 Si Octave Lapize na may nakapulupot na reserbang mga goma ng interyor ng gulong sa kaniyang leeg at nagtutulak ng kaniyang bisikleta sa Pyrenees

[Credit Line]

100 ans de Tour de France, L’Équipe, 2002 © L’Équipe/Presse Sports

[Mga larawan sa pahina 24]

1951 Ang Italyanong si Fausto Coppi ay dalawang beses na naging kampeon

1964 Sina Anquetil at Poulidor sa isang mahigpit na labanan

[Credit Line]

100 ans de Tour de France, L’Équipe, 2002 © L’Équipe/Presse Sports

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

1991-95 Si Miguel Indurain (Espanya) na nakasuot ng dilaw na “jersey” ay nagwagi nang limang beses sa Tour de France

1999 Si Lance Armstrong sa isang paligsahan sa bilis ng oras

[Credit Line]

100 ans de Tour de France, L’Équipe, 2002 © L’Équipe/Presse Sports