Bakit ba Napakaraming Mararahas na Krimen sa Ngayon?
Bakit ba Napakaraming Mararahas na Krimen sa Ngayon?
MASAMA ang lahat ng krimen. Ngunit ang walang-kapararakan o walang-kabuluhang mga krimen ay mas mahirap maunawaan. Ang katotohanan na karaniwan nang wala itong maliwanag na motibo ay nakalilito sa mga imbestigador. Palibhasa’y lalong nagiging mahusay ang mga paraan ng komunikasyon nitong nagdaang mga taon, ang gayong kakila-kilabot na mga krimen ay nababalitaan agad ng milyun-milyon, o bilyun-bilyon pa nga, sa loob ng ilang oras. Sinasabi ng isang ulat na inilathala ng World Health Organization na “lahat ng kontinente, bansa at halos lahat ng komunidad ay apektado ng karahasan.”
Maging ang mga lugar na masasabing ligtas sa nakalipas na mga taon ay nakaranas kamakailan ng mas maraming walang-saysay na mga gawa ng karahasan. Halimbawa, matagal nang mababa ang bilang ng mararahas na krimen sa Hapon. Gayunman, sa Ikeda, noong Hunyo 2001, pinasok ng isang lalaking may dalang panadtad ng karne ang isang paaralan at nagsimulang manaksak at managa ng mga tao. Sa loob ng 15 minuto, nakapatay siya ng 8 bata at nakasugat ng 15 iba pa. Kapag isinama ito sa iba pang mga ulat mula sa Hapon, kagaya niyaong pagpatay ng mga kabataan sa ganap na mga estranghero dahil sa katuwaan lamang, nagiging mas maliwanag sa isa na nagbago na ang mga bagay-bagay.
Maging sa mga bansang mataas ang bilang ng krimen, kinasuklaman ng madla ang ilang walang-saysay na mga gawa. Totoo ito pagkatapos ng Setyembre 11, 2001, na pagsalakay sa World Trade Center sa New York. Ganito ang komento ng sikologong si Gerard Bailes: “Lubusan nitong binago ang daigdig tungo sa isang di-pamilyar at mapanganib na lugar kung saan hindi na natin mahuhulaan kung ano ang mangyayari.”
Bakit Nila Ito Ginagawa?
Walang iisang salik ang makapagpapaliwanag sa lahat ng gawa ng walang-saysay na karahasan. Nagiging mas mahirap maunawaan ang ilang krimen dahil sa di-makatuwirang katangian nito. Halimbawa, mahirap maunawaan kung bakit pupuntahan ng isang tao ang ganap na mga estranghero at pagsasaksakin sila hanggang sa mamatay o kung bakit ang isa ay magmamaneho sa harap ng isang bahay at mamamaril na lamang ng kung sinu-sino.
Inaangkin ng ilan na likas sa mga tao ang maging marahas. Ikinakatuwiran naman ng iba na ang walang-saysay na mga krimen ay hindi maipaliliwanag bilang isang di-maiiwasang bahagi ng kalikasan ng tao.—Tingnan ang kahong “Nakatalagang Maging Marahas?”
Naniniwala ang maraming eksperto na maraming salik at mga kalagayan ang nag-uudyok sa mga tao na gumawa ng di-makatuwiran at
mararahas na gawa. Isang ulat na inilathala ng FBI (Federal Bureau of Investigation) Academy sa Estados Unidos ang nagsabi pa nga ng ganito: “Ang pagpaslang ay hindi gawa ng isang matinong indibiduwal.” Hindi sumasang-ayon ang ilang awtoridad sa mga pananalitang iyan. Magkagayunman, marami ang sumasang-ayon sa ipinahihiwatig nito. May dahilan kung bakit hindi normal ang pag-iisip ng mga gumagawa ng gayong walang-saysay na mga krimen. May nakaaapekto sa kanilang pangangatuwiran hanggang sa punto na gawin nila ang waring di-lubos maisip na gagawin ng isa. Anong mga salik ang nag-uudyok sa mga tao na gumawa ng gayong mga bagay? Tingnan natin ang ilang posibilidad na binanggit ng mga eksperto.Pagkawasak ng Buhay Pampamilya
Tinanong ng isang manunulat ng Gumising! si Marianito Panganiban, tagapagsalita ng Pambansang Kawanihan ng Pagsisiyasat (National Bureau of Investigation) sa Pilipinas, hinggil sa pinagmulan ng mga gumagawa ng lubhang karima-rimarim na mga krimen. Sinabi niya: “Nanggaling sila sa wasak na mga pamilya. Kulang sila sa pagkalinga at pag-ibig. Nasira ang pagkatao nila sa diwa na wala silang patnubay at pagkatapos ay naligaw ang kanilang landas.” Ipinahihiwatig ng maraming mananaliksik na ang di-magandang ugnayang pampamilya at mararahas na kapaligiran sa pamilya ay karaniwan sa agresibong mga kriminal.
