Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Barcelona—Isang Museo na Nasa Labas na Punô ng Kulay at Disenyo

Barcelona—Isang Museo na Nasa Labas na Punô ng Kulay at Disenyo

Barcelona​—Isang Museo na Nasa Labas na Punô ng Kulay at Disenyo

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

GUNIGUNIHIN mo sandali na ikaw ay naglalakad sa isang napakalawak na galerya ng sining. Makikita mong nakadispley ang napakaraming gawang-sining na agad umagaw ng iyong pansin at pumukaw ng iyong imahinasyon. Saan mo man ipaling ang iyong tingin, maaakit ang iyong mga mata sa walang-katapusang pagkakasari-sari ng makapigil-hininga at pambihirang mga hugis, anyo, at mga kulay. Subalit ang kamangha-manghang koleksiyon na ito ng sining ay hindi matatagpuan sa loob ng isang gusali o palasyo. Ang napakalaking museo ng sining na ito na nasa labas ay ang lunsod ng Barcelona​—at ang lubhang kapansin-pansin ay ang Quadrat d’Or * (Ginintuang Purok). Ang nakadispley na mga gawang-sining ay hindi ipinintang mga larawan o eskultura kundi mga gusali mismo. At ipinakikita nito sa mga bisita ang di-pangkaraniwang pagkakasari-sari ng disenyo at dekorasyon.

Palibhasa’y nasa hilagang-silangan ng Baybayin ng Mediteraneo ng Espanya, na 160 kilometro lamang ang layo sa gawing timog ng hanggahan ng Pransiya, ang Barcelona marahil ang lunsod sa Espanya na nakahahawig nang husto sa mga lunsod sa Europa. Sa nakalipas na daan-daang taon, nakilala ito sa bagong arkitektural na mga disenyo at masining na istilo.

Sa kabila ng pana-panahong pangungubkob ng mga Romano, Visigoth, Moro, at mga Franco, naging maunlad na sentro ng kalakalan ang Barcelona. Pagsapit ng ika-14 na siglo, ito ang naging pinakamahalagang lunsod ng mga pagawaan at Mediteraneong daungan ng Espanya. Ang Gotiko na mga gusali at katedral, na kitang-kita sa ngayon sa pinakasentro ng lunsod, ay itinayo noong siglong iyon. Ang karingalan ng arkitekturang Gotiko (1), na ginamitan ng magarbo at masalimuot na mga paraan ng pagtatayo, ay nagpapatunay sa kayamanan at kasaganaang tinamasa ng Barcelona nang panahong iyon.

Subalit noong ika-16 na siglo, nabaling ang pansin ng Espanya sa Kanluran, yamang mas malaki ang pakinabang sa pakikipagnegosyo sa kaniyang mga kolonya. Subalit sa pag-unlad ng industriya noong ika-19 na siglo, ang Barcelona ay naging kabisera ng Espanya sa industriya ng tela, at muling nanagana ang lunsod.

Nabuhay Muli ang Bagong Lunsod

Ang mabilis na pag-unlad ng ika-19 na siglo ay nagpanhik ng kayamanan at nagdulot ng mga problema sa lunsod. Mabilis na dumami ang populasyon ng Barcelona noong ikalawang kalahatian ng siglong iyan, subalit hindi pa rin napalawak ang lunsod. Kailangang lutasin ang problema ng labis na pagsisiksikan sa lunsod. Ang civil engineer na si Ildefons Cerdà ang inatasang gumawa ng plano sa pagpapaunlad ng lugar sa paligid at pagpapalawak sa lunsod.

Ang plano ni Cerdà, na ginawa noong 1859, ay tinawag na L’Eixample, o ang pagpapalawak, at ito ngayon ang pangalan ng sentral na distrito ng lunsod. Ayon sa kaniyang plano, mag-aanyong crisscross grid ang mga lansangang may nakahanay na mga punungkahoy at kuwadradong mga bloke ng gusali​—na halos eksaktung-eksakto ang simetriya. Babangon ang isang di-malilimot at mas malusog na Barcelona.

