Mararahas na Krimen—Ano ba ang Nangyayari?
Mararahas na Krimen—Ano ba ang Nangyayari?
NAGLALAKAD-LAKAD sina Frank at Gabriella sa baybayin ng Oregon, E.U.A., nang madaling araw, habang pinagmamasdan nila ang pagsikat ng araw. Wala silang kamalay-malay sa mangyayari sa kanila. Pagkalipas ng ilang minuto, pareho na silang patay, na kapuwa binaril sa ulo nang malapitan. Dahil ba ito sa paghihiganti? O baka naman inggit? Hindi. Binigyang-kasiyahan ng bumaril, na isang estranghero, ang isang pantasya—nais lamang niyang malaman kung ano ang pakiramdam ng makapatay ng tao.
“Noong Linggo, ika-28 ng Abril 1996, nakilala si Martin Bryant sa daigdig ng Kanluran nang magpakasaya siya. Habang namamasyal siya sa Port Arthur, Tasmania, at pinagbababaril ang bawat taong masalubong niya, nakadama siya ng malaking kasiyahan at kapangyarihan.” (A Study of Our Decline, ni Philip Atkinson) Pinatay rin niya ang 35 katao!
Isang 65-taóng-gulang na retirado sa Canada ang lumabas upang magbisikleta nang madaling araw. Habang nagbibisikleta, binangga siya sa likod ng isang drayber na pinabayaan siyang mamatay. Nakaladkad ang bisikleta niya sa layong humigit-kumulang 700 metro sa daan. Noong una, inakala na ito’y isang aksidente lamang kung saan tumakas ang nakabundol, ngunit ipinahiwatig ng karagdagang imbestigasyon na ang lalaki ay binundol ng isang nagmamaneho ng nakaw na kotse, na lumabas upang magpakasaya lamang. Lumilitaw na ang pagbundol sa siklista ay bahagi ng “katuwaan.”
Isang Naiibang Uri ng Krimen?
Matagal nang umiiral ang krimen, ngunit ang mga uring binanggit sa itaas ay nag-uudyok sa mga tao na bumulalas: “Bakit? Paano makaiisip ang sinuman na gumawa ng gayong bagay?” Bagaman ang pangkaraniwang mga krimen, kagaya ng pagnanakaw o pandaraya, ay hindi gaanong pinapansin ng marami, may uri ng krimen na nakakakuha ng pansin ng media at nag-uudyok sa mga tao na sabihin sa kanilang sarili, ‘Walang kakuwenta-kuwenta ito! Ano ba ang nangyayari sa daigdig na ito?’
Ang mga krimeng ito ay naiiba. Kadalasan nang nakagigitla at mabalasik ang mga ito. Gaya ng mga halimbawa sa itaas, karaniwan nang ginagawa ito sa mga inosenteng tao na walang kaalam-alam sa kung sino ang mga gumawa nito. Isa pa, madalas na waring walang maliwanag na motibo sa mararahas na krimeng ito. Walang katapusan ang talaan ng walang kapararakang mga gawang ito.
Noong Abril 1999 sa Colorado, E.U.A., dalawang estudyante ang pumatay ng 12 estudyante at isang guro bago sila nagpakamatay sa isang barilan sa paaralan. Namatay ang isang lalaki sa
California noong 1982 pagkatapos uminom ng gamot na nabibili nang walang reseta dahil may naglagay rito ng strychnine. Noong 1993, dalawang sampung-taóng-gulang na batang lalaki ang humikayat sa dalawang-taóng-gulang na si James Bulger na lumabas sa shopping mall sa Bootle, Merseyside, Inglatera, kung saan ang ina nito ay nasa bilihan ng karne. Dinala nila si James sa riles ng tren at hinataw ito hanggang sa mamatay.Ang ilang gawa ay maaaring uriin bilang terorismo, gaya ng panlalason sa subwey sa Tokyo noong 1995. Nagulat ang Hapon nang magpasabog ng nakalalasong gas sa isang subwey sa Tokyo ang mga miyembro ng isang kulto, anupat 12 katao ang namatay at libu-libo naman ang napinsala. Iilan lamang ang makalilimot sa pagkawasak ng World Trade Center sa New York at sa pagsalakay sa Pentagon, sa Washington D.C., na kumitil ng mga 3,000 buhay, at ang pagbomba sa Bali, Indonesia, noong nakaraang taon na kumitil ng halos 200 buhay.
Maliwanag na ang gayong mararahas na krimen ay nagiging napakalaganap. Ang problema ay pandaigdig, na nakaaapekto sa maraming bansa at uri ng tao.
Sa ilang kaso, wari bang ang mga gumagawa nito ay nagkokompetensiya sa isa’t isa, anupat tinitingnan kung sino ang makagagawa ng pinakakagitla-gitlang krimen. Karagdagan pa, ang mga krimeng dulot ng pagkapoot ay nagiging higit na karaniwan. Ang mga ito ay ginagawa taglay ang labi-labis na kalupitan sa mga taong ang tanging “kasalanan” ay naiiba ang kanilang lahi, relihiyon, o etnikong grupo—gaya ng nangyari noong 1994 nang paslangin ang humigit-kumulang 800,000 Tutsi sa Rwanda.
Ang lahat ng ito ay nag-uudyok sa marami na mag-isip: ‘Ano ba ang nangyayari? Ganito na ba talaga simula’t sapol? Ano kaya ang dahilan ng gayong kakila-kilabot na mga krimen? Anong pag-asa para mabawasan o mawala ang gayong mabalasik na mga krimen?’ Tatalakayin ng susunod na mga artikulo ang mga tanong na ito at ang iba pa.
[Blurb sa pahina 4]
Karaniwan nang ginagawa ang mararahas na krimen sa kahit na sinong biktima at nang walang maliwanag na dahilan