Ang U.S. National Center for the Analysis of Violent Crime ay nagpalabas ng ulat na nagtatala sa mga salik na naglalarawan sa mga kabataang maaaring gumawa ng nakamamatay na karahasan sa paaralan. Kasali ang sumusunod na mga salik sa pamilya: magulong ugnayan sa pagitan ng anak at magulang, mga magulang na hindi kayang alamin ang mga suliranin ng kanilang mga anak, kawalan ng matalik na ugnayan, mga magulang na hindi gaanong pinagbabawalan ang kanilang anak o hindi nagtatakda ng limitasyon sa paggawi ng anak, at mga anak na labis-labis na malihim, anupat may dobleng pamumuhay at sa gayon ay itinatago ang isang bahagi ng kanilang buhay sa kanilang mga magulang.
Sa ngayon, maraming bata ang biktima ng pagkawasak ng pamilya. Ang iba naman ay may mga magulang na halos walang panahon para sa kanila. Libu-libo sa mga kabataan ang lumaking kulang sa moral at pampamilyang patnubay. Nadarama ng ilang eksperto na ang gayong kapaligiran ay maaaring maging sanhi ng kawalang-kakayahan ng mga bata na maglinang ng matalik na pakikipag-ugnayan sa iba, sa gayo’y nagiging madali sa kanila na gumawa ng krimen laban sa kanilang mga kapuwa tao, na karaniwan nang hindi nagsisisi.
Mga Grupong Nagtataguyod ng Pagkapoot at mga Kulto
Ipinahihiwatig ng ebidensiya na ang ilang grupong nagtataguyod ng pagkapoot o mga kulto ay may malakas na impluwensiya sa paggawa ng ilang krimen. Sa Indiana, E.U.A., isang 19-na-taóng-gulang na itim na lalaki ang naglalakad pauwi galing sa isang shopping mall. Pagkalipas ng ilang sandali, nakabulagta na siya sa tabi ng lansangan na
may tama ng bala sa kaniyang utak. Nakursunadahan siya ng isang kabataang lalaki at binaril siya nito. Bakit? Ang pumatay diumano ay nagnanais na maging miyembro ng isang organisasyong naniniwala na nakahihigit ang mga puti, at upang makakuha ng isang tatong bahay-gagamba, dapat siyang pumatay ng isang itim.Ang pagsalakay sa subwey sa Tokyo noong 1995 na ginamitan ng nerve gas; ang lansakang pagpapatiwakal sa Jonestown, Guyana; at ang pagkamatay ng 69 na miyembro ng Order of the Solar Temple sa Switzerland, Canada, at Pransiya ay udyok lahat ng mga kulto. Ipinakikita ng mga halimbawang ito ang malakas na impluwensiya ng ilang grupo sa isipan ng ilang tao. Napakilos ng karismatikong mga lider ang mga tao na gawin ang “di-lubos maisip” na mga bagay sa pagsasabing may pakinabang daw sa paggawa ng gayon.