Napakabilis umunlad ng lunsod ayon sa plano ni Cerdà. Kakaibang-kakaiba ang pagkakadisenyo ng bawat bloke ng mga gusali, anupat binibigyan ng pagkakataon na mapagmasdan ng mga bisita sa ngayon ang kabigha-bighani, sari-sari, at pagkagagandang disenyo ng mga gusali. Bahagi rin ng plano ang kaakit-akit na mga abenida. Itinuring ni Robert Hughes, sa kaniyang aklat na Barcelona, ang L’Eixample na ‘isa sa pinakamagagandang lugar sa mga lunsod sa Europa dahil sa arkitektura nito.’

Dahil sa patuloy na pag-unlad ng Barcelona kung kaya ito ang lunsod na pinagdausan ng Universal Exposition noong 1888. Ang Arc de Triomf (2) (Arko ng Tagumpay), na malapit sa sentro ng lunsod, ay itinayo bilang pag-alaala sa mahalagang pangyayaring ito. Subalit ipinakikita rin ng di-pangkaraniwang monumentong ito ang pasimula ng masining na gawa na nagpangyaring maging kakaiba ang Barcelona sa iba pang mga lunsod sa daigdig.

Bagong Sining Upang Maging Makulay ang Lunsod

Sa pasimula ng ika-20 siglo, ang Art Nouveau​—isang mapalamuting istilo ng sining na batay sa likas na mga hugis​—ay lumaganap sa buong Europa at Estados Unidos. * May pera naman ang Barcelona para mamuhunan, isang panlunsod na plano na nakahanda para sa mga gusali upang pagandahin ang lunsod, at mapanlikhang mga arkitekto na sabik mag-eksperimento. Kaya, ang Art Nouveau ay nagbigay sa lunsod ng kakaibang hitsura nito. Si Antoni Gaudí (1852-1926) ang nagpasimula ng bagong anyong ito ng sining, at mababakas ang kaniyang impluwensiya sa tanawin sa lunsod ng Barcelona.

Ang karamihan sa pinakamagagandang halimbawa ng gawa ni Gaudí, na ang ilan sa mga ito ay napatala sa mga gusali na kabilang sa World Heritage, ay matatagpuan sa Barcelona. Ang Casa Milà (3), o La Pedrera, na matatagpuan sa Passeig de Gràcia malapit sa sentro ng lunsod, ay isang magandang halimbawa. Walang masusumpungang deretsong mga dingding sa istraktura. Ang alun-alon na patsada ng gusali ay mukhang inukit sa batong-buhangin. Ang mga halang ng pundidong bakal na nakakatulad ng kumpul-kumpol na mga dahon at kambron ang palamuti sa labas. Sa loob naman ay makikita ang halos lahat ng maiisip na hugis sa nakakurbang mga kisame at haligi.

Ang isa pang napakahusay na halimbawa ng dalubhasang gawa ni Gaudí ay ang Casa Batlló (4), na masusumpungan din sa Passeig de Gràcia. Mula 1904 hanggang 1906, binago ni Gaudí ang gusali na pag-aari ni Josep Batlló i Casanovas, isang mayamang industriyalista. Nagdisenyo ang arkitekto ng isang bahay na waring nakabatay sa isang guniguning daigdig. Nakakahawig ng gulugod ng isang dinosauro ang alun-alon na bubong, at gaya naman ng mga kaliskis ng isda ang mga baldosa. Kailangan mong makita ang gusali para maniwala ka.

Marahil ang di-tapos na obramaestra ni Gaudí, ang simbahan ng Sagrada Familia (5), ang pinakanatatanging halimbawa ng kaniyang pagiging mapanlikha. Ang apat na tore na nasa hilagang patsada ay parang mumunting alon ng pinatigas na pagkit na umaagos sa tabi ng apat na nagtataasang kandila. Palibhasa’y mas mataas kaysa sa nakapalibot na mga gusali, ang pagkatataas na toreng ito ang naging internasyonal na sagisag ng Barcelona.