Ang Mass Media at ang Karahasan
Binabanggit ng ilan ang ebidensiya na maaaring pinasisigla ng iba’t ibang anyo ng makabagong komunikasyon ang agresibong paggawi. Ang regular na pagkahantad sa karahasang ipinakikita sa telebisyon, mga pelikula, video game, at sa Internet ay sinasabing nagpapamanhid sa budhi at nagpapasigla sa paggawa ng mararahas na krimen. Ganito ang sabi ni Dr. Daniel Borenstein, presidente ng American Psychiatric Association: “Sa panahong ito, may mahigit na 1,000 pagsusuri salig sa mahigit na 30 taon ng pagsasaliksik ang nagpapakitang may kaugnayan ang karahasang ipinakikita ng media at ang agresibong paggawi ng ilang bata.” Nagpatotoo si Dr. Borenstein sa harap ng isang komite ng Senado ng Estados Unidos: “Kumbinsido kami na ang paulit-ulit na pagkahantad sa marahas na libangan sa lahat ng uri nito ay may masamang epekto sa kalusugan ng madla.”—Tingnan ang kahong “Karahasan sa mga Laro sa Computer—Pangmalas ng Isang Doktor.”
Karaniwan nang sinisipi ang espesipikong mga kaso upang ipakitang totoo ito. Sa kaso ng taong bumaril at walang-awang pumaslang sa mag-asawang nagmamasid sa pagsikat ng araw sa baybayin, na binanggit sa naunang artikulo, iniharap ng mga tagausig ang ebidensiya na ang pagpatay na iyon dahil sa katuwaan ay udyok ng paulit-ulit na panonood ng isang marahas na pelikula. Sa barilan naman sa isang paaralan kung saan 15 katao ang namatay, ang dalawang estudyanteng namaril ay sinasabing gumugol ng maraming oras araw-araw sa paglalaro ng mararahas na video game. Karagdagan pa, paulit-ulit silang nanonood ng mga pelikulang lumuluwalhati sa karahasan at pagpatay.
Droga
Sa Estados Unidos, ang bilang ng mga pagpatay na ginawa ng mga tin-edyer ay naging triple sa loob
ng walong taon. Ano ang isang salik na sinasabi ng mga awtoridad? Mga gang, partikular na ang mga gang na nasasangkot sa crack cocaine. Sa mahigit na 500 pagpaslang kamakailan sa Los Angeles, California, “sinabi ng pulisya na 75 porsiyento ang nauugnay sa mga gang.”Ganito ang sabi ng isang ulat na inilathala ng FBI Academy: “Masusumpungan ang droga sa napakaraming kaso ng pagpaslang.” Ang ilang tao na napilipit ang pag-iisip dahil sa droga ay pumapatay kapag nasa ilalim ng impluwensiya nito. Karahasan ang ginagamit ng iba para ipaglaban ang kanilang pagbebenta ng droga. Maliwanag, ang droga ay isang napakalaking salik sa pag-impluwensiya sa mga tao na gumawa ng kahila-hilakbot na mga bagay.
Madaling Makakuha ng Mapangwasak na mga Sandata
Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, binaril ng iisang lalaki ang 35 katao sa Tasmania, Australia. Sugatán naman ang 19 na iba pa. Ang lalaki ay armado ng tulad-sa-militar na semiautomatic na mga armas. Dahil dito, marami ang naghinuha na ang pagiging madaling makakuha ng gayong mga armas ay isa pang salik sa pagdami ng mararahas na krimen.
Ipinakikita ng isang ulat na sa Hapon ay mayroon lamang 32 pinaslang sa pamamagitan ng baril noong 1995, na ang karamihan dito’y miyembro ng iba’t ibang gang na nagpatayan sa isa’t isa. Sa kabaligtaran, sa Estados Unidos naman ay may mahigit sa 15,000 ang pinaslang sa pamamagitan ng baril. Bakit malaki ang pagkakaiba? Ang mahigpit na mga batas ng Hapon sa pagmamay-ari ng baril ang binanggit ng ilan na isang dahilan.
Kawalang-Kakayahan ng mga Tao na Harapin ang mga Problema
Kapag may nabalitaang ilang karima-rimarim na mga gawa, baka ganito ang maging reaksiyon ng ilan, ‘Talagang baliw ang taong iyon!’ Gayunman, hindi lahat ng indibiduwal na gumagawa ng gayong mga krimen ay may diperensiya sa isip. Subalit marami ang nahihirapang harapin ang buhay. Binabanggit ng mga eksperto ang mga depekto sa personalidad na maaaring umakay sa kahila-hilakbot na mga gawa. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod: mga limitasyon sa kakayahang matuto at makitungo sa iba; negatibong mga epekto ng pisikal o seksuwal
na pag-abuso; mga katangiang laban sa lipunan; pagkapoot sa isang grupo, tulad ng pagkapoot sa mga babae; kawalan ng pagsisisi kapag nakagawa ng mali; at paghahangad na kontrolin ang iba.Anuman ang kanilang problema, ang ilan ay lubhang nadaraig ng kanilang suliranin anupat nag-iiba ang takbo ng kanilang pag-iisip, at maaari itong mag-udyok sa kanila na gumawa ng kakaibang mga bagay. Ang isang halimbawa ay ang nars na may di-normal na paghahangad sa atensiyon. Tinurukan niya ang maliliit na bata ng pampamanhid ng kalamnan na nagpahinto sa kanilang paghinga. Pagkatapos ay tuwang-tuwa siya sa atensiyong ibinigay sa kaniya habang “inililigtas” niya ang bawat bata. Nakalulungkot, hindi niya natulungan ang lahat na muling makahinga. Nahatulan siya sa salang pagpaslang.
Maliwanag mula sa nabanggit sa itaas na ang kombinasyon ng mga salik ang nag-uudyok sa mga tao na gumawa ng mararahas na krimen. Gayunman, hindi magiging kumpleto ang ating listahan kung hindi natin isasaalang-alang ang isa pang napakahalagang salik.
Ang Sagot ng Bibliya
Tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan kung ano ang nangyayari sa ngayon at kung bakit kumikilos ang mga tao sa gayong kahila-hilakbot na mga paraan. May-katumpakang inilalarawan nito ang mga saloobing karaniwan nating nakikita. Halimbawa, ang listahang masusumpungan sa 2 Timoteo 3:3, 4 ay nagsasabi na ang mga tao ay ‘mawawalan ng likas na pagmamahal’ at sila ay ‘mawawalan ng pagpipigil sa sarili, magiging mabangis, mawawalan ng pag-ibig sa kabutihan,’ at magiging “matigas ang ulo.” Sa isa pang aklat ng Bibliya, sinipi si Jesus sa pagsasabing: “Ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.”—Mateo 24:12.
Ganito ang sabi ng Bibliya: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Oo, ang nakikita natin ay patotoo na tayo’y nabubuhay sa kawakasan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Ang mga kalagayan, lakip ang saloobin ng mga tao, ay patuloy na lumalala. Makaaasa ba tayo ng kagyat na solusyon? Sumasagot ang Bibliya: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama.”—2 Timoteo 3:13.
Nangangahulugan ba ito na ang sangkatauhan ay nakatalaga na sa isang walang-katapusang siklo ng mabalasik na karahasan at lumalalang krimen? Suriin natin ang tanong na iyan sa ating susunod na artikulo.
[Kahon sa pahina 6]
NAKATALAGANG MAGING MARAHAS?
Ikinakatuwiran ng ilan na ang hilig sa karahasan o pagpatay ay likas sa mga tao simula’t sapol. Pinanghahawakan ng mga tagapagtaguyod ng ebolusyon na tayo ay nagmula sa mababangis na hayop at namana lamang natin ang mararahas na katangian ng mga ito. Ang gayong mga teoriya ay nagpapahiwatig na nakatalaga tayo sa isang walang-katapusang siklo ng karahasan kung saan wala nang pag-asang makatakas.
Gayunman, maraming ebidensiya ang sumasalungat dito. Hindi ipinaliliwanag ng mga teoriyang binanggit sa itaas kung bakit sa iba’t ibang kultura ay may napakalaking pagkakaiba sa dalas at uri ng karahasan. Hindi nito sinasabi kung bakit sa ilang kultura, ang karahasan ay waring pangkaraniwan lamang samantalang sa ibang lipunan naman ay napakakaunti ang iniuulat na karahasan, anupat halos walang naiulat na mga pagpaslang. Inilantad ng psychoanalyst na si Erich Fromm ang mga mali sa teoriya na minana raw natin ang pagiging agresibo mula sa mga unggoy, sa pamamagitan ng pagbanggit na bagaman ang ilan sa mga ito ay mararahas bilang resulta ng pagsapat sa pisikal na pangangailangan o pagsasanggalang sa sarili, mga tao lamang ang kilalá na pumapatay para sa katuwaan.