Ang isa pa ring kahanga-hanga ay ang Parc Güell (6), ang parke na dinisenyo ni Gaudí na masusumpungan sa isang burol sa bandang kanluran ng lunsod. Ang pilipit na mga eskultura at mga haligi, mga mosaikong may sari-saring kulay, at di-pangkaraniwang mga gusali at tsiminea ay litaw na litaw mula sa napakagagandang halamanan na nakapalibot sa mga ito. Ang isa pang may napakaraming hugis at kulay ay ang Palau de la Música Catalana (7) (Palasyo ng Musika) na dinisenyo ng kontemporaryo ni Gaudí na si Domènech i Montaner.

Sa Pagitan ng mga Bundok at ng Dagat

Ang kinaroroonan ng Barcelona, gayundin ang arkitektural na pamana nito, ay nagbibigay sa lunsod ng kakaibang katangian. Napalilibutan ng mga bundok ng Collserola ang lunsod sa gawing kanluran at ang Dagat Mediteraneo naman ay nagsilbing hangganan nito sa gawing silangan. Malaki ang nagawa ng dagat sa kasaganaan ng Barcelona na nagsilbing pangunahing daungan ng Espanya para sa kalakalan. Hindi nga kataka-taka, matatagpuan malapit sa daungan ang estatuwa ni Christopher Columbus (8) na nakaturo sa dagat.

Ang pagsasanggalang ng mga bundok at dagat ay nagbibigay rin sa lunsod ng katamtamang klima na angkop na angkop para sa mga gawain sa labas. Sa buong taon, ang mga lansangan ay punung-puno ng mga tao simula umaga hanggang sa paglalim ng gabi. Halos nasa lahat ng kanto ang mga café at restawran sa lansangan, anupat tinutukso ang mga nagdaraan sa amoy ng bagong giling na kape o na tumikim ng mga pagkain doon. Ang mga palengke, gaya ng kilaláng Boquería na nasa abenida na tinatawag na La Rambla kung saan may nakahanay na mga punungkahoy, ay nagtitinda ng halos lahat ng prutas, gulay, o isda na iyong maiisip.

Gayunman, hindi kumpleto ang pagdalaw sa Barcelona kung hindi mo pupuntahan ang Montjuïc, isang matarik na burol na paahon malapit sa dagat. Makikita ng mga bisita rito ang mga museo, galerya ng sining, at kahanga-hangang mga tanawin ng lunsod at ng Dagat Mediteraneo. Matatagpuan din sa Montjuïc ang malalaking pasilidad na ginamit sa 1992 Olympic Games. Nagpaplano ang mga Saksi ni Jehova na pumasyal sa Barcelona para sa isang internasyonal na kombensiyon mula Hulyo 31 hanggang Agosto 3. Kakailanganin sa okasyong ito ang malaking istadyum ng soccer na Camp Nou para magkasya ang lahat ng delegado.

Bagaman may mga problema ang Barcelona, gaya ng karamihan sa malalaking lunsod, karaniwan nang nasisiyahan ang mga bisita sa Mediteraneong katangian nito. Ito man ay dahil sa mga tindahan ng bulaklak at mga café ng La Rambla, sa makikipot na lansangan at maringal na Gothic Quarter, o sa kaakit-akit na arkitektura ng lunsod, ang Barcelona ay naglalaan ng isang museo na nasa labas na punô ng kulay at disenyo na hindi malilimutan ng marami.

[Mga talababa]

^ par. 3 Ang pangalang ito ay sa wikang Catalan, ang opisyal na wika sa Barcelona at sa karatig na rehiyon ng Catalonia. Ito ay isang wikang Romanse na malapit sa Kastila at Pranses. Ang karamihan ng mga tao sa lunsod ay nagsasalita kapuwa ng Kastila at Catalan.

^ par. 13 Kilala sa Espanya ang istilong ito ng sining bilang Modernismo.

[Mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Barcelona

Madrid

Seville

[Larawan sa pahina 16]

Mga singawan ng hangin at mga tsiminea sa Casa Milà

[Credit Line]

Godo-Foto

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Mga larawan sa itaas: Godo-Foto

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Sandra Baker/Index Stock Photography

Godo-Foto