Sa kanilang aklat na The Will to Kill—Making Sense of Senseless Murder, sinabi nina Propesor James Alan Fox at Jack Levin: “Mas nakahilig ang ilang indibiduwal sa karahasan kaysa sa iba, gayunman may kalayaan pa ring magpasiya. Bagaman may impluwensiya ang maraming panloob at panlabas na mga puwersa, kalakip pa rin sa pasiyang pumatay ang pagpili at pagdedesisyon ng tao, kung kaya naririyan ang pananagutan at pagiging maysala.”
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
KARAHASAN SA MGA LARO SA COMPUTER—PANGMALAS NG ISANG DOKTOR
Nagpahayag si Dr. Richard F. Corlin, dating presidente ng American Medical Association, sa isang grupo ng magtatapos na mga doktor sa Philadelphia, Pennsylvania, E.U.A. Binanggit niya rito ang tungkol sa mga laro sa computer na nagpapasigla ng karahasan. Ang ilan sa mga larong ito ay nagbibigay ng mga puntos kapag nasugatan mo ang kalaban, mas malaki pang puntos kapag nabaril mo ito sa katawan, at mas marami pang puntos kapag nabaril mo ito sa ulo. Sumisirit ang dugo, at sumasambulat ang utak sa iskrin.
Nagkomento si Dr. Corlin na ang mga bata ay hindi pinahihintulutang magmaneho, uminom ng inuming de-alkohol, at manigarilyo kapag sila’y napakabata pa. Pagkatapos ay sinabi niya: “Ngunit hinahayaan natin silang masanay na maging mga mamamaril sa edad na hindi pa nila nakokontrol ang kanilang mga simbuyo at wala pa silang pagkamaygulang at disiplina upang ligtas na magamit ang mga sandatang pinaglalaruan nila. . . . Kailangan nating turuan ang ating mga anak mula pa sa pasimula na ang karahasan ay may mga epekto—malulubhang epekto—sa lahat ng panahon.”
Nakalulungkot, sa halip na maturuan na may masamang resulta ang krimen, madalas na ang mga bata ay nagiging mga inosenteng biktima ng mararahas na krimen. Ipinakikita ng mga estadistika na ang barilan sa Estados Unidos ay pumapatay ng sampung bata bawat araw. Sinabi ni Dr. Corlin: “Nangunguna ang Estados Unidos sa daigdig—na may pinakamataas na bilang ng mga batang namamatay sa mga armas.” Ang kaniyang konklusyon? “Ang karahasang nauugnay sa baril ay panganib sa kalusugan ng madla sa ating bansa. Ito ay isang katotohanan.”
[Kahon sa pahina 9]
MGA SALIK SA PAGGAWA NG MARARAHAS NA KRIMEN
Ipinapalagay ng maraming eksperto na ang mga sumusunod ay maaaring sanhi ng walang-saysay na mga krimen:
Pagkawasak ng pamilya
Mga grupong nagtataguyod ng pagkapoot, mga panatiko
Mapanganib na mga kulto
Karahasan sa libangan
Pagkalantad sa aktuwal na karahasan
Pag-abuso sa droga
Kawalang-kakayahang harapin ang mga problema
Pagiging madaling makakuha ng mapangwasak na mga sandata
Ilang uri ng sakit sa isip
[Larawan sa pahina 8]
Isa sa limang pambobomba ang pumatay ng di-kukulangin sa 12 at mahigit sa 80 iba pa ang nasugatan sa Quezon City, Pilipinas
[Credit Line]
AP Photo/Aaron Favila Disyembre 30, 2000
[Larawan sa pahina 8]
Pinatay ng dalawang estudyante ang isang guro, 12 estudyante, at ang kanilang sarili sa Columbine High School, Colorado, E.U.A.
[Credit Line]
AP Photo/Jefferson County Sheriff’s Department Abril 20, 1999
[Larawan sa pahina 9]
Isang pagsalakay gamit ang isang sasakyang may bomba na pumatay ng di-kukulangin sa 182 at 132 naman ang sugatán sa isang “nightclub” sa Bali, Indonesia
[Credit Line]
Maldonado Roberto/GAMMA Oktubre 12, 